CHAPTER 1. YUTERIA

1819 Words
Kaharian ng Yuteria: GAANO NA BA katagal ang kaniyang pamamalagi sa lugar na ito? Hindi na niya binibilang pa ni Cythe. Magmula nang lisanin niya ang Olympus, wala na rin siyang pakialam pa. Buhay siya pero wala na iyong sigla at saya sa kaniyang mga mata. Malalim ang kaniyang pagbuntong-hininga habang nakatingin sa dalawang buwan sa kalangitan. Hindi niya alam kung kailan ito matatapos o may katapusan pa ba ang kaniyang pagiging blangko. Subalit may magbabago pa ba kung may katapusan nga ang lahat? "Anak! Kumusta ka na?" Napagitla si Cythe sa pamilyar na boses na kaniyang nadinig buhat sa ibaba ng punongkahoy kung saan siya nakaupo. Napatingin si Cythe roon at tiningnan ang nilalang na 'di niya lubos-akalain na makikita niyang muli. "P'wede bang bumaba ka riyan, at mag-usap tayo?" "Ama! Bakit ka po naparito?" bulalas niya. Kasama sa kaniyang kaparusahan ang pagtanggal ng kalayaang makita ang kaniyang mga minamahal sa buhay. "Mapaparusahan ka ng Olympus!" "Hindi nila ako parurusahan lalo na't wala naman silang ipapalit na kahalili ko sa trabaho," taas-kompiyansang sagot ng kaniyang ama. "Isa pa, anak ko ang nais kong makita. Kung tutuusin, may karapatan akong masilayan ka." Napanganga si Cythe. Hanggang sa mga oras na 'to, hindi pa rin makapaniwala si Cythe na nakikita niya ngayon ang kaniyang amang si Eros, ang diyos ng Pag-ibig. Ilang libong taon din itong 'di nagpakita tapos ay bubulagain siya rito na parang kahapon lang nangyari ang lahat. Ayaw man niya ngunit nakakaramdam siya ng pagdududa sa kaniyang ama. Nanatiling nakatingala si Eros habang nakaupo naman siya sa kakaibang puno ng Idriu, na hitik na hitik sa mga bunga. Mas lalong tumingkad ang kulay nitong lila nang dahil sa liwanag na nagmula sa dalawang buwan. Nabitiwan ni Cythe ang hugis-parisukat na bunga dala nang panginginig ng kaniyang mga kamay at nasalo naman iyon ng kaniyang ama sa ibaba bago pa. Man bumagsak sa lupa. Ngumiti ito sa kaniya. Piangmasdan niya ito. Kagaya ng dati, wala pa ring pinagbago ang bata nitong hitsura. May katangkaran ang diyos na ito na lampas na 6ft. Normal lamang ang gayak na parang kasuotan ng mga mortal. At malayang sinusuklay ng hangin ang buhok nitong kulay puti na malapit nang mahagkan ang mga balikat nito. Nangingilid man ang mga luha ni Cythe sa lihim na tuwa, mistula siyang naging bato sa itaas ng malaking sanga. Kay tagal nilang hindi nagkita, at kahit na lumipas pa ang ilang libong taon, hindi nabawasan ang kaniyang pagmamahal para sa kaniyang ama. "Libre ba ang isang 'to?" Tinititigan muna ni Eros ang hawak-hawak nitong prutas at saka isinubo sa bibig at nagsimulang ngumuya. Nilunok muna nito ang prutas at saka muling nagsalita. "Ang sarap pala nito! Nalalasahan ko ang pinaghalong mansanas at ubas. Ano tawag nito dito?" "Idriu," matipid niyang turan. Tumangu-tango lang si Eros at saka muling kumagat sa prutas na hawak-hawak niya. "May ganitong prutas sa isang bahagi ng ating mundo ngunit 'di ko pa mapupuntahan. Hindi ko aakalaing makakatikim ako ng Idriu sa Yuteria." "Ang lahat nang nakikita mo, na abot ng 'yong paningin ay libre lahat, Ama. Ang prutas na iyan ang nagsilbing pangunahing pagkain ng mga Yuteriano. Ang bawat prutas ay may iba't-ibang panlasa kahit nanggaling pa sa iisang puno." Kapansin-pansin ang pagkamangha ni Eros sa prutas habang inuubos ang isang piraso nito. Lihim na natuwa si Cythe kaya minabuti niyang pumitas ulit ng isa pa. "Saluhin mo!" sigaw niya sa itaas. Ibinato niya ang Idriu sa gawi ni Eros at mabilis naman itong nasalo. "Baka matagal ka na namang magpakita sa akin kaya lubusin mo na, Ama. Gusto mo bang damihan natin para bigyan mo rin si Ina?" alok niya. "Huwag na," tanggi nito. "Baka iiyak 'yon 'pag malamang sa 'yo nanggaling ang Idriu." Bahagya siyang nananahinik at ganoon ang diyos ng Pag-ibig. Kay tagal na niyang nangungulila ngunit kinalaunan ay naging manhid na rin. Tumayo si Cythe sa malaking sanga at nilanghap ang sariwang hangin. Subalit ay pakiramdam niya ay nawawalan pa rin siya ng hininga. "Kumusta pala si Ina?" Sa wakas ay natanong niya rin. Isang hamak na mortal lang ang ina ni Cythe na pinalad na maging kabiyak ni Eros, hindi man sa papel at kasaysayan, ngunit sapat na para sa kaniyang ina ang pagmamahal at atensiyon na binibigay ng diyos ng Pag-ibig. "Nangungulila pa rin sa 'yo," marahang sambit nito. "Palagi ka niyang hinahanap at kinukumusta. Lalo na iyong tumuloy ka sa kaharian ni Hades at naging alipin, wala nang masidlan pa ang luha ng 'yong ina na napupuno ng dalamhati." Umukit ang kalungkutan sa mga mata ni Cythe. "Hindi ko gustong mag-alala siya, Ama. Pakisabi kay Ina na h'wag nang mag-alala pa." Tumango si Eros. Nasa labas silang dalawa sa solidong harang ng palasyo. Upang makarating lang dito, kailangan pang tumawid ng tulay na gawa sa salamin, mula sa magandang hardin ng reyna. At ang hardin na 'yon ay matatagpuan sa pinakasentro sa kaharian ng Yuteria. Ibig sabihin, mga Yuteriano lamang ang pwedeng makarating dito. Sapagkat ang kapirasong lupain na ito ay napapalibutan ng kumukulong putik at iba pang mga elemental na may sari-sariling buhay. Nakakabilib lang talaga ang pagkakalagay ng reyna ng mga salamin bilang pangharang sa bawat gilid ng taniman. Ang bawat salamin ay may kakaibang hiyas na kayang pakalmahin ang elemento ng apoy. Mula sa kanilang puwesto, malawak niyang nakikita ang kabuuan ng lugar. Abot pa sa apat na bundok ang taniman ng Idriu. "Bumaba ka na anak," pangungulit na naman ng kaniyang ama. Muli siyang bumalik sa kaniyang wisyo. "May kailangan tayong pag-usapan." Tila ba'y may kung ano'ng nagbabadya kay Cythe na hindi lang naparito ang kaniyang ama, upang mangunusta lang. "May panibago na naman ba akong parusa, Ama?" Iyon ang una niyang natanong nang tumapak na ang kaniyang mga paa sa lupa. "Ipapatapon ba ako sa ibang mundo?" Umiiling-iling ito sa kaniya at mabilis na niyakap siya nang mahigpit. Ipinikit ni Cythe ang kaniyang mga mata, ninanamnam ang bawat sandali. Kung hindi lang sa kaniyang ama, nakalimutan niya ang katotohanan na isa pa rin siyang diyosa ng Olympus. Kumalas sa pagkakayap si Eros at sumilay ang isang magandang ngiti sa mga labi nito. "Masaya akong makita kang nasa mabuting kalagayan." "Mabait ang reyna." Iyon lang ang kaya niyang sambitin. "Kailanman ay hindi niya ako itinuring na alipin o kriminal." "Cythe," tawag ni Eros sa kaniyang pangalan. Kapag ganito ang pagkakabigkas ng kaniyang pangalan at nakapokus sa kaniya ang mga tingin nito, ramdam niyang importante ang sasabihin ni Eros. "Tutulungan kitang makatakas dito," seryosong suhestiyon ng kaniyang ama, na siyang ikinagulantang niya nang sobra-sobra. Nanlaki ang mga mata ni Cythe dahil sa biglaang mungkahi nito. Nahihibang na ba ang diyos ng Pag-ibig? "Magpapakita ka talaga rito, Ama, para sabihing babaliin natin ang batas ng Olympus?" Mabilis itong tumango. Siya naman itong umiling-iling. "Huwag mo nang gagawin, Ama. At baka ikaw naman ang mapaparusahan. Alam nating dalawa na hindi patas ang batas ng langit." "Kahit ano pa ang sasabihin nila, ikaw ay mananatiling aking anak. At hindi ko hahayaan na habangbuhay kang makukulong sa isang pagkakamali lang." "Nagsisisi ka bang may anak kang hindi pwedeng maipagmalaki?" Puno ang mga mata ni Cythe ng hinanakit sa sarili. Nais niyang hanapin ang dismayadong tingin ni Eros ngunit nanatili itong blangko. "Ako dapat ang papalit sa trabaho mo, hindi ba? Pero nang dahil sa akin, hindi ka na nakapagpahinga pa hanggang ngayon." "Nagsisisi ka rin bang nagkamali ka, Anak?" "Nagmahal po ako, Ama. Kailangan bang pagsisisihan ang isang pagmamahal?" At doon ay tuluyan nang tumulo ang kaniyang mga luha na kanina pa niya kinikimkim. Isang nabigong pagmamahal. Isang mabigong misyon. At isang nabigong anak. Wala na yatang tama sa kaniyang mundo. Masakit balikan ang alaala pero mas masakit na malamang wala na siyang babalikan pa. Patay na ang mortal na prinsipe, si Adam. Naisumpa na niya ito. Naging alipin siya ng diyos ng Underworld. Ikinulong sa Yuteria ng mahabang panahon. Gusto niyang maging manhid subalit nanaig ang puso niyang pilit na naghahanap ng katiting na pag-asa upang lumaban pa. "May oras pa upang itama ang lahat," wika nito. "May pagkakataon na upang tuluyang puksain ang sumpang iginawad mo noon sa prinsipe." "Ano ang ibig mo pong sabihin?" "Sa mundo ng mga tao, ang prinsipeng 'yon ay muling mabubuhay. May mahalaga kang misyon, Cythe. Huwag mo sanang akong bibiguin, katulad no'ng huli." Paano nga ba niya makakalimutan ang isang pagkabigo kung paulit-ulit niya 'tong naaalala, kung paulit-ulit niyang sinasaktan ang sarili? Pagkatapos niyang maging alipin ni Hades ng isang libong taon, tatlong libong taon na rin siyang naninirahan bilang isang ordinaryong nilalang sa Yuteria. Sa sobrang tagal, ni minsa'y hindi niya naisip na makipagkita pang muli ang kaniyang ama sa kaniya, kagaya ngayon. "Hindi ko maintindihan kung bakit ako pa ang inaatasan mo para iligtas ang taong 'yon." Napayuko siya. Napatitig nang husto sa damuhan na wari'y kumikinang sa gabi. Sinulyapan muna ng kaniyang ama ang kaharian ng Yuteria. Kahit sa kalagitnaan ng hatinggabi, hindi pa rin maipagkakaila ang kagandahan nito. Mas lalong nagliwanag ang lugar nang dahil sa pinaghalong apoy at tubig na nagsilbing haligi nito. "Wala na tayong oras, Anak. Kailangan mo siyang dalhin sa mundong 'ito, bago pa man mahuli ang lahat. Ito na lang ang huli nating paraan, at wala ng iba." Nasa bungad silang dalawa ng isang lagusan - sa pagitan ng mundo ng mga tao at sa mundo ng Yuteria. Mabilis lang ang pangyayari. Nakagawa kaagad si Eros ng portal papalabas sa mundong 'to. Wala rito ang taong kayang wasakin ang sumpang siya mismo ang gumawa. Hindi siya ang kailangan ng kaniyang prisipe, kung 'di ibang babae. Ibang babae na naman ang nakatakdang mamahalin nito. "Wala po sa mundo ng Yuteria ang taong mamahalin niya, Ama." Napapikit sa kirot ng nakaraan, pinilit ni Cythe na maging normal at kampante lang sa harapan ni Eros. "Ang kailangan niya ay mortal na magbibigay sa kaniya ng halik ng wagas na pag-ibig. At hindi niya ito matatagpuan sa Yuteria." "Nak," ani Eros. "Batid kong mas makakaya mo siyang tulungan. Mas kilala mo ang kaniyang kaluluwa. At mas alam mo ang tipo niyang babae." Na taliwas ng katauhan niya . . . Nais niya sanang magdabog pero mas pinili niyang maging mas kalmado pa. Nanatiling nakatayo silang dalawa sa gilid ng lagusan na paunti-unti nang nagsasara. Humahakbang si Cythe nang paatras, palayo sa lagusan na ito. Nagdadalawang-isip. Hindi pa niya kaya. Pinagmasdan niya ang mukha ng kaniyang ama na napupuno ng pagtataka. "Hanapin niyo na lang po ang babaeng nakatakdang mahalin iyon nang habambuhay. Ikaw and diyos ng Pag-ibig. Hindi mo na kailangan pa ang tulong ko, Ama. Hindi mo na kailangan pang ipaalala sa akin kung ano ang ginawa ko sa nakaraan. Hayaan mo na lang po akong ikulong ang aking sarili. Hayaan mo po akong makulong pighati ng nakaraan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD