Danica
Naririnig ko ang mahinang panaghoy ni Lance mula sa labas ng kabaong na kinalalagyan ko.
"A-Ateee..." Patuloy siya sa mahina niyang pag-iyak.
"Nakikiramay ako, Pare, sa pagkawala ng anak mo."
"Huwag kang mag-alala, Mang Kanor. Inilapit na namin ito kay Mayor para matulungan ka nila sa burial at pagpapalibing ng anak mo. Mabibigyan pa nila kayo ng malaking halaga para makapagsimula ulit kayo ng mga anak niyo."
"Salamat sa inyo."
"Pagpasensyahan mo na itong nakayanan namin."
"Malaking bagay na ito, Pare. Salamat."
Naririnig ko ang mga pag-uusap nila tiyong Kanor at ng ilan sa mga taga-Barangay sa lugar na ito. Isa na nga doon si Kapitana at si Konsehal.
"Anong gusto niyo? May mga baraha pa dito! Oh, kayo?! 'Yong tong niyo dyan! Huwag niyong kalilimutan!" naririnig ko rin ang bawat pagsigaw ni Kaleb, anak ni tiyong Kanor sa lahat ng mga nakikiramay sa kunyari ay bangkay ko. Para lamang makarami ng pera mula sa mga tong at sa mga bigay-bigay nila.
"Sa letrang 0! Magkapatong! 69!" nangingibabaw din sa buong paligid ang tinig ni tiyang Perla kasabay nang pag-ingay ng alugan ng Binggo at hiyawan ng mga kasama niyang mga manlalaro.
"Hoy, bata ka. Galingan mo d'yang umarte kung ayaw mong magulpi! Kakaunti pa ang nalilikom nating pera!" Bigla ko namang narinig ang mariing bulong ni tiyong Kanor na sigurado akong kay Lance, na bunso kong kapatid.
"O-Opo. Igk! Ate! Bakit mo ako iniwan?!" Narinig ko ang mahina niyang pag-igik at paglakas bigla nang pag-iyak niya.
Naikuyom ko ng mahigpit ang mga kamao ko at muling namuo ang matinding galit sa dibdib ko dahil sigurado akong sinaktan na naman nila ang kapatid ko!
Gustong-gusto ko nang lumabas mula sa madilim na kabaong na ito mula sa isang linggo na naming paglalamay dito ngunit wala akong magawa.
Alam kong hindi rin naman kami makakatakas ng kapatid ko mula sa mga kamay ni tiyong, ng bago niyang asawa at ng anak niya. Bagkus ay puro latay lang sa katawan ang matatanggap namin mula sa kanila.
Hindi ko na rin maatim pa ang mga panlolokong ginagawa nila sa mga tao para lang magkapera at kami ng kapatid ko ang ginagamit nila.
Si tiyong Kanor ay dating asawa ng yumao naming ina ni Lance. Si Lance ang kanilang anak ngunit simula noong mamamatay si Mama mula sa isang malubhang sakit ay kami na ang pinagtrabaho ni tiyong Kanor.
Samantalang siya ay nalulong sa alak, sugal at sigarilyo at doon niya rin nakilala ang bago niyang asawa na si tiya Perla. Si Kaleb naman ay anak ni tiyo Kanor sa una pa niyang asawa bago ang aking ina.
Panglimang lugar na itong nalipatan namin sa Pasig at pagkatapos ng dalawa o tatlong linggo naming pamamalagi dito at pagkakakulong ko sa kabaong ay lilipat naman kami sa ibang lugar para doon tumira. Pasikreto lamang akong binibigyan ni Lance ng tinapay at inumin upang makakain ako.
Sinadya nilang walang salamin sa ibabaw ang kabaong upang hindi na nila makita pa ang hitsura ko dito sa loob at upang hindi nila mapansin na buhay naman talaga ang taong pinaglalamayan nila.
Malaki ang nakukulimbat nilang pera mula sa mga bigay-bigay ng mga tao at ng mga nagtatrabaho sa barangay at cityhall, ganun na din kay Mayor. Hindi lang ito ang mga raket nila para kumita, marami pang iba at lahat ay pawang ilegal.
"Kaleb! Kaleb! May parating."
"Sino?"
Napakunot ang noo ko nang marinig ko ang tila humahangos na tinig ng isa sa mga barkada ni Kaleb. Nagsi-tahimik bigla ang mga tao at may mga yabag akong nararamdaman na tila palapit.
"Boss, siya po si Kaleb Abante."
"Sino ka naman? Anong kailangan mo?" nadinig ko ang maangas na tinig ni Kaleb.
"I'm sure you already know what I came here for. Give me back what you fucking stole from me kung ayaw mong magkagulo sa lamay niyong 'to."
Natigilan ako nang may marinig akong pamilyar na baritonong boses ng lalaki na nagsalita. May diin at pagbabanta sa himig niya.
"Ako ba hinahamon mo? Huwag mo akong pinaaandaran ng english-english mo. Wala akong pakialam kung mayaman ka. Hindi mo ba kilala kung sino ako sa lugar na ito?"
"I don't fucking care who the asshole you are. Don't waste my time!"
"Ang yabang din naman pala nito, eh. Porket mayaman ka, maangas ka na kung umasta?! Akala mo ba hindi kita sasantuhin? Alam mo bang sa pagpasok mo sa teritoryo kong 'to ay maaaring hindi ka na sikatan pa ng araw?"
"Sino ka ba, lalaki? Anong sinasabi mong ninakaw ng anak ko sa 'yo?!" Nag-umpisa na akong kabahan nang marinig ko na ang galit na tinig ni tiyong Kanor.
"Sino ka ba, Iho? Huwag kang magdala ng gulo sa lamay ng anak namin!" pagsingit na rin sa kanila ni tiya Perla.
"Walang gulo kung ibabalik ng anak niyo ang importanteng bagay na ninakaw niya sa akin."
Bigla namang humalakhak ng malakas si Kaleb. "Ang kwintas ba ang tinutukoy mo? Ang yaman-yaman mo, bakit hindi ka na lang ba bumili? Sumugod ka pa talaga para lang do'n?"
Kwintas? Anong kwintas?
"You don't know what you're talking about. Just give me back the necklace."
"Gusto mo talaga? P'wes, kunin mo. Nasa loob ng bibig ng kapatid ko."
Biglang namilog ang mga mata ko kasabay nang pagdagundong ng kaba sa dibdib ko. Sinong kapatid ang tinutukoy niya? Ako ba o si Lance?
Mas lalo akong nataranta nang makaramdam ako ng mga yabag na papalapit sa kinaroroonan ko.
"A-Anong gagawin niyo? Huwag niyong bastusin ang anak ko!" dinig kong sigaw ni tiyo Kanor at kasunod niyon ay mga ingay na tila nagrarambulan na.
"ATEEEE!!!" biglang sumigaw ng pagkalakas-lakas si Lance.
Anong gagawin ko?!
May naririnig akong mga pagkabasag at mga dagubdob na tila malalakas na suntok sa katawan.
"Itigil niyo 'yan! Isusumbong ko kayo kay Kapitan!" sigaw ni tiyo Kanor.
"Kaleb!" Ramdam ko naman ang takot sa tinig ni tiya Perla.
"ATEEEE!!!" muling sigaw ni Lance na mas lalong nagpadagdag sa takot at kaba ko.
Handa na sana akong bumangon at lumabas mula sa kabaong nang maramdaman kong tila may malakas at mabigat na bagay na bumangga sa kinalalagyan ko at ilang sandali lang ay tumabingi ako at tila nahulog ang kabaong na kinahihigaan ko!
"Ah," napadaing ako nang tumama ang mukha ko sa matigas na kahoy. Natanggal ang takip ng kabaong at sumabog bigla ang liwanag sa paligid ko.
"Ang anak ko! Itigil niyo 'yan! Tulong!"
Sa una ay malabo ngunit hindi rin nagtagal ay luminaw ang paligid at nakikita ko na ang dami ng tao at mga lalaking nagsusuntukan sa harapan ko.
Nakita kong nakasalampak na sa lupa ang kapatid kong walong taong gulang pa lamang at umiiyak kaya't mabilis akong bumangon.
"Ang patay! Nabuhay ang patay!"
"Bumangon ang patay!"
"Oh, Diyos ko! Mahabaging Diyos!"
"Nabuhay ang patay!"
"Multo!!!"
Biglang nahinto mula sa pagrarambulan ang mga lalaki at mabilis na lumingon sa akin habang may nanlalaking mga mata.
Isa na nga doon ang lalaking minsan ko nang hinangaan dahil sa angkin niyang kakisigan.
"What the hell?"