KAPITOLO 5: PALIHIM

1085 Words
Sa ilalim ng madilim na kalangitan, sa loob ng malaking mansyon, may batang palihim na pinupukpok ang alkansya nitong gawa sa porselana. Mahigit isang taon niya rin itong inipon pambili sana ng mga kagamitan sa pagbuburda. Ngunit pagkatapos niyang makapagpasya, hindi siya nag-alangan na gastusin ang naipon upang maipanregalo sa kanyang kaibigang mas nangangailangan. "Nanay Badeth!" maligalig na tawag nito sa kanyang Yaya na kakapasok lamang sa silid nito upang patulugin na siya. "Ano iyang ginagawa mo, Aquilina? Bakit napakaraming salapi ang nakakalat sa iyong kama?" tanong nito. Umupo si Badeth sa tabi ni Aquilina, patuloy na pinagmamasdan ang papel at ang mga barya. "Nanay, tulungan niyo po akong magbilang nitong naipon ko," alok ni Aquilina, hindi pinansin ang tanong ng kanyang Yaya. Naguguluhan man, hindi nakahindi si Badeth dahil para na rin makatulog kaagad ang kanyang alaga. Binilang nga nila ang barya't ilang mga papel. Dahil minsan lamang kung bigyan ng salapi ng kanyang mga magulang, puro sentimo ang naiipon ni Aquilina. Ngunit gano'n pa man, ang mahigit isang taon niyang pagiging masinop ay nagbunga ng isandaang piso. Nagdiwang silang pareho kahit pa man hindi malaman ni Badeth kung saan gagamitin ng kanyang alaga ang ganitong malaking halaga. "Yaya! Pupunta po ba kayo sa bayan bukas? Bibili kayo ng mga pagkain at gulay, hindi po ba?" maligalig na tanong ni Aquilina. "Oo. Anong mayroon, Senyorita? May ipapabili po ba kayo?" tanong ni Badeth. "May nais po akong bilhin. Ngunit kung maaari po, sasama po ako sa inyo. Gawin niyo na lang po ang pamamalengke sa hapon pagkatapos ng aming klase, please po?" Bumagsak ang mata ni Badeth sapagkat hindi iyon maaari. Baka wala silang maabutan na sariwang gulay kung sa hapon pa sila bibili. "Ipagpapaalam ko sa iyong Ina, ayos lang ba iyon sa iyo? Masyado kasi tayong aabutin ng gabi kung ala-singko pa ako mamamalengke, pero susubukan ko. Ano ba ang nais mong bilhin, Senyorita? Kagamitan ba sa pamburda? Maagang nagsasara ang tindahan para roon. Bakit hindi ka na lang magpabili sa akin ng iyong nais?" "Hindi po maaari, Nanay Badeth. At saka po, hindi po gamit sa pamburda ang aking bibilhin kung hindi bag po at ilang mga gamit sa eskwela." "Bakit? Wala ka na bang mga papel? Sira na ba ang iyong bag? At bakit ang sarili mong ipon ang gagastusin mo? Wag kang mag-alala, Senyorita, kapag sinabi mo iyan sa iyong magulang, paniguradong hindi lamang isandaang piso ang kanilang ibibigay sa iyo upang mabili mo ang iyong nais." Nakaramdam ng paghihimok ang munting bata na sabihin sa kanyang Yaya ang tunay niyang balak. Naniniwala naman siyang kakampi niya si Badeth sa anumang bagay kaya isinawalang bahala na ang pagdududa at inamin na rito ang lahat. "Ganito po kasi iyon. Pero po, Nanay Badeth, ipangako niyo pong hindi niyo po ipagsasabi kahit kanino ang tungkol sa sasabihin ko sa inyo." "Pangako iyan, Senyorita." Ngumiti ito't sabik na isiniwalat sa kanya kung ano para saan niya gagamitin ang pera. BADETH Hindi ako makapaniwala noong marinig ko mula kay Aquilina na gagastusin niya ang kanyang ipon para sa kanyang kaibigan. Hindi niya sinabi sa akin kung sino ito at hindi ko na rin siya pinilit dahil baka mawalan ng tiwala ang Senyorita't hindi na ito magkwento sa akin. "Natutuwa ako sa iyong hangarin, anak. Tunay na nakuha mo sa iyong mga magulang ang kabutihang loob. Kung gano'n, gagawa ako ng paraan upang sabay tayong pumunta sa palengke," wika ko na ikinatuwa niya nang labis. Niyakap niya ako nang mahigpit at ilang ulit akong pinasalamatan. Hinagod ko ang kanyang likod sapagkat nakakaramdam ako nang labis na pagmamalaki kahit hindi man niya ako tunay na Ina. "Matulog na tayo munti naming Prinsesa at may pasok ka pa bukas. Ipasok mo na itong pera mo sa iyong pitaka at ilagay sa iyong bag upang hindi mo makaligtaan. Bukas na bukas, maagang aalis ang iyong ama't ina kaya akong muli ang maghahatid sa iyo sa paaralan." Tumango si Aquilina at mabilis na sinunod ang aking utos. Pagkatapos niyang iligpit ang lahat, itinapon ko sa basurahan ang basag na porselana bago muling bumalik sa silid nito. Nakahiga na ang aking alaga noong madatnan ko ito. Inayos ko ang kanyang kumot at tinanong ito kung nanalangin na ba. "Opo, Nanay Badeth. Ipinagpasalamat ko po ang pagkaligtas kay Mildred at ang pagkakaroon natin ng malusog na pangangatawan. Hiniling ko rin po sa Diyos ang matagumpay na pamamalengke natin bukas at naua'y lubayan na ako ni Criscentia sa kanyang pagdadabog. Nahihiya na rin po kasi ako dahil ipinapalabas niya laging ako ang masama." Tumabi ako sa kanya at humiga. Hinaplos ko ang malambot nitong buhok. "Hangga't kaya mong tiisin, Senyorita, wag mo na lamang patulan ang anak ni Don Crisanto. Mapapagod din iyon sa kakaaway sa iyo, hintayin mo na lang. Sabi nga, ang latang walang laman, kapag nahulog, maingay." Ngumiti ito taps tumango. "Opo. Hindi ko na po siya papansinin kahit ano pa pong gawin niya. Wag niya lang pong kukutyain ang kahit sino sa pamilya ko dahil ibang usapan na po iyon, Nanay Badeth. Lahat ng tao rito sa Baryo natin ay nirerespeto ang aking ama't ina. Hindi ko papayagan na ang isang katulad niya ay magtapon ng putik sa apelyido namin." "Tama iyon. Hindi na ako mag-aalala sa iyo sapagkata marami ka nang nalalaman, anak. Nakakatuwa sapagkat binigyan ako ng Diyos ng pagkakataon upang alagaan ang isang matalinong bata kagaya mo." "At ako rin po. Nagpapasalamat po ako dahil kayo po ang naging Yaya ko. Ang dami ko pong natutunan sa inyo at panigurado pong marami pang susunod." Natuwa ako sa sinabi ng aking alaga. Madalas ko mang marinig sa kanya ang salitang salamat, parang bago pa rin ito sa aking pandinig. Hindi madamot na bata itong si Aquilina, at katulad ng kanyang mga magulang, panigurado akong pagpapalain din siya at mamumuhay nang masagana. Ngayon pa lang, marami ng tao ang tumitingala sa kanya kahit na siya'y bata pa lamang, hindi dahil isa siyang Rimas, kung hindi dahil sa angkin niyang katalinuhan at kabutihan. Hindi man ako biniyayan ng Panginoon ng asa't anak, sapat na ang alaga kong ito para punan ang angungulilang nadarama ko minsan. Hindi lang buhay ni Aquilina ang ipinagpapasalamat ko, kung hindi simula noong kupkupin din ako ni Donya Salume at ipagkatiwala ang kanyang anak sa akin. Sinalba niya ang kaluluwa ko mula sa marumi, makipot, at madilim na skwater at binigyan ako nang magandang trabaho. Kaya ipinangako ko sa sarili ko na mananatili akong matapat sa kanilang pamilya hanggang ako'y mawalan ng hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD