"Nasaan si Basilio? Kailangan na nating umuwi," wika ni Don Dante na kakalapit lamang sa kanyang asawa. Imbes na sagutin ni Donya Eutequia ang katanungan nito, binato niya rin ito ng tanong. "Saan ka ba nagpunta? Kanina ka pa wala." Kinagat ni Don Dante ang kanyang ibabang labi, iniwas ang tingin sa kanyang asawa. "Wala, may kinausap lamang akong kakilala. Ako na ang maghahanap kay Basilio, mauna ka na sa sasakyan." "Pero bakit tayo aalis kaagad? Hindi pa naman tapos ang pagdiriwang at saka--" "Aalis na tayo, Eutequia at iyon ay isang utos, maliwanag? Humayo ka na't mauna, ako na ang hahagilap sa ating anak." Tanging pagpakawala ng mabigat na buntonghininga ang nagawa ni Donya Eutequia. Matapos siyang talikuran ni Don Dante, mabigat niyang hinila ang mga paa upang lisanin ang lugar.