DONYA SALUME
"Hindi ko mawari kung bakit kailangan mo pang sumama para sa pag-uusap namin ni Crisanto." Tiningnan ko si Felicio, huminga nang malalim dahil ayan na naman siya.
"Upang suportahan ka. Asawa mo ako, hindi mo matatanggal sa akin ang responsibilidad kong iyon. At isa pa, masyadong malambot ang iyong puso pagdating sa mga bagay na ito, ayaw kong mata-matahin ka ng gurang na iyon," depensa ko. Inilapag ni Felicio ang kanyang kamay sa aking balikat, ngumiti tapos inilapit ang kanyang mukha upang gawaran ng banayad na halik ang aking noo.
"Maraming salamat. Ipagpaumanhin mo kung ako'y masyadong mahina kumpara sa iyo. Alam mo namang wala akong tinapusang degree sa kolehiyo kay--"
"Wag mong sabihin iyan. Mahalaga ang edukasyon ngunit mas mahalaga ang ugali, Felicio. Wag na wag mong
ikukumpara ang sarili mo sa matandang iyon dahil wala siyang panama sa iyo, naiintindihan mo ba?" pamumutol ko. Tumango ito't hindi na nasundan pa ang aming pag-uusap pagkatapos no'n.
Bago kami pumunta sa bahay ng mga Alvarado, magpapasahod muna kami ng aking asawa. Kakausapin din namin 'yong mga trabahador na mananatili sa amin at babalaan naman 'yong mga aalis. Ayaw ko ng eskandalo ngunit mas ayaw ko ng problema. Mas mainam nang unahan ang apoy na sisiklab pa lamang kesa saka gumawa ng aksyon kapag ito'y malaki at naglalagablab na.
"Apollonio, kinuha mo ba 'yong papel kay Badeth?" tanong ko. Malapit na kami sa aming unang paroroonan kaya hihingin ko na nang malaman kung ilan lang ang taong bibigyan ko ng gantimpala.
Pagkatigil ng sasakyan. Iniabot niya sa akin ang papel na kaagad ko namang kinuha. Sumilip din ang asawa ko sa mga pangalan na nakasulat.
"Hahaha! Dalawampu ang wala nang balak na manatili? Isang kahibangan. Inaasahan ko pa namang mga sampu lang ang espiya ni Alvarado, hindi ko aakalaing ganito pala karami," wika ko.
"Espiya?" takang tanong ni Felicio. "Iyon lamang ay kutob ko. Kilalang tuso iyang Crisanto na iyan, alam mo naman. Lahat gagawin upang makakuha ng impormasyon tungkol sa atin. Masyado na kasing nalalaos ang patutsada nilang mamamatay-tao tayo kaya maghahanap siya ng bagong pakulo. Hala, tayo'y lumabas na't naghihintay na sa atin ang mga trabahador," ani ko. Inalalayan ako ng aking asawa noong makalabas sa sasakyan.
Hindi pa man kami nakakalapit sakanila, tanaw na namin ang kanilang ngiti. Napakasayang pagmasdan kung lahat sila ay matapat na naglilingkod sa amin. Ang kaso, hindi. Gano'n pa man, masaya pa rin ako sapagkat tinulungan nila kami sa aming negosyo. Kung wala sila, wala rin kami sa posisyon namin ngayon. Iyon ang sikretong hindi makuha-kuha ni Crisanto. Ang tamang pagtrato sa kanyang mga trabahador. Kaya siya inaabot ng malas ay dahil ang simpleng utos ng Diyos ay hindi niya magawa-gawa.
Puro lamang salapi ang nasa kanyang isip, hindi naman niya iyon madadala kapag siya'y namatay.
"Mangyaring pumila tayo nang maayos upang maging mabilis ang pagbabahagi ng sahod," pakiusap ni Apollonio sa mga trabahador. Sumunod naman sila nang mabilis kaya sinimulan ko na ang pagbabasa ng pangalan. Si Felicio ang magbibigay ng sobre sa kanila.
"Teresa Alegria." Nagtungo sa unahan ang babaeng kung tatantyahin nasa edad na limampu hanggang limampu't lima.
"Marami pong salamat, Donya Salume, Don Felicio. Malaking bagay po ito sa aking pamilya," ani ya, maluha-luhang kinikimkim ang sobre sa kanyang marungis na kamay. Isang makabagbag na ngiti ang lumapat sa aking mukha dahil noong matanggap ko rin ang sahod ko mula sa aking paghihirap, lumuha rin ako.
"Matanong ko lamang, ilan ang anak mo?"
"Anim po, Donya Salume," magalang nitong sagot. "Nasaan ang iyong asawa?"
"Sumakabilang buhay na po. Hanggang ngayon, hindi pa po namin malaman kung anong dahilan. Hanggang ngayon, wala pa po akong naririnig na paliwanag mula sa mga Alvarado kung ano ang tunay na nangyari, sapagkat ginugol ng asawa ko ang kanyang buhay sa pagtatrabaho sa ubasan nila tapos babalik na lamang po ito sa amin isang gabi na wala na siyang hininga."
Mas lalong lumakas ang kanyang iyak. Hinagod ko ang kanyang balikat sa narinig. "Ipagpaumanhin niyo ang aking aking tanong. Hindi ko sinasadya na maalala ninyo ang pagkamatay ng inyong asawa. Ang mga tatawagin ko ay yaong mananatili sa aming pamilya. Ihuhuli ko 'yong mga balak na umalis pagkatapos ng araw na ito. Huwag kayong mag-alala sapagkat marunong akong rumespeto ng desisyon. Hindi ko pipilitin ang dalawampung ito na baguhin ang kanilang pasya sapagkat naniniwala akong may plano sa kanila ang Diyos. Good luck na lamang sa kanilang mga buhay."
Ipinagpatuloy ko na ang pagtawag ng pangalan. Pinahiwalay ko kay Apollonio iyong mga hindi na tutuloy upang mamaya na ako mainis sa kanila.
Pagkatapos kong magpasahod. Tinungo ko naman yaong nasa dalawampu.
Naagaw ang atensyon ko no'ng batang nakasuot ng uniporme. Kung hindi ako nagkakamali, kasing edad lamang iyon ni Aquilina.
"Noy, lapit ka rito," tawag ko. Nahihiya itong lumapit sa akin, bahagya akong yumuko upang pantayan ang kanyang ulo.
"Anong pangalan mo?"
"Edgardo po. Edgardo Tungpalan."
Tungpalan? Pamilyar ang kanyang apelyido. Hinanap ko ang kanyang pangalan at totoong nasa listahan ko siya ng pasasahurin.
"Mukhang lumiban ka sa iyong klase para kunin ang iyong sahod, tama ba?" tanong ko sa kanya. Tumango ito nang walang pag-aalinlangan.
Pagkabigay sa kanya ng asawa ko ng sobre, tinanong ko itong muli. "Bakit hindi ka na mananatili sa akin, munting ginoo?"
"Sapagkat, nais po ng aking Ina na atupagin ko na lamang po ang aking pag-aaral at sila na lamang po ang bahala sa mga gastusin sa amin. Tutol po ako sa desisyon na iyon ni Ina ngunit kasalanan sa Diyos kung ako'y hindi susunod sa kanya."
Napangiti ako dahil may maganda siyang kaisipan. Hinaplos ko ang kanyang ulo at sinabing manatili kasama no'ng mga taong bibigyan ko ng gantimpala. Minadali ko na 'yong labingsiyam na iba pa. At noong maubos silang lahat, bago paalisin ang mga dapat na umalis, mag-iiwan muna ako ng ilang salita sa kanila.
"Masaya ako sapagkat naging malaking ambag kayo sa aming negosyo. Nakakalungkot man dahil ito na ang huling
beses ng ating pagkikita-kita. Gano'n pa man, ipagdarasal ko pa rin kayo sa Panginoon kahit na kayo'y titiwalag na. Naua'y ang mga nakuha ninyong impormasyon ay makatulong sa inyong sinasambang puon nang ang lahat ay makatanggap ng maginhawang buhay. Wag na wag lang kayong magtatangkang bumalik, dahil kahit gumapang pa kayo sa lupa, kapag nahuli ko kayong kuta kayo ni Alvarado? Pasensyahan, ngunit hindi ako marunong magpatawad sa mga taong hindi karapat-dapat," mahaba kong linya.
Nais ko lamang silang takutin. Nunka naman silang babalik sa amin, syempre mayroon din silang pride kahit na sila'y hikahos.
"M-Maraming salamat pong muli, Donya Salume, Don Felicio. Mauuna na po kami." Tumango lamang ako't sinundan kung saan sila tutungo. Noong hindi na sila mabot ng aking paningin, ngumiti ako't ibinaling na lang ang tingin sa mga nanatili.
"Magdiwang ang lahat sapagkat mayroon pa kaming regalo para sa inyo. Hindi lamang panibagong trabaho ngunit dagdag pasasalamat dahil pinagkatiwalaan niyo kami ng inyong lakas at buhay. Pagpalain tayong lahat ng Panginoon," panimula ko. Nagbunyi nga ang lahat noong ipamahagi na sa kanila ang panibagong sobre na naglalaman ng dagdag na tatlumpu't pitong piso. Isang linggong sahod na rin iyon.
Noong makita nila ang laman, mas lalo silang nagtangis at napuno ng pasasalamat ang paligid.
Nakakatuwang pagmasdan ang ngiti sa kanilang mga mukha. Kailangan ko pa silang kausapin kung saan ang susunod nilang trabaho at kung ano ang kanilang gagawin. Pagkatapos niyon, magtutungo na kami sa mansyon ng mga Alvarado upang makipagkasundo tungkol sa kaluluwa ni Mildred. Naua'y hindi na magmatigas pa si Crisanto dahil baka maputol ang pagiging anghel ko ngayong araw at makita niya ang sungay ng isang Salume Rimas.