Tuwang-tuwa si Kirsten dahil tumigil si Sean sa paglalakad. Napangiti siya. Hindi niya inakalang mangyayari ito; ang makita ulit ang binata na as in ngayon na. Pero agad na ipinaalala rin niya sa sarili na hindi pa niya sigurado kung ito na nga ang prince charming niya. Kaya dapat ay hinay-hinay lang siya.
"Ikaw 'yong guy sa CR ng park, hindi ba?" nananantiyang tanong niya nang makalapit siya nang husto sa likuran ni Sean.
Subalit walang tugon ang binata. Nanatili lang itong nakatayo na hindi pa rin nalingon sa kaniya.
"Hindi ba ikaw 'yon? Don't tell me hindi mo ako nakikilala?" kikibot-kibot ang labi niyang muling tanong.
Grabe! Likod palang ulam na! Yummy pala ng lalaking ‘to! Naaakit si Kirsten na haplusin ng isang palad niya ang malapad na likod ni Sean. Ang sarap sigurong yumakap doon.
"I'm sorry, but I don't remember you,” sa wakas ay sagot ng binata, pasupaldo nga lang. Humakbang na ulit ito paalis.
Ano ba 'to? May amnesia?! Himutok ni Kirsten sa loob-loob niya. "Pero ako nakikilala kita! Ikaw si Sean!" pahabol niyang sabi bago pa makalayo ang binata. "Tingnan mo 'tong puwet ko baka dito ay maalala mo ako! Tinutukan mo nga 'to ng baril, eh!" Para siyang tanga na tumalikod at kinimbot-kimbot ang puwetan.
Hindi makapaniwala ang mukhang bahagya siyang nilingon ng binata. Ngunit saglit lang 'yon dahil parang wala ulit itong humakbang paalis.
“Eh, di wow!” singhap ni Kirsten.
"Hoy!!" galit nang tawag niya rito pero parang bingi na si Sean na nagtuloy-tuloy na sa pag-alis. Lumiko ito sa kanang eskinita.
Gano'n? Dinedma ang puwet niya? Este ang beauty niya?! Nakaka-insulto, ah?!
"Sino ba 'yon?!" Medyo nagulat pa siya sa boses ni Joy. Nakalimutan niya kasi na may kasama pala siya. "Parang mamamatay tao, insan. Nakakatakot."
"Mamamatay tao agad? Agad-agad? 'Di ba pwedeng mukhang gangster lang?!" nanlalaki ang mga mata niyang reklamo sa pinsan.
"Sorry naman pero ganoon din 'yon, eh. Sino ba 'yon?"
“Siya ang aking prince charming!” Nais niyang isagot pero huwag muna, baka makontra, eh.
"Hoy, Kirsten, sino nga 'yon, huh? Bakit kung makaasta ka, eh, parang kilalang-kilala mo siya? Nagtatampo na ako sa 'yo. Naglilihim ka na sa 'kin? Akala ko ba best friend tayo? Walang lihiman, 'di ba?" parang batang maktol ni Joy.
"Ang arte mo!" napadilat na wika niya sa pinsan at natatawa. "Siya si Sean. Nakilala ko sa CR kahapon no'ng may rayot ang mga gangster doon.”
"Talaga? So, hindi lang ikaw ang nagtago sa CR? OMG, sasama mo siya?!"
Kinilig na sunod-sunod ang ginawa niyang tango.
"Ayeii! So, ano’ng nagyari? May nangyari ba? Kiniss ka ba niya? Ano'ng feeling?" sunod-sunod ding mga katanungan ni Joy.
"Kiss agad?” singhal niya sa pinsan. "Utak mo talaga bastos, ano?"
Humagikgik si Joy at nag-peace sign sa kaniya. "Nahawa lang ako sa 'yo."
Ang hindi nila alam, nasa may pader lang si Sean. Nakikinig at hindi nito namalayan na nangingiti na rin. Mayamaya lang ay inayos ang sumbrero nito at lumakad na.
Sa isip nito ay saka na muna ang babae. May mga dapat pa siyang gagawin. Mas importante kaysa sa mga babae. At iyon ay ang hanapin ang mama niya.
•••
"Ang tahimik mo 'ata, insan?" puna ni Joy kay Kirsten makalipas ang ilang araw.
Napalabi si Kirsten. Naroon sila sa mall ng pinsan para magliwaliw ulit. Kanina pa sila lakad nang lakad. Nagwi-window shopping.
"May problema?"
Tumango siya bilang tugon.
"Ano naman ang problema mo?"
Nakagat niya ang pang-ibabang labi at tumigil siya sa paglakad. "Insan, I think nahuhulog na ako."
"Nahuhulog saan?! Ayokong pang mamatay!" hestirikal agad ni Joy. Napakapit ito sa braso niya at takot na titingin-tingin sa sahig ng mall na may tiles.
Bahagyang binatukan niya ang pinsan. "Ang OA mo talaga!"
"Eh, ano ba kasi ang ibig mong sabihin?!" Naka-pout at sapo ni Joy ang binatukan niyang ulo nito.
Napabuga siya ng hangin. Ilang gabi na siyang hindi makatulog kakaisip kay Sean kung kaya't feeling na niya ay baka nahuhulog na siya sa binata. Love na niya yata si Sean kahit hindi pa niya lubusang kakilala. Love at first sight, ganoon siguro.
"Weh? Sa lalaking mukhang mamamatay tao?! Na kung maka-leather jacket, eh, parang si kontrabida sa mga action movie? Bakit ka naman sa kaniya ka pa ma-i-in love, insan? Bulag ka ba?"
"Ewan ko pero hindi talaga ako mapakali. Kailangan ko siyang makita kundi mababaliw na talaga ako."
"Desperada ka lang magka-jowa! Tumigil ka nga!"
Humaba ang nguso niya. Aaminin naman niyang desperada nga siya, oo, pero iba talaga, eh. Basta ang alam niya gusto niya ulit makita si Sean.
"Insan, kita na lang tayo sa bahay o sa bahay niyo mamaya, ha? Una na ako sa iyo.” At hindi na nga niya nakayanan pa. Nagtatakbo na siya paalis. Iniwan na niya ang kaniyang pinsan.
"Oy! Sa'n ka pupunta?!" Nadinig niyang sigaw ni Joy pero hindi na niya pinansin.
Mabilis na niyang tinakbo ang labasan ng mall at ura-uradang sumakay ng jeep. Pagdating sa lugar kung saan niya nakita si Sean noong isang araw ay napangiti siya na may kasamang kilig.
Inilibot niya ang paningin sa lugar. Ganoon pa rin na maraming tambay.
Sa may tindahan siya nagtanong. "Ate, may kilala po kayong Sean?"
Nag-isip ang tindera habang binibigay ng sukli ng isang lalaking bumili. At napatingin ang lalaking 'yon sa kaniya na napakunot-noo. Hindi lang niya binigyang pansin kunwari.
"Mayron, pero doon sa kabilang kanto pa siya kung 'yong Sean na kilala ko ang hinahanap mo," pagkuwa'y sagot ng tindera sabay turo sa banda ng sinasabi.
"Saan po? Doon po?" Turo rin niya sa bandang tinuro ng tindera upang makasiguro.
"Oo."
"Sige po. Salamat po," abo't hanggang taingang pasalamat ni Kirsten bago niya inumpisang lakarin ang tinuro ng tindera.
Hindi niya napapansin ang sikuan ng isang grupong nakaupo sa isang tabi habang sunod na nakatingin sa kaniya.
"Chicks, oh. Ang ganda,” bulong ng isang lalaki sa halatang pinuno ng grupo.
Maangas na humihit ng sigarilyo ang lalaki pagkuwa'y itinapon na lang kung saan ang upos ng sigarilyo nang ito’y tumayo. Ngingisi-ngising sinundan na si Kirsten. Excited na sinundan ito ng tatlong lalaking kasama nito.
"Miss, may hinahanap ka?"
Maang na napatigil sa paglakad at napalingon si Kirsten sa nagsalita. "Ah, opo," magalang niyang sagot sa lalaking nagtanong kahit alam niyang parang ka-edad lang naman niya ito.
"Sino, Miss? Baka matulungan ka namin?" nagbabait-baitang tanong ulit ng lalaki sa kaniya.
Ang lalaking kanina na bumibili sa tindahan ay kumaripas ng takbo. Hingal na hingal itong narating ang isang iskinita at pumasok sa isang bahay roon.
"Oh, Teddy? Bakit parang may humahabol sa 'yo?" nagtakang tanong ni Gani rito. Isa sa mga kalaro ngayon ni Sean sa baraha.
"Baka may nabuntis na naman," nakatawang wika ni Romeo. Isa pang kalaro nila sa baraha.
Habang si Sean ay tahimik lang sa pagbabalasa ng mga baraha nito.
"Bossing, may naghahanap sa 'yong babae sa may kanto,” balita agad ni Teddy nang makalapit ito kay Sean.
"Sino?" kaswal na tanong ni Sean sabay baba ng isang baraha. Isang pagkakamali lang ni Gani ay tong-its na siya.
Napakamot-batok si Teddy. “Hindi ko kilala, bossing, eh. Narinig ko lang na tinatanong niya ang pangalan mo tapos 'yon nakita ko na lang na nilapitan siya nina Boy Tigas."
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Sean. Ang grupo ni Boy Tigas ay isa sa mga hindi nila kasundo na grupo sa lugar. "Ano'ng hitsura ng babae?"
"Maganda. Maputi. Sexy. Mahaba ang buhok na alon-alon,” pagsasalarawan ni Teddy sa babae.
Naningkit ang mga mata ni Sean. Nakita niya ang larawan ng babae sa CR sa isipan niya. Tugmang-tugma kasi sa mga sinabi ni Teddy. Pagkuwa'y naalarma na siya.
Pabiglang napatayo si Sean at mabilis na kinuha ang itim na jacket at sumbrero saka nagmadaling lumabas sa bahay na lungga ng grupo nila. Kahit hindi niya sinabi ay nagsunuran sina Teddy, Gani at Romeo sa kaniya.
"Doon, bossing!" Turo ni Teddy sa kinaroroonan ng babae.
Napailing si Sean nang makita nga niya roon ang babae sa CR. “What the hell she's doing here?!" ngitngit niyang usal sa sarili.
"Sean? Sinong Sean ang hinahanap mo, Miss?" tanong ni Boy Tigas kay Kirsten.
"Hindi ko alam ang apilyedo niya, eh, pero kapag nakita ko po siya ay makikilala ko siya. Siya ang prince charming ko, eh,” parang kakilala na niya ang kausap na sagot ni Kirsten.
"Boss, syota yata ‘yan ni Sean Pogi,” bulong ng isang lalaki kay Boy Tigas.
Napangisi si Boy Tigas. "Tingnan mo nga naman ang swerte kung gano’n. Makakaganti na rin ako sa mayabang na iyo," tapos ay sambit nito na tiningnan pababa at pataas ang dalaga.
Si Sean na nasa di-kalayuan at hindi pa napapansin ang prisensya ay lalong naningkit ang mga mata. Nanlilisik na ang kaniyang mga mata habang nakapamulsa.
Wala talagang sinasanto ang Boy Tigas na 'to. Tsk!
Nakaramdam na rin ng panganib si Kirsten. Ang tingin niya na ngayon sa mga kausap ay parang mga demonyo dahil kung makatingin na sa kaniya ang mga ito ngayon ay parang hinuhubaran siya na ewan. Napaatras siya pero lumapit pa rin sa kaniya si Boy Tigas na may nakakalukong ngiti.
"Huwag kang lalapit! Hindi kita papatulan dahil may boyfriend na ako! Girlfriend ako ni Sean! Isusumbong kita kay Sean!" akas-loob na banta niya.
Nag-iba ang hitsura ni Sean sa sinabing iyon ng babae. Ano raw?!
Humalakhak naman si Boy Tigas. Pero natigil ang paghalakhak nito nang biglang may sumuntok sa mukha nito. Sumubsob si Boy Tigas sa eskinita. Inalalayan agad ito ng mga kasama.
"Umalis na kayo rito kung ayaw niyong masaktan! Get off!" banta ni Sean na may kagagawan niyon.
Palibhasa ay kilala si Sean na gangster at kinakatakutan sa lugar ay nagsitakbuhan na ang mga ito.
Nanlaki ang mga mata ni Kirsten hindi dahil sa sumubsob si Boy Tigas sa eskinita at parang batang nagsisitakbo ang grupo nito sa takot, kundi dahil nakita niya ulit si Sean na siyang maangas na sumuntok kay Boy Tigas. Ang astig ng kaniyang prince charming!
"Oh, my hero!" sambit niya na parang wala sa sarili sa sobrang kasiyahan. No doubt, si Sean na nga talaga ang prince charming niya.
Ang sama naman ng tingin ni Sean sa kaniya. "Alam mo bang namamatay lahat ng babaeng nagsasabing girlfriend ko!" at madiin nitong sabi.
Napalunok siya. "Weh?! Di nga?"
"'Yong una ni-r**e. 'Yung pangalawa binaril. 'Yung isa ibinigti. Gusto mo bang sumunod sa kanila?" seryosong saad pa ni Sean.
"Grabe naman!" Hindi siya naniniwala.
"I'm damn serious, woman! So, if I were you, I would never dare to say again that you're my girlfriend, or else you're going to die! Umalis ka na rito!" Pagkasabi niyon ay humakbang na paalis ang binata. Nangingiting sumunod dito ang tatlong kasama.
Etchuserong frog na Sean! Hindi nga lang naniwala si Kirsten. Patakbo niyang hinabol ang mga binata. Nagulat pa si Sean dahil kinawit niya ang isang kamay niya sa isang braso nito.
“What the—” hindi tuloy ito makapaniwala na sambit.