Nakatayo lang ako ng tuwid habang nakatingin sa mestisahing ginang na sa tantiya ko ay nasa kaniyang late 50's na, ngunit higit paring batang tingnan sa kaniyang edad. Mababakas pa rin ang kagandahan sa makinis niyang mukha, may mangilan-ngilang wrinkles ngunit hindi pa masyadong halata. Alaga ang kutis ng ginang ng kung sino mang doktor na may kinalaman sa pagpapaganda. Mahilig din siguro itong mag-exercise, kahit kasi may edad na ay balingkinitan pa rin ang pangangatawan nito.
Ang ginang na tinutukoy ko ay si Senyora Felicia Delgado-Lorenzo, ang ina ng tahanan, isa sa mga pagsisilbihan ko sa malaking bahay na ito.
"Maria Cielo Gonzales." Binasa ni Senyora Felicia ang pangalan ko na nakasulat sa dala kong resume na inabot ko sa kaniya kanina nang dumating ako.
Tiningala niya ako nang wala siyang narinig na sagot mula sa akin. Pinasadahan ako nito ng may mapanghusgang tingin mula ulo hanggang paa. Hindi naman ako nabahala sa mga tingin na iyon ng ginang sa akin.
"Opo, ako po si Maria Cielo— Cielo na lang po ang itawag niyo sa akin, Senyora," walang gatol na wika ko.
Tumango ang ginang. "Okay, Cielo," anito.
"So, you're Henry's eldest daughter?"
"Opo," mabilis na sagot ko.
"He used to be the marketing director of our company for many years, until he decided to leave and start his own business. So, how is your father now?"
"Hindi po okay, Senyora. Nalulong po sa sugal si Papa kaya narito ako ngayon para bayaran ang mga pagkakautang niya sa inyo."
Hindi ko man alam kung gaano kalaki ang utang ng ama ko sa mga Lorenzo at kung paano makakabawas sa pagkakautang namin ang pagiging kasambahay ko sa kanila ay binalewala ko na lang ang isipin na iyon.
Hindi ko na rin ipinagtataka ang pagbabago nang ekspresyon ng mukha ni Senyora Felicia nang mabanggit ko ang ginawa ni Papa, bahagya kasing umangat ang kilay niya at nangunot ang noo. Nagulat nalang ako dahil mula sa pagkakaupo ay bigla itong tumayo.
"Okay, it's not the first time someone from your family has worked for us. You can go now. Look for Sylvia—she's the head maid. She'll tell you what to do," may pagmamadali sa tono ng boses na sabi nito na para bang gustong-gusto na akong paalisin.
"Opo. Sige po Senyora, lalabas na po ako."
Tinalikuran ko ang ginang at mabilis na naglakad para tunguhin ang pinto. Nakahawak na ako sa doorknob, pipihitin ko na sana para bumukas, kaya lang ay natigilan ako nang marinig ko ang boses ng ginang.
"One more important thing, Cielo."
Pumihit ako paharap sa ginang.
Seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa akin.
"Po? Ano po 'yon?" inosenteng tanong ko
Pinakatitigan muna ako nito ng husto bago nagsalita. "Stay away from my sons. It’s not your responsibility to serve them, so don’t go near them. Do you understand?"
Hindi agad ako nakasagot sa sinabing iyon ni Senyora Felicia. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit ipinagbabawal niya na lumapit ako sa mga anak niya?
"Naintindihan mo ba ang sinabi ko, Cielo? Kailangan ko pa bang ulitin?" Mukhang hindi nagustuhan ng ginang ang hindi ko pag-imik, nanlaki ang mga mata nito, kaya lalo akong hindi nakasagot, hindi dahil sa takot dahil wala naman ako nun. Hindi ako nakasagot dahil sa pagkalito. Sino ba namang hindi malilito, katulong ang trabaho ko sa pamamahay na ito natural lang naman na pagsilbihan ko ang mga magiging amo ko.
"Okay, fine," walang ganang pahayag ng ginang sabay buntong hininga nang malalim.
"Lumayo ka sa mga anak ko. Hindi kita ia-assign para mag silbi sa kanila kaya huwag na huwag kang lalapit sa kanila. Naiintidihan mo na ba?"
Mabilis akong tumango. "Opo, Senyora, naiintindihan ko po!" maagap na sagot ko.
Tiningnan ako nito ng may blangkong ekspresyon.
"You may go now." Pagtataboy niya sa akin habang iwinawasiwas ang mga kamay, sumisenyas na umalis na ako.
Nagmamadali na akong lumabas ng silid na 'yon at bumaba ng hagdan. Sa paanan niyon ay naghihintay sa akin ang kapwa ko katulong na si Lea. Siya ang sumalubong sa akin kanina sa may gate at nagpapasok sa akin sa loob ng bahay.
"Ano, nakausap mo ba si Senyora?" agad nitong tanong sa akin.
"Oo," sagot ko. "Mukhang galit nga, pinalabas ako agad."
"Tsh! Huwag mo nang intindihin 'yon. Ganun talaga si Senyora may pagkasuplada at pagka matapobre. Basta gawin mo lang kung ano ang trabaho mo. Hindi ka naman nila pagagalitan kung susunod ka sa mga inuutos nila," anito.
"Tama ka," sang-ayon ko.
" Teka, dalhin mo nga pala ako kay Sylvia, yung mayordoma. Sabi ni Senyora, siya raw ang magsasabi sa akin kung ano ang gagawin ko."
"Sshhh! Huwag mong tatawagin sa pangalan lang ang mayordoma natin. Madam— Madam Sylvia ang itawag mo sa kaniya. Magagalit 'yon kapag hindi mo siya tinawag na madam."
"Huh! Ganu'n ba?"
Tumango si Lea.
"O sige, dalhin mo na ako sa kaniya, para malaman ko kung ano ang gagawin ko," sabi ko.
Hay! Ganito pala kapag nangangamuhan ang dami mong dapat na pakisamahan.
"Andun siya sa garden, halika!" Hinatak ni Lea ang kamay ko at halos kaladkarin ako sa pagmamadali. Sa lawak ng bahay ng mga Lorenzo ay hindi ko na alam kung saan kami naglululusot ni Lea, may binuksan siyang pinto at paglabas namin ay nasa garden na kami.
Namangha ako sa ganda ng hardin na bumungad sa akin, ngunit hindi makikita ang pagkamangha sa blangko kong mukha.
Ang gandang pagmasdan ang makulay na paligid, nangingibabaw ang kulay na berde. Ang mga halaman ay namumulaklak. Halatang alagang-alaga ang mga ito. Hindi ako pamilyar sa mga halaman na naroon, ang tanging kilala ko lang sa mga nakita ko ay ang mga roses. Lalapit sana ako para amuyin ang mga bulaklak, kaya lang ay pinigilan ko ang aking sarili dahil naramdaman ko na may mga matang nakatingin sa akin ng masama.
"Sino 'yang kasama mo, Lea?" masungit na tanong ng babaeng tagos sa buto kung makatingin. Sigurado akong siya ang mayordoma na si Sylvia. Katulad ni Senyora Felicia ay pinasadahan din ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakataas pa ang mga kilay nito na para bang hindi nagugustuhan ang kaniyang nakikita. Hindi pa nakuntento, hinubad ang makapal na salamin at saka muli akong pinasadahan ng tingin.
Tsk! Ano ba'ng problema ng mga tao rito? Katulong ang pinapasok ko pero kung suriin nila ako ay akala mo nag-a-apply ako para maging model, wala naman kinalaman ang itsura sa trabahong pinapasok ko.
"Madam... si Cielo po, ang bago nating kasambahay. Siya ang papalit kay Iska," pagpapakilala ni Lea sa akin.
"Hmmm... Marunong ka ba sa mga gawaing bahay?" may pagdududa sa tanong nito.
"Opo, marunong po, maasahan niyo po ako pagdating sa paglilinis," mabilis na sagot ko.
Umismid si Madam Sylvia, parang hindi kumbinsido sa sinabi ko.
"Ano nga uli ang pangalan mo?" Binalingan ako ng tingin ng mayordoma.
Napatuwid ako ng tayo. "Cielo po," sagot ko.
"Malinis ka ba sa bahay, Cielo? Ang trabaho ni Iska rito ay paglilinis ng buong bahay. Iyan ang ginagawa niya sa araw-araw. Kaya mo bang gawin? Ayaw na ayaw ni Senyora Felicia na nakakakita ng kahit na konting dumi at nakakahawak ng alikabok. Dapat maging partikular ka sa mga bagay na 'yan. Kapag naglilinis kailangan ay pulido."
"O-opo, kaya ko po," mabilis ko namang sagot.
Ang totoo ay hindi ko sigurado kung kakayanin ko nga, dahil sa bahay namin ay hindi naman ako gumagawa ng mga gawaing bahay, kaya lang ay nagpanggap na lang akong alam ang mga sinasabi ko para hindi ako matanggal sa trabaho.
May pagdududa ang mga tingin ni Madam Sylvia sa akin. "Sigurado kang kaya mo ha? Iba ang paglilinis dito kaysa sa paglilinis sa bahay ninyo kaya huwag mong ikumpara."
"Alam ko naman po, Madam Sylvia," sagot ko.
Tinaasan ako nito ng kilay ngunit hindi ako natinag, tiningnan ko lang siya ng walang emosyon.
Tsk! May mali ba kasi sa sinabi ko?
"Sige, bukas ka na magsimula sa trabaho. Mukhang malayo ang binyahe mo, napaka-haggard mong tingnan." Dismayado ang itsura nito.
"Lea, samahan mo siya sa servant's quarter, ituro mo sa kaniya kung saan siya matutulog, kumuha ka na rin ng bagong uniporme sa bodega. Tatlong pares na kakasya sa kaniya. Sabihin mo na rin sa kaniya kung ano ang mga bawal at hindi bawal sa servants quarter natin."
"Sige po, Madam Sylvia," tugon ni Lea.
"Cielo, kailangan bukas nakasuot ka na ng uniform. Gusto ko maayos at presentable ang itsura mo bukas. Bawal ang dugyot sa pamamahay na ito, magagalit si Senyora Felicia. Naiintindihan mo ba?" Ako naman ang binalingan nito.
"O-opo, Madam Sylvia," mabilis na sagot ko.
Isang mapanuring tingin na naman ang ipinukol nito sa akin.
"Sige, umalis na kayo sa harapan ko."
Hinawakan ni Lea ang braso ko, nagpaalam muna kami kay Madam Sylvia bago tuluyang umalis.
Sa likod bahay ako dinala ni Lea. Naroon daw ang servant's quarter. Agad ko namang natanaw ang puting bungalow na bahay na nakahiwalay sa mansiyon.
"Iyan ang servants quarter. Lahat ng kasambahay sa mansiyon ay dyan nakatira." Itinuro ni Lea ang puting bahay.
"Halika." Hinatak ako nito papasok sa loob niyon.
Hindi ko inaasahan na bahay nga ang makikita ko sa loob. May sala at kusina, mayroon ding tatlong kuwarto.
"Sa gitna ang kuwarto mo, magkasama tayo sa kuwarto. Bukod sa atin ay may kasama pa tayong apat. Yung kabilang silid, anim din sila don. Yung unang pinto naman ay kay Madam Sylvia, solo lang siya sa kuwarto na 'yon."
Lumapit kami sa gitnang pinto at binuksan iyon ni Salve. Tumambad sa akin ang may kalakihang silid na may tatlong double deck. Kaya naman pala anim ang kasya dahil double deck ang mga higaan.
Malinis ang silid, pinturado, naka tiles ang sahig at naka aircon pa.
"Yung bag mo inilagay ko na sa itaas. Ako din diyan sa kabila nakapwesto. Sa taas tayo kasi may mga edad na ang mga kasama natin, hindi na nila kakayanin ang umakyat."
"Okay lang, mas gusto ko nga sa ganitong pwesto," sabi ko.
Nakahinga ako nang maluwag dahil maayos naman pala kahit na paano ang magiging tulugan ko ngayon. Malambot ang higaan at may kutson. Ang kagandahan pa ay solo ko ito, wala akong kahati at wala akong katabi.
"Sige, iiwan muna kita rito. Ayusin mo na ang mga gamit mo. May kani-kaniya tayong cabinet dyan, yung hindi nakasusi iyon ang sa'yo, lagyan mo na lang ng padlock, pahihiramin kita mamaya. Babalik muna ako sa trabaho. Ikaw na ang bahala rito."
"Sige Lea—salamat!"
Tumango lang ito at lumabas na ng silid. Nang maiwan akong mag-isa ay kinabisado ko muna ng tingin ang kabuuan ng kwarto. Kakaiba sa akin ang mga nangyayari na ito. Nagmamadali akong umakyat sa double deck para maging pamilyar sa bago kong higaan.
Parang paniginip lang ang lahat, kailan lang ay nabubuhay ako ng komportable sa pamamahay namin, mag-isa sa kwarto at nagagawa ang lahat ng gusto ko, ngayon ay nasa ibang bahay na ako at kailangan kong makisama sa mga taong hindi ko naman kilala.