MADALAS MAN BIROIN at tuksuhin ng harapan ni Manolito sina Leandro at Paloma ngunit dinudurog ng bawat katagang iyon ang puso niya. Kahit anong sakripisyo niya ay iba ang tinitibok ng puso ng kaibigan.
Kung si Noah siguro ang iibigin nito at magpaparaya pa siya. Napagtapat niya na ang saloobin kay Paloma mamahalin niya ang dalaga kahit hindi pa siya ang piliin nito. Datapwat ang katotohonan ng kaniyang saloobin ay sana’y siya na lamang ang ibigin ng kaniyang kaibigang matagal niya ng sinisinta.
“Lintik na pagmamahal mo sa kaniya. Hindi ka magkakaganyan kung hindi dahil kay Leandro!” pagalit na turan ni Manolito habang paduskal na dinukot ang napsak ni Noah sa ilalim ng kaniyang higaan.
“Tama na, pakiusap.Tulongan mo na lang ako,” pagmamakaawa ni Paloma.
Galit na galit ang ekspreyon ng mukha ni Manolito. Kapagdaka’y napahilamos sa mukha at nasabunotan ang sarili sa sidhi ng galit nito at pagaalala sa kahihinatnan ng buhay ni Paloma.
“Hinawakan mo ba?”
“Ang ano?” takang tanong ni Paloma. Akala niya ay tinatanong nito ay patungkol sa nangyari sa kanila ni Leandro.
“Ang bangkay ni Arlene.”
“Hindi. Hindi,” umiiling at takot na takot na saad ni Paloma.
“May nakakita sayo?”
“Wala. Walang katao-tao,” sagot niya,” pero. . . may sasakyang dumaan. Itim na kotse. Nakita yata ako. Hindi ko alam. Baka namukhaan ako.”
“Madali ka magbihis ka na. Heto ang napsak mo. Manatili ka muna roon sa bahay ni Tita Marie sa Rizal. Nasaan ang damit mo kanina?”
“Heto,” iiabot sana ni Paloma ang duguang damit sa kaibigan.
“Ayan,” abot ni Manolito ng itim na supot kay Paloma. “Isilid mo lahat ng may dugo mong damit riyan plastik. Kailangan nating sunugin para walang ebidensya. Alam ba ‘to ni Leandro?”
“Hindi. Hindi niya alam. Wala siyang alam. Ibinaba niya lang ako riyan sa kanto at umalis na. Pero may usapan kaming magkikita sa makalawa. Ang sabi niya isasama niya ako sa Laguna.. Papakasalan niya raw ako ng dahil sa nangyari sa amin at doon na raw kami maninirahan Pero Lito, sayang iyong Japan. Singkuwenta mil na lamang ang kailangan ko. Makakaalis na ako papuntang Tokyo.”
“Sumama ka muna kay Leandro. Magkita tayo matapos ang isang linggo. Ibibigay ko sayo ang perang kailangan mo. Mas makakabuti na umalis ka sa bansa, Paloma. Matutunton ka nila rito.”
“Sino ba si Arlene, Manolito? Bakit sobrang balisa ka? Sino siya?”
“Miyembro ng Waray-waray gang si Arlene. One for all. All for one. Anak siya ng supremo.Binangga mo ang senyorita nila, Paloma.”
“Paano mo nalaman kung sino siya?”
“Paloma naman. Alam mo lihim kaming kasapi nila Leandro sa Sigue Sigue Sputnik,” anang ni Manolito at naupo sa tabi ng dalaga.
“Sa palagay mo sugo si Arlene para lansingin si Leandro?”
“Sugo si Arlene para sirain si Leandro. Tatakbo sa susunod na eleksyon si Leandro bilang konsehal. Matagal ng mabango ang pangalan ni Leandro sa mga kabataan. Hahanap at hahanap ang kalaban ng butas.”
“Pagbintagan kaya si Leandro? Paano kung siya ang idiin sa krimen na ginawa ko? Hindi ko kayang magdusa siya ng dahil sa akin.”
“Maari. Naknampucha, Paloma! Buhay mo ang unahin mo hindi ang lintik na pagaala mo kay Leandro. Hindi siya perpekto kagaya ng inaakala mo!”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Mas mabuting wala ka ng alam. Itatago ko ang lihim namin ni Leandro hanggang hukay. Ayoko ko man siya para sayo. Pero kaibigan ko pa rin siya. Kapatid. Walang magbabago roon kahit na may hidwaan mang mamuo sa amin ng dahil sa araw na ‘to. Tandaan mo Paloma, isasama mo ang lahat ng ito sa hukay. Walang makaalam sino man,” seryosong pahiwatig na kailangan itikom ni Paloma ang kaniyang bibig.
“Paano ang mga kapatid ko, Lito?”
“Ako na ang bahala sa kanila.”
“Eh, si nanay? Paano si nanay?”
“Paloma. Ako na ang bahala sa kanila. Naiintindihan mo ba?” hinawi ni Manolito ang takas na buhok nito at nilagay sa likod ng tainga.
”Huwag!”
Hinawakan ni Paloma ang mga kamay ni Manolito na nagpatigil rito. Nagkapobya si Paloma sa paghawak o hipo ng sinumang lalaki sa kaniya. Iyon rin ang dahilan kung bakit ni halik ay matagal niyang naigawad kay Leandro.
