KAPITOLO 2: LAGOT, BAGOT

1164 Words
AQUILINA   "Oh, bakit naman ganiyan ang iyong mukha? Aming munting Prinsesa?" tanong ni Nanay Badeth. Kasalukuyan siyang naririto sa aking silid dahil oras na upang matulog. "Nanay Badeth, nais ko pong ihatid ako ni Ina sa paaralan. Iyong ibang mga bata na katulad ko ay masaya laging pumapasok dahil sila ay hatid-sundo ng kanilang Ama o Ina," ani ko. Hinaplos ni Nanay Badeth ang aking buhok tapos maingat na inihiga ang aking katawan sa malambot na kama. "Ayaw mo ba na ako ang naghahatid sa iyo? Ikalulungkot ko iyon, Senyorita.", "Hindi po sa ganoon, Nanay Badeth. Ako lamang ay nakararamam ng panibugho sa ibang mga bata. Nais ko ring maihatid ng aking mga magulang sa paaralan dahil iyon ang normal," mabilis kong tugon.  Kumurap ng ilang beses ang aking Yaya, at hindi na pinatulan pa ang aking tinuran. "Oh, siya. Susubukan kong ipaalam kay Donya Salume ang iyong nais. Kung gusto mong matupad ang iyong hiling, ipanalangin mo iyon ngayong gabi." Mabilis akong tumango at nagsimula nang manalangin.  "Mahabaging Diyos na nasa itaas, ako po ay nagpapakumbabang lumalapit sa inyo. Nawa'y dinggin niyo po ang aking hiling. Ang isang katulad ko ay nais lamang maranasan na magkaroon ng normal na buhay ngunit ako ay natatakot dahil baka ako ay maging isang ingratang bata dahil nagnanais ako nang labis. Kung inyo po sanang diringgin at pahihintulutan ang panalangin ng isang katulad ko, ako ay labis na nagpapasalamat ngayon pa lamang. At kung hindi niyo man po ito pahintulutan, ako pa rin po ay patuloy na magpapasalamat. Bantayan niyo po nawa ang aking Ama na nasa malayo, ang aking Ina na kasalukuyang nagpapahinga na sa kaniyang silid. Si Nanay Badeth at ang pamilya nito, pati na rin si Lolo Patricio. Huwag niyo rin po sanang hayaang dapuan ng karamdaman ang dalawa kong alagang aso na sina Nana at Patis dahil sila po ay mahalaga sa akin. Ang lahat po ng nagta-trabaho sa aming hacienda ay ingatan niyo rin po. Ito po ang aking ipinapalangin, sa dakilang pangalan ni Hesus, Amen." "Amen," masayanang ani Nanay Badeth. "Ipikit mo na ang iyong mata, Senyorita. Ang iyong hiling ay diringgin dahil ikaw ay napakabait na bata,"dugtong pa nito. Ngumiti ako sa kaniya at bumulong na sana nga ay mangyari iyon. Sa pagsara ng dalawang talukap ng aking mata, hinaplos ako ng magandang tinig mula sa malaanghel na tinig ni Nanay Badeth. "Tulog na, munting Aquilina. Ikaw ang tala naming galing sa langit na nahulog sa lupa. Tulog na aming munting Prinsesa, bukas ay panibagong araw na puno ng saya."   Ang oras ay mabilis na lumipas, sisikat na naman si haring araw sa itaas. Ang kahilingan ng munting Prinsesa ay nakarating sa tarangkahan ng langit, ngunit pagbibigyan kaya ni Bathala ang bulilit?   Maingat na iminulat ni Aquilina ang kan'yang mga mata. Sabik itong bumangon at nagtungo sa kubeta. Binuksan ang gripo at masayang pinagmasdan ang malayang pag-agos ng malamig na tubig sa kaniyang munting kamay bago ito idinampi sa kan'yang pagod na balat. "Aquilina? Nasaan ka?" tawag ng kaniyang Nanay Badeth habang tangan-tangan ang puting tuwalya't uniporme nitong nakasabit sa kahoy na sabitan. "Naririto po ako!" maligalig na tugon ng bata. Nagmadaling tinungo ni Badeth ang kubeta at nakita ang alaga nito na kakatapos lang maghilamos. "Oh, siya, ikaw ay magmadali at naroroon na ang iyong Ama't Ina sa hapagkainan. Wag mong kalimutan na ipaalam sa kanila ang iyong kahilingan," ani 'to. Hindi makapaniwala si Aquilina, na sa wakas dumating na ang kan'yang Ama. Sabik nitong tinungo ang kan'yang personal na baul kung saan niya itinago ang panyo na nais niyang ibigay rito. "Ano ang bilin ko? Huwag kang tatakbo nang tatakbo at baka ikaw ay madulas. Bagong lampaso pa naman ang sahig, ikaw ay mag hunos-dili," babala ni Badeth. "Opo," maligalig na tugon ni Aquilina habang binabagtas ang pasilyo patungo sa kusina. "Ama! Ina!" tawag nito. Nadatnan niyang masayang nagkwe-kwentuhan ang dalawa habang kumakain. Dali-dali siyang lumapit dito at umupo sa katabing silya ng kan'yang Ina. "Ano iyang hawak mo, Anak?" puno ng pagtatakang tanong ni Donya Salume. "Ito po ay nais kong ibigay sa iyo, Ama. Pinaghirapan ko pong gawin iyan habang wala po kayo. Kaagad akong humingi ng mga kagamitang pangburda mula kay Nanay Badeth noong itinuro po sa amin ng aming Guro kung paano gawin ito. Nais ko pong magbigay iyan ng gabay sa inyo Ama kapag kayo ay luluwas," taas noong sambit ng bata. Nakaramdam nang labis na pagkahanga at pagmamalaki ang mga magulang ni Aquilina dahil sa mura nitong edad ay natuto na itong magbigay ng bagay sa kaniyang mga magulang.  "Paano naman ako, Anak? Wala bang para sa akin?" tanong ni Donya Salume. Nahihiyang pinagmasdan ng bata ang kan'yang Ina dahil hindi pa nito tapos ang para sa kaniya. "Nasa aking silid pa po, Ina. Hindi ko pa po ito tapos, ngunit ipinapangako ko po, sa mga susunod na araw ay maibibigay ko na po iyon," magalang nitong tugon. "Ganoon ba? Sige, ako ay nasasabik na makita ang inihanda mo para sa akin. Kumain ka na dahil mabilis na tumatakbo ang oras."  Tiningnan ng bata ang Ama nitong masayang sinisipat ang panyong kaniyang ibinigay at dahil doon, nagkaroon siya ng lakas ng loob upang sabihin ang kaniyang kahilingan. "Ama, Ina, may nais po sana akong sabihin sa inyo," panimula ni Aquilina. "Ano iyon?" mabilis na tugon ni Don Felicio. "Maaari niyo po ba akong ihatid sa paaralan ngayon? Gusto ko lamang pong maranasan ang pakiramdam ng ibang bata,” nahihiyang sagot nito. Nagtinginan ang mag-asawa at tila nakaramdam ng pagkakasala dahil alam nila sa kanilang sarili na may pagkukulang sila sa kanilang anak. Dahil sa kanilang sobrang paghahangad na maging una sa lahat, nakakalimutan na nilang bigyan ng atensyon si Aquilina. "Oo naman. Sakto rin at may pupuntahan din kami ng iyong Ama ngayon, maaari ka naming ihatid," sagot ni Donya Salume. Walang mapaglagyan ang tuwa na nadarama ni Aquilina habang nakangiti sa kan'yang mga magulang. Sumenyas ang kan'yang Ama na pansinin na ang nakahaing hamon, tinapay at ang inumin nitong gatas para makapaghanda na siya.  Masayang nagsalo-salo sina Don Felicio at ang kan'yang mag-anak. Dahil ito ang unang beses na ihahatid si Aquilina ng kan'yang mga magulang, maaga siyang natapos maligo at mag-ayos.  "Wag sabing tatakbo Senyorita at masyado kayong maraming bitbit!" babala ni Badeth. Sa pagkakataong ito tila isinawalang bahala ni Aquilina ang payo ng kan'yang yaya dahil naghihintay na sa labas ang kaniyang mga magulang. Sakay ng Aston Martin DB5 na nagkakahalaga ng limpak-limpak na salapi, masayang nagpaalam si Aquilina sa kan'yang Nanay Badeth na nakadungaw sa binta ng kaniyang silid. "Ipasok mo na ang iyong kamay at isasara natin ang bintana," utos ng kaniyang Ina. Mabilis na sinunod ng bata ang sinabi nito at nagsimula na silang magtungo sa Milagrosa Central School kung saan nag-aaral ang mga batang katulad ni Aquilina na nabuhay ng may gintong kutsara sa bibig. Tahimik man ang naging biyahe, sapat na iyon sa bata upang pasalamatang muli ang Diyos dahil natupad ang kan'yang kahilingan.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD