Danica
"Multo!!!"
"Nabuhay ang patay!!!"
Nagtakbuhan na nga ang lahat ng mga tao.
Samantalang si Dave ay nanlalaki pa rin ang mga mata at mukhang natulala na habang nakatitig pa rin sa akin. Namutla siya at parang tatakasan na ng kaluluwa niya sa nakikita kong hitsura niya.
Ngunit hindi naging kabawasan iyon sa angkin niyang kagwapuhan at kakisigan.
"Danica, ano bang ginagawa mo?!"
Napalingon naman ako kay tiyong Kanor na ngayon ay bakas na ang matinding galit sa anyo niya habang nakatitig sa akin mula sa malayo.
Doon lamang mukhang natauhan at natigilan ang iba pang mga taong naririto.
"Ano ang ibig sabihin nito, Kanor?! Buhay ba ang anak mo?!" tila hindi makapaniwala namang tanong ng isang konsehal kay tiyong.
"A-Aah--" tila hindi malaman ni tiyong ang isasagot niya at maging si tiya Perla ay sumiksik na rin sa likod niya.
"Fuck!"
Naagaw naman ang atensyon namin nang biglang sumubsob sa lupa si Dave kung saan malapit sa kinaroroonan ng kapatid ko.
"Ateee!" muli namang umatungal ng iyak si Lance habang pilit akong inaabot.
"Lance!" Mabilis ko nang tinakbo ang kinaroroonan niya.
Sa gilid naman ng mga mata ko ay pansin ko ang paglingon sa akin ni Dave.
"Oh, shit! You're fucking alive?! Really?!"
Nanlalaki pa rin ang mga mata niya habang nakatitig sa akin ngunit hindi ko siya pinansin.
"Lance, halika na. Tumayo ka." Kaagad kong inalalayang makatayo ang kapatid ko.
"Tangina! Hindi ka na makakalabas pa dito ng buhay!"
Napalingon naman ako kay Kaleb na ngayon ay pasugod nang muli kay Dave. Si Dave naman ay kasalukuyan pa ring nakasubsob sa lupa.
Mas lalo naman akong kinabahan at nataranta lalo na nang magsidatingan na rin ang iba pa niyang mga barkada dito sa loob ng bakuran! Ngunit nagkalat din ang mga lalaking naka-business suit ng itim at siyang humarang sa mga barkada ni Kaleb.
"Ay! Tumigil na kayo!"
"Umalis kayo dito!"
Saway nila tiya Perla at tiyo Kanor sa kanila na ngayon ay patuloy sa pagrarambulan.
Nasagi na nila at pumutok ang ilang bombilya na nakasabit lamang sa mga mababang sampayan. Nawasak na ang ilang mga upuan at nagtalsikan na ang ilang mga mesa.
"Lance, yumakap ka sa akin ng mahigpit. Aalis tayo dito," mariin kong utos kay Lance bago ako umupo sa harapan niya at siya naman ay mabilis na dumamba sa likuran ko.
"Opo, ate." Mahigpit siyang yumakap sa leeg ko bago ako tumayo at tumakbo patungo sa likod ng makapal na kurtina kung saan ipinuwesto ang kabaong ko.
Ipinagpapasalamat ko na bahagyang dumilim ang paligid dahil sa mga nabasag na bombilya kaya't may pagkakataon na kaming makatakas ng kapatid ko mula sa impiernong lugar na ito.
"Danica, bumalik kayo dito!"
Halos mapatalon naman ako sa gulat nang marinig ko ang malakas na tinig ni tiyong Kanor.
"A-Ate, a-andyan na si tatay! B-Baka maabutan niya tayo." Muling umiyak ang kapatid ko sa takot.
"Huwag kang maingay para hindi tayo marinig."
Sumiksik ako sa gilid ng apartment namin patungo sa dulong bahagi ng mga sumunod pa na bahay. Siksikan ang mga bahay dito dahil sa iskuwater lamang naman kami nakatira.
Madilim ang paligid at nahihirapan akong makakita.
"Ah!" napadaing ako nang may maapakan akong matalim na bagay ngunit nagpatuloy pa rin ako sa mabilis na paglalakad.
Walang sapin ang mga paa ko at ramdam ko ang pagtama ng mga bato-bato sa lupa na natatapakan ko. Sumasabit din ang laylayan ng puting dress na suot ko na umabot ang haba hanggang sa sakong ko.
Ngunit kailangan naming makaalis dito. Kailangan naming makatakas! Bahala na kung saan kami mapunta ng kapatid ko. Kailangan naming makalayo mula kay tiyong!
Ilang minuto ang lumipas, sa wakas ay nakalabas din kami sa medyo maluwag-luwag na iskinita ngunit nananatili pa ring madilim ang paligid dahil wala namang poste ng mga ilaw dito sa looban.
"Ay, multo!"
Isang Ale ang napasigaw nang biglang bumukas ang pinto ng bahay nila na nadaanan namin.
"S-Sorry po," paghingi ko na lang ng paumanhin at nagpatuloy pa rin sa pagtakbo habang kilik ko ng mahigpit ang mga hita ng kapatid ko sa tagiliran. Ito ay upang hindi siya malaglag mula sa likuran ko.
"Ano ba naman kayo?! Bakit ganyan ang suot mo! Akala ko ay multo na!" patuloy na pagsigaw ng Ale mula sa likuran namin ngunit hindi na ako sumagot pa.
May nararamdaman akong mga yabag mula sa likuran namin kaya naman mas binilisan ko pa ang pagtakbo.
"A-Ate, m-may mga tao sa likod."
"Oo, alam ko. Kumapit ka lang ng mahigpit."
Natatakot ako na baka si tiyong Kanor iyan o maaari ding ang mga barkada ni Kaleb. P'wede rin naman ang grupo ni Dave ang mga nagtatakbuhan sa likuran namin.
Baka palabas na rin sila sa highway! Hindi nila kami p'wedeng abutan!
Mas binilisan ko pa ang aking pagtakbo hanggang sa matanaw ko na ang liwanag sa dulong bahagi at may mga mabibilis na sasakyan na ang dumadaan doon.
"A-Ate..."
"Malapit na tayo."
Ramdam kong nahihirapan na rin ang kapatid ko ngunit hindi kami p'wedeng huminto.
"Habulin niyo!"
Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na lumingon sa likuran nang marinig ko ang tinig ni Kaleb. Mas lalong dumoble ang kaba sa dibdib ko nang maaninag ko mula sa dilim ang mga taong nagtatakbuhan.
"Ate, si kuya!"
"Tumigil ka, Lance. Huwag kang sumigaw."
Mas lalo kaming mabibisto nito kung napakaingay niya!
Pagdating namin sa labasan ay kaliwa't kanan akong lumingon upang humanap ng aming pagtataguan. Hanggang sa mapatingin ako sa isang itim na kotseng nakaparada sa malapit.
"Lance, dito tayo."
Patakbo akong lumapit doon at sinubukang buksan ang compartment nito. Nanlaki naman ang mga mata ko nang bigla itong bumukas.
"Lance, pumasok ka sa loob. Bilis!"
"Opo! Opo!" Kaagad ko siyang ibinaba doon. Matapos ay ako naman ang sumakay.
Kaagad ko ring hinila ang takip nito paibaba upang sumara. Nakulong kaming bigla ni Lance sa madilim na paligid. Kaagad ko siyang niyakap at tinakpan ang bibig niya.
"Nakita niyo ba?!"
"Wala, eh!"
"Hanapin niyo, mga ulol!"
Doble-doble ang kaba at abot-abot ang panalangin ko na sana ay lumayo sila at hindi nila maisipang buksan ang compartment ng kotse na ito.
"Baka doon!"
Naramdaman namin ang mabibilis nilang mga yabag papalayo. Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag.
Bubuksan ko na sana ang pinto ng compartment nang masilip ko naman mula sa siwang ng butas nito ang paglabas ng mga naka-business suit na mga lalaki at sumunod sa likuran nila si Dave.
"Find that fucking asshole. Huwag na huwag kayong magpapakita sa akin hangga't hindi niyo nakukuha sa kanya ang k'wintas ko!"
"Yes, boss!!!"
Kaagad tumalima ang mga lalaking kasama niya at nagkalat sa buong paligid. Siguro ay nasa sampu sila ka-tao.
Natanaw ko namang nagtungo sa kotseng kinaroroonan namin si Dave. Mabilis kong isinara ang pinto ng compartment upang hindi niya ito mapansin.
Naramdaman ko ang paggalaw ng kotse at tila pagbukas-sara ng isang pinto. Sumunod ay naramdaman namin ang pag-andar nito. Muli kong itinaas ng kaunti ang pinto ng compartment at sumilip sa labas.
Tumatakbo na ang kotseng sinasakyan namin. Hindi kaya pag-aari niya ito?
Hindi ko alam kung saan kami dadalhin ng kotseng ito pero bahala na. Ang importante ay makaalis kami sa lugar na ito!