Kinabukasan, malayu-layo pa ako sa construction site ng ginagawang gasolinahan nila Yoseph pero pilit ko nang tinatanaw si Yoseph. O kahit si Reggie. O kaya ay si Dindo man lang. Pero lumampas na ako at lahat, pero ni boses ni Reggie o ni Dindo ay wala akong narinig.
Hanggang sa makasakay ako ng dyip ay malungkot ang pakiramdam ko. Bakit ganun? Parang hinahanap ko ang pang-aasar ni Yoseph sa akin, sa kabila ng pang-iindiyan niya kahapon. Parang nasanay na ako. Para na siyang naging ritwal ko tuwing umaga.
Pagdating sa eskwelahan ay pinilit kong mag-concentrate sa lectures ng mga prof ko. Naiisip ko pa rin kasi si Yoseph. Nasa tapat na pala siya ng bahay namin kagabi, bakit hindi pa siya tumuloy?
Nahiya ba siya nang makita niya ang kotse ni Randell sa labas ng bahay namin? O nahiya siya dahil hindi niya natupad ang pangako niya na susunduin ako?
Kung tutuusin nga... dapat mainis ako sa kanya. Dapat hindi ko na siya kausapin pa. Pero ewan ko ba, bakit hindi iyon ang nararamdaman ko.
"Kanina ka pa lutang, sis!" Napalingon ako. Si Peachy pala.
"Ha? May sinasabi ka?" tanong ko dito.
"Naku... mukhang in love na ang mabuting anak na si Xyrene, ah..." banat naman ni Myles.
Inirapan ko silang dalawa.
"Ewan ko sa inyo. Ako na naman ang nakita n’yo," sabi ko sa kanila, pero nagtawanan lang ‘yung dalawa.
"Tara na! Kain muna tayo squid balls saka kikiam sa labas bago tayo umuwi," aya ni Myles, na sinang-ayunan naman namin ni Peachy.
NANG makalabas kami ng gate ng school ay nagpalinga-linga ako. Bakit ba kasi umaasa pa akong makikita ko si Yoseph dito sa labas ng school ko?
Sumunod na ako sa dalawa na nakarating agad dun sa cart ng mga squid balls at kikiam. Pagkatabi ko sa dalawa ay nakituhog na rin ako sa kawaling punung-puno ng bagong salang na squid balls at kikiam. Manaka-naka ay sumusulyap pa rin ako sa gawi ng gate. Pero hanggang sa matapos kaming kumain, at nakapagbayad na ay sinubukan kong sumilip ng isa pa sa gawin ng gate. Nagbabakasakali pa rin.
"Tara na, Xyrene?" narinig kong tanong ni Myles sa tabi ko.
"O-Oo. Tara na," sagot ko.
Napu-frustrate ako, pero hindi ko pinahalata sa dalawa.
"Xyrene, may hinihintay ka ba?" tanong ni Peachy.
"Ako? Wala! Sino naman ang hihintayin ko? Wala. Tara na!" aya ko sa kanila, at saka nauna na akong naglakad.
GANUN pa rin ang nangyari pagkababa ko ng dyip sa kanto namin. Wala pa ring Yoseph, Reggie o Dindo, o sinumang trabahador sa construction ang sumalubong, o nang-asar sa akin. Gustung-gusto ko na sanang magtanong sa mga taong nakita ko roon na gumagawa, pero kinapitan ako ng hiya.
Hanggang sa makarating ako sa amin ay dala-dala ko pa rin ang inis. Padabog kong isinara ang gate namin. Naiinis ako sa Yoseph na ‘yun! Grrr!
Nagulat ako nang bago pa ako makarating sa pintuan namin ay bigla itong bumukas.
"’Nay."
"Ikaw lang pala na bata ka! Akala ko kung sinong nag-aamok dito sa labas," sabi nito.
Napalakas ba ang sara ko ng gate? Pinilit kong magpakakaswal at saka nagmano kay Nanay.
"O bat ka nakasimangot?" tanong niya sa akin.
Natigilan ako sa pagmamano. Ganun ba ka-obvious ang mukha ko? Tumuwid ako ng pagkakatayo.
"Gutom lang ‘to, Nay!" sagot ko sa kanya.
Tumalikod si Nanay para pumasok na sa loob ng bahay. Sumunod naman ako dito.
"Magpalit ka na ng damit, at may lugaw sa mesa," sabi nito.
Binalewala ko lang ang sinabi niya. Dahilan ko lang naman na gutom ako. Kanina, oo. Pero nawalan na ako ng ganang kumain dahil sa inis kay Yoseph.
"Dala ni Yoseph ‘yun. May kasamang tokwa't baboy uli. Kainin mo na habang mainit pa," dagdag pa nito.
Dala ni Yoseph? Bigla akong napatigil sa paglalakad, at nakaramdam ng sigla.
Bakit hindi ako hinintay dumating ni Yoseph? Alam naman niyang mga ganitong oras ang uwi ko. Bakit hindi ko siya nasalubong? Bakit hindi na lang niya ako hinintay sa kanto at sinabayang maglakad pauwi?
Humarap ako sa kinauupuan ni Nanay. "Eh bakit daw siya nagdala ng lugaw, ‘Nay?"
"Aba, malay! Alangan namang tanungin ko pa. Nagbigay, eh di tanggapin!" sagot nito habang nakatutok sa palabas sa TV.
Bigla kong naisip na baka hindi naman para talaga sa akin iyung lugaw na dala ni Yoseph. Baka para kay Nanay at sa mga pamangkin ko lang naman. Nakaramdam uli ako ng lungkot sa naisip ko.
"Sige, ‘Nay. Kain na kayo. Pakainin mo na rin iyung dalawang bata. Tulog ba sila? Gigisingin ko na para makakain," tanong ko, at saka naglakad na uli papunta sa direksiyon ng mga kuwarto namin.
"Kumain na kami. Para sa iyo talaga ‘yung nasa mesa. Nakabukod pa nga talaga ng lalagyan iyung sa iyo nung dalhin dito, eh," kaswal na sabi ni Nanay.
Napahinto uli ako sa paglalakad sa narinig ko. Nang mag-sink-in sa utak ko iyung sinabi ni Nanay ay nagmadali akong naglakad papunta sa kuwarto ko. Pagkasarang-pagkasara ko ng pintuan ay nakangiting sumandal ako sa likod ng pintuan.
Ewan. Ang saya ng pakiramdam ko sa isiping may nakabukod na lugaw na binigay si Yoseph para sa akin. Lugaw lang iyon, pero bakit parang pakiramdam ko, isang buong lechon?
KINABUKASAN inagahan ko ng konti ang alis ko. Ang balak ko ay dumaan saglit dun sa construction site nila Yoseph para magpasalamat sa lugaw kahapon.
Malayo pa lang ay tinatanaw ko na ang site. Pilit kong hinahanap ang pamilyar na bulto ni Yoseph, pati na dun sa mga nasa itaas. Pero bakit pakiramdam ko ay hindi ko na naman ito makikita.
Iniiwasan ba ako ni Yoseph?
Hanggang sa makasakay ako ng dyip ay iyon ang nasa isip ko. Hindi ito nagpakita sa akin mula noong gabing nakita niya ang sasakyan ni Randell sa labas ng bahay namin. Pero bakit?
UWIAN na, pero iyong mga katanungan ko pa rin tungkol kay Yoseph ang nasa isip ko. Bago ako bumaba ng dyip ay si-net ko na sa isip ko na hindi ko makikita si Yoseph pagdaan ko sa site. Obvious naman na iniiwasan niya ako, pero hindi ko naman alam kung bakit.
Pero laking gulat ko nang makita ko si Reggie sa lokasyon ng site. Nakatayo ito doon na parang may hinihintay. Wala sa loob na napangiti ako at parang nabuhayan ang loob ko.
"Reggie!"
Hindi ko mapigilan ang sarili ko na ako na ang maunang tumawag dito. Malapad naman itong napangiti nang makita ako. Nakangiti na rin akong naglakad palapit dito.
"Kumusta? Long time no see," bati ko rito.
Napakamot ito sa batok niya. Napansin kong habit na nito ang pagkamot sa batok niya.
"Kagabi lang tayo nagkita, di ba?”
“Ay, oo nga pala... Asan pala si Dindo?” sinilip ko pa iyong sa bandang likod ni Reggie, sa pag-asang maiispatan ko si Yoseph. “Saka si… Yoseph pala. Bakit hindi ko na kayo nakikita dito na nakatambay?"
“Ah, si Dindo nautusang bumili ng meryenda ng mga tao sa construction. Si Yoseph ano… nasa Cebu…”
“Cebu??? Ano’ng ginagawa niya dun? Taga dun ba siya? Babalik pa ba siya dito?” sunod-sunod kong tanong kay Reggie.
Paano nangyari ‘yun? Di ba, at nasa labas pa sila ng bahay namin kagabi? Ang bilis naman niyang naka-alis? Nagpunta ba siya kagabi para sana magpaalam sa akin na aalis siya? Bakit hindi niya ginawa, sa halip ay umalis na lang siya basta?
“Ano kasi… paano nga ba? May dinalaw lang dun..."
"Sino? Kamag-anak?"
"Hehe… ang hirap mag-explain, Xyrene.” Maasim pang ngumiti si Reggie, halata mong meron siyang itinatago sa akin.
“Reggie...” pamimilipit ko kay Reggie na magsalita.
“Sasabihin ko na lang kay Yoseph na tawagan ka mamaya. Hindi ko talaga alam ang sasabihin, eh. Sa totoo lang, hindi kami nakapag-usap bago siya umalis. Promise.”
Bigla akong nakaramdam ng lungkot, pero pilit kong hindi pinahalata kay Reggie. Akala ko pa naman kanina ay tatawagin lang nito si Yoseph sa loob ng construction tulad ng dati. Gusto ko mang magalit kay Reggie, alam ko namang wala naman itong kinalaman sa amin ni Yoseph.
“Sige, uuwi na ako.”
“Ihahatid na lang kita pauwi sa inyo. Baka mapagalitan pa ako ni Yoseph kapag nalaman niyang pinauwi kita mag-isa,” sabi sa akin ni Reggie.
“Ano ka ba, ang liwanag pa. Hindi naman ako maa-ano niyan,” kontra ko naman.
“Sige na. Para ‘yun lang. Maliit na bagay, kaysa mapagalitan ako nun.”
“Bahala ka na nga,” sagot ko sa kanya, kaya sumabay na siya sa akin sa paglalakad.
"Ah, Reggie? Asawa mo nga iyung nagluluto nung masarap na Lugaw?" tanong ko kay Reggie, habang naglalakad kami.
"Exactly!" mayabang naman na sagot nito.
"Si... Si Yoseph.... wala pang asawa?" alanganin kong tanong.
"Naku wala! Hundred two percent na binata ‘yun! Guwapo. Masipag. Mabuting anak. Iyan si Boss Yoseph! Ay, Yoseph lang pala..." sabay kambiyo pa nito.
"Girlfriend?" tanong ko uli.
"Ah wala.... dati. Pero matagal na 'yun!" sagot naman nito.
Parang bigla namang may kumurot sa dibdib ko sa narinig ko. Buti na lang at nakarating na kami sa bahay.
"Tara muna sa loob,” aya ko kay Reggie.
"Hindi na. Dito na lang ako. Baka mapagalitan ako ni Yoseph kapag pumasok ako," sagot ni Reggie.
Sa totoo lang, kanina pa ako nagtataka sa mga sagot ni Reggie sa akin. Pareho lang naman silang nagtatrabaho doon sa construction site, pero base sa mga reaksiyon at sagot sa akin ni Reggie, ganun na lang kalaki ang takot at respeto niya kay Yoseph.
Pero imbes na itanong iyon kay Reggie, iba ang gusto kong malaman sa ngayon.
"Reggie. Iyong totoo. Iniiwasan ba ako ni Yoseph?”
Muli itong kumamot sa batok niya.
"Hindi naman siguro...." nakangiting sagot nito.
"Anong hindi naman siguro? Eh, bakit bigla na lang siyang nag-disappear ngayon? Actually, kagabi pa nga, eh. Ano ba ang totoo? Nagpalipat na ba siya sa Cebu branch n'yo?" sunod-sunod na tanong ko.
"Naku, hindi! Hindi pwedeng magpalipat ‘yun. Pero toka niya ang mga site ng AMCO, saan man sa Pilipinas." sagot naman ni Reggie.
"Talaga ba? Nasaan talaga siya ngayon?"
“Nasa Cebu nga. Naku, Xyrene. Babay na, bago pa ako may masabing hindi dapat. Bye!” Bigla na lang itong kumaripas ng takbo palayo sa akin.
“Hoy, Reggie! Bumalik ka nga dito! Ikaw talaga...”
***