PAGOD ang katawan at antok ako nang matapos ang unang gabi ng trainee ko sa kumpanya. Wala akong naging problema dahil madali lang para sa akin ang ginawa ko. Pakiramdam ko nga ay sanay na sanay na akong makipag-usap sa mga foreigner. Kahit gaano kabilis sila magsalita at ka-slang sila ay naiintindihan ko sila. Natuwa tuloy ang trainor ko sa akin kaya mamayang gabi ay isasabak na ako sa totoong calls.
"Grabe ang sakit ng katawan ko." Sinuot ko ulit ang eyeglasses na binili ni Nanay kahit na nga wala naman araw dahil madaling araw pa lang. Gusto ko lang isuot para hindi mahalata na tulog ako kapag nakasakay ako ng bus.
"Celestina!" Habol na sabi ni Jesica.
"Oh, bakit?" takang tanong ko.
"Sabay na tayong sumakay ng jeep,"
"Hindi ba't iba naman ang sasakyan natin dalawa."
Tumango siya. "Ang totoo may gusto akong sabihin sa iyo."
Kumunot ang noo ko. "Ano iyon?"
"Mukhang close kayo ni sir Fred, sabihin mo naman sa kanya na magkasama na lang tayo sa isang team. Mukhang masusungit kasi ang ibang kasama natin."
"Hindi naman kami close ni sir Fred. Sino naman nagsabi sa iyo na close kami?"
"Ikaw ang favorite niya tingnan mo inalis ka na agad sa training. Binibigyan ka pa niya ng kape at pagkain kagabi."
Kahit sila pala ay nakapansin sa ginawa ni sir Fred. "Hindi ko alam kung bakit niya ginawa 'yon. Yung team leader naman ang kumuha sa akin at hindi dahil kay sir Fred."
"Basta, sabihin mo sa kanya siguradong pakikinggan ka niya. Hayaan mo mamayang gabi ay gagalingan ko na para maging ka-team kita."
Huminga ako ng malalim. "Susubukan kong sabihin sa kanya pero kung anuman ang desisyon nila 'wag na natin pangunahan."
Tumango si Jesica. "Salamat, ingat ka!"
"Ikaw rin," sagot ko.
Mabilis naman akong nakasakay ng bus na maraming bakanteng upuan, kaya malaya akong nakapili ng magandang upuan. Pumili ako ng upuan na dalawa lang ang puwedeng umupo. Pagdikit pa lang ng puwet ko ay hinila na ako ng antok kaya niyakap ko ang maliit kong bag. Naramdaman kong may umupo sa tabi ko pero hindi ko pinag-aksayahan na tingnan kung sino 'yon. Tulog ako hanggang sa marinig ko ang konduktor na nagtatawag ng pasahero.
"Nasaan na ako?" bulong ko.
Tumingin ako sa paligid at nakita kong malapit na ako sa lugar na babaan ko kaya umayos na ako ng pagkakaupo. Paglingon ko sa katabi ko ay nakatakip ito ng sumbrero sa mukha at tulog na tulog. Nakasuot lang siya ng maong na short at puting t-shirt. Napansin kong nalaglag ang phone niya mula sa bulsa niya.
Napilitan tuloy akong gisingin siya. Kinalabit ko siya. "Excuse me?" pabulong ko.
Nagising naman ito pero nakatakip pa rin ang sumbrero sa mukha niya. Hindi ko na lang pinansin ang trip niya sa buhay.
"Sir, yung phone n'yo nahulog na sa bulsa n'yo," sabi ko.
Narinig niya ako kaya ipinasok niya ang phone sa bulsa ng shorts niya at muling natulog. Ako naman ay nakatingin sa daan dahil malapit na akong bumaba.
"Para po!" sigaw ko.
Huminto naman agad ang bus na sinasakyan ko ata agad akong bumaba. Bumili muna ako ng tinapay sa bakery bago sumakay ng padyak. Paglingon ko ay nakita ko ang lalaki kanina na katabi ko. Nakatayo siya sa harap ng nagtitinda ng taho at nakatalikod siya sa akin.
"Tagarito kaya siya?"
Hindi ko masyadong pinansin ang lalaki. Sumakay na ako ng padyak pauwi sa apartment ko. Tulog pa si Duday nang dumating ako kaya dumiretso ako sa loob at nagtimpla ng gatas at kumain ng tinapay. Kakain muna ako habang hindi pa dumarating si tito Ben. Ang sabi ni Duday ngayon darating pero hindi naman sinabi kung anong oras kaya matutulog muna ako. Habang kumakain ako ay may kumatok sa pinto kaya tumayo ako para buksan ang pinto.
"Food delivery po."
"Ha?"
"Kayo po ba si Celestina?"
Tumango ako. "Opo."
Inabot niya sa akin ng isang plastik n fast-food. "Order receive na po."
Kumunot ang noo ko. "Ha? Pero wala naman akong in-order."
"Sa inyo po nakapangalan at address."
"Baka nagkamali po kayo ng address. Hindi po ako um-order ng pagkain."
"Sa inyo po 'yan."
"Ano po ang number ng ginamit?"
"Ito po," pinakita niya sa akin ang number. Kinuha ko ito saka tinawagan ko ang numero ng um-order ng pagkain. Siguradong nagkamali ito ng address.
"Hello!" boses lalaki.
"Sir, nagkamali po yata kayo ng address. Dito po sa bahay ko dumating ang order niyo."
"It's for you, nakita kong pagod na pagod ka na. Hindi mo na nga natanggal ang id mo sa leeg mo. Salamat, dahil ginising mo ako baka nawala ang phone ko kung hindi mo ako ginising."
"Ma'am, tama po ang address?" tanong delivery boy.
Tumango ako. "Salamat."
Pumasok ako sa loob at pinagpatuloy ko ang pakikipag-usap sa bumili ng pagkain ko.
"Sir, kayo po ba 'yung lalaki na nakatakip ng sombrero sa mukha?"
"Yes, ako nga 'yon."
"Ah— paano ko po ito mababayaran sa inyo?"
"Libre ko na 'yan sa iyo, bye!"
"Masyado naman yata akong suwerte ngayong araw."
Binuksan ko ang pagkain na order sa akin. fried chicken, rice, macaroni soup with beef tapa ang laman ng binili niya sa akin. Masyadong marami para sa almusal kaya kinain ko na lang ang beef tapa at kanin. Mamaya ko kakainin ang fried chicken at macaroni soup para hindi na ako bibili ng lutong ulam kapag nagising ako.
"Salamat po sir. Godbless!" Iyon ang huling text ko sa kanya bago ako kumain.
Nang matapos akong kumain ay natulog na ako.
"Celestina! Celestina!"
Boses ni Duday ang naririnig ko habang kumakatok sa pinto. Bumangon ako upang buksan ang pinto.
"Bakit?" gulo-gulo pa ang buhok ko nang humarap sa kanya.
"Dumating na si sir Ben."
"Talaga? Nasaan siya?"
"Papunta na siya rito may kausap lang siya sa baba."
Binuksan ko ang pinto. "Maghihilamos lang ako at mag-toothbrush." Nagmadali akong pumunta sa banyo habang nasa banyo ako ay naririnig kong dumating na si tito Ben dahil narinig ko ang boses niya. Hindi ko alam kung bakit ako biglang kinabahan nang marinig ko ang boses niya.
"Hello!" Nakangiti ako nang lumapit sa kanila.
Natigilan si Tito Ben nang makita ako. Inalis pa niya ang salamin niya at tinitigan niya ako. Lumapit ako sa kanya upang magmano. "Kumusta po tito?"
"Madam Laura?" bulong niya.
Tumingala ako nang marinig ko ang sinabi niya. Parang narinig ko na kasi na sinabi iyon. Hindi ko lang maalala kung saan."
"Sir Ben, ito po si Celestina, baka lang hindi n'yo makilala," wika ni Duday.
Umiwas ako ng tingin kay tito Ben. Hindi ko na kasi kayang makipagtitigan sa kanya.
"Ikaw na ba talaga si Celestina?" tanong ulit ni tito Ben.
Sunod-sunod ang naging tango ko. "Opo, ako na po ito. Ang tagal po natin hindi nagkita kaya malamang hindi n'yo na ako makilala."
Huminga siya ng malalim. "Siguro nga, masyadong busy ako sa buhay kaya hindi ako nakakabisita sa probinsya. Kumusta naman ang magulang mo?"
"Gano'n pa rin po ang trabaho nila. Nangingisda pa rin si tatay ay si nanay ang nagtitinda ng mga isda at meryenda, kaya nga pinursige kong makapunta sa Manila para matulungan sila."
"Matutulungan kita sa bagay na 'yan. Siguradong kapag nakita ka ng dati kong amo. Magugustuhan ka nilang magtrabaho sa kanila."
Ngumiti ako. "Salamat na lang po pero may trabaho na ako ngayon."
Tumango siya. "Mukhang kailangan ko na talagang bumisita sa probinsya n'yo. Kailangan kong kausapin ang tatay mo."
"Siguradong matutuwa si tatay kapag pumunta kayo."
"Huwag mo muna sabihin sa kanila na pupunta ako dahil baka umasa. Kailangan ko kasing maglaan ng oras para makapagbakasyon."
"Huwag po kayong mag-alala hindi ko sasabihin sa kanila."
"Mabuti naman kung gano'n."
"Madam Laura!"
"Po?" Pag-uulit ko.
"Ay, wala nagkamali lang ako ng sinabi," wika ni tito Ben.
"Tito Ben, biscuit at juice lang ang kaya kong ibigay sa inyo."
Umiling siya. "Huwag na may dala akong pagkain sa baba. Halika bumaba ka muna para kumain."
Tumango ako at pumunta kami sa malaking bahay nila na katabi ng apartment. May dalang palabok at pizza si tito Ben kaya napadami ang kain ko. Habang kumakain ako ay napapansin kong panay ang tingin niya sa akin. Hindi ako nakatiis lumapit ako kay tito Ben.
"Tito, hindi ba kayo makapaniwala na dalaga na ang iyakin na batang si Celestina noon."
Ngumiti siya. "Hindi ko akalain na lalaki ka magandang dalaga."
"Nagmana ako kay tatay at nanay," sagot ko.
"Celestina, natatandaan mo ba ang nangyari sa dagat noon?"
Saglit akong nag-isip. "Wala po akong maalala dahil nawala ang alaala ko."
"Kaya naman pala wala kang maalala."
"Masarap po ang palabok na binili n'yo," pag-iiba ko ng topic.
Habang tumatagal na nag-uusap kami ay naiilang ako sa sinasabi niya. Ganito siguro kapag matagal na hindi nakita at nakasama ang kamag-anak.
Tumango si butler Ben saka muling ipinagpatuloy ang pagkain. Nang umalis siya ay muli akong natulog para may laban ako sa puyatan para mamayang gabi.
"Ikaw ba si Celestina?" tanong sa akin ng isang team leader na si Thea. Nakataas ang kilay niya sa akin habang nakatingin.
"Yes, Ma'am."
"Ikaw ba ang bagong babae ni Fred?"
Kumukunot ang noo ko. "Po?"
"Nakarating sa akin ang tsimis. "Ang sweet n'yo raw ng trainor mo kagabi. Hindi mo ba alam na magkasama na kami sa bahay?"
"Wala naman akong ginagawang masama," sagot ko.
Tinaasan niya ako ng kilay. "Hindi ka nararapat dito." Sabay talikod niya sa akin.
"Anong problema niya?"
Binaliwala ko ang sinabi niya sa halip ay nag-focus ako sa unang araw ko sa pagsabak sa calls. Naging busy ako dahil talagang ginawa ko ang lahat ng best ko.
"Celestina, pumunta ka sa opisina ni sir Francis," sabi ng team leader ko bago ako mag breaktime.
"Yes, TL."
Habang papunta ako sa opisina ni sir Francis ay kinakabahan na ako. Nag-iisip ako kung anong mali kong ginawa para patawag ako. Second day ko pa lang sa trabaho kaya sobrang kaba ko.
Huminga ako ng malalim bago ko buksan kumatok sa pinto. "Kaya ko 'to," bulong ko.
Dahan-dahan kong pinihit ang seradura pagkatapos kong kumatok ng tatlong beses. Pagpasok ko ay nakita ko ang trainor namin na si sir Fred at ang live in partner nito na isang team leader din.
"Good evening po." Sabay yuko ko.
"Celestina, umupo ka?" sabi ni sir Francis.
"Sir, bakit n'yo ako pinatawag?"
"Celestina, willing ka ba na ilipat ng ibang lugar?"
"Po?"
"Nagsumbong sa akin si Thea, masyado raw kayong sweet ni Fred, kaya para walang gulo ay lumipat ka na lang sa ibang lugar. Huwag kang mag-alala dahil pareho lang naman ang sahod mo roon."
"Sir Francis, wala namang masama sa amin ni Celestina. Ito lang si Thea ang tamang hinala," sagot ng trainor namin.
"Talagang pinagtatanggol mo pa siya. Nakita ka ng tauhan ko na nagbigay ng pagkain sa kanya," pagtataray ni Thea.
Hindi ko na nga tinanggap ang binigay niya sa akin. Nagkaroon pa rin pala ng isyu.
"Saan po ako ililipat?" sagot ko.
"Sa fairview," sagot ni sir Francis.
Gusto kong tumanggi pero wala naman akong karapatan dahil bago pa lang ako sa trabaho na ito.
Tumango ako. "Yes, sir."
"Ihahatid ka ngayon para maituro na sa 'yo ang gagawin mo doon."
Huminga ako ng malalim. "Okay, sir."
"Good, thank you," sagot ni sir Francis.
Gusto kong umiyak dahil mas lalong mapapalayo ako sa apartment ko. Kung iiyak naman ako ay walang mangyayari.
Lumabas ako ng opisina ni sir Francis at dumiretso sa canteen.
"Celestina!" tawag ni Jesica.
Pilit akong ngumiti. "Break time mo na rin."
Ngumiti siya. "Pinag-break time na ako dahil aalis ako."
"Saan ka pupunta?"
"Sasama sa iyo dalawa tayong ililipat sa Fairview ngayon."
Ngumiti ako. "Nag-presinta ka ba?"
Tumango siya. "Oo, ang sabi nila ikaw daw ang isang ililipat kaya pumayag ako."
"Salamat, inilipat ako dahil pinagselosan ako ng live in partner ni sir Fred.
"Sa mukha ni ma'am Thea, talagang kailangan niyang magselos. Abah! Gagastos siya ng milyon para gumanda ang mukha niya. Si sir Fred, mukhang babaero rin. Ang sabi nga ng ibang empleyado rito sakit daw ng ulo ang dalawa na 'yan. Hindi lang mapaalis kasi regular na."
"Hays! Talagang kailangan kong lumipat ng bahay."
"Oo, lumipat ka na lang ng bahay para hindi ka mahirapan."
"Sama tayo sa bahay."
"Nakatira doon ang magulang ko kaya doon muna ako titira. Kung wala kang mahanap doon ka muna sa amin pansamantala."
"Salamat, Jesica."
"Wala 'yon."
Nakahinga ako ng maluwag. Dalawang araw pa lang akong nagtatrabaho pero ang dami ng nangyari sa akin.
Sana tumagal ako sa trabaho ko.