PROLOGUE

901 Words
Y u t e r i a Ang isa sa mga kaharian sa kuwentong-ada (fairytale) "NANINIWALA KA BANG magbabalik ka pa sa kasaysayan ng kabilang mundo?" tanong ng isa pang tauhan sa kuwentong-ada na pinagkaitan ng sariling kuwento, ang prinsipeng si Elliott ng Isidur. Tila ba'y umaawit ang hangin, na dumadampi sa malamig na balat ni Cythe. At kahit malayo ang kaniyang puwesto sa pagtitipon, dinig na dinig pa rin niya ang bawat halakhak ng mga taong nagsasaya na para bang musikang sumasabay sa maaliwalas na panahon. Ang lahat ay nagkakaisa sa pagdiriwang ng isang magandang wakas -- maliban sa kanilang dalawa. Si Cyte na anak ng diyos na ikinulong nang mahabang panahon. At si Elliott na tinanggalan ng karapatan at pagkakilanlan sa sariling kaharian. Sa mundo na napapalibutan ng kakaibang mahika, laganap ang malawakang katahimikan sa buong palasyo ng Yuteria. Kapansin-pansin ang mga matataas na bakod nitong gawa sa naiibang hiyas na matatagpuan lamang sa puso ng palasyo. Kahit sino'ng mangahas na papasok ay kaagad ding magdadalawang-isip. Bukod pa sa napapaligiran ito ng mga kawal, hindi lupa ang pumapalibot sa buong palasyo, kung 'di ang pinagsamang apoy at tubig na mistulang mga ipu-ipong nakatayo sa bawat anggulo ng kaharian. Ang pinakamalaking tarangkahan nito ay may kulay gintong kinang na nilagyan pa ng mga iba't-ibang mamahaling bato na nagdagdag ng karangyaan at kagandahan sa kabuuan. Sa perpektong kaharian na ito, namalagi si Cythe bilang kaparusahan sa kaniyang kalapastanganan noon sa mundo ng mga tao. Nakatingin sina Cythe at Elliott sa masayang piging na hindi naman kalayuan sa kanilang puwesto. Nakaupo sa isa sa mga bubungan ng palasyo, pinagmasdan nina Cythe at Elliott ang pagiging reyna ni Diara Vena o mas kilala sa tawag na Snow White sa kaharian ng Yuteria. Inakala ng buong kaharian ay patay na ito pagkatapos kainin ang prutas na lason noon, subalit naging matagumpay ang pagtakas ng dating reyna sa prinsesa upang hindi ito tuluyang mapaslang ng sariling ama. Nabuhay muli ang prinsesa sa ibang dimensiyon bilang si Diara Vena at ngayon ay matagumpay itong nakabalik upang pamunuan ang Yuteria. Tumingila muna si Cythe sa itaas, na para bang tumatagos sa kalangitan ang kaniyang mga titig, at saka lumingon pabalik kay Elliott nang makahulugan. Nakasuot ng damit pang-alila, alam ni Cythe na walang balak ang isang 'to na maglantad ng katauhan. Hanggang ngayo'y pinaghahanap pa rin si Elliott ng mga kawal ng Yuteria. Nakakatawang isipin na ang isang prinsipeng katulad nito ay mas masahol pa sa kriminal ang turing ng mga tao. Sadyang sa anino ng isang perpektong imahe ay matatagpuan ang tinatagong kapangitan. "Elliott," sambit ni Cythe sa pangalan ng kaniyang katabi. "Naniniwala ka pa bang makikita mo ang taong nagmamay-ari ng kaluluwa ni Xinderia sa mundo ng mga tao?" Napansin niyang napatigil si Elliot sa kaniyang pabiglang tanong. Kahit hindi man aminin ng lalaking 'to, ramdam ni Cythe ang pangungulila nito sa babaeng pinakainiibig nito. Minamahal ni Elliott si Xinderia na itinakdang ipapakasal sa nakababatang kapatid nito. Masakit mawalan ng minamahal, ngunit mas masakit ang pinagkaitan ng tadhana. At alam ni Cythe na pareho lang sila ni Elliott ng kapalaran. Tinanggalan ng karapatang magmahal at mahalin... "Hahanapin ko ang kaluluwa ni Xinderia sa kabilang mundo. Kung naging matagumpay ang Reyna Snow White, hindi malayong magtatagumpay din ako." Alam ni Cythe na seryoso si Elliott sa sinabi nito. At habang pinagmamasdan nila ang bagong hinirang na reyna, mas ramdam nilang dalawa ang katiting na pag-asa. Isang pag-asang ni minsa'y inakala nilang hanggang panaginip na lang. "Ikaw, Cythe? Babalikan mo pa ba ang Olympus?" tanong nito sa kaniya. Ang Olympus ang kaniyang tahanan sa mahabang panahon. At dahil lang sa isang pagkakamali, itinakwil siya ng sarili niyang mundo, ang tahanan ng mga diyos sa langit. Tanging sina Elliott at Reyna Snow White lamang ang nakakaalam ng kaniyang itinatagong sikreto. Kapwa sila napabuntong-hininga habang nagmamasid sa ibabang bahagi. Bahagyang napakuyom ng palad si Cythe at muling nilingon ang matalik na kaibigan. "Ipinatapon na nila ako rito. Ipinatapon sa isang perpektong kulungan." "Ang Yuteria ay hindi kulungan," depensa nito sa kaniya. "Isa ito sa masasabi kong perpektong kaharian na binuo katulad ng Atlantis. Isang perpektong lugar, bukod sa Olympus." Gusto pa sana niyang matawa dahil sa ginawang paghahambing nito sa Atlantis, ngunit napailing-iling na lang si Cythe. "Lumubog ang Atlantis," paalala niya. "Idagdag natin ang Meduria. Nasira rin ang kaharian ng mga gorgons nang dahil sa pag-ibig ni Medusa kay Poseidon. Walang perpekto sa mundong nalalason ng maling pag-ibig katulad ng iyong kaharian." Muling nagtama ang kanilang mga mata. "Lumubog pero hindi nawasak ang Atlantis," giit ni Elliott. "Nasira ang Meduria pero hindi naglaho. At isa pa, buhay pa ako, Cythe. Kaya ko pang bumalik sa aming kaharian." Napangiti ng pagak si Cythe. Kakaiba kung mag-isip ang kaniyang matalik na kaibigan. Nagagawa pa ring lagyan ng positibong pananaw ang mga bagay na inakala na ng lahat ay wala na. Habang siya . . . "At habangbuhay nang dadalhin ang isang sumpa. Sa tingin mo ba, perpekto pa rin ang isang bagay, tao, lugar kung nababahiran na ng takot, inggit, at hinagpis? Sa tingin mo ba, El, hanggang dito na lang tayo pagkatapos nila tayong tanggalan ng pagkakakilanlan?" Nawala ang ngiti sa mga mata ni Elliott, at saka siya nito piningot sa ilong. "Humihinga ka pa. Ibig sabihin no'n, hindi pa nagsasara ang kabanata. Hindi pa nagtatapos ang kuwento."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD