KAPITOLO 2.5

1297 Words
"Oh siya, Aquilina. Ikaw ay mag-iingat at magpapakabait, hah? Tandaan mo lagi---" "Ang Pamilya Rimas ay mga dedikado, at edukadong tao," sabay na bitaw ng mag-ina. Sa huling pagkakataon ay niyakap ni Donya Salume ang kan'yang anak bago ito bumalik sa sasakyan. Gamit ang mga mata, inihinatid ni Aquilina ang kanilang kotse hanggang sa mawala ito sa kaniyang paningin. Masayang naglakad ang bata patungo sa malaking pinto, ngunit hindi pa man siya tuluyang nakakalapit doon ay may narinig siyang sigaw. Dali-dali siyang tumakbo at hinanap kung saan ito nanggagaling at laking gulat niya noong makita ang kamag-aral nitong si Crescentia at ilan pang mga bata na pinagtutulungan ang kawawang si Mildred. "Magsitigil kayo!" bulalas ni Aquilina na hindi nagdalawang-isip na umawat sa mga ito. "Owww, look who's here? Ang bida-bidang si Aquilina Rimas!" bulalas ni Crescentia Alvarado. Gaya ni Aquilina, siya ay unica ija rin at ang kan'yang ama ay walang iba kung hindi si Don Crisanto, na nagmamay-ari rin ng ilang mga haciendas sa kabilang Barrio. "Anong ginagawa mo, Crescentia? Hindi ka ba nahahabag kay Mildred? Siya ay mag-isa lamang samantalang apat kayo," puna ni Aquilina. "Ano naman sa iyo? Ang pamilya ko ang nagpapalamon sa pulubing iyan at dahil din sa pamilya ko kaya 'yan nakakapag-aral dito. Kaya kahit ano ay pwede kong gawin sa kaniya!" Tinulungang itayo ni Aquilina si Mildred na ngayon ay marungis na ang uniporme dahil sa duming dumikit doon. Kunot ang noo, hindi nagpatalo si Aquilina sa mga salitang binitiwan ni Crescentia. "Kahit na! Mali pa rin ang ginawa mo! Hindi naman ikaw ang nagpapakain sa kan'ya kun’di ang iyong Ama, kaya wala kang karapatan para saktan si Mildred!" Nagbulong-bulungan ang mga kasamahan ni Crescentia, tila ang mga ito ay sumasang-ayon sa sinabi ni Aquilina. Hindi naman ito nagustuhan ng mayabang na bata kaya dali-daling nitong itinulak si Aqulina. "At anong karapatan mo para sabihin iyan sa akin? Napakatalas ng dila mo upang punain ang kamalian ko't umaktong malinis, eh samantalang ikaw, isa kang anak ng mamamatay-tao!" "Anong sinabi mo? Bawiin mo iyon, Crescentia!" puno ng galit na bulalas ni Aquilina. "Hah? Bingi ka ba at hindi mo narinig ang aking tinuran? Anak ka ng mamamatay-tao! Kaya kayo nasa iitaas dahil maraming pinatay ang mga magulang mo!" Hindi na nakapagtimpi pa si Aquilina at malakas ring itinulak si Cresentia dahilan upang mawalan ito ng balanse't matumba sa lupa. Sa kasamaang palad, tumama ang ulo nito sa batong nakausli kaya ngayon ay nagsimula nang umagos ang dugo sa lupa. Natakot ang ibang mga bata pati na rin si Aquilina dahil sa nakakapangilabot na tanawin. Hindi niya maialis ang kan'yang paningin sa walang malay na si Crescentia. Nagsimulang magsisisigaw ang iba pang bata na nakasaksi sa away na nagresulta sa paglapit ng isang Guro. "Diyos ko po! Anong nangyari kay Senyorita Crescentia?!" tarantang tanong ng Guro sa isang mag-aaral na lumuluha. Nanginginig nitong itinuro si Aquilina na namumutla na sa sobrang kaba. "Itinulak po siya ni Aquilina!" sumbong ng bata. Hindi makapaniwala ang Guro sa narinig at pinagsabihan ang mga ito na bumalik na sa loob. Maingat nitong kinarga ang katawan ni Crescentia, ngunit bago ito umalis ay may iniwan itong babala sa kaawa-awang Aquilina. "Malalaman ito ng iyong mga magulang!" bulalas nito. Naiwang mag-isa si Aquilina habang nakatingin pa rin sa pinagbagsakan ni Crescentia. Napuno ng takot ang kaniyang utak at nagsimula na ring umiyak. Nagtatatakbo ito palabas ng paaralan. Ipinaubaya na lang niya sa kan'yang mga paa kung saan siya dalhin nito at natigilan lamang siya noong makakita ng malaking puno ng manga. Ang kalmadong hangin na dumuduyan ang siyang unti-unting nagpakalma kay Aquilina. Pagod nitong ibinaba ang kan'yang mga gamit at nagpasya na lang na mag-isang mag-aaral gamit ang mga librong kan'yang dala. Sinimulan niya iyon sa pagbabasa ng wikang espanyol.  Matagal na niyang nais na maging mahusay sa lengguwaheng iyon upang sa madaling panahon ay makasama siya sa mga pagtitipon na pinupuntahan ng kaniyang mga magulang. Alam niya kasing marami itong mga kaibigang taga Espanya na nalalagi dito sa Pilipinas. "Como estas? Como estas? How are you." Paulit-ulit niyang sinasambit ang isang salitang espanyol hanggang sa matandaan ito ng kan'yang utak at makabisa ng kan'yang dila. Makalipas ang ilang minutong pagbabasaha, nakaramdam ng antok si Aquilina. Napagpasyahan niyang itabi ang librong binabasa at mahiga muna sa damuhan. Hindi niya alintana kung marurumihan ang kan'yang uniporme dahil hindi naman na siya papasok sa paaralan ngayong araw. Hihintayin niya na lang na lumipas ang oras hanggang sa sumapit ang hapon. Sa hindi kalayuan, may isang batang lalaki ang matiyagang naglalakad sa initan upang marating ang malaking puno ng mangga. Dala-dala ang isang supot na naglalaman ng bagay na nakabalot sa saging, masaya itong tumataghoy habang naglalakad. Laking gulat niya noong madatnan ang natutulog na batang babae. Ito ang unang beses na may naabutan siyang nilalang sa kaniyang pwesto. Takot at nag-aalinlangan, kinalabit niya ang binti ng bata at nagtago sa katawan ng puno. "Psst, gising," tawag nito. Ilang ulit niya itong ginawa hanggang sa maalimpungatan ang pagod na bata. Dahil hindi sanay si Aquilina na makakita ng batang lalaki, napaatras ito hanggang sa sumayad ang kan'yang likod sa katawan ng puno. "Sino ka?" takot nitong tanong. "Ako si Edgardo. Ikaw? Anong pangalan mo? Bakit ka natutulog dito sa tambayan ko?" tanong pabalik ni Edgardo. "Ang pangalan ko ay Aquilina. Pasensya ka na dahil hindi ko alam na itong lugar na ito ay pagmamay-ari mo." Natawa ang batang lalaki sa tinuran ni Aquilina. "Nagkakamali ka, hindi ko ito pagmamay-ari. Dito lamang ako nalalagi kapag kakain ng pananghalian. Nga pala, baka ikaw ay nagugutom na, may dala akong pagkain dito, kanin at tuyo," alok ni Edgardo. Naguguluhang pinagmasdan ni Aquilina ang laman ng supot na dala nito. At noong makita niya kung ano ito, namangha siya nang lubos. "Ngayon lamang ako nakakita ng ganiyang baunan! Hindi ko alam na maaaring gamitin ang dahon ng saging para maging alternatibong plato!" bulalas nito. Napakamot sa ulo si Edgardo at sinipat ang suot na damit ni Aquilina. Doon niya lamang napagtanto na ang batang kaharap niya ay hindi niya katulad. "Ito ang baon ko. May kanin din ako at ang ulam ko ay adobong manok. Maaari kang kumuha sa aking pagkain, ngunit ang kapalit noon ay ang isang piraso nitong tuyo," masayang ani Aquilina. "Sigurado ka ba? Napakasarap ng iyong ulam kumpara sa akin. Hindi ako nagkakamali, ikaw ay anak mayaman." "Ano naman kung tama ang iyong tinuran? Nais kong matikman ang bagay na ito dahil ngayon ko lamang ito nakita." Sinubukang kainin ni Aquilina ang inihaw na tuyo at labis siyang napaitan dito. "Sabi ko na eh, hindi mo magugustuhan ang lasa. Iba talaga kapag mayaman." Nainis si Aquilina sa tinuran ni Edgardo. Ayaw na ayaw kasi nito na marinig ang tungkol sa estado niya. "Akin na, hindi mo na 'yan kakainin 'di ba?" tanong ni Edgardo, tapos tinangkang kunin ang tuyo na hawak ni Aquilina. "At sinong nagsabi na ayaw ko? Gusto ko ang lasa nito, sadyang nagulat lang ako. Nga pala, bakit marungis ang iyong damit? Pati ang iyong kamay? Alam mo bang maaaring sumakit ang iyong tiyan kapag nahalo ang dumi sa iyong pagkain? Pero huwag kang mag-alala, mayroon akong dalang tubig upang mahugasan ang iyong kamay." Saglit na ibinaba ni Aquilina ang hawak nitong tuyo sa kan'yang baunan at kinuha ang lalagyan ng tubig sa loob ng kan'yang bag. "Eto. Sa susunod, wag na wag kang kakain kapag hindi malinis ang iyong kamay ha? Kumuha ka ng ulam kong adobo tapos kumain na tayo," sabi nito at inalok niya si Edgardo ng kaniyang ulam. Nahihiya man noong una, nakampante si Edgardo na hindi katulad ng ibang mayaman si Aquilina. Kaya naman habang sumasayaw ang hangin sa mainit na panahon, masaya silang nagsalo sa ilalim ng puno ng manga.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD