“Xyrene??”
Napaawang ang mga labi ko. Bakit niya ako kilala?
Mataman lang akong nakatingin sa lalaki habang nasa harapan ko ito.
"Xyrene, diyan ka ba nag-aaral sa university na ‘yan? Na-stranded ka ba? Tara na, ihahatid na kita sa inyo. Gagabihin ka na ng uwi niyan."
Pinagmasdan ko rin ang itsura nito. Siguro ay nasa 5'7" ang taas nito. Maganda ang katawan nito na mahahalata mo sa fit na polo shirt na suot nito. Sa tantiya ko ay halos kasing-edad ko lang ito o matanda lang ng isang taon sa akin. Kapansin-pansin din ang tila mamahalin nitong suot na damit.
"You are?" Hindi ko na natis na tanungin siya.
Malapad itong ngumiti. “Hindi mo talaga ako nakikilala?” Pinaningkitan ko ito ng mga mata. Sino ba siya? Kilala ko ba talaga itong taong ito?
"I'm Randell. Randell San Luis.”
Napakunot ang noo ko. Parang pamilyar nga ang pangalang ‘yon. Pilit kong inalala kung paano at saan ko siya nakilala, nang biglang manlaki ang mga mata ko. “Sta. Barbara Elementary School?”
“Yup!”
“Ikaw ‘yung …”
Hindi ako makapaniwalang tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. “Hindi nga?” Tanong ko uli sa kanya bilang pagkukumpirma. Bahagya itong natawa habang umiiling.
Ang kilala ko kasing Randell San Luis ay payatot at lampa. Classmate ko siya noong Elementary, at lagi siyang binu-bully ng iba naming mga kaklaseng mga lalaki.
“Ako nga…”
“Anong nangyari sa iyo? I mean… paano naging ganyan ang katawan mo? Sorry ha… baka sabihin mo binu-bully na rin kita. Nagtataka lang ako kasi –”
“Kasi, hindi na ako payatot saka uhugin?” putol nito sa sasabihin ko pa.
Nahihiya akong tumango. Bigla naman kaming nakarinig ng mga busina ng mga sasakyan malapit sa kinatatayuan namin, kaya pareho kaming napalingon sa gawi ng kalsada.
Nag-uumpisa na kasi uling umusad ang galaw ng trapiko, at nakakaabala na ang sasakyan niya doon sa pinag-iwanan niya.
“Mabuti pa siguro, doon na lang tayo magtanungan sa loob ng kotse ko. Tara na! Samantalahin na natin na gumagalaw na uli ang mga sasakyan, para makauwi ka na sa inyo.”
Hindi na ako nagpakipot at tumanggi pa. Bukod sa nilalamig na ako, ay nakakaramdam na rin ako ng gutom.
Hinatid niya ako ng payong niya sa passenger seat, pagkatapos ay saka siya nagmamadaling umikot sa driver’s side. Patuloy pa rin kasi ang businahan ng mga sasakyan sa likod ng sasakyan niya.
“Mukhang galit na sila, ‘noh?” nakangiti nitong sabi, pagkaupo niya. “Seatbelt, please.” Paalala nito sa akin, bago niya pina-abante ang kanyang sasakyan.
Sumunod naman ako sa sinabi niya, at ikinabit ang seatbelt.
“Gusto mo bang i-off ko na muna ang aircon? Baka nilalamig ka na kasi.” Mabilis akong nilingon ni Randell, at muling ibinalik ang tingin sa kalsada.
“Ah, hinaan mo na lang. Huwag mo na patayin, baka ikaw naman ang mainitan.”
“Hindi. Okay lang naman ako.”
“Okay lang. Hinaan mo na lang muna. Salamat,” sagot ko sa kanya, at saka tipid na ngumiti kahit hindi naman niya nakikita.
Totoong medyo nilalamig na ako, kasi nararamdaman ko na ang basang tela ng uniporme ko. Pero nakakahiya naman sa kanya kung maiinitan siya. In the first place, sasakyan niya ito, at nagmagandang-loob lang siya na isabay ako.
“Ano nga palang ginagawa mo dun? Inabutan ka ba ng ulan kanina? Ang lakas nun, sobra!” Mayamaya ay tanong ni Randell sa akin.
“Oo. Wala pala akong dalang payong. Naiwan ko.”
“Next time bago ka umalis sa inyo, siguraduhin mong dala mo ang payong mo. Mahirap na. Magastos magkasakit. Maliban na lang kung may boyfriend kang naghahatid-sundo sa iyo araw-araw.”
Iyon na nga, eh! Hindi pa nga boyfriend eh, pumalya na agad sa sundo!
“Ngayon lang nangyari na naiwan ko ang payong ko. Sakto pang natiyempuhan pa ko. By the way, hindi mo pa ako sinagot kanina.”
“Ow, sorry. Dami na kasing galit kanina,” bahagyang tumawa si Randell, “ano nga ‘yung tanong mo kanina?”
“Nagtataka lang ako kung ano’ng ginawa mo, at lumaki nang ganyan ang katawan mo…” nakangiti kong tanong uli sa kanya. Nagkibit-balikat ito, pero sa daan pa rin ang tingin ni Randell. “Sabihin na nating… naging inspirasyon ko lahat nung nam-bully sa akin noon, para mapaunlad ko ang sarili ko.”
Napatango-tango na lang ako. Hindi pa rin ako makapaniwala na ang payatot at lampang si Randell San Luis noon, ang kaharap ko ngayon.
“I have a suggestion. Samahan mo muna akong kumain. Tutal, mukhang matagal na biyahe ito,” sabi nito, habang kandahaba ang leeg niya sa pagtanaw sa unahan.
“Naku, hindi na. Kung gusto mo, ibaba mo na lang ako sa pinakamalapit na bus stop, tapos derecho ka na sa pupuntahan mo pa. Baka naabala na kita nang sobra,” tanggi ko.
“Okay lang. Saka wala naman akong pupuntahan na. Pauwi na rin naman ako. Mas mabuti nga ‘yun, may kasabay akong kakain. Lagi na lang kasi akong mag-isang kumakain sa condo ko," sagot niya.
“Ah, bakit naman? Wala ka bang kasama dun?”
“Wala. I’m living alone. Alam mo na, single…”
Hindi ko alam kung ano bang isasagot ko kay Randell, kaya hindi na lang ako kumibo.
“Ano, tara na? Saan mo ba gustong kumain?"
“Huwag na talaga. Saka, hindi pa naman ako gutom.”
Pero pagkasabi ko nun ay traidor namang tumunog ang tiyan ko. Anak ng…! Mabilis akong napalingon kay Randell, pero ganun din pala siya. Lumingon siya sa akin kaya nagkasalubong kami ng tingin.
Muling lumingon si Randell sa harapan. Kita ko ang pagpipigil nito ng ngiti, sa kabila ng pagda-drive niya.
“Oo na! Sasamahan na kitang kumain. Sa isang kondisyon…”
Ngumisi si Randell habang sa daan ang tingin, at saka lang ako nilingon. “What?”
Kinagat ko muna ang ibabang labi ko, at saka ito pinakawalan para magsalita. “Hindi mo narinig na tumunog ang tiyan ko. Wala kang pagkukuwentuhan kahit na kanino.”
Biglang natawa si Randell sa sinabi ko. Nahawa na rin ako sa pagtawa niya, kaya ang sumatutal, para kaming mga baliw na tawa nang tawa.
"Ang lakas naman kasi magreklamo ng tiyan mo!"
"Hey! Napipigilan ba ‘yun? Parang utot lang din ‘yun. May sariling isip. Lalabas kung kailan niya gustong lumabas!" sagot ko sa kanya, sabay irap. Patuloy pa rin sa pagtawa si Randell.
"Okay. Sige…” sabi nito nang naka-move-on na siya sa pagtawa, “wala akong narinig. Promise. So, saan mo gustong kumain?” nakangiti nitong sabi, habang sa daan pa rin ang tingin. Manaka-naka lang siyang lumilingon sa akin.
Ha? Bahala ka na. Pero ‘yung sa affordable lang, ha. Baka wala nang matira sa allowance ko."
“Don’t worry. Libre ko ‘to. Ngayon lang tayo uli nagkita after ilang years, eh.”
“Talaga ba?” paniniguro ko.
“Yup!”
***
SA ISANG Japanese restaurant kami napadpad. Matagal na raw kasi siyang hindi nakakain uli dito. Pagkatapos ng may mahigit na kalahating oras na pagkain doon ay nagyaya na akong umuwi. Nakaramdam na kasi uli ako ng panlalamig, dahil basa ko pa ring uniporme.
Iginiya ako ni Randell papunta sa kotse niyang nakaparada. Pinagbuksan niya ako ng pintuan at saka hinintay na makasakay. Pagkatapos ay umikot ito papunta sa driver's seat.
"Sorry. Hindi ka yata nabusog kasi nagyaya na agad akong umuwi. Medyo basa pa rin kasi itong uniform ko, kaya medyo nilalamig ako dun sa loob," sabi ko kay Randell nang paandarin na niya ang sasakyan niya.
Ngumiti ito sa akin. "Okay lang. Huwag mo nang intindihin ‘yun."
***
BUMABA ako ng kotse ni Randell. As expected, kandahaba ang leeg ng mga kapitbahay namin na nakatingin sa amin. Takaw-pansin naman kasi talaga ang makintab at mukhang mamahaling kotse nito.
"Sabi ko na kasi sa iyo, dun na lang ako sa kanto bababa. Nakakahiya na sa iyo."
"Okay lang. Pababayaan ba naman kitang maglakad, eh madilim na," sagot nito.
"Safe naman dito sa amin."
"Kahit na. Hindi ako matatahimik nun kung doon lang kita ibinaba sa kanto." Napangiti ako sa kanya.
"Oo na! Tara muna sa loob. Makapagkape ka man lang. Ay, wait. Nagkakape ka ba?" pag-aya ko sa kanya.
"Oo naman, nagkakape ako. Inaaya nga kitang magkape kanina, di ba? Kaya lang ayaw mo," sagot nito.
"Eh, kasi nga… nilalamig na ko.”
“Yeah, I understand.”
“Saka, ako na nga ang tinulungan mo kanina, tapos ako pa ang ililibre mo ng kape. Hayaan mong ako naman ang magpakape sa iyo. Hindi nga lang Starbucks ang kape namin! 3-in-1 lang."
Bahagya itong natawa.
"Wala namang problema sa akin, as long as lasang kape siya,” sagot nito.
Napangiti ako. "Tara na!" Hinila ko na ito papasok sa bahay namin.
***
NASALUBONG ko si Nanay nung papunta na ako sa kuwarto ko. Iniwan ko muna sandali si Randell sa sala para makapagbihis muna ako.
"Oh, bakit na-late ka yata ng uwi?" bati nito sa akin, pagkatapos kong magmano dito.
"Na-stranded kasi ako ‘Nay sa school. Inabot ako ng malakas na ulan. Wala pala ‘yung payong ko sa bag ko."
“Bago kasi aalis, mano ba namang silipin mo muna sa bag. Ano’ng edad mo na ba, Xyrene… hindi ka pa nagtanda.”
"Oo na, ‘Nay. Promise. Hindi na mauulit. Pero kalma na. Huwag nang mag-panic, ‘Nay... okay na po...” nakangiti kong sagot kay Nanay, habang nakapameywang naman siya, at nakanguso sa akin.
"’May kasama nga pala ako, ‘Nay! Andun siya sa sala. Si Randell, iyong dati kong classmate sa elem. Natiyempuhan niya ako dun sa waiting shed malapit sa school, kaya isinabay na niya ako. Inalok ko muna kasi siyang magkape muna dito sa bahay natin. Magbibihis lang po ako, at lalabas na rin ako. Medyo basa pa kasi itong uniform ko."
"Ganun ba? O, sige na. Magbihis ka na."
"Lola! May tumatawag po sa cemphone mo!" sigaw ni MJ na galing sa loob ng isang kuwarto.
"Ay, sandali. Sige na. Magbihis ka na, tapos labasin mo na ‘yung bisita mo. Sasagutin ko lang itong tawag," paalam ni Nanay pagka-abot sa cellphone na hawak ni MJ, tapos ay pumasok na sa kuwarto nila ni Xenia at nung dalawang bata.
“’Nay? May bago ka na namang ka-chat na foreigner?” tanong ko sa kanya.
“Sshhh… mamaya na tayo mag-usap. Sige na, magbihis ka na!”
Napailing na lang ako. Hindi man ako sang-ayon sa pakikipag-chat ni Nanay sa mga foreigner na hindi naman niya lubusang kilala, pero nananaig naman sa akin ang kasiyahang naibibigay sa kanya nun. Tutal naman, hanggang chat lang naman.
****