Pinanood ko siya habang ginagamot niya ang kaniyang sugat. Siya na din ang naglagay ng gauze dito. Hindi ako hinayaan na lumapit sa kaniya upang tulungan siya.
Nakatayo lang ako sa gilid at tahimik na pinapanood ang bawat galaw niya. Nang matapos siya sa ginagawa tumayo siya at kinuha ang kaniyang celphone.
"Ah, puwede ba akong humiram ng damit mo?" tanong ko sa kaniya.
Hanggang ngayon ay nakabalot pa din ng kumot ang aking katawan. Kumot na may bahid ng dugo ng matandang lalake kanina.
"Kahit tshirt lang at boxer shorts kung mayroon ka—ay!"
Napatili ako nang marinig ko ang pagsabog mula sa labas. Sunod kong narinig ay ang ilang putok ng baril. Sunod-sunod at sabay-sabay.
"Get down!" sigaw sa akin ni boss sabay hila sa akin papunta sa may pintuan.
Mabilis niyang pinulot ang baril na nakalapag sa may estante sa gilid.
"Kalaban? Kalaban ba iyon?" taranta at natatakot kong tanong.
"Shut up!" utos niya sa akin. Binuksan niya ang pintuan, sumilip ng ilang sandali at pagkatapos ay hinila ako palabas.
Nagmamadali siyang bumaba ng hagdanan habang hila pa din ang kamay ko.
Ang isang kamay niya ay nakatutok sa harapan habang ang mga mata ay salitang tumitingin sa kaniyang kaliwa at kanan.
"Teka!" sigaw ko nang kamuntik akong matumba. Pilit kong inaangat ang laylayan ng kumot na nakabalot sa aking katawan. Ngunit hindi pa din siya tumigil.
May dumating pang kalaban kaya tuluyan na akong nadapa at nagpagulong-gulong sa hagdan dahil binitawan niya ako.
Kasabay nang pagbagsak ng katawan ko sa dulo ng hagdan ay ang pagbagsak ng tatlong lalakeng armado sa sahig.
Umungol ako at dahan-dahang tumayo.
"Nabalian yata ako ng buto," nakangiwi kong sambit. Ang sakit ng likod at balakang ko.
Hindi ko pa naaayos ang sarili ko nang muli akong hilain ni boss papunta sa labas.
Nalaglag na din ng tuluyan ang kumot kaya napatili ako. Hindi ko na ito magawang pulutin pa dahil sa mga lumilipad na bala.
Nang mapansin niya ito ay hinila niya ako patungo sa kaniyang likod upang doon magkubli.
Hindi man lang siya huminto sa paglalakad, kahit na panay ang pagpapaulan ng bala ng mga kalaban.
Wala siyang takot. Para bang hindi siya takot na mamatay.
May ilang mga kalaban ang nakabulagta at naliligo na sa sariling dugo. May mga tauhan din siya na duguan ngunit humihinga pa naman at patuloy sa pagpapaputok ng baril sa mga kalaban.
"Get in!" sigaw sa akin ni boss at basta na lang niya akong tinulak sa loob ng sasakyan na huminto sa harapan namin.
"Aray!" reklamo ko nang sumubsob ako sa sahig ng sasakyan.
"Go!" sigaw niya sa driver kahit hindi pa niya naisasara ang pinto. Kababangon ko pa lang nang itulak niya ang aking ulo pababa.
Patuloy siya sa pakikipagpalitan ng putok ng baril, habang matulin na tumtakbo ng sasakyan.
Ilang beses na gumewang-gewang ang sasakyan, kaya ilang beses din akong nauntog.
"Dios ko po! Hindi ko pinangarap na mamatay sa car accident at sa tama ng bala," sambit ko habang nakatakip ako ng aking tenga, dahil nabibingi na ako sa mga putok ng baril.
Makalipas ang ilang minuto, sinara na ni boss ang pintuan ng sasakyan at maayos na naupo.
Umayos din ako ng upo pero agad ding napayuko at napatakip ng aking dibdib.
Bumuntong hininga siya at may kinuha sa likod ng upuan. Walang imik niyang inabot sa akin ang isang malaking jacket. Kinuha ko naman ito at agad sinuot.
"Saan na tayo pupunta ngayon?" tanong ko sa kaniya. Isang oras na kaming nasa biyahe pero hanggang ngayon hindi pa kami humihinto.
Mukhang nasa liblib na lugar na kami. Walang akong makita na mga kabahayan.
Hindi pa din siya nagsasalita. Kung saan-saan na kami nakarating. Paano ako babalik ng Maynila kapag pinakawalan na niya ako?
Ihahatid kaya niya ako o bibigyan ako ng pamasahe? Wala akong gamit at ni wala man lang akong kapera-pera.
Nakaramdam ako ng awa sa aking sarili.
Bumalik din sa aking alaaala ang nangyari kay Daddy kaya napaiyak na naman ako.
Siya na lang ang natitirang pamilya ko dahil kamamatay lang ni mommy sa sakit na cancer.
Hinayaan lang naman ako ni boss na umiyak. At dahil sa pagod sa pag-iyak nakatulog ako.
NAGISING ako nang huminto ang sasakyan at may marinig ako na ingay.
Napatanga ako nang makita ko sa labas ang isang helicopter.
"Sasakay tayo diyan? Saan tayo pupunta?"
Hindi niya ako sinagot. Lumabas siya ng sasakyan at pumunta sa likuran, kaya sumunod din ako sa kaniya.
May nilabas siyang bag doon. Kumuha siya ng damit at pantalon, sinuot niya ito sa aking harapan.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa habang binubutones niya ang suot niyang long sleeve polo.
Malaki ang suot kong jacket kaya naging parang bestida ko na ito.
PAGKATAPOS magdamit, nauna na siyang maglakad palapit sa chopper. Sinenyasan naman ako ng kaniyang tao na sumunod dito.