Chapter 18: Firaga Kingdom

2058 Words
Zeth Habang tumatagal ang aming paglalakad papasok sa lagusan ng Firaga, unti-unting bumabalot ang mainit na hangin na dumadampi sa aming balat, ito ay isa sa hudyat na nasa loob na kami ng kaharian ni Ifrit Sun – ang Prinsipe ng Firaga Kingdom. Ang kaharian ng Firaga ay nasa timog na bahagi ng daigdig mula sa Peridious, dito nakatalaga ang elemento ng apoy at humahawak sa mythical creature na Phoenix. Ito rin ang lugar na may kinalaman sa Underworld at Draco Kingdom kung saan naninirahan ang mga imortal na bampira at ito ang mahigpit na katunggali ng kaharian ni Pontus. "Sandali." Mabilis na huminto ang aming mga paa sa paghakbang nang marinig naming magsalita si Pontus. Halos sabay lang kaming napalingon ni Yani sa kanya na ngayon ay nakatayo sa aming likuran. "Habang tumatagal, umiinit ang hangin. Kapag nagkataon, maaari tayong masunog," aniya. Nilahad ni Pontus ang kanyang kamay, saka binukas ang palad nito. Sa pagbukas, tatlong patak ng tubig na korteng luha ang ang nabuo sa kanyang kamay. "Ibukas nyo ang bibig nyo. Kailangan natin ng proteksyon," muli niyang wika. Tumango lang kami ni Yani saka binukas ang mga labi tulad ng kanyang pinag-uutos. Sa pagbukas ng aming labi, unti-unting lumutang ang butil ng tubig na nagmula sa kamay ni Pontus, saka ito tumapat sa nakabukas naming bibig. Naramdaman ko ang paghagod ng malamig na tubig sa aking lalamunan nang tuluyan itong bumagsak sa loob ng aking bibig. Hanggang sa maya-maya lang, unti-unting lumamig ang aking pakiramdam na animoy may nyebe sa paligid. Ang mainit na hangin na dumadampi sa aming balat kanina ay napalitan ng lamig. Ito pala ang kapangyarihan ni Pontus. Nakamamangha talaga ang nagagawa ng mga prinsipe ng iba't ibang kaharian. "Ayos na, handa na tayo," wika ni Pontus na nagbibigay kasiguraduhan na protektado na ang aming katawan at hindi na maaapektuhan ng mainit na hangin mula sa Firaga. Ang madilim na lagusan ay nagsimulang magbago ng kulay. Unti-unti itong naging pula na animoy nasa loob kami ng isang bulkan. Kapansinpansin din ang usok na nagmumula sa sahig na aming nilalakaran, simbulo kung gaano kainit sa lugar na ito. Hanggang sa maya-maya lang, sa dulo ng lagusan na aming tinatahak, isang liwanag ang aming nakita. At sa pagtawid namin sa liwanag na iyon, tumambad sa aming mga mata ang magandang kaharian ng Firaga. Tila isang portal ang lagusan na aming dinaanan patungo sa lugar na ito, dahil bigla na lang nagbagobang buong paligid. Nagbago ang mainit na temperatura ng lugar at ang kulay pulang paligid ay nawala. Sa pag-ikot ng aking mga mata, muli kong nasilayan ang ganda ng kaharian ng Firaga. Bata pa ako nang huli kong punta rito at halos nalimutan ko na kung ano ang hitsura nito. Ngunit ngayong nakabalik ako, tila isang panaginip na bumalik ang alaaala sa aking isip. Ang lupa ay kulay pula. Ang kalangitan ay kulay asul at may dalawang araw na sabay ang pagsinag. May mga puno na pula ang dahon at mga bulaklak sa lupa na animoy rosas na kulay pula. Sa gitna ng malawak na lupang ito ay isang malaking kastilyo. At sa paligid naman nito ay ang mga kabahayan ng mga mamamayan ng Firaga. Imposibleng hindi rin mapansin ang malaking rebulto ng ibon sa likod ng kastilyo na ito. Nakabukas ang kanyang pakpak na sing laki ng buong kaharian, habang ang ulo ng ibon ay nakaturo sa kalangitan – ito ang Phoenix, ang tagapagbantay ng Firaga. Sinimulan kong ihakbang ang aking paa patungo sa kastilyo, ngunit sa aking paglakad, naramdaman ko ang isang kamay na humawak sa aking balikat upang ako ay pigilan. Agad akong napalingon sa aking likod at nakita ko ang mukha ni Yani. "Sandali, huwag tayong magpadalosdalos. Baka may binabalak si Hadi kaya niya tayo pinapunta rito," wika niya na nagpakunot sa aking noo. "Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ko. "Basta, iba ang kutob ko rito." Matapos niyang sabihin sabihin ang bagay na iyon, nanlaki ang aming mga mata nang makarinig kami ng malakas na sigaw mula sa kastilyo ng Firaga. "Maligayang pagdating mga prinsipe. Inaasahan ko talaga ang inyong pagbisita," wika ng isang lalaki mula sa kastilyo. "Halika, pumasok kayo," muli niyang sabi. Kahit hindi ko pa nakakaharap si Ifrit Sun, alam kong sa kanya nagmumula ang mga tinig na iyon. Tiningnan ko ang dalawa kong kasama, sabay-sabay kaming tumango na animoy nagsasabing handa kami sa kung ano man ang paparating na pagsubok. Sinimulan naming ihakbang ang aming mga paa, saka dumiretso ng lakad patungo sa malaking kastilyo na nasa aming harapan. Sa pagbukas ng pinto ng kastilyo, nanlaki ang aming mga mata nang bumungad sa amin ang isang malaking espasyo na kung saan maraming sundalo ang naliligo sa sarili nilang dugo. "A-Anong nangyari rito?" wala sa sarili kong wika. Sa pag-ikot ng aming paningin, nakita namin ang isang lalaki na nakatayo sa gitna ng malaking espasyo na ito. Nakatalikod ito sa aming habang hawak ang isang espada kung saan nagmumula ang ilang patak ng dugo. Nakasuot siya ng kapa at elegante ang dating niya. "Maligayang pagdating," wika niya sa isang malalim at tila masayang tinig. Marahan siyang humarap sa amin. Napasinghap na lang kami nang malaman kung sino ang lalaking ito – si Ifrit Sun, ang prinsipe ng kahariang ito. Ngunit anong ginawa niya sa kanyang mga kawal? Isang malademonyong ngiti sa pinakita niya sa amin na nagbigay tindig sa aming balahibo. At sa pagkakataong ito, alam ko na kung bakit ganito ang kanyang kinikilos. Nang matamaan ng aking tingin ang kanyang mga mata, doon ko napagtanto na nasa ilalim siya ng itim na mahika. Kulang itim ang kanyang mga mata at tila wala itong emosyon. Siguro, kagagawan na naman ito ni Hadi. Wala talagang pinipili ang kalupitan niya. Ginalaw ko ang aking kamay, saka dahan-dahang kinuha ang dala kong espada mula sa likuran, hudyat na handa na akong makipaglaban sa kanya. Sumilay ang pagtaas ng gilid ng kanyang labi. Ang kanyang awra ay tila sabik sa dugo at sa tingin ko, kapag nagkaroon siya ng pagkakataon, hindi niya kami palalabasin sa kaharian na ito nang buhay. Sa isang kisap ng mata, lahat kami ay nagulat nang biglang nawala si Ifrit sa aming harapan. Noon ko naramdaman ang kanyang presensya at alam kong nasa likod ko siya. Tila wala pang segundo ang mga pangyayari. Agad akong humarap sa kanya at kinuha ang espada na nasa aking likod, saka ito hinampas nang malakas sa kanya. Ngunit sa kasamaang palad, nasangga ito ng kanyang espada. Ang aming mga armas ay nagpatuloy sa pagpapalitan ng malalakas na pwersa. Sabay sa pagwagayway ng aking espada ay ang sunod-sunod niyang pag-atake. "Earth Breaker!" sigaw ni Yani, saka malakas na sinuntok ang sahig kung saan nakalapat ang aming mga paa. Nagsimulang yumanig ang paligid nang unti-unting bumukas ang lupa. Ganito kalakas ang kapangyarihan ni Yani, kaya niyang wasakin ang isang buong isla gamit ang kanyang lakas. Dahil dito, agad na tumalon si Ifrit at nagtungo sa hagdan ng palasyo. Tila magaan pa sa hangin ang kanyang katawan dahil walang kahirap-hirap para sa kanya ang tumapak sa dulong bahaging hawakan ng hagdan. "'Wag kang mangialam dito, Aranyani!" sigaw ni Ifrit. "Paanong hindi, kasama ko sila," tugon ni Yani. "Gumising ka, Ifrit. Nasa ilalim ka ng kapangyarihan ni Hadi. Tingnan mo ang ginawa mo sa sarili mong kaharian!" "Tahimik! Anong karapatan mong diktahan ang aking desisyon?" galit na sigaw ni Ifrit. "Bakit hindi na lang kayo sumama sa akin at sakupin natin ang buong kaharian?" suhesyon niya. Wala sa sariling napatingin kaming tatlo nina Yani sa isa't isa. Hindi namin alam kung ano ang nangyari, ngunit tila may kung anong bagay ang bumabagabag sa isip ni Ifrit kaya ganoon na lang kadaling nakuha ni Hadi ang kanyang isip. Hindi ko ganoon kakilala si Ifrit ngunit madalas kong marinig ang usapan tungkol sa kanilang kaharian. "Huwag mo kaming idamay sa kalokohan mo, Ifrit," sigaw ni Pontus. Isang hakbang pasulong ang kanyang ginawa, saka sinimulang kinuyom ang kamay. "Tayo na lang ang magtuos tutal ang kaharian naman talaga nating dalawa ang mortal na magkalaban," muli niyang wika. *** Ayon sa kasaysayan, ang kaharian ng Oceana at Firaga noon ay matalik na magkaibigan. Ngunit isang trahedya ang nagputol sa pisi ng kanilang sinumpaang pagkakaisa. Sa pagkakatanda ko, nakasulat sa libro na ang ninuno ni Pontus na dating hari na si Haring Faustus ay umibig sa isang babaeng taga Firaga, si Miranda. Noon, may layang umibig ang dalawang kaharian sa kung sino man ang kanilang naisin. 'Di kalaunan, si Haring Faustus ay nagkaroon ng relasyon kay Miranda. Napag-alaman ni Faustus na si Miranda ay ang nakababatang kapatid ng hari ng Firaga. Sa madaling sabi, si Miranda ay isang prinsesa. Ito ang naging dahilan kung bakit mas nagbuklod ang dalawang kaharian. Nagpatuloy ang pagmamahalan ng dalawa. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, isang pangyayari ang tumapos sa pagkakaisa ng dalawang kaharian. Pinaghihinalaang si Hadi ang ugat ng lahat ng ito dahil nasa ilalim ng kapangyarihang itim ang buong Firaga noong panahong iyon. Nang tuluyang sakupin ