CHAPTER 3: THE PLAN

1155 Words
DERALD Walang mapaglagyan ang galak na nadarama ko lalo na't napapayag ko si Fernando na kunin ako bilang kanyang mag-aaral. Mananatiling lihim ang aming pagsasanay, dahil hindi ito pwedeng makarating sa Reyna. Kailangan kong maging malakas, kailangan kong malaman kung saan ko makukuha ang apat na hiyas na magiging sandata ko upang makamit ang tagumpay. Ayon sa mga weebs na nakapanayam ko tungkol sa light novel ng The forgotten, sabi nila, pagkatapos mamatay ni Derald sa kwento, hindi iyon matanggap ni Cosmos dahil isa lang ang ibig nitong sabihin, siya na ang susunod na Hari. Binigyan siya ng offer ng Reyna na kumpletuhin ang tatlong hiyas kapalit ang kasiguraduhan na hindi niya gagampanan ang nakaabang na obligasyon. Doon na nagsimula ang kanyang paglalakbay patungo sa tatlong kaharian upang makuha ang tatlong hiyas (Lithele, Krezar, at Aethaimor). Marami siyang pinagdaaanang hirap at ilang beses nang muntik mabawian ng buhay. Ngunit dahil mahal siya ng mga mambabasa at ni Takahashi Sensei, napagtagumpayan niya ang kanyang misyon. Pagkabalik niya sa Phorian at matapos na maibigay ang mga hiyas sa kanyang Inang Reyna, itinuring siyang bayani ng lahat ng mamamayan ng Phorian. Ngunit isa raw iyong pagkakamali, ayon sa kaibigan ko. Hindi na niya malaman kung ano ang kasunod noon dahil on going pa rin ang light novel ng story. Ang sabi niya lang sa akin, ang huling pahina ay naglalaman nang malaking plot twist. May haka-haka na magiging Hari pa rin si Cosmos dahil hindi tumupad sa usapan ang Reyna na gagawa ng bagong supling na papalit sana sa posisyon niya bilang sunod na Hari. At ang nakakagimbal sa lahat, mamamatay raw ito sa dulo. Well, hindi pa naman iyon tapos at puro theory lang naman ang laganap sa internet. Besides, napaka-bullsh*t naman no'n kung papatayin sa dulo ang bida, wala pang gano'n, unless otherwise, may panibagong main character na naman na durugtong sa kwento. Kung bakit ba naman kasi hindi ginawang lead character si Derald, edi sana hindi ako namomroblema kung paano ako makaka-survive sa mundong ito. "Kuya!" Natigilan ako sa pag-iisip noong marinig ang boses ni Cosmos. Maganda ang suot nitong damit at napakaaliwalas ng mukha. Ngayong nakita ko siya nang harap-harapan, tunay ngang isa siya sa mga paboritong karakter na iguhit ni Takahashi Sensei. Kung ikukumpara sa mga nauna niyang main character, lamang ang itsura ni Cosmos. "Tsssk, gwapo nga, lampa naman," bulong ko. "Hindi ka pa rin nagbibihis? Magsisimula na ang pagtitipon," nakangiting balita nito. Oo nga, nakalimutan kong kaarawan naming dalawa. Mas matanda ako ng isang taon kaysa sa kanya ngunit magkapareho kami ng araw ng kapanganakan. Hindi ko alam kung sino ang tunay na Ina ni Derald dahil sa Volume 2 pa sana iyon ipapakilala, kung kailan naman namatay na siya. "May kinausap lang kasi ako. Mauna ka na, mag-aayos lang ako saglit," sagot ko. Tumango lang ito tapos bago umalis, inabot niya sa akin ang isang kahon. "Maligayang kaarawan sa atin!" masaya niyang bati. Napakamot ako sa ulo habang pinagmamasdan ang kamay niyang nakalahad. Wag kang mahuhulog sa kabutihan niya, Derald. Tandaan mo, siya ang maghahatid ng kamalasan sa buhay mo! "Maraming salamat. Pagpasensayahan mo na, wala akong maibibigay sa iyo ngayon," nahihiya kong tugon. "Ayos lang. Sige na, mauuna na ako Kuya," sabi nito tapos umalis na. Hmmm... Gifts? Kailan nakatanggap ng regalo si Derald sa kwento? Baka nalaktawan ko lang basahin. "Kamahalan!" rinig kong tawag ni Manang Sylvestine. Liningon ko ito at nilapitan. "Kung saan-saan kita hinanap, akala ko balak mo na namang tumakas ngayong gabi! Halika na at palitan mo na 'yang suot mo. Paniguradong pagkukumpulan ka na naman ng masasamang pag-uusap kapag nahuli ka," sermon nito. Masyadong mailap si Derald Ecstart, at dahil alam niyang hindi siya tanggap, mapaloob man o labas ng Kaharian, lagi siyang tumatakas at hindi dumadalo sa kahit ano mang pagtitipon. Siguro, kaya maagang ibinigay ni Cosmos ang regalo niya ay dahil inaasahan niyang hindi ako sisipot mamaya, 'yon ang inaakala niya. Gugulatin ko silang lahat sa pagpasok ko, at sisiguraduhin kong hindi matatapos ang kasiyahang ito na hindi ako makakahanap ng mga makakampi sa unfair na mundong ito. Kung gaano naging matyaga si Takahashi Sensei sa pagligpit sa akin nang maaga, magpupursigi rin akong sirain ang plano niya. Mabubuhay ako hangga't gusto ko, at hindi niya iyon mapipigilan! COSMOS "Ina, may bumabagabag ata sa inyo. Maaari niyong sabihin sa akin kung ano iyon," usyosong tanong ko habang pinagmamasdan ang lukot nitong mukha. Humarap ito sa akin at hinawakan ang aking braso. "Cosmos, Anak. Alam mo naman kung gaano kita kamahal, di ba? Gagawin ko alam para ikaw ang maging susunod na Hari. Kung ano man ang koneksyon mo sa bastardong iyon, putulin mo na simula ngayon. Wag kang mag-alala, ako na ang gumawa ng paraan para mawala sa landas natin ang kahati mo sa atensyon ng iyong Ama. Sa ngayon, aliwin mo muna ang iyong sarili dahil ito ang araw mo. Ikaw lang ang magdiriwang sa gabing ito." Isang matamis na ngiti ang iginanti ko dahil sa makabagbag damdamin na pahayag niya. Tunay nga na isa siyang mapagkakatiwalaang basahan at hindi ko mawari kung bakit nagawa niyang traydurin ang sarili niyang Anak sa dulo. Tssss, ako ang kaisa-isang dyamante na iniingatan mo, ngunit noong magtaksil ka sa Hari at magkaroon ng bastardong anak sa iyong sariling kawal, nagpasiya ka na itapon ako na parang basahan at kinimkim ang mga hiyas na pinagpaguran kong kunin. Buti na lang at alam ko ang buong kwento dahil kung hindi baka nahulog na rin ako sa matatamis mong salita. "Masaya ako at tunay na pinagpala na ikaw ang nagi kong Ina. Wala na akong hihilingin pa sa mundo kung hindi ang makasama ka habang buhay," tugon ko. Niyakap ako nito nang mahigpit at hinagod ang aking likod. Ako naman ang makikipaglaro sa iyo, sa inyo, at sa lahat ng naririto. Kung noon, isa lamang akong mahina at nakakadiring nerd sa paningin ng lahat, ngayon, ipapakita ko kung ano ang kayang gawin ng isang bidang karakter. Masyadong ginawang baby ni Takahashi ang papel ni Cosmos kahit na malaki ang potensyal nito bilang main character. Kaya nga naniniwala ako na kaya siguro naririto ako upang linangin kung ano ang tunay niyang lakas. "Oh siya, humayo ka't maghintay ng magandang balita. Maligayang kaarawan," masaya nitong bati bago ko siya iwan. Habang binabagtas ang magarbong hagdanan, naagaw ang atensyon ng lahat. Noong una, akala ko sa akin nakatuon ang kanilang mga mata, ngunit laking gulat ko noong mapagtantong hindi iyon sa akin, kung hindi kay Derald. Ang paslit na si Derald... Anong? Imposible! Binasa ko ang bawat panel ng manga! Pati na rin ang light novel! Wala akong matandaan na dumalo si Derald sa pagtitipon dahil may ginawang patibong ang Reyna. Sa sobrang inis, tumingala ako upang tingnan si Reyna Ripley. Natawa na lang ako noong mapansin, na kahit ito ay hindi makapaniwala na ang taong binabalak niyang paslangin ngayon ay nagawang makapasok sa tarangkahan nang hindi naman siya imbitado.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD