"Tara, Yoseph. Reggie. Doon na tayo sa sala," pagyaya ko sa kanilang dalawa.
"Sige na, Xyrene. Asikasuhin mo na ang mga bisita mo dun. Dito na lang kami ni Reggie sa kusina," sagot naman ni Yoseph.
“Ha? Hindi pwede.”
"Okay lang kami dito, Xyrene. Lagi naman kaming kumakain dito. Di naman kami others!" dagdag pa ni Reggie.
"Sure kayo?"
Naupo ako sa upuan sa tapat ni Yoseph. Nahiya naman akong iwanan sila dito sa kusina.
"Oh? Doon ka na sa labas. Ayos nga lang sabi kami dito. Andito naman si Aling Cita," sabi ni Yoseph.
Nagkunwari akong sumimangot. "Bakit? Si Nanay ba ang ipinunta n’yo dito?" Hala ka, Xyrene? Ano ‘yang sinabi mo? Pero huli na para bawiin.
Bahagyang tumawa si Yoseph, na dahilan para matunaw ang puso ko. Bakit ang cute niyang tumawa? Ngumiti ako dito.
"Hindi. Okay lang. Naririnig ko naman na nagkukuwentuhan sila dun sa labas," sabi ko sa kanya.
Ewan ko ba. Hindi ko alam kung bakit si Yoseph ang gusto kong makasama ngayon.
"Xyrene. Mahihiga na muna ako sa kuwarto ko, ha. Nakakapagod maghugas ng mga kawali at kaldero. Ikaw na munang bahala sa mga bisita mo," pagpapaalam ni Nanay.
"Aling Cita naman, eh… di ba sabi ko kami na ni Reggie ang maghuhugas ng mga hugasin ngayong araw?" nakangiting sabi ni Yoseph dito.
"Naku! Bisita kayo ngayon, kaya walang maghuhugas. Nagkakaintindihan ba tayo, Yoseph? Ha?" sagot ni Nanay sa kanya, na tinawanan lang ni Yoseph.
"If I know, ‘Nay... schedule n'yo na ngayon nung ka-chat mong foreigner. Sinangkalan mo pa ang mga hugasin..." natatawa kong sabi.
"Ikaw nga Xyrene, huwag kang gumagaya kay Xenia, ah!"
"Bakit 'Nay? Hindi naman kita pinagbawalan, ah? Sabi ko lang, alam kong schedule n'yo ngayon nung ka-chat mo." Hindi pa rin maalis ang ngiti ko sa nakikita kong inis sa mukha ni Nanay. Mabuti na lang at wala si Xenia dito ngayon sa kusina. Kung nagkataon, gagatong pa 'yun sa sinabi ko.
"Sige na po, Aling Cita. Magpahinga na po kayo. 'Wag n’yo na po kaming intindihin ni Reggie dito," singit ni Yoseph sa amin ni Nanay. Tahimik na lumabas na ng kusina si Nanay.
"Ummm... luto mo ba ang mga ito, Xyrene? Ang sarap ha..."
Napabaling ako kay Reggie.
"Ang sabihin mo, gutom ka lang talaga! Ang tagal n’yo naman kasing dumating. Lampas na kaya ang oras ng meryenda," sagot ko sa kanya.
"Si Yoseph kasi, tinapos pa ‘yung meeting niya," walang anuman na sagot ni Reggie.
Pero bigla naman itong parang natigilan sa sinabi niya. Nabitin pa nga sa ere ang tinidor na may lamang pagkain, at isusubo sana niya sa bibig niya.
"Meeting saan?" kuryosong tanong ko.
"Ah... nag-meeting kasi kaming lahat. Patapos na kasi iyung construction. Finishing na lang ‘yan kasi. Kailangang i-report ‘yung status, saka kung ano pang mga kulang. Ganun, " agaw naman ni Yoseph ng sagot.
Napatango na lang ako. Mukhang totoo nga iyung hula ni Randell na wala na silang trabaho. Nang bigla kong naalala iyung mga bulaklak na dala niya.
"Yoseph, di ka na sana nag-abalang bumili nung bulaklak. Mahal yata ‘yun. Sayang ang pera mo," sabi ko dito.
Sasagot sana si Yoseph pero naunahan siyang sumagot ni Reggie.
"Okay lang ‘yun kay Yoseph! Tagal niya kayang pinag-isipan iyang bulaklak na iyan," sabi nito.
"Eh, kasi... wala lang! Eh, sabi mo nga… tapos na ‘yang gasolinahan so... wala ka nang work sa ngayon...." sagot ko sa sinabi ni Reggie, pero kay Yoseph ako nakatingin.
"Um! Don't worry, Xyrene! Hindi problema kay--"
"Reggie...." saway ni Yoseph sa sasabihin sana ni Reggie.
"Xyrene!"
Napalingon ako sa bungad ng kusina. Nakatayo doon sila Myles at Peachy.
"Oh? Tara. Kain uli kayo. Sabayan n’yo na sila," pag-aya ko sa dalawa.
"Naku! Hanggang ngayon nga busog pa ko, eh," sagot ni Peachy na hinimas-himas pa ang tiyan.
"Ako rin," segunda naman ni Myles.
"Cake?"
Nilingon ko iyung dalang dedication cake nila Yoseph na mukhang ang sarap-sarap sa tingin pa lang.
"Ay naku, nakakahiya naman… Pwede bang baunin na lang?" nakangiting sagot ni Peachy.
"Nakakahiya talaga ha..." nakataas ang isang kilay na sabi dito ni Myles.
"Bakit? Inalok naman ni Xyrene, ah! Saka hindi naman nila mauubos lahat yan! Sharing is caring... sabi nga!" sagot naman ni Peachy.
Sumingit na ako ng sagot bago pa dumating na naman sa pagtatalo ang dalawa.
“Okay lang. Mag-uwi na kayo pareho. Marami naman ‘yan.”
Tumayo ako at saka kumuha ng mga nakatabi ni Nanay na mga plastic container na lagayan.
"Oh, maglagay na kayong dalawa," sabi ko, at nauna nang kumilos si Peachy na maghiwa ng cake na dadalhin niya.
"Uy, Yoseph! Bakit di ka kaya mag-audition sa ABC Channel? May looks ka naman. May talent... iyun na ang pagkakataon mo!" salita ni Peachy, habang naghihiwa ng cake.
"Hindi na lang kumuha ng cake, eh. Nakikialam pa sa buhay ng iba!" sagot naman dito ni Myles.
"Pasensiya ka na sa kanilang dalawa, Yoseph. Normal na sa kanilang dalawa iyang magkontrahan lagi," hinging pasensiya ko na nginitian lang ni Yoseph.
"Bakit? Nagsa-suggest lang naman ako. At least, pag naging artista na siya hindi na siya magko-construction worker pa. Oh! Ikaw na humiwa ng cake mo!" inis na baling ni Peachy kay Myles.
"Mahal ko ang AMCO," simpleng sagot ni Yoseph kay Peachy.
"Hindi naman masamang maging loyal sa trabaho mo. Pero dapat iniisip din ang tiyan. Ako nga, wala akong tiyagang magkabisado. Pero nag-Nursing ako, kasi dito ako pwedeng kumita ng malaki kapag nakapag-abroad ako," sagot ni Peachy kay Yoseph.
"Buti pa umuwi na tayo, Peachy. Kasi pag hindi pa tayo naghiwalay, baka hindi matapos ang araw na ‘to, mabigwasan na kita," kalmadong sabi ni Myles kay Peachy.
Sinimangutan lang ito ni Peachy pero nagpaalam na rin naman sa amin para umuwi na.
Pagka-alis nung dalawa ay dumungaw naman si Randell.
"Xyrene, mauna na rin ako. Babalik na lang uli ako, iyung solo kita," paalam nito.
Napansin kong nagtinginan sila Yoseph at Reggie, pero binalewala ko na lang iyun. Agad akong tumayo at saka naglakad palapit kay Randell.
"Hatid na kita sa labas. Baka gusto mong magdala ng pang-hapunan mo mamaya, " alok ko kay Randell.
"Ay, hindi na. Okay lang, Xyrene."
"Paano, pare? Mauna na ko, ha? Wala naman kasi kayong trabaho na bukas kaya pwede kayong late nang umuwi," nakangiting paalam ni Randell kay Yoseph.
Hindi ko alam kung biro lang iyung pagkakasabi nun ni Randell kay Yoseph, pero ramdam kong may tensiyon sa pagitan nila.
"Ihatid na kita sa labas, Randell," sabi ko na lang para maputol na ang tensiyon sa pagitan nila.
Nauna na akong maglakad palabas ng kusina, derecho na sa pintuan palabas ng bahay.
"Mag-ingat ka sa pagmamaneho, Randell,” sabi ko dito nang nasa tabi na kami ng sasakyan niya.
Napatingin ako sa kalangitan na nag-uumpisa nang dumilim. Palibhasa, alas-sais na ng hapon.
"Xyrene, akala ko makukuha ko na ang sagot mo today, eh. Kaso may dumating na mga asungot,” sagot niya sa akin.
Hindi ko inaasahan na iyon ang sasabihin ni Randell. At obvious namang sila Yoseph at Reggie ang tinutukoy niya. “S-Sorry…” tanging nasabi ko.
“Okay lang. Marami pa namang araw. Pero sana nagustuhan mo iyung mga regalo ko sa‘yo."
"Oo naman! Nagustuhan ko," nakangiti ko nang sagot.
Ngumiti rin ito. Nakita ko na naman iyung mga dimples niya. Parang ang gaan kasama ni Randell lalo na pag ganitong ngumingiti siya.
"Sige. See you!" paalam nito, at saka umikot na sa driver's side.
Hinintay kong mawala muna sa paningin ko ang kotse ni Randell, bago ko napagpasyahang bumalik na uli sa loob ng bahay namin. This time, mas madilim na ang paligid. Ang bilis namang gumabi...
Naisara ko na ang lock ng gate, at papasok na sa loob ng bahay nang mamatay iyung ilaw sa sala. Nag-brownout???
Napalingon ako sa poste malapit sa bahay namin. May ilaw naman.
Naisipan kong lingunin ang mga katabi naming bahay. Lahat naman sila ay may sindi ang mga ilaw. Nakaramdam ako ng konting kaba. Ano ba'ng nangyayari? May nangyari ba sa loob?
Dahan-dahan akong humakbang papunta sa pintuan namin. Nakasarado iyung pintuan pero hindi naman naka-lock nung pinihit ko iyong doorknob. Natulos ako sa kinatatayuan ko, dahil nagulat ako sa nakita ko! Ano 'to??
***