“Saan ba kayo lumipat?” tanong ko kay Randell.
"Sa San Nolasco lang. Malapit lang dito.”
“Bakit ba kayo umalis dito sa atin?” kuryoso kong tanong.
Ang tanda ko ay hindi na nakatapos si Randell sa eskwelahang pinagtapusan ko ng Elementary. Bago pa mag-Grade Six ay nag-transfer na ito sa ibang eskwelahan.
“Lumipat ng trabaho si Tatay noon. Mas maganda yata ang offer sa kanya doon sa kumpanyang nilipatan niya,” sagot ni Randell.
Napatango na lang ako.
“Eh, ikaw? Mukhang big time ka na, ah,” naitanong ko sa kanya nang mapansin ko ang suot niyang relo na tila mamahalin, dahil sa kintab.
Malapad itong ngumiti. “Wala, eh. Sinuwerte!” buong pagmamalaking sabi nito.
“Talaga? Saan ka ba nagtatrabaho? Mukhang bigatin ‘yang trabaho mo. Naka-graduate ka na ba? Sabay lang tayo dapat, di ba?” interesado kong tanong.
“May trucking company ako. Actually, tatlo kaming magkaka-sosyo doon. Nagpapa-renta kami ng mga malalaking truck. May mga naka-kontrata sa amin na mga kumpanya, sila ang nagrerenta sa amin.”
“Ah, ganun ba? Mukhang okay ‘yang negosyo ninyo, ah.”
“Oo, eh. Kaya hindi na rin ako nagtapos ng College. Nasabak na kasi ako agad dito sa negosyo. Eh, okay naman siya, so… nag-stop na ko,” sagot naman ni Randell.
"Sayang naman… sana itinuloy mo pa rin ang course mo. Iba pa rin ‘yung nakatapos.”
“Hindi na! Sobra-sobra naman ang kinikita ko, eh,” confident na sagot nito.
“Sabagay…” sagot ko na may kasamang pag-tango.
“Ano nga palang ginagawa mo kanina doon sa area ng school ko?” Kanina ko pa gustong itanong kay Randell iyon, pero nakakalimutan ko.
“Ah, may kausap akong kliyente malapit dun.”
Napa-isip tuloy ako kung anu-ano bang mga negosyo at mga kumpanya ang meron malapit doon sa eskwelahan namin.
"Magkikita pa tayo uli panigurado. Babalik pa kasi ako dun sa kausap kong kumpanya.”
“Ah, ganun ba? Hindi mo pa ba nakumbinsi iyung kausap mo?”
“Finalization na lang ‘yun pagbalik ko.” Confident na naman ito sa pagkakasabi niya. Ibang-iba na talaga si Randell ngayon mula sa naaalala kong Randell noong nasa grade school pa kami. Mahiyain at laging nakabukod sa karamihan. Hindi ko tuloy napigilang mapangiti.
“Bakit ka nakangiti?” tanong ni Randell sa akin.
“Wala lang. Natutuwa ako sa iyo. Ang laki na ng ipinagbago mo. Dati, mahiyain ka. Kaya ka nga laging nabu-bully. Tapos ngayon, ang confident mo nang magsalita. Tapos dati, ang payat-payat mo. Naalala ko pa nga, ‘yung pagkain natin sa feeding program noon… ibinibigay ko na lang sa iyo kasi nga naaawa ako sa katawan mo. Tapos ngayon…” Hindi ko napigilang pasadahan ang maganda at matipuno niyang katawan. “Wow! Ang ganda na ng katawan mo! Resulta ba ‘yan nung mga pagkaing ibinigay ko sa iyo dati sa feeding program ng school?”
Sabay pa kaming natawa ni Randell.
“Naalala mo pa ‘yun? Nakakahiya naman…” natatawa pa rin nitong komento.
“Hindi! Ang cute nga, eh.”
Hindi pa rin matapos-tapos ang pagtawa naming dalawa.
“Ikaw, maganda pa rin hanggang ngayon.”
Napatigil ako sa pagtawa sa sinabi ni Randell. Pakiramdam ko ay biglang nag-init ang mukha ko.
“Na-conscious ka bigla, ‘noh?” nakangiting komento ni Randell, kaya napangiti na lang din ako.
“Pagbalik ko dun sa kausap ko malapit sa school mo, treat kita. Kain muna tayo bago kita ihatid pauwi,” dagdag pa nito.
“Ha? Na-treat mo na ako kanina, di ba?”
“Ano ka ba... Iyong kanina, treat ko dahil sa pagkikita natin uli. Iyong sa susunod, treat ko sa 'yo dahil paniguradong maiko-close iyong deal ko dun sa malapit sa school mo," sabi nito.
"Ay! Grabe naman 'to. Hindi mo naman ako kailangang i-treat uli. Okay na iyong kanina."
“Wala 'yun, ano ka ba. Ano, payag ka na ha?” untag sa akin ni Randell.
“Sige na nga.”
“Kunin ko pala ang number mo, para i-text muna kita ahead. Baka kasi may importante kang gagawin sa school sa araw na ‘yun. Para mare-sched na lang natin, if ever. Pero hindi ako papayag na hindi tayo matuloy,” sabi nito, sabay abot sa akin ng phone niya na mukhang mamahalin at bago pa.
“Wow! Ang gara ng phone mo. Ang bilis! Iyung phone ko, nag-iisip muna kapag may binuksan kang app,” natatawa kong sabi kay Randell, habang itina-type ko ang number ko sa phone niya.
“Gusto mo, bili tayo ng ganyan din. Bayaran mo na lang sa akin paunti-unti.”
“Naku! Hindi. Okay na ako sa phone ko. Wala naman akong ibabayad sa iyo,” sagot ko, at saka ibinalik na sa kanya ang phone niya.
“Eh di, bayaran mo na lang kapag nagtrabaho ka na.”
“Sus! Kailan pa ‘yun? Baka luma na ‘yung phone bago ko mabayaran sa iyo,” natatawa kong sagot sa kanya.
“Eh, di palitan uli ng bago, tapos kukunin ko ‘yung luma. Iyung bago na lang ang bayaran mo.”
“Ano kaya ‘yun? Puro ka biro,” natatawa ko pa ring sagot kay Randell.
“Hindi biro ‘yun. Totoo ‘yon.”
Sasagot pa sana ako sa kanya nang biglang tumunog ang phone niya. Binasa ni Randell ang nasa screen. Pansin ko ang bahagyang pagkunot ng noo nito.
“Xyrene, kailangan ko palang bumalik sa office. Nagkaproblema daw sa isang truck namin,” paalam nito sa akin pagkabasa niya ng mensahe.
“Ah, sige. Nakakahiya sa iyo, naabala pa kita.”
“Ah, wala ‘yun. Nagkataon lang…” sabi ni Randell, sabay tayo na.
Sakto namang dumating si Nanay. “’Nay, aalis na po si Randell.”
“Oh, bakit? Maaga pa, ah!” komento ni Nanay.
“Eh, may emergency lang po sa opisina,” sagot naman ni Randell kay Nanay.
“Ah, ganun ba? Siya, sige. Hindi na kita pipigilan,” sabi sa kanya ni Nanay.
"’Nay, ihahatid ko lang si Randell sa labas," paalam ko.
"Sige lang, anak. Randell, maraming salamat uli sa pagtulong kay Xyrene, ha. Buti na lang, at ikaw ang nandoon. Nagkaroon pa tuloy kayo ng reunion. Pagkakataon nga naman…"
“Oo nga po. Coincidence po talaga na nagkita uli kami ni Xyrene. Pero pakiramdam ko po, tadhana yata, at hindi coincidence ang nangyari ngayon.”
“Tumatadhana ka pa riyan. Akala ko ba may kailangan ka pang asikasuhin sa opisina n’yo?” sabat ko sa usapan nila.
Bahagyang natawa si Randell.
“Ay, oo nga pala. Sige po, Aling Cita. Tutuloy na po talaga ako,” pagpapaalam uli ni Randell kay Nanay.
“Sige, mag-ingat ka sa pagmamaneho. Ano ngang negosyo mo, Randell?” pahabol na tanong pa ni Nanay.
"Trucking po."
“Naku, tama na, ‘Nay! Hindi na maka-alis si Randell,” sagot ko sa kanila, at saka hinila na palayo doon si Randell.
"Uy, Randell... thank you uli, ha. Siguro, nakatulala na lang ako ngayon doon sa kinakitaan mo sa akin kanina kung nagkataong nagtagal pa ako dun," sabi ko kay Randell, nang nakalabas na kami ng gate namin.
Nasa tapat na kami ng sasakyan niya ngayon. "Wala ‘yun," sagot nito.
Sumakay na ito sa sasakyan niya. Mayamaya lang ay paalis na ito. Tanaw-tanaw ko ang papalayong kotse ni Randell nang may napansin ako sa kabila ng kalsada. Nakita ko si Reggie na nakatayo sa di-kalayuan. Pero bigla itong tumalikod nang makita niyang nakatingin ako sa kanya.
"Reggie!"
Halatang napilitan itong maglakad papunta sa kinatatayuan ko. "Saan ka pupunta?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
Nagkamot ito ng ulo. "Sa inyo sana. Eh, kaso nung nakita ni Yoseph na may bisita ka, nagyaya nang umuwi."
Nandito si Yoseph?
Tila may kung anong kiliti akong naramdaman sa isiping nagpunta si Yoseph, pero napalitan din ito ng inis nang maalala ko ang hindi niya pagsundo kanina, na naging sanhi ng pagka-stranded ko sa campus.
****