KAPITOLO 4.5

1330 Words
AQUILINA Ala-singko na ng hapon, malakas na tumunog ang kampana, hudyat na tapos na ang panibagong araw bilang estudyante. Magkahawak-kamay naming binagtas ni Mildred ang pasilyo palabas, ngunit hindi kami pinayagan ni Criscentia at ng kanyang grupo. Kahit na hindi na natuloy ang kagustuhan nitong managot ako sa nangyari sa kanya, hindi pa rin siya tumitigil hangga't hindi ako humihingi ng tawad. Nakahalukipkip siya't mataas ang isang kilay. Akala niya naman titiklop ako sa kanyang mapang-amok na ayos. "Kailangan na naming umalis at hinihintay kami ng aming sundo, Criscentia. Kung may nais kang sabihin, pakiiksian na lang," wika ko. Kalmado ang aking tono kahit na alam ko namang kahit gaano pa ako kabait sa kanya, magsisimula't magsisimula siya ng usok para maging apoy. "Gusto mong matapos ito kaagad? Simple lang, lumuhod ka ngayon sa harap ko at akuin mo ang dapat mong akuin! Masyado kayong mayabang sapagkat marami kayong ari-arian? Porket kaya niyo kaming maliitin, hindi niyo na pagbabayaran ang kasalanan na ginawa ninyo?! Ganyan ba ang isang unica ija mula sa Rimas? Duwag? Hindi marunong kilalanin ang kasalanan niya? Hindi marunong umako, at higit sa lahat, walang modong hindi marunong humingi ng tawad!" Nagpantig ang dalawa kong tenga sa narinig. Masyadong malapit ang mukha ni Criscentia sa akin, kaunti na lang magkakapalit na kami ng mukha. "Kung ako man ay may kasalanan, iyon ay ang pagbaba ko sa aking sarili upang patulan ka, Crisentia. Ngunit ang pagpatol sa iyo ay isang bagay na hindi ko pinagsisisihan kaya hindi ako hihingi sa iyo ng tawad o luluhod man lang. Sapat nang pinatulan kita noon, hindi na mauulit iyon. At kung may duwag man sa ating dalawa at hindi marunong kumilala sa kanyang mali, ikaw 'yon at hindi ako, tandaan mo iyan," tugon ko. Hindi ako nagpakita ng kahit anong emosyon dahil baka gamitin lamang nila iyon laban sa akin. "Nasagot ko na ang iyong mga hinaing, mangyaring padaanin mo na kami kung ayaw mong pagsisihan ang ginawa mo sa unica ija ng Rimas," dugtong ko pa. Hindi ko na ito hinintay pang magsalita dahil hanggang umpisa lamang ang kanyang kaya. Mahigpit kong hinawakan ang kamay ni Mildred at inilayo siya sa mga mag-aaral na may mapanghusgang mga mata. "S-Sigurado po ba kayo, Senyorita na isasama niyo na po ako sa inyong mansyon?" tanong nito. Ngumiti ako't hinarap siya. "Oo naman. Hindi ba't sabi mo, nais kang kupkupin ni Ina? Hindi pa man sila nagkakausap ni Don Alvarado, paniguradong makukumbinsi ni Ina ang taong 'yon. Nakita mo naman siguro kung paano lumaban ang maybahay ng Rimas, nakakamangha, ano?" Maligalig itong tumango. Noong makalabas na kami sa tarangkahan, wala pa ang sasakyan namin. "Baka papunta pa lang sila. Hintayin na lang natin sina Yaya Badeth dito," wika ko. Tumango si Mildred at tumayo kami sa may gilid ng daan. Nakatuon ang atensyon ko sa mga sasakyan na paparating, sinisipat kung iyon na ba ang magsusundo sa amin o hindi. "Senyorita Aquilina!" Naagaw ang atensyon ko noong bigla na lang may tumawag sa aking pangalan. Lumingon kami ni Mildred at sa di kalayuan, may dalawang lalaki ang tumatakbo patungo sa kinaroroonan namin. "Edgardo!" bati ko nang may malaking ngiti sa mukha. "M-Magandang hapon sa inyo, Senyorita. Ipagpaumanhin niyo kung bigla-bigla ko na lamang kayong tinawag. Baka po kasi umalis na kayo," depensa nito. Umiling ako dahil hindi naman niya kailangang humingi ng despensa. "Ano ka ba. Magkaibigan tayo kaya tawagin mo na lamang akong Aquilina." "K-Kaibigan? Senyorita? Kaibigan mo sila?" hindi makapaniwalang tanong ni Mildred. "Oo naman. Alam kong magkaiba kami ng estado ni Edgardo, ngunit hindi naman iyon basehan upang mamili ng kakaibiganin, hindi ba? Sapat nang tao siya at mabait," tugon ko. "Magandang hapon po sa inyo, Senyorita Aquilina at s-sa iyo rin po," magalang na bati no'ng kasama ni Edgardo. "Ah, nga pala. Ito si Junior, matalik kong kaibigan at kababata." "Ito naman si Mildred," pagpapakilala ko rin sa aking kasama. Napansin kong nakatingin sila sa brotse na suot ni Mildred kaya kaagad akong nagpaliwanag upang hindi na magkaroon ng hindi pagkakaintindihanat makalikha ng takot. "Galing siya sa pamilya Alvarado, ngunit ngayon ay kukupkupin na namin siya. Wag kayong mag-alala, ang aking Ina mismo ang pumili sa kaya," ani ko. Tumango silang dalawa at muling nagbigay nang maayos na paggalang sa aking kaibigan. "Magandang hapon, Senyorita Mildred.", "M-Magandang hapon din sa inyo," tugon nito. "Bakit kayo naparito?" tanong ko. "Ah--may pinitas kasi akong bunga ng bayabas kanina. Nais ko sanang ibahagi sa iyo." Kinuha niya sa supot na kanyang dala ang malaking bayabas. Nanlaki ang aking mga mata dahil ngayon lamang ako nakakita ng gano'n. "Wow! Maraming salamat, Edgardo!" "P-Pasensya ka na, Senyorita kung iyan lang ang kaya kong ibigay sa iyo kapalit ng pagiging mabait mo sa akin. Sa susunod, susubukan kong manghingi ng mangga kay Lolo Tino kapag bumalik na siya sa kanilang bahay." Tumawa ako dahil hindi na niya iyon dapat pang gawin. "Ano ka ba! Hindi mo na ako kailangan pang gantihan. Pero, maraming salamat dito. Pagsasaluhan namin ito ni Mildred," wika ko. Hindi matanggal ang ngiti sa mukha ni Edgardo noong marinig iyon. Ramdam ko ang paghigpit ng hawak ni Mildred, marahil ay nakita na niya ang sasakyan namin. "Oh, siya. Kailangan na naming umalis. Sa susunod wag ka nang mag-abala pa, ha? At saka, Edgardo! Magkita tayong muli sa Sabado! Sa dati nating pwesto!" Nagliwanag ang kanyang mata at dali-daling sumagot. Ikinaway ko na ang kamay ko upang magpaalam habang kinakaladkad ako ni Mildred palayo sa kanila. "Senyorita!" rinig kong tawag ni Nanay Badeth. Mabilis kaming tumakbo patungo sa kanila at niyakap ko ito nang mahigpit. "Ano iyang hawak mo? Bayabas? Kanino iyan galing?" sunod-sunod nitong tanong. "Sa kaibigan ko po. Tara na po at nakakapagod po ang araw na ito," ani ko para hindi na siya maghalungkat pa kung kanino ko ito nakuha. Pumasok na kami ni Mildred sa sasakyan kaya napilitan itong tumahimik na lang. Habang umaandar ang sasakyan, sinabihan ko si Mildred na wag magsasalita tungkol sa pagkakaroon ko ng kaibigan na katulad ni Edgardo. Paniguradong pagagalitan ako ni Ina, kahit ano pa ang sabihin ko. "Pangako?" tanong ko sa kanya. "Pangako, Senyorita." Ngumiti kaming pareho at ipinahinga ang aming isip habang nasa byahe. Ilang minuto ang lumipas, nakarating na rin kami sa bahay. Pareho kaming sabik na lumabas at nagtatatakbo ni Mildred dahil gusto kong kausapin si Ina tungkol sa pagkupkop nito sa kanya. "Senyorita! Wag tumakbo!" babala ni Nanay Badeth. Humingi ako sa kanya ng paumanhin ngunit hindi magpapapigil ngayon ang aking sarili. Pagpasok namin sa loob, nadatnan namin si Ama at Ina na masayang nag-uusap. Noong makita nila kami, kaagad silang tumayo't sinalubong kami. Niyakap ako ni Ama at gano'n din ni Ina. "Siya ba ang tinutukoy mo, Salume?" "Oo, Felicio. Hindi ba't napakaganda niya?", "Siyang tunay," sagot ni Ama. Pumasok na din sina Nanay Badeth at si Tiyo Apollonio. Inaya kami ni Ina na umupo at naghain din si Yaya ng biskwit na kaagad naming pinagsaluhan ni Mildred. "Mildred, alam kong hindi madali sa iyo ang biglaan kong plano. Ngunit ngayon, nais kong sabihin sa iyo na hindi ako ang siyang kukupkop sa iyo kung hindi si Apollonio. Ngunit kung hindi mo ibig, handa naman akong tanggapin ka saaming tahanan," panimula ni Ina. Tiningnan ako ni Mildred, mukhang kailangan niya ang aking opinyon tungkol dito. "Si Tiyo Apollonio at ang kanyang asawa ay pawang mababait na tao, Mildred, wag kang mag-alala." Ngumiti ito tapos tumango kay Ina. Nagpalakpakan silang lahat at halata rin na naiiyak na. "Maraming salamat, Mildred," ani Tiyo Apollonio. Tumayo ito at lumapit kay Tiyo upang hagkan. Mukha namang naibigan niya alok ni Ina. Nakakalungkot man na hindi siya matutuloy na tumira rito sa bahay, ang mahalaga ay mapupunta siya sa magandang pamilya. "Marami pong salamat sa inyo, Donya Salume. Kung hindi niyo po ako tinulungan, panigurado pong lalatiguhin po ako ni Donya Emiliana at pahihirapan ni Senyorita Crescentia." Umiling si Ina, katulad ko, lahat kami ay nakaramdam nang masidhing simpatya para kay Mildred. "Wag kang mag-alala, munting Prinsesa sapagkat nakawala ka na sa kanila. Bukas na bukas din ay kakausapin ko mismo si Crisanto. Pakikinggan ko kung ano ang kanyang mga kondisyon. Kung hindi siya maging mapagpasalamat at magmatigas na kunin ang batang ito--" "Hindi mangyayari iyon, wag kang mag-alala, Felicio. Papayag ang gurang na iyon sa kagustuhan natin kung nais niyang manatili sa kanyang kinatatayuan," pamumutol ni Ina. Nagkatitigan silang dalawa, paniguradong may itinatagong alas si Ina sa kanyang damit para hindi magreklamo si Don Crisantokapag nagkaharap-harap na sila bukas. "Narinig mo iyon, Mildred? Wala nang makakapagpabalik sa iyo sa mga Alvarado," ani Tiyo Apollonio. Kinarga niya ito at ang lahat ay natuwa ngayong gabi. Habang pinagmamasdan ko silang magdiwang, hindi ko malaman kung saan ko ilalagay itong kasiyahang nadarama ko. Ano pa nga ba ang dapat kong ikabahala? Ganito kalalakas ang aking mga magulang kaya dapat maging katulad din nila ako. Ako lang ang kanilang aasahan upang ipagpatuloy ang kanilang nasimulan. Ako lang ang tanging magtataas ng bandera ng aming apelyido. Kailangan kong matuto nang marami upang maging isang karapat-dapat na heredera ng pamilyang ito sa lalong madaling panahon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD