Zeth Archibald
Nagsimulang gumapang ang sakit sa buo kong katawan at sa isang iglap lang, napagtanto ko na isang kamay ang tumarak sa aking likuran – ang tusong si Ifrit.
Nagsimulang dumilim ang aking paningin at naramdaman ko ang paggapang ng pulang dugo sa aking katawan.
"Z-Zeth!"
Huling sigaw nina Pontus at Yani na aking narinig.
***
Sa patuloy na pagkirot ng sugat na aking tinamo, hindi ko na mamalayan kung nasaang lugar na ako. Hanggang sa marinig ko ang ilang patak ng tubig na animoy nagmumula sa isang kweba.
Kahit matinding sakit ang aking nararamdaman, pilit kong ginalaw ang aking katawan at minulat ang aking mga mata.
"N-Nasaan ako?" hirap kong wika.
Maya-maya lang, naramdaman ko ang unti-unting paghilom ng sugat sa aking baywang, ito ang kapangyarihan ng isang Aether ang maghilom ang sugat nang ganoon kadali.
Marahan at maingat akong tumayo, nakita ko ang madilim na paligid. Nasa isang kuweba ako na napalilibutan ng basang bato.
Underworld?
Tama, hindi ako maaaring magkamali. Ito ang underworld at ito ang lugar kung saan nakahimlay si Hadi – ang tagapagbantay ng dilim.
Mahirap mang makita ang aking lalakaran, pilit kong hinakbang ang aking paa patungo sa isang liwanag na tangi kong na-aaninag.
Hindi ko pa rin malilimutan ang lugar na ito. Ang lugar kung saan ko huling nakita ang aking ina.
Habang hinahakbang ko ang aking mga paa, hindi ko maiwasang hindi balikan ang alaala sa lugar na ito, na sana ay hindi ko na inalala pa.
Mariin kong pinikit ang aking mga mata at sa isang iglap lang, tila isang panaginip na nagpakita sa akin ang iniiwasan kong nakaraan.
Noong panahon na iyon, malakas ang ulan at tanging hamog lang ang aking nakikita sa paligid. Ngunit sa paglipas ng oras, unti-unting humahawi ang mga ulap na nagsisilbing harang sa daan.
Nakita ko ang aking ina sa dulo ng isang kuweba rito sa underworld. At sa isang iglap lang, mabilis na lumagaslas ang luha sa aking mga mata nang makita ko ang pagpaslang ni Hadi sa aking ina sa mismong harapan ko.
"M-Mama!" malakas kong sigaw na tila nagbigay ng trauma sa akin.
Tanging paslit pa lang ako noon at walong taong gulang. Hindi ko kaya ang lumaban at tila isang tuta lang ako kung ikukumpara sa lalaking si Hadi.
Ngunit sa mga oras na iyon, iyon ang araw kung kailan ako natutong lumaban at matutuhan ang kapangyarihan ng Aether. Simula nang araw na iyon, sinumpa ko sa sarili na lalaban ako para sa aking ina at ipaghihiganti ko siya.
"Muli tayong nagkita, binibini."
Agad akong napalingon nang marinig ko ang isang pamilyar na tinig. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Hadi at si Aira.
S-Sandali, si Aira?
Pinilit kong sumigaw nang makita ko ang paingon ni Aira sa kinaroroonan ni Hadi. Tila isang pelikula na pinapanood ko lang ang dalawa. Ngunit wala ni isang nakaririnig sa akin.
Kitang-kita ko ang panlalaki ng mga mata ni Aira nang makita niya si Hadi.
Nakasuot si Hadi ng mahabang balabal na animoy isang miyembro ng kulto. Ang kanyang mga mata ay napalilibutan ng kulay itim na eyeliner. Maikukumpara ko ang kanyang hitsura sa isang gothic na mayroong maraming tattoo.
Kahit anong sigaw ko kay Aira, hindi siya lumilingon. Tila anino o usok lang akong hindi nila nakikita.
Mabilis akong tumakbo patungo sa kinaroroonan ni Aira, ngunit sa paghawak ko sa kanya, agad akong lumusot sa kanyang katawan na animoy hologram lang ang nasa aking harapan.
"Sa wakas nakita rin kita, Hadi!" matapang na wika ni Aira, dahilan upang mapalingon ako sa kanya.
Tumaas ang gilid ng labi ni Hadi at nagsimulang magsalita.
Tila isang palabas na pinakita sa akin ang lahat ng nangyari kay Aira sa loob ng lugar na ito. Nakakikilabot at nakakagalit dahil hindi ko man lang siya natulungan.
Hindi ako makagalaw at hindi makahinga habang pinagmamasdan ang dalawa. Pakiramdam ko ay ako ang ginagapos ni Hadi sa kanyang ginagawa kay Aira.
Sunod-sunod ang palitan nila ng mga salita na halos hindi ko na maintindihan. Hanggang sa makita ko ang galit na galit na mukha ni Hadi dahil sa mga bagay na sinasabi ni Aira.
"Anong alam mo? Ha?!" galit na wika ni Hadi. Nababakas ang takot sa mukha ni Aira nang tumama ang mga mata nito sa kanyang mata. Nabalutan ng kulay pula ang mata ni Hadi. Tila ano mang oras ay maaari niyang tapusin ang buhay ng sino mang humadlang sa kanya. At sa pinakikita ng kanyang mga mata, tila wala na siyang nararamdamang awa. "Wala kang alam sa nakaraan, Aira. Ang alam mo lang ay ang bagay na pilit tinago ng kasaysayan ng mundong ito, huwag kang magsalita na tila alam mo ang lahat, dahil malayong-malayo sa katotohanan ng kasaysayan ang mga bagay na tinanim nila riyan sa utak mo!"
Kumunot ang noo ni Aira na animoy nagtataka sa mga sinasabi ni Hadi.
Maging ako ay hindi alam kung ano ang ibig niyang sabihin, ayokong intindihin at paniwalaan ang sinasabi niya dahil tulad ng kanyang nabanggit, ang bahagi ng kasaysayan ng Peridious lang ang aking nalalaman.
ito ang mga bagay na tumatakbo sa aking isip.
Agad na nanlaki ang aking mga mata nang makita ko ang sumunod na ginawa ni Hadi.
Mariing napapikit si Aira nang mariing hawakan ni Hadi ang leeg ni Aira at higpitan ito nang paunti-unti.
Naramdaman ko ang pagnipis ng hangin na aking nakukuha. Ang pagtibok ng aking puso ay unti-unting bumabagal dahil sa kawalan ng hangin at mahigpit na kapit ni Hadi sa leeg ni Aira.
Hindi man ako ang sinasakal ni Hadi, tila iisa ang katawan naming dalawa ni Aira dahil nararamdaman ko ang kanyang nararamdaman.
Dahan-dahang bumibigat ang talukap ng aking mata dahil sa panghihina, hanggang sa maya-maya lang, unti-unti na itong pumipikit na tila nais nang magpahinga.
Marahas na binitiwan ni Hadi si Aira at tuluyang binagsak sa sahig, dahilan upang maramdaman ko ang p*******t ng kanyang katawan at sakit ng pagtama ng likod niya sa matigas na semento.
Mabilis akong napaluhod at napahiga. Pakiramdam ko ay napakabigat ng aking katawan dahil sa ginawa ni Hadi.
Bago tuluyang bumigay at pumikit ang talukap ng mga mata ni Aira, pilit niyang binukas ang kanyang labi at tinawag ang aking pangalan.
Siguro, alam niya at naniniwala siya na kahit saan ako mapunta, banggitin niya lang ang aking pangalan ay mahahanap at mahahanap ko siya.
Sa pagbukas ng labi ni Aira, mahina siyang nagwika ng, "Zeth..." huling salita na lumabas sa kanyang labi, hanggang sa tuluyang bumigay ang kanyang katawan.
Agad akong nawalan ng malay at ang huling sulyap na aking nakita ay ang mukha ni Hadi na pailalim na nakatingin sa akin.
Sinasabi ko na nga ba, alam niyang nandito ako at sinadya niyang ipakita sa akin ang mga nakaraang nangyari sa kuwebang ito.
Hayop ka talaga, Hadi! Wala kang puso.
Hanggang sa tuluyan akong humimlay at hindi na nagmulat pa ng mga mata.
***
Makalipas ang ilang sandali, isang mahinang tinig ang aking naririnig na tumatawag sa aking pangalan.
Ramdam ko ang pagtapik sa aking balikat na animoy may gumigising sa aking diwa.
"Zeth! Zeth! Gumising ka!"
Kunot ang noo nang pilit kong minulat ang mabigat na talukap ng aking mga mata. Noong una ay hindi ko pa kaya dahil may kung anong kirot pa ang aking nararamdaman sa aking katawan, hanggang sa maya-maya lang, tuluyan ko nang naimulat ang aking mga mata.
Naaninag ko ang mukha ni Yani na nakadungaw sa aking harapan at nababakas ang pag-aalala.
"Y-Yani?" hirap kong wika.
"Mabuti naman gising ka na, akala ko talaga ay katapusan mo na," panimulang wika niya sa akin na animoy nakahinga nang maluwag.
Kahit masakit ang katawan, pilit kong ginalaw ang sarili saka umupo. Hinawakan ko ang aking sentido na nga. Lumingon ako sa paligid.
"Si Ifrit, nasaan siya?" pagtanong ko nang tuluyang bumalik sa aking diwa at napagtantong bumalik na ako sa kasalukuyan.
Marahang gumalaw ang kamay ni Pontus. Sinundan ko ng aking paningin ang bagay na tinuturo ng kanyang daliri at nanlaki ang aking mga mata nang makita si Ifrit na nakagapos sa isang poste.
"Anong nangyari sa kanya, patay na ba siya?" tanong ko.
"Gustohin ko mang wakasan ang kanyang buhay, alam mong hindi ko maaaring gawin iyan dahil kailang siya ni Aira upang manalo sa darating na giyera," tugon ni Pontus.
Tila nagising naman sa ulirat ang aking isip nang maalala ko si Aira.
"Si Aira, nasa kamay siya ni Hadi."
"Ha? Paano mo nalaman?"
"Kanina, habang wala akong malay, isang panaginip na animoy totoong totoo ang nagpakita sa akin. Nakita ko kung paano dinakip ni Hadi si Aira."
"Kung ganoon, sa tingin ko ay sadyang pinakita sa iyo ni Hadi ang mga iyon. Marahil ay alam na niya ang nangyari kay Ifrit kaya nais niyang magtungo tayo sa kinaroroonan nila ni Aira," rinig kong wika ni Pontus.
"Pero hindi tayo maaaring magpadalosdalos. Maaaring isa itong patibong upang mapaslang tayo ni Hadi at tuluyang masakot ang mundo ng peridious," wika ni Yani.
Tama ang kanilang mga sinabi. Tuso si Hadi at alam naming kapag nagtungo kami roon, para na rin naming sinalubong ang aming kamatayan.
"Kung ganoon, may naiisip ba kayong plano?" tanong ni Pontus.
"Maaari kayong humingi ng tulong sa mga bampira."
Sabay-sabay kaming napalingon sa kinaroroonan ni Ifrit nang marinig namin siyang magsalita.
"Anong ibig mong sabihin?" pagtanong ko, saka lakad palapit sa kanya.
"Isa ang mga lahi ng bampira sa pinagkakatiwalaan ni Hadi. Ngunit isa rin sila sa mga tuso pagdating sa kasunduan, lalo kung may malaking kapalit para sa serbisyo nila."
"At ano ang kapalit na iyon?"
Nakita ko ang pagtaas ng labi ni Ifrit, saka ngumisi.
"Ang maging immortal din ang inyong buhay. Sa madaling sabi, kailangan nyo ring maging bampira upang mapasunod nyo sila."
Mariin kong naikuyom ang aking kamay dahil sa kanyang sinabi. Alam kong suntok sa buwan na gawin ang bagay na iyon, ngunit kung ito na lang ang natitirang paraan, wala kaming magagawa kung hindi ang sumugal.
"Kung ganoon, kailangan mo kaming samahan," pagsingit ni Pontus sa aming usapan.
"Bakit ako sasama sa inyo?" iritableng sigaw ni Ifrit.
"Dahil ikaw ang nakakaalam sa Draco Kingdom, hindi ba? Kaya sa ayaw mo at sa hindi, sasama ka sa 'min," pagpilit ni Pontus.
Itinaas ni Pontus ang kanyang kamay saka tinapat kay Ifrit. Maya-maya lang, isang bula ang pumaligid sa katawan ni Ifrit na tuluyang nagkulong sa kanya.
Nang tuluyan akong makabawi ng lakas, sinimulan naming muli ang paglalakbay patungo sa kaharian ng Draco tulad ng sinabi ni Ifrit.
Ang Draco Kingdom ay ang kaharian ng mga bampira. Dito naninirahan ang mga lahi ng imortal na kumakain ng dugo ng tao.
Ayon sa kasaysayan, ang sino mang makagat ng bampira ay magiging bampira na rin. Isang sumpa ng walang kamatayan.
May dalawang uri ng bampira, ang mga kumakain ng dugo ng tao at ang mga kumakain ng dugo ng hayop.
Simula nang namuno si Queen Regina sa mundo ng Peridious, pinagbawalan niya ang mga bampirang kumain ng dugo ng tao. Ang iba ay nag-aklas kaya walang nagawa ang reyna kung hindi sila ay patawan ng karampatang parusa – ang kamatayan.
Dahil dito, ang ibang bampira ay nagdesisyong sumapi sa kampon ni Hadi at sumama sa giyera noong unang panahon.
Ngunit dahil malakas ang kapangyarihan at pwersa ng reyna, tuluyang natalo ang kasamaan at nanaig pa rin ang kabutihan ng reyna.
Ang kaharian ng Draco ay dineklarang isolated na kaharian. Hindi na sila maaaring tumungo sa ibang kaharian dahil tinuturing na silang taksil.
Ang mamamayan ng Draco ay tanging sa Draco lang maaaring manatili. Hindi sila maaaring magtungo sa iba dahil ang utos ng reyna ay sino man ang lumagpas sa boundary nila ay nararapat lamang na paslangin.
Ito ang mahigpit na utos ng reyna. Sa kasalukuyan, kung magkataon, ito ang unang beses na matutungo ako sa Kaharian ng Draco.
Wala akong ideya sa hitsura ng kanilang kaharian at tanging haka-haka lang ang aking mga nalalaman.
***
Ang Draco Kingdom ay nasa timog silangang bahagi ng daigdig mula sa Peridious. Ayon sa aking nalalaman, nagtataglay ng pambihirang lakas ang mga bampira at kadalasan silang lumalabas sa tuwing sumasapit ang dilim.
"Sabihin mo, Ifrit. Saan ang daan patungo sa Draco?"
"Halatang mga wala talaga kayong alam, ano?" mapang-asar na wika ni Ifrit. "Ang Draco Kingdom ay nasa timog silangan, halos kalapit lang siya nitong Firaga."
"Kung ganoon, ikaw ang magturo sa amin ng daan patungo sa Draco," wika ni Yani.
"Kalagan nyo muna ako," wika ni Ifrit sabay sa kanyang pagngisi.
"Tuso ka, kaya hindi namin iyon gagawin," tugon ni Pontus.
"Hindi ko rin ituturo ang daan."
"Malalaman ko kung saan iyon."
Nang sabihin ni Pontus ang salitang ito, agad niyang hinawakan ang noo ni Ifrit at hindi ko alam kung ano ang kanyang ginawa.
Marahan niyang sinara ang talukap ng kanyang mga mata, saka siya muling dumilat.
"Okay, alam ko na kung saan," aniya.
"Hayop ka talaga, Pontus. Wala ka nang pinalagpas sa akin."
"Alam naman natin na sa ating lahat sa grupong ito, ako ang pinakamalakas."
Ngumisi si Ifrit na animoy nang-aasar.
"Hindi ikaw ang pinakamalakas, kung hindi ang Aether na ito, baka nakakalimutan mo, Pontus ng Oceana."
Kumunot ang noo ni Pontus at nakita ko ang inis sa kanyang mga mata. Alam ko sa sarili na ang personalidad ni Pontus ay hindi tumatanggap ng kahit anong pagkatalo, kaya pagdating sa usapang pagiging malakas, mabilis uminit ang kanyang ulo lalo na at malalaman niyang hindi siya ang pinakamalakas.
"Tumigil ka!" galit na wika ni Pontus saka hinawakan ang leeg ni Ifrit.
"Tama na yan, Pontus!"
Agad kong hinawakan ang braso ni Pontus upang siya ay pigilan. Kitang-kita ko kung paano mang nisik ang kanyang mga mata at galit na galit na tinatapunan ng matatalas na tingin si Ifrit.
Kilala si Pontus bilang mataas ang ego na lalaki. Ang nais niya ay maging pinakamalakas at alam na alam ko iyon nang maglaban kami.
Wala naman akong planong kunin sa kanya ang titolong iyon, ang nais ko lang ay mailigtas namin si Aira.
"Itigil nyo na ang pag-aaway. Wala itong maidudulot na maganda sa atin," seryoso kong wika sa kanila.
Muli pang diniinan ni Pontus ang kamay sa leeg ni Ifrit dahil sa galit. Nakita ko naman ang mariing pagpikit ni Ifrit nang maramdaman niya ang sakit at pagbaon ng kuko ni Pontus sa kanya.
"Pontus!" suway ko.
Kahit may inis, niluwagan ni Pontus ang pagkakahawak ng kamay sa leeg ni Ifrit. Kitang-kita ko pa ang paghabol ni Ifrit sa kanyang hininga dahil halos mamatay na sila sa higpit ng pagkakahawak ni Ifrit sa kanya.
"May araw ka rin sa 'kin," iritableng wika ni Pontus.
Lumakad siya palayo sa aming kinaroroonan, saka tinaas ang kamay sa ere. Maya-maya lang, isang dragon ang nagpakita sa himpapawid at lumipad palapit sa aming kinaroroonan.
Ito ang dragon na magdadala sa amin sa kaharian ng Draco.
Sa pagbaba ng malaking dragon na may nakalahad na malaking pakpak, ang mahabang leeg niyo ay kanyang niyuko upang tuluyan kaming makasakay sa kanyang likod.
Unang sumakay si Yani. May inis sa mukha namang sumakay si Pontus sa likod ng dragon. Hinawakan mo naman ang nakagapos na kamay ni Ifrit saka siya hinila patungo sa likod ng dragon.
Nang tuluyan kaming naka-ayos at nakasakay rito, sinimulang lumiyad ng dragon at marahang inangat ang kanyang pakpak, saka kami unti-unting umangat patungo sa himpapawid.
Sa kalagitnaan ng aming paglalakbay, hindi ko akalain na hindi pa rin pala tapos ni Ifrit sa pang-iinis niya sa amin. At kung ano-anong bagay pa ang kanyang tinatanong sa amin.
"Sabihin nyo, ano ba talaga ang mayroon sa Aira na iyon at gusto nyo pang iligtas. Ayon sa mga sabi-sabi, ordinaryong tao lang naman siya, hindi ba? Ano ba ang espesyal sa babaeng iyon?" sunod-sunod niyang tanong.
"Siya ang reincarnation ni Queen Regina, kaya nararapat lang na tulungan namin siya," tugon ko sa tanong ni Ifrit.
"Ganoon ba? O baka naman may iba ka pang dahilan, Zeth?"
Kunot noo akong napatingin sa kanya nang sabihin niya ang bagay na iyon.
"Saan mo ba kinukuha ang mga bagay na pinang-iinis mo sa amin?" tanong ko.
"Hindi ako nang-iinis, Zeth. Pinapalinaw ko lang ang mga mata mo. O baka mas maayos kong sabihin na ang nararamdaman mo," aniya na may mapanglokong tingin. "Alam mo naman siguro ang kasaysayan ng Aether at ni Queen Regina," muli niyang wika.
"Huwag ka nang makinig sa kalokohan ng lalaking iyan, Zeth. Pinaiikot niya lang ang ulo mo," pagsingit ni Pontus sa aming usapan.
Hindi na lang ako nagsalita at nanatiling tahimik sa byahe. Hindi ako tanga para hindi maalala ang kasaysayan ni Queen Regina at ng Aether na kanyang kanang kamay noon.
May haka-haka noon na si Queen Regina ay nagkaroon ng relasyon sa isang kawal na Aether, isang bagay na pinagbabawal ng kaharian. Lihim ang kanilang naging pag-iibigan at kahit hirap sila sa pagmamahalan, pilit pa rin nila itong pinaglalaban. Hanggang sa ito na rin ang naging dahilan ng pagkadurog ng puso ng reyna.
Ang reyna ng Peridious ay hindi maaaring umibig sa isang Aether. Ang reyna ay para lamang sa isang prinsipe na naninirahan sa Peridious.
Noong unang panahon, mababa ang tingin ng mga tao sa katulad naming Aether dahil katumbas lang namin sa limang elemento ay espirito.
Kami ang ikahuling elemento ng reyna, ngunit kami ang nagbubuklod sa tao o nirerepresenta namin ang mga tao.
Inaamin ko naman na kami ang pinakamahinang nilalang, kaya noong ako ay tumanda, sinigurado ko na hindi ako maliliban sa pag-eensayo.
"Nandito na tayo!"
Isang salita mula kay Pontus ang nagputol sa mga bagay na aking iniisip. Sa paglibot ng aking paningin, nakita ko ang isang takipsilim.
Totoo nga ang sinasabi nila, na ang Draco Kingdom ay nababalutan ng takip silim at walang araw na sumisikat sa lugar na ito. Sinasabi kasi sa kasaysayan na ang mga bampira ay takot sa araw. Hindi sila nakalalabas sa ilalim ng araw dahil masusunog sila ano mang oras.
Sa ngayon, handa na kaming harapin ang isang bagong pagsubok sa lugar na ito – sa kaharian ng Draco.
Sana ay mahintay mo pa ang pagdating ko, Aira.