Marco's POV
Hindi niya maiwasang maawa kay Savannah nang sabihin nitong umalis na ng San Ignacio ang Mommy nito, dala pa ang kotse nito.
Anong klaseng ina ang basta na lang iiwan ang anak sa isang lugar, lalo pa't muntik na itong mapagsamantalahan. Paano pa nito nakakasiguro na ligtas nga ang anak nito.
Ganito ba kalupit ang mundo para sa isang tulad ni Savannah. Walang inang mag-aaruga. Walang magulang na masasandalan. Walang mapagkakatiwalaan sa mga taong nasa paligid.
Nakita niya ang takot kay Savannah kanina sa bahay ni Ramon. Halos manginig ang buong katawan nito. Kaya siya na ang kumausap kay Ramon para kunin ang mga gamit ni Savannah.
Wala siyang magandang narinig mula kay Ramon. Pakawala daw si Savannah. Kung kani-kanino daw pumapatol. Sabi pa ni Ramon, si Savannah daw ang umakit sa kanya, at nagkagulo lang daw sila nang mahuli sila ng Mommy ni Savannah.
Mahirap paniwalaan si Ramon. Ilang teenager na ang nagreklamo tungkol dito sa bayan nila. Marami lang itong pera kaya hindi nakukulong. Kaya hindi siya naniniwala sa mga sinasabi nito.
Isama mo pa ang halos ikamatay ni Savannah kagabi nang mailigtas niya ito.
Hindi niya lubos maisip na ang maganda at sikat na si Savannah ay puno pala ng lungkot ang buhay. Sa likod ng mga ngiti nito, may malalim na kalungkutan.
Hindi siya sanay kumilatis ng tao. Pero ang tingin niya kay Savannah, mahina ito. Nagpapanggap lang na malakas para maitago ang sakit.
Marami ring sinabi sa kanya si Hazel tungkol kay Savannah. Mga hindi maganda. Siguro dahil sa selos at galit nito.
Ayaw niya sanang makialam. Iyon nga lang, pinakiusapan siya ni Hazel na ilayo si Savannah kay Francis. Kilala niya si Francis. Babaero. Alam niyang hindi lang si Hazel ang kinatatagpo nito.
Wala rin siyang ideya kung totoo ang mga paratang ni Hazel kay Savannah. Pero dahil matalik niyang kaibigan si Hazel, pumayag na siyang ilayo si Savannah.
At nagsisimula na siyang gawin iyon nang hindi nahahalata ni Savannah.
May driver siya na pwedeng maghatid kay Savannah sa Maynila. Kaya niya itong ihatid ngayon din. Pero hindi niya ginawa. Sabi ni Hazel, nasa Maynila daw ngayon si Francis. Sa Biyernes pa ang balik nito sa San Ignacio. Kaya mas mabuti kung mananatili muna si Savannah dito.
At pumayag siya. Mananatili si Savannah sa bahay niya hanggang Biyernes.
"Nagawa mo, Marco. Salamat," sabi ni Hazel sa kanya sa tawag para kamustahin si Savannah.
"Basta Marco, 'yung bilin ko sa 'yo. Huwag na huwag kang maaakit sa makamandag na babaeng iyan. Pwede mo siyang tikman at paglaruan. Huwag ka lang mahuhulog," mahabang bilin ni Hazel sa kabilang linya.
"Oo na. Alam ko na 'yan," yamot na sagot niya at pinatay na ang tawag.
Wala naman siyang ibang maririnig kay Hazel kundi masasamang kwento tungkol kay Savannah.
Pero imbes na magalit, naaawa siya. Sa dami ng pinagdadaanan nito.
Nagpaalam siya kay Savannah na pupunta muna sa opisina. Pinagpahinga niya muna ito at pinakain. Kanina pa kasi ito hindi kumakain. Ni hindi rin lumalabas ng silid.
Hindi na siya nagulat nang makita niyang namamaga ang mga mata nito. Marahil sa kaiiyak.
Kahit gaano kasama ang isang tao, nasasaktan pa rin naman. Tulad ngayon ni Savannah.
"Magsabi ka lang sa kasambahay kung ano ang kailangan mo at gusto mong kainin. Pinagbilin na rin kita sa kanila. Kumain ka na baka bigla ka na lang mag-collapse diyan," bilin niya.
Nahihiyang tumingin sa kanya si Savannah. Nahihiya itong ipakita ang namamagang mga mata.
"Salamat, Marco. Busog pa naman ako. Hintayin na lang kitang bumalik," sagot nito.
"Ikaw ang bahala, Savannah," sabi niya at nagpaalam na aalis muna.
Kung hindi lang kailangan pumunta sa bahay ng mga magulang niya, hindi na sana siya aalis. Pero nagtawag ang Mama niya. Sa bahay daw sila magla-lunch.
Pagdating niya sa malaking mansyon ng mga Leonardo, dalawang mamahaling sasakyan ang nakaparada sa labas.
Late na naman siya. Sa kanilang tatlong magkakapatid, siya ang laging late. Siya pa naman ang panganay.
Panganay siya sa tatlong magkakapatid na Leonardo sa bayan ng San Ignacio. Kilala ang mga Leonardo bilang isa sa mayayamang pamilya sa bansa. Marami silang negosyo, sa loob at labas ng bansa.
Kilala ang Papa niya, si Mario Leonardo, bilang isang business tycoon. Kaya pati silang tatlong magkakapatid, nagsisimula na ring makilala sa larangan ng negosyo.
Silang tatlo, mga single pa. Ayaw na ayaw nilang pumasok sa relasyon. Toxic daw. Nakaka-stress.
Kaya patikim-tikim lang sila sa mga babae. Walang sineseryoso. At least wala silang sakit ng ulo.
"Kuya Marco the always late," sita sa kanya ni Marcus pagpasok niya.
Si Marcus ang sumunod sa kanya. Gwapo at mas matinik pa sa kanya pagdating sa babae.
"Sa ganito lang naman ako na-le-late. Hindi tulad mo, pati sa trabaho," ganti niya.
"Oh, Kuya Marco the king of late," biro naman ni Matteo paglingon sa kanya.
Kasing gwapo niya si Matteo. Pero mas mapili ito pagdating sa babae. Iyon nga lang, mahilig pa rin maghanap ng iba't ibang lasa.
Kapag magkakasama silang tatlo, hindi babae ang pinag-uusapan nila. Negosyo. Kung paano pa lalago ang mga negosyo nila.
Sila ang mga mayamang gustong lalo pang yumaman. Kaya marahil hanggang ngayon, wala pa ring balak mag-asawa sa kanilang tatlo.
Lalo na siya. Wala sa plano niya ang magpatali sa isang babae at bumuo ng pamilya.