DERALD
Malalaki at mabibilis na hakbang ang ginagawa ko dahil gusto kong masiguro na naririto pa si Ginoong Fernando. Pagkarating ko sa training area kung saan nagsasanay ang mga mandirigma ng buong Phorian, nilapitan ko ang isang lalaki na nagpapahinga sa ilalim ng puno.
"K-Kamahalan? Ako'y nagbibigay pugay sa Prinsipe ng Phorian, kaawaan naua ako ni Mavena," magalang na bati nito.
Tumango lamang ako bilang ganti roon.
"B-Bakit ka po naririto ngayon? Ngayon po ang inyong kaarawan, kaya nararapat lamang po na naghahanda na kayo ngayon sa malaking pagtitipon mamaya," ani to. Hindi ko matandaan kung ano ang pangalan niya dahil wala ito sa orihinal na istorya.
"Nais ko kasing makausap si Ginoong Fernando. Naririto ba siya ngayon?" tanong ko. Tumayo ito tapos inakay ako patungo sa kalapit na barracks. Pagkapasok sa loob, nadatnan ko ang maraming lalaki. Naagaw ko ang kanilang atensyon at noong mapagtanto nila kung sino ako, kaagad silang nagbigay pugay.
"Anong ginagawa mo rito, Prinsipe Derald? Hindi ba't mahigpit na ipinagbabawal ng Reyna ang paggawi mo rito?" seryosong tanong ni Fernando.
Kilala siya sa pagkakaroon ng nakakatakot na titig kaya marami ang takot sa kanya. Ngunit base sa orihinal na kwento, siya ay napakabait at matulungin. Nagbuhat siya sa mahirap na bahagi ng Phorian kaya talagang mailap siya sa mga tao.
"A-Ako po sana ang pi-piliin niyo at wag si Cosmos!" utal-utal kong bulalas. Yumuko ako nang bahagya upang hindi makita kung ano ang magiging reaksyon nito. Labis ang aking pasasalamat dahil nagawa kong magpakawala ng salita sa harap niya kahit kinakabahan ako.
Saglit na binalot ng katahimikan ang loob ng barracks. Hindi kaya siya papayag? O baka naman, nakausap na niya si Reyna Ripley?
Noong dumampi ang mabigat nitong kamay sa aking kanang balikat, doon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na iangat ang aking ulo.
"Bigyan mo ako ng rason upang pumayag ako sa iyong kahilingan, Prinsipe Derald. Buo na sana ang pasya ko na huwag tanggapin ang sino man sa inyo dahil sa ipinakita sa akin ni Cosmos noong isang araw. Labis akong nawalan nang pag-asa noong biguin niya ang aking ekspektasyon. Noong malaman ko na ikaw ay nakaratay at walang malay sa iyong silid, nagpasiya ako na baka katulad ni Prinsipe Cosmos, isa ka ring lampa."
Tila nagpantig ang dalawa kong tenga noong marinig ang kanyang sinabi kaya mabilis akong nagsalita upang depensahan ang aking sarili.
"Hindi po ako katulad ni Cosmos! Gusto ko pong lumakas para maipagtanggol ang aking sarili at ang mga mahal ko sa buhay. At ako, ang susunod na Hari, hindi si Cosmos..."
Dinaganan ko ng aking kamay ang aking bibig pagkatapos ko iyong sabihin. Habang nakikipagsukatan ng titig kay Fernando, nananalangin ako na sana naman ay hindi naging negatibo sa kanya ang sinabi ko.
"Hahahahahahaha! Ganoon ba? Sige, pasado na ang iyong rason na nais mong agawin kay Cosmos ang posisyon bilang susunod na Hari. Tatanggapin kita bilang mag-aaral ko, Derald, sa isang kondisyon."
Naningkit ang mga mata ni Fernando at marahang inilapit pa ang mukha nito sa akin.
"Gagawin ko po kahit ano ang inyong kondisyon!" malakas at punong-puno ng determinasyon kong sagot. Sumilay ang ngiti sa kanyang labi na ikinagalak ko. Sana naman ay madali lang ang kanyang pabor na hihingin.
"Ipangako mo sa akin na ikaw ang magiging Hari at hindi si Cosmos kapalit ang buong suporta ko. Bilang tanda ng ating kasunduan, iaalay ko ang aking sandata sa inyo at habang buhay kang pagsisilbihan. Ayos ba iyon sa iyo, Prinsipe Derald? Ngayon, tatanggapin mo ba ang kondisyon ko o hindi?"
Dahil sa magkahalong saya at takot, hindi ko mapigilang hindi lumagok ng laway. Masaydong mabigat ang hinihingi ni Fernando. Kapag nalaman ng Hari na inalay niya ang kanyang sandata sa akin at hindi sa kanyang isang Anak, paniguradong mamamatay siya.
Pero kung gusto kong baguhin ang buhay ni Derald at isalba ang kwentong ito, kailangan kong maging matatag.
"Tinatanggap ko ang inyong kondisyon. Simula ngayon, ako, si Derald Ecstart ay nangangako na gagawin ang lahat upang maging susunod na Hari ng buong Phorian at magdadala ng tagumpay sa lahi ng Ackraemor!"
FERNANDO
"Sigurado ka ba sa iyong desisyon? Hindi ba't sobra naman ata ang pag-alay mo ng iyong sandata sa isang batang tulad niya?" tanong ni Pranses.
Nagpakawala ako ng ngisi dahil masyado siyang nababahala sa aking ipinangako kay Prinispe Derald.
"Isa na siyang ganap na binata, Pranses. Hindi mo ba nakita kung paano kumislap ang kanyang mga mata noong malaman niyang tinatanggap ko siya bilang mag-aaral ko? Sa mga sandaling iyon, naalala ko si Mavena sa kanya. Kulay asul na mga mata na katulad ng kalmadong dagat. Hindi na ako makapaghintay na makita ang potensyal sa kanya, Pranses at alam kong ikaw rin," tugon ko.
"Alam ko. Ngunit nakakalimutan mo na ba? Mainit ang dugo sa kanya ng Reyna, dahil isa siyang bastardo at malaking tinik sa pagiging Hari ni Prinsipe Cosmos! Isang himala na lang kung mabubuhay pa si Prinsipe Derald bago matapos ang taon kung saan ipapasa na ni Haring Falkor ang korona."
Saglit akong natahimik. Pinagmasdan ko ang mukha ni Pranses at bago sumagot, isang maiksing ngiti ang sumilay sa aking mukha. "Ngayon alam ko na na seryoso si Prinsipe Derald sa kanyang hangaring maagaw ang trono. Kung ano man nagpabago sa kanyang isip, iyon ang dapat kong alamin sa ngayon. Ayaw kong paghinalaan ang munting Prinsipe dahil ngayon lamang siya naglakas loob na pumunta rito at dalawin tayo. Ngunit ayaw ko namang magsisi sa huli, na ang tinanggap kong tuta ay may halimaw na hangarin sa loob."
Idinantay ni Pranses ang kanyang kamay sa aking balikat at nagpakawala nang mabigat na buntonghininga. "Dahil may tiwala ako sa iyong galing sa pagkilatis, susuportahan kita sa kagustuhan mo. Ngunit kapag ang kagandahang loob na ipinagkaloob mo sa Prinsipe ay maghahatid sa iyo sa dulo ng bangin, ako mismo ang papaslang sa kanya," banta nito bago maunang maglakad.
Habang pinagmamasdan ang likod ni Pranses, umihip ang malakas na hangin kaya naagaw ang atensyon ko't bumaling ang tingin sa kulay bughaw na kalangitan.
"Huwag kang mag-alala, Mavena. Tutuparin ko ang pangako ko sa iyo. Patuloy akong mabubuhay upang ihanda ang daan sa pagdating ng iyong anak sa mundong ito."