REGIS DEMORGON 1

2284 Words
BLAIR VIPER TORO TAGAKTAK ang aking pawis sa mukha habang pasan-pasan sa kaliwa kong balikat ang isang sako ng uling. Panghuling sako na ‘to sa limang hinakot ko kanina. Nang marating ko na ang waiting shed, pabagsak kong nilapag ang sako sa lupa at bumuga ng marahas na hininga. Kinuha ko ang pamunas kong towel na naka-sabay sa kabila ko namang balikat at padiin na pinunasan ang buo kong mukha habang bahagyang nahihingal. Umupo muna ako sa isang tabi. Habang nagpapahinga, narinig kong may paparating na motorsiklo. Sinulyapan ko iyon at akala ko, si Mang Tores na. Inalis ko na ang aking pagkakatitig pero napansin kong huminto ang motor sa harapan ng waiting shed. “Blair! Magkano ang isang sako!” Binalingan ko agad ng tingin. Nakita ko si Mang Isidro. Angkas-angkas sa motor ang asawa n’ya. “Bibilhin ko na ang dalawang sako sana!” “Naka-kontrata na ang mga ‘to kay Mang Tores. Bukas na lang kung gusto mo.” Sumangayon s’ya sa sinabi ko at nagmaneho na palayo. Tumayo na lang ako sa pagkakaupo at sumandal sa poste ng waiting shed. Kinuha ko ang pakete ng sigarilyo sa bulsa ng pantalon ko at lighter. Kumuha lang ako ng isang stick. Inipit ko ang filter sa aking mga labi sabay sinindihan ang dulo. Sunod-sunod kong hinithit hanggang sa nagbaga na. Binulsa ko ulit ang lighter. Nagpapausok na ako habang naghihintay kay Mang Tores. Nagmamadali ang matandang ‘yon kahapon para um-order sa ‘kin ng limang sako kaya magdamag ko tuloy hinukay ‘yong inuuling ko. Alas dos na ako natapos. Naka-sampung sako ako at kalahati. Ibibigay ko naman kay Mang Isidro ang dalawa bukas. Matiyaga akong naghihintay pero umabot na yata ng halos isang oras, hindi pa rin ako sinisipot. Nakakatatlong stick na ako pero hindi pa rin dumadating ang taong hinihitay ko. “Bakit ang tagal naman yata?” mariing usal ko at marahas na dumura. Ala una na yata ng hapon. Kaunti lang ang kinain ko kaninang umaga dahil nagmamadali na ako tapos paghihintayin lang din pala ako ng ganito katagal? Namamakat na ang aking mga ugat sa ulo. Nabuburyo na ako sa aking puwesto. Habang palakad-lakad sa waiting shed, may natanaw akong pamilyar na tao na papalapit sa aking kinaroroonan. “Kuya Ton!” Tinawag ko ang kapatid ni Mang Tores. Narinig n’ya agad ang aking sigaw at patakbong lumakad palapit sa akin. “Oh, Blair? Bakit?” Tumigil s’ya para maharap ako. “Kuya, na saan si Mang Tores? Ilang oras na akong naghihintay rito pero hanggang ngayon, wala pa rin s’ya,” naiirita kong sambit. “Order n’ya ba ‘yan?” Sabay tinuro ang mga uling. “Oo. Paki sabi naman na puntahan na n’ya agad ako rito dahil hahakutin ko pa ang mga uling ko pababa ng bundok. Paki bilisan, ‘ka ‘mo,” mariing usal ko. Mabilis akong tinanguan ni Kuya Ton. “Sige, Blair. Babalik na lang ako sa ‘min.” Pinasalamatan ko na s’ya at nagmadaling umalis. Pambihira naman. Hindi sumunod sa usapan. Nag-sayang pa tuloy ako ng oras sa kakahintay dito. Punyeta talaga. Lumipas ang ilang mga minuto, narinig ko na ang tunog ng motorsiklo hanggang sa natanaw ko na nga si Mang Tores. Alam kong sa malayo pa lang, nakikita n’yang naka-salpok ang mga kilay ko. Hinintay ko s’yang nag-park sa ‘di kalayuan sa puwesto ko at lumakad na palapit sa ‘kin. “Hindi ba’t ang sabi ko, alas onse ng umaga ang transaksyon?” Saglit n’ya akong tinitigan sa mukha bago sinulyapan ang mga sako ng uling na naka-hilera sa likuran ko. “Magkano lahat ‘yan?” “Apat na raan. Bale dalwang libo lahat.” Tinapunan n’ya ako ng tingin at pinalakihan pa ako ng kan’yang mga mata. “Anak ng—ganiyan ka mahal?! Eh tatlong daan lang ‘yan sa palengke!” “Bakit ka sa akin nagpakontrata kung namamahalan ka? Dalawang oras pa ang biyahe papunta sa bayan. Isang daan lang ang patong ng benta ko at isa pa, hindi durog-durog ang uling ko.” Napapailing si Mang Tores. “Puwede na ang isang libo sa limang sako.” Sumingkit ang mga mata ko, “Nananaga po ako ng barat na kostumer. Hindi na makatarungan ang presyo na gusto n’yo.” “Negosyante rin ako, Blair… Ang mahal ng uling mo. Isang libo na lang. Kung hindi ka papayag… ‘di bale na lang! Sa palengke na lang ako bibili!” Nandilim ang aking paningin ng tumalikod s’ya sa ‘kin. Namakat ang panga ko sa aking pisngi at kinapitan ko na ang handle ng taga kong naka-sabit sa aking tagiliran. Dahan-dahan kong binunot iyon at humakbang ng mabilis para habulin ang matanda. Nang maka-lapit ako sa kan’ya, agad kong kinapitan ang likuran ng kan’yang kuwelyo at marahas na hinila. “A-ANONG—“ Napa-tigil s’ya sa pagsasalita nang tinapat ko ang talim ng aking taga sa kan’yang leeg. Tumigil ang mundo n’ya. “Hindi mo yata ako kilala? Minsan ko na ring binugbog ang kapatid mo noong nakaraang taon dahil sinumbong n’ya ako sa kapitan na pumutol daw ako ng puno sa pinagbabawal na parte ng gubat kahit hindi naman… gusto mo bang isunod na kita, ha?” Sunod-sunod ang kan’yang pag-lunok at dahan-dahang tinaas ang magkabila n’yang mga kamay. “M-M-Magkano nga ulit ang limang sako?” “Dalawang libo.” Nakita kong nagmadali na agad n’yang kinapa-kapa ang mga bulsa ng kan’yang pantalon at nang mahanap na n’ya, nanginginig-nginig pa ang mga kamay habang kinukuha ang apat na limang daang pisong papel sa loob ng kan'yang pahabang itim na wallet. Inabot n’ya iyon sa ‘kin. Binitawan ko ang pagkakahawak sa kwelyo n’ya at marahas na hinablot ang pera. “A-Alisin mo na sa leeg ko—“ Lumayo ako ng konti at sinipa ko s’ya sa puwet. Napa-subsob n’ya sa lupa. “Wala ka palang plano na bilhin ang mga uling ko. Kung hindi ko pa nakita si Kuya Ton, hindi mo ako sisiputin?” Hinarap n’ya ako habang napapalunok ng mariin. Hindi na s’ya nakapagsalita. Namumutla na habang tinititigan ako. Binalik ko na ang taga ko sa wooden case n’ya at humakbang na palayo sa lugar na iyon. Napa-ngisi ako nang marinig kong sunod-sunod na pumakawala ng malalalim na hininga si Mang Tores. Binulsa ko na ang pera. Nilakad ko naman ang daan patungo sa bahay ng tiyahin ko. Halos isang oras at kalahati akong nag-lakad mag-isa. Doon kasi naninirahan ang kapatid kong lalake na labing walong taong gulang. Senior high school student. Kaya ko roon pinatira kina Tita para makapagfocus s’ya sa pagaaral n’ya. Nasa bundok kasi ang bahay namin. Kung kay Tita s’ya titira, halos isang oras na lang ang kan’yang bibiyahihin papuntang school nila. Mabait naman si Tita Brenda. Kahit kapos din sila sa buhay, tinanggap n’ya pa rin ang aking kapatid. “Brion! Nandito ang ate mo!” Papasok pa lang ako sa bakod, nasilayan kong napa-hinto sa pagwawalis ng bakuran si Tita at sinalubong ako ng masayang ngiti saka n’ya tinawag si Brion. Nilapitan ko si Tita. “Magandang hapon po, tita…” marahang bati ko at nag-mano muna sa kan’ya. “Naku, Blair… Ano ‘yang hitsura mo? Bakit mas madumi ka pa yata ngayon kaysa noong nakaraang linggo?” Tinitigan ko naman ang hitsura ko. Namanstahan ng uling ang suot kong maluwang na t-shirt na pinaglumaan ni Brion. Sinusuot ko lang naman ‘to sa ulingan. Pati pantalon ko, ganoon din kadumi. Narinig kong huminga ng malalim si Tita at nilapitan pa ako. Marahan n’yang hinawakan ang aking pisngi at pinaharap ang mukha ko sa kan’ya. Tinitigan ni Tita ang bawat parte ng hitsura ko. “Tingnan mo nga oh… may bakas pa ng uling ang mukha mo…” Marahan na pinunasan ni Tita ang mga pisngi ko para alisin ang kulay ng uling. “Ang ganda-ganda mo pa rin, Blair… Manang-mana ka talaga sa mama Vixen mo…” Natawa ako ng mahina sa papuri ni Tita. “Pero kailan ka kaya titigil sa paninigarilyo mo? Mabilis kang tatanda n’yan… ‘Wag ka naman makisabay sa bisyo ng papa mo…” “Titigil din po ako, ‘ta… Minsan lang naman.” Hiningahan n’ya ako ng marahas. “Pasens’ya na kayo kung hindi ako nakapagbihis. Madaling araw na ako natapos sa paghuhukay at pagsasako ng mga uling ko… tapos kumain lang ako saglit ng agahan… at hinakot ko pababa ng bundok ang uling sa waiting shed... sa gilid ng kalsada.” Mas lumalim pa ang pag hinga ni Tita Brenda. Kinapitan n’ya naman ang mga kamay ko at binabaan ng tingin ang aking mga palad. Tinitigan ko rin ang kan’yang tinititigan. Napa-ngiti ako nang masilayan ko ang kulay itim kong mga kamay. May mga paso pa nga ako at sugat. “Haayan mo, kapag nakapagtrabaho na si Brion… Makakagpahinga ka na sa kakatrabaho at hindi na malalasog 'tong mga kamay mo…” Mas lalong kumurba ang mga labi ko. “Isang taon mahigit pa ang aantayin ko, ‘Ta…” Inangat n’ya ako ng tingin. “Bakit ka nga pala pumunta rito? Mag-a-alas tres y media na ng hapon… May bigas, ulam at allowance pa naman ang kapatid mo…” “Ang sabi n’ya sa ‘kin noong huli kong punta rito, marami raw s’yang bayarin sa school n’ya. Isang libo at limang daan daw ang kailangan n’ya… Pero may dala akong dalawang libo rito. Nakota ko kanina lang din. Sa susunod pa na linggo n’ya kailangan pero pasalamat ako dahil nagkapera agad.” Tumango si Tita. “Pasok ka muna… baka hindi narinig ni Brion ang sigaw ko kanina.” Pumasok na kami sa loob ng bahay na yari sa plywood, kawayan at yero. Si Tita Brenda, panganay na kapatid ni Papa. Iniwan s’ya ng asawa n’ya dahil sa tagal ng pagsasama, hindi sila nagkaroon ng anak. May problema pala sa matres ang si Tita. Sa magkakapatid, s’ya lang ang mabuti sa ‘min. Pinaupo muna ako ni Tita sa sala. Sinandal ko ang aking likod sa matigas na sandalan ng pahabang upuan. Napapangiwi ako habang dinadamdam ko ang pananakit ng aking mga kasu-kasuan. Sanay na ako sa ganitong klaseng sakit pero napa-sobra ang trabaho ko kaninang madaling araw at nakakaubos ng lakas. “Ate Blair!” Napa-tayo ako ng tuwid nang marinig ko ang masiglang boses ni Brion. Natanaw ko s’yang kakalabas lang ng pinto. “Sorry po ‘te. Naka-tulog ako... Hindi ko alam na tinatawag n’yo pala ako ni Tita..." Umupo s’ya sa tabi ko siniil ako ng mahigpit na yakap. “Ano ka ba… madudumihan ang t-shirt mo.” Natawa si Brion at kumalas sa pagkakayakap sa ‘kin. “Kumusta ang pagaaral mo?” “Mamaya na ‘yan, ‘te. Ang sabi sa ‘kin ni Tita nag over time ka na naman daw sa bukid. Masahihin ko muna ang likod mo ‘te…” “Hindi pa ako naka-ligo. Kay Elenor na lang ako magpapamasahe mamaya…” “Ano oras ka po natapos kagabi?” “Hindi na gabi ‘yon, madaling araw na.” Nasilayan kong pumait ang ngiti ni Brion. “Pero okay lang, naka-kota ako ng dalawang libo. Sa ‘yo na lahat at pandagdag mo na lang ng allowance mo ang limang daan dahil magkakapera naman kaagad ako bukas.” Marahang tumango ang kapatid ko. Alam kong nasasaktan s’ya lagi sa kalagayan ko dahil ako ang nagkakayod para maitawid ang pagaaral n’ya. Wala kasing kwenta ang ama namin. Um-extra lang s’ya sa kung ano ang puwede n’yang pagkakakitaan. Hindi ‘yon maasahan para matulungan ako pantustos para kay Brion. Kung sa bagay, kailan pa nagkasilbi ang tatay kong ‘yon? Namatay ang nanay namin nang mahuling kasiping ang kabit n’ya sa bahay. Pero bago pa ‘yan nangyari, simula noong pinagbubuntis pa lang ako ni mama, ‘di hamak na pagmamaltrato ang kan’yang tinanggap. Hanggang sa niluwal ako at lumaki. Ginawang punching bag ang mama ko. Kahit buntis s’ya kay Brion dati, walang patawad ang papa ko at nananakit talaga. Saksi ako kung gaano kalupit ang gagong ‘yon hanggang sa tuluyan nang nagkasakit ang mama ko sa utak. Wala kaming kakayahan para maipagamot at tuluyan na s’yang kinuha sa amin ni Brion noong nahuli nga sa akto si papa. Pumutok na ang ugat sa utak n’ya. Iyan ang sabi sa amin ng doktor. Nakuha n’ya iyon sa sobrang stress. Martir ang mama ko, sobra. Umaasa s’yang magbabago ang papa ko para sa ‘min pero wala nang pag-asa. Noong namatay si mama, lumipat kami sa bahay ng kabit n’yang si Elenor doon sa bundok. Kinse anyos lang ako no’n at minaltrato rin nila kaming magkapatid. Pero hindi iyon nag-tagal. Nang tumungtong ako ng labing walong taong gulang, lumaban na ako. Kung p*****n lang ang usapan, hindi na mabilang kung ilang beses kaming muntik humantong sa ganoong sitwasyon. Pinapalayas nila ako pero hindi ako umaalis dahil sa bundok na iyon ako kumukuha ng pangkabuhayan. Maliban sa paguuling, nagtatanim din ako ng mais at iba pang gulay. Binibenta ko sa mga tindahan doon sa palengke. Kahit bugbog sarado sa ‘kin lagi ang kabit ng papa ko, wala silang magagawa dahil doon pa rin ako umuuwi at wala akong maayos na matutulugan sa roon sa gubat kung saan ako nagtatrabaho. Kung noon, kaming dalawa ni Brion ang kawawa, ngayon… hindi na nila ako kayang saktan dahil kaya ko talagang makipagpatayan na wala akong nararamdaman kahit konting takot. Isa pa, tumatanda na si papa. Walang binatbat ‘yon sa ‘kin. Sila ang dahilan kung bakit ako ganito kabayolente dahil pinatay nila ang nanay ko. Nakakaganti ako sa mga kawalang hiyaan nila sa ‘min.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD