Natigil ako sa pag-iyak nang kalasin ng dalawang lalake ang pagkakagapos ng aking kamay.
Tinulungan din nila akong bumangon, nang walang naririnig na anumang salita mula sa kanila.
Ligtas na ba ako?
Hindi naman siguro sila masama, di ba? isip-isip ko habang nakatingin sa mga baril na hawak nila.
Napatingin ako sa isang lalake na nakatayo sa hamba ng pintuan. Napasinghap ako nang magsalubong ang aming mga mata.
The guy is looking so devilishly gorgeous. Pero ang mga mata niya ay walang anumang emosyon na mababasa roon.
Nagyuko ako nang makita ko ang paggalaw ng kaniyang panga. Ngayon ko lang naalala na nakaladlad pala ang aking dibdib. Kinuha ko ang manipis na kumot at binalot ko ito sa aking katawan.
Binalik ko sa kaniya ang aking tingin at nagsalita, kahit na nanginginig pa din ang katawan ko sa labis na takot.
"Sino kayo? At bakit niyo siya pinatay? Mabuting tao ba kayo?"
Hindi man lang sumagot ang mga ito. Ang lalake ay tumalikod na at nauna ng lumabas ng silid.
Tinulak naman ng isang lalake ang aking likod —hudyat na kailangan ko na ding maglakad palabas ng silid.
Halos hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa, nang makita ko ang mga katawan na nakahandusay. Nanginginig ang aking buong katawan sa bawat hakbang na ginagawa ko.
At dahil nakapaa lang ako, naapakan ko ang mga dugo nila na umaagos sa sahig.
Tinapangan ko na lang at pinalakas ang aking loob, para hindi na naman ako mahimatay.
Sa labas ay nakahilera ang mga umiiyak na mga babae.
"Boss, maybe you want to get laid tonight?" sabi ng isang lalake, sa lalakeng may malamig na mga tingin. Ito pala ang boss. Ano sila? Isang gang din kaya?
Tumango ang lalake na tinawag nilang boss.
Ngumisi ang kaniyang mga tauhan at kaniya-kaniya ng pumili sa mga babae na nakahilera.
Ang isa sa mga lalake ay lumapit sa akin. Naalarma ako at umatras pero hinuli nito ang aking kamay.
Hinila niya ako palapit sa kaniya, pero agad din niya akong binitawan nang magsalita ang tinatawag nilang boss.
"She's mine," sabi nito gamit ang maawtoridad na boses.
Gulantang akong napatingin sa kaniya. Muling nagsalubong ang aming mga mata at hindi tulad kanina, may nakikita na akong iritasyon sa kaniyang mukha.
TINULAK ulit ako ng lalake at pinasakay sa isang itim na kotse, kung saan nakasakay din ang tinatawag nilang boss. Katabi ko siya sa passenger seat.
"Ano'ng plano mong gawin sa akin?" tanong ko sa kaniya, at nang hindi pa din siya nagsalita muli akong nagtanong.
"Pakakawalan mo ba ako pagkatapos mong magawa ang gusto mo sa akin?"
Pikit mata ko na lang na tatanggapin kung ano man ang gusto niyang gawin sa akin. Kapag nakuha na niya ang gusto niya sa aking katawan, tiyak na pakakawalan na niya ako. Tingin ko naman hindi niya ako papatayin. Dapat kanina pa niya ako pinatay.
Pinilit kong mag-isip ng positibo sa kabila ng pinagdaanan ko at sa sitwasyon na kinakaharap ko ngayon.
"Sagutin mo ako, please..."
"English only? Mukhang may lahi ka namang Pi—
"Shut up!" inis niyang singhal sa akin. Nakapikit ang kaniyang mga mata at pansin ko na hindi maayos ang kaniyang paghinga.
Napatingin ako sa kaniyang braso. Bagamat itim ang suot nitong suit ay kitang-kita ko pa din ang marka ng umaagos na dugo mula roon.
"A-Ayos ka lang ba?" tanong ko sa kaniya. Hindi ko din maunawaan ang aking sarili kung bakit ko pa tinanong ito kahit na wala naman akong pakialam sa kaniya.
Pakiramdam ko kasi, kahit paano may kabutihan pa din sa kaniya. Mabuti siya dahil niligtas niya ako sa kapahamakan kanina. Ito ang pilit kong sinisiksik sa aking isip upang palisin ang labis na takot at pangamba na aking nararamdaman.
Sinubukan kong hawakan ang kaniyang braso na may tumutulong dugo, pero hinuli niya ang aking kamay.
Mahigpit niyang hinawakan ito at pabalang na binitawan, nang mapangiwi ako dahil sa sakit.
"T-Titignan ko lang. May alam ako sa first aid."
"Don't bother," malamig niyang sambit. Bumuntong hininga ako at hindi ko na lang pinilit pa, dahil baka mamaya bigla na lang niya akong barilin.
Sinandal ko ang aking ulo sa salamain ng sasakyan at pinikit ang aking mga mata.
NAGISING ako nang huminto ang sasakyan. Sa aming harapan ay isang matayog na gate na halatang may kalumaan na. Mukhang hindi na din ito natitirhan, dahil sa mga baging na nakapulupot sa luma at kinakalawang ng bakal.
"Nasaan tayo?" tanong ko pero basta na lang itong bumaba ng sasakyan.
Pinagbuksan ako ng pintuan ng kaniyang driver at pinaunang maglakad habang nakasunod sila sa akin.
Luminga-linga ako. Tinignan ko ang ibang mga sasakyan na kasabay naming dumating.
Lumabas doon ang ilang mga kalalakihan kasama ang mga babae na nakuha nila sa casa.
Nakaakbay ang mga ito sa kanila at ang mga babae na kanina ay umiiyak ay mas mukhang kalmado na.
"Bilis!" utos ng lalake sa aking likod kaya nagpatuloy na ako sa paglalakad.
Hinatid nila ako sa kuwarto na nasa ikalawang palapag, kung saan naroon ang boss.
Pinanood ko itong maghubad ng kaniyang damit na pang-itaas. Napasinghap ako nang makita ko ang dumudugo nitong likuran. Mayroon siyang tama ng baril doon.
Kahit natatakot ako sa kaniya, dahan-dahan ko siyang nilapitan.
"Sobrang dami nang nawawala na dugo sa'yo, kailangan mong pumunta sa ospital," sabi ko sa kaniya. Wala man lang akong gaanong maaninag na emosyon sa kaniyang mukha.
Hindi man lang ba niya ininda ang tama ng baril?
"Hindi ba masakit?"
Tinalikuran niya ako at dumiretso siya sa isang pintuan. Sinara niya ito at ilang sandali pa ay narinig ko na ang lagaslas ng tubig.
Hindi ba niya iyon ikamamatay?
Bakit mo ba iyon iniisip, Candy? Ang isipin mo, kung paano ka makaalis dito. Kung saan ka pupunta kapag hinayaan ka na niyang umalis?
Sana lang hindi niya ako patayin. Magpapakabait naman ako, e.
Paglabas niya ng banyo, agad kong dinampot ang betadine at gasa na dinala kanina ng isa sa tauhan niya.
Halos hindi ako makahinga nang makita ko na nakatapis lang siya.
"A-Ah, gamutin natin iyang sugat mo," nauutal kong sabi sa kaniya.
Walang imik siyang naupo sa upuan na yari sa kahoy.
Naupo naman ako sa kaniyang tabi. Nanginginig kong hinawakan ang kaniyang braso na may sugat. Mukhang daplis lang naman pero dumudugo pa din.
Sunod ko namang sinilip ang nasa tagiliran niya. Mukhang daplis lang din 'to.
Dinampot ko ang alcohol sa aking tabi at agad kong binuhos sa kaniyang sugat.
"f**k!" malutong na mura niya.
Napangiwi naman ako at unti-unting ginapangan ng takot, nang tignan niya ako nang masama.
"I thought you knew first aid?"
Ngumiwi ako. "Alam ko nga," nakalabi ko namang sagot. Hindi ko maunawaan ang sarili ko, dahil sa totoo lang natatawa ako sa itsura niya.
Hinawi niya ako at pinaalis sa tabi niya.
Akma akong lalapit upang tulungan siya sa paglagay ng betadine nang nagbabanta niya akong tinignan.
"Don't!" inis niyang banta sa akin.