“Pasensya ka na.’Di ko sinadsaya. Na-nanakaligtaan kong ayaw mong hinahawakan ka.”
Katorse anyos si Paloma ng muntik ng pagsamantalahan ng sariling ama. Lango ito sa alak. Walang nagawa ang kaniyang ina. Magtatakip-silim pa lamang iyon. May usapan sila nila Noah at Manolito na sabay-sabay pupunta sa kasiyahan sa bulwagan.
Saktong dumating ang mga kaibigan kaya hindi natuloy ang kahayopan ni Mang Dolfo. Simula noon ay nakikitulog na si Paloma kina Noah o kay Aling Lagring. Pumupuslit siya sa hating gabi at doon sa tabi ng Imang Selma ni Noah nakikitulog.
Ilang taon gawain na iyon ni Paloma na nakasanayan niya na. Tanging si Noah lamang ang nakakalapit sa kaniya na hindi siya nababalisa. Siguro’y dahil mas madalas niya itong nakakasama kaysa kay Manolito at Leandro.
“Si Joy at Lenlen, Lito. Kailangan mong maialis sila sa bahay. Nagdadalaginding na ang mga kapatid ko. Alam mo na.Ayoko ko maranasan nila ang kahapon ko.”
“Pakikiusapan ko si Aling Lagring na doon muna sa kaniya pumisan ang mga kapatid mo.”
“Salamat.”
“Nasaan na ba ang mga kapatid mong lalaki? Ba’t ikaw lang ang pumapasan ng lahat?”
“Nagsilayasan na sila. Sawang-sawa na sa kamartiran ni nanay at pagmamaltrato ni tatay.”
“Mas maiging makapunta ka nga sa Japan.”
“Lito, may ikinababahala pa ako. Paano si Noah? Si Ethan? Si Imang?”
“Ako na ang bahala sa kaniya. Ang mahalaga makaalis ka. Maligtas mo ang buhay mo. Magpalit ka ng pangalan at anyo. Gupitin mo ‘yang mahabang buhok mo. Isuot mo ito,” inabutan ni Lito ng sombrero si Paloma. Pinagmukha niya itong tomboy.
Nagmamadaling gumayak si Manolito. Madilim pa ay umalis na sila ni Paloma.
“Maari ba?”
Tumango si Paloma sa pagpayag kay Manolito. Hawak-hawak ang kamay ng kaibigan at sukbit ang napsak ni Noah. Nadaanan nila ang bangkay ni Arlene na pinagkukumpulan na ng mga tao.
“Huwag kang lilingon. Maglakad ka na parang wala kang pakialam,” ani Manolito sa dalaga.
“Lito, saan ang punta mo?”
Hindi nakatakas sa paningin ng mahaderang tsismosa ang magkahawak na kamay ni Lito at ng kasama nito.
“Aba’y magtatanan ka na ba, Manolito? Anong ipapalamon mo riyan sa babaeng kasama mo. Eh, wala ka namang matinong trabaho,” anas nito.
Haharapin sana iyon ni Paloma. Ngunit hinila na ito ni Manolito pasakay sa dyip na dumaan papuntang sa Sampaloc, Manila.
Pagkababa sa España Boulevard ay sumakay sila sa dyip patungo sa Legarda. Pagdating sa Cubao sumakay sila ng bus papuntang Rizal. Mayroon naman mas madaling daan papunta sa Rizal magmula sa Tondo. Ngunit gustong namnamin ni Manolito ang huling oras na makakasama niya si Paloma. Sa pagkakataong ito siya lamang ang masasandalan ng kaibigan.
Dumaan sila sa ospital para ipagamot ang mga sugat ni Paloma. Makaraan ang ilang oras narating rin nila ang bakanteng bahay ng Tita Marie ni Manolito sa Binangonan, Rizal. Hindi iyon kalakihan. Katunayan iyon ay bahay bakasyonan na binigay ng tiyahin kay Manolito bago ito namatay. Mas matino iyon kaysa sa iskuwater. Pero dahil malayo sa mga kaibigan mas minabuti niyang makipisan sa tiyahin sa Tondo.
“Magpahinga ka na muna, Paloma. Mamalengke lang ako ng makakain mo ng ilang araw.”
“Salamat. Maraming salamat,” aniya at hinagkan si Manolito. Tumulo ang mga luha niya. Kusa iyong dumaloy sa emosyon na kanina niya pa pinipigil.
”Basta ligtas ka . . .”
“Umiiyak ka ba?”
“Hindi. Na puwing lang,” pagdadahilan nito,”siya maiwan muna kita.”
* * *
ANG ILANG ORAS ay naging isang buong araw. Hindi nakabalik si Manolito kay Paloma dahil nasundan siya ng miyembro ng Waray-waray gang. Minabuti niyang umuwi na lamang sa Tondo. Dinaanan muna ni Manolito ang kaibigan sa Greenhills upang ibenta ang dalang cellphone. Binili naman iyon ng kaibigan na nagkahalagang isang daang libong piso.
“Oh, Lito. Sa akin mo ibagsak kung mayr'on pang iba.”
“Makakaasa ka. Dagdagan mo naman sa susunod. Dekaledad ang mga ‘yan. Maibebenta mo pa ng doble presyo.”
“Mandurugas ka talaga!” anas nito.
“Natuto lang sayo, pare!”
“Oh, kailan raw ang sunod na pagpupulong ng grupo?