Napatigil ang maglolo sa pag-uusap ng lumapit sa kanila ang dalawang nagbabantay sa kanila, habang naiwan naman sa mesang kinauupuan ang dalawa. "Aba, dito pa yata nag-reunion ang maglolo na ito. Ano, tanda, maganda naman pala ang lahi mo at maganda itong apo mo," nakatawang turan ng lalaki na akmang hahaplusin ang mukha ni Leila pero agad itong pumalag at dinuraan ang mukha ng lalaki. Nagtawanan ang dalawang lalaking naiwan sa mesa sa sinapit ng kasamahan, dahil doon ay umalsa ang galit sa mukha ng lalaki at akmang sasampalin si Leila nang pinigilan ito ng katabi. "Gago, hindi ba't kabilin-bilinan ni boss na huwag mong gagalawin," awat ng kasamahan ng lalaki habang nakahawak sa palad nitong isasampal sana kay Leila. "Kanina pa kasi ako iniinis ng babaeng ito, eh," kaila pa ng lalaki.