LINGGO ng umaga ay nagsimba si Annie bago tutuloy sa city jail upang bisitahin si Jake. Kailangan pa niyang hilahin si Vladimir para makapasok ng simbahan dahil halos ayaw umapak sa entrance. Para itong bampira na takot pumasok sa simbahan. “Masusunog ako sa loob,” sabi nito. Nasa pintuan na sila ng simbahan. “Huwag ka ngang magbiro. Nasa sagradong lugar tayo, Vlad.” Pinilit pa rin niya ito. “Makasalanan ako, Annie. Baka bigla akong uusok sa loob o kaya’y sasabog,” sabi pa nito. “Tumigil ka nga! Lahat naman ng tao nagkakasala. At least magsimba ka para makahugas ng kasalanan mo.” “Hihintayin na kita sa labas.” Talagang hindi ito pumasok. “Vlad, magsisimula na ang misa. Halika na!” Pimilit pa rin niya ito at hindi nilubayan. Kalaunan ay sumama rin ito pero nakabuntot lang sa kaniya.

