KAPITOLO 3: LAGOK

1234 Words
Malapit nang umuwi ang araw patungong kanluran. Ang mga paslit ay malungkot na iwinagayway ang kanilang kamay habang tinatahak ang magkabilang daan. Ang isa ay patungo sa karangyaan habang ang isa naman ay lalakbayin ang malubak na landas. Magkahalong saya at takot ang nadarama ni Aquilina habang maingat na binabaybay ang tuyong lupa pabalik sa kanyang paaralan. Ito ang unang beses na magkaroon ng kaibigan ang bata. Kahit na ang kaniyang kaalaman ay hindi pa gano'n kalawak kumpara sa mga kasama niya sa kanilang bahay, mulat siya sa antas ng pamumuhay na kinalalagyan niya't gaano kalayo ang agwat niya sa iba. "Magkita tayong muli, Edgardo!" malakas na wika ni Aquilina. Nasa ibaba na siya ng burol habang ang batang marungis ay nasa tuktok pa rin, iwinawagayway ang kamay at waring hinihintay na tuluyang makalayo ang bago niyang kaibigan. "Makakaasa ka, Senyorita! Hihintayin kitang muli rito!" sabik na sagot ni Edgardo. Dahil sa mga salitang iyon, napawi ang pag-aalinlangan ni Aquilina. Alam niyang hindi siya maaaring lumapit sa katulad ni Edgardo at mas lalong makipagpalitan ng relasyon bilang magkaibigan. Ngunit hindi na niya ito inaalala dahil buo na ang kanyang desisyon na itago sa mga magulang ang masayang karanasan na kanyang napulot ngayon. Ipinagpatuloy na niya ang paglalakad. Mabagsik ang mga paa ni Aquilina dahil siya'y nababahala na baka naroroon na ang kanyang sundo. Hindi na niya namalayan ang mabilis na pagtakbo ng oras kanina dahil marami silang napagkwentuhan ni Edgardo. Lubha mang delikado ang kanyang ginawang pagtakas sa klase ngayong araw, walang pagsisisi sa puso ni Aquilina. Imbes, siya'y sabik na sumapit na muli ang bagong araw at makipagpalitan ng kapanapanabik na kwento sa bago niyang kaibigan. Tumakbo siya hanggang sa marating ang maputing kalsada. Maligalig na sinipat niya kaliwa't kanan, tinitingnan kung mahahagip ba siya ng kalesang papalapit sa kanya kung siya ay kikilos na kaagad. Noong mapagtanto niyang malayo-layo pa naman ito't mabagal lamang ang paglalakad ng kabayo, tumakbo siya patungo sa kabilang dako. Kumalabog nang mabilis ang kanyang dibdib, namukhaan niya kasi ang sasakyan na nakaparada sa labas ng paaralan na kanyang pinapasukan. Mabilis siyang lumapit roon at kinatok ang bintana. Pagkabukas ng salamin, tumambad sa kanya ang kanyang Ina na walang reaksyon ang mukha. "Pumasok ka nang madali, Aquilina. At tayo'y maraming pag-uusapan pagbalik sa bahay," banayad ngunit mariing wika ni Donya Salume. Takot na sumunod ang bata. Alam niya na hindi maganda ang timpla ng kalooban ng kanyang Ina, ngunit ipinagsasa-Diyos niyang dahil lang ito sa nangyaring away nila ni Criscentia at hindi dahil natiktikan siya't nalaman ang ginawang pakikipagkaibigan sa isang anak ng magtatabas ng tubo. Dahan-dahan niyang isinara ang sasakyan. Katabi niya ang kanyang Yaya. Isiniksik niya ang kanyang sarili roon dahil sa takot. Inakay nito ang kanyang ulo at inihilig sa gilid ng kanyang dibdib, waring naririnig nito ang kaba na sumisigaw sa katawan niya. Gusto niya sanang itanong sa kanyang Yaya kung bakit masama ang loob ng kanyang Ina ngunit tila naputol ang kanyang dila, umurong ang mga salita't nagtipon-tipon sa ilalim ng kanyang dila. Walang maririnig na ingay sa loob ng sasakyan hangga't sa makarating sila sa malaking mansyon. "Pumunta ka kaagad sa aking silid, Aquilina. At wag mo siyang sasamahan, Badeth, maliwanag?" babala ni Donya Salume bago bumaba ng sasakyan. Noong sila na lamang ang nasa loob, doon na nagpakawala ng luha ang paslit. "Nanay Badeth. Ako ba'y pagagalitan ni Ina?" tanong ni Aquilina. Hinawakan ni Badeth sa magkabilang pisngi ang bata para kumalma. "H-Hindi, Senyorita. Paniguradong may sasabihin lamang sa iyo ang inyong Ina kaya wala kang dapat na ikatakot. Nalaman niya lamang kanina ang nangyari sa inyo ni Senyorita Criscentia at labis siyang nag-alala sa iyong kalagayan. Noong malaman niyang hindi ka pumasok sa iyong klase, hindi siya umalis sa loob ng sasakyan at naghintay hangga't sa ikaw ay bumalik sa paaaralan," mahaba nitong paliwanag kay Aquilina. "Oh, siya. Magmadali ka na dahi inaasahan ng inyong Ina na ikaw ay kakaripas ng takbo patungo sa kanyang silid. Hala! Lumabas ka na sa sasakyan," bugaw nitp sa bata. Kahit nababalot pa rin ng kaba ang dibdib ni Aquilina, sinunod niya ang sinabi ng kanyang Yaya. Naniniwala siya na siya'y makakarinig lamang ng payo at hindi makakatanggap ng sermon. Pagkababa niya ng sasakyan, naglakad kaagad siya papasok sa malaking bahay. Hindi na siya nagtungo sa kanyang silid upang magpalit ng damit o ibaba man lang ang kanyang gamit dahil tinungo na niya kaagad ang silid ng kanyang Ina. Nakabukas ang pinto at nadatna niyang naghihintay sa loob ang kanyang Ina. Kumatok pa rin siya, tanda ng pagbibigay galang. Noong makita siya nito, sinenyasan siyang pumasok kaagad. "Isara mo nang mainam ang pinto, Aquilina," wika ni Donya Salume. AQUILINA Pakiramdam ko, lalamunin ako ng mga mata ni Ina. Natatakot ako. Ito ang unang beses na ipinatawag niya ako sa kanyang silid. Hindi naman ito ang unang beses na napasok ako sa isang pagtatalo, lalo na kay Criscentia dahil noon pa man talagang mainit na ang dugo sa akin ng babaeng iyon. "Aquilina, tama ba ang narinig ko mula sa iyong guro? Itinulak mo raw si Criscentia kaya tumama ang ulo nito sa bato?" Mahinahon ang boses ni Ina ngunit mas lalo lamang akong natakot dahil doon. "T-totoo po iyon, Ina, ngunit hindi ko naman po sinasadya ang nangyari! Nais ko lamang pong tulungan si Mildred dahil siya'y inaapi nina Criscentia, at saka, sinabi niya po kasing ako'y anak ng mamamatay tao kaya hindi ko na po napiligan ang sarili ko't gantihan ang kasamaan niya," paliwanag ko. Inaasahan ko na maiintindihan ni Ina ang aking sinabi't maaabswelto ako sa kanyang galit, kung siya man ay nakakaramdam niyon. Ilang beses na umiling ang kanyang ulo, mariing ipinikit ang mata bago lumuhod sa aking harap at idantay ang magkabilang kamay sa aking balikat. "Alam kong hindi ka gagawa ng gano'n nang walang mabigat na dahilan, Anak. At isa pa, alam ko ang ugali ng batang iyon. Ako'y-Ako'y labis lamang na nag-alala sa iyo noong hindi kita nadatnan sa iyong silid kanina. Ibinalita pa sa akin ng iyong guro na ikaw raw ay tumakas! Alam mo bang labis mo akong pinakaba? 'Yong tungkol doon kay Criscentia, wag mo nang intindihin iyon, dahil hindi ako pumayag na ipaghihingi ka ng tawad sa mababang babae na iyon. HIndi mo kasalanan ang nangyari sa kanya, maliwanag? Iyon lamang ay kabayaran sa kanyang kasakiman. Hangga't nabubuhay ako, at ang iyong Ama, walang sinuman ang makakapagpayuko sa iyo, naiintindihan mo ba, Aquilina?" Nanginginig ang aking mga labi noong marinig ang mahabang lintana ni Ina. Kaagad ko siyang niyakap at lumuha nang tuluyan. Ninamnam ko nang mainam ang hagod ng kanyang palad sa aking likod. Ako'y labis na nagpapasalamat sa Panginoon na ako'y kanyang binigyan ng ganitong klaseng mga magulang, ngunit... "Ina. Ako'y--Ako'y may nais na aminin sa inyo," lakas loob kong wika. Pagkatapos kong malaman na hindi galit sa akin ang aking Ina, nagkaroon ako ng pag-asa na baka'y maintindihan niya kapag sinabi ko ang tungkol kay Edgardo. "Ano iyon, Anak?" tanong niya. Saglit akong tumigil, pinakiramdaman ko muna ang ngiti sa kanyang mukha kung ito ba ay maglalaho kapag sinabi ko sa kanya ang katotohanan kung saan ako nagpunta? O, mananatili iyon kahit na marinig niya ang lahat. "Aquilina?" tanong nitong muli. Takot akong umiling... "Wa-wala po. Nais ko lamang sabihin sa inyo na mahal na mahal ko kayo ni Ama. At nagpapasalamat ako nang lubos na kayo ang aking mga magulang."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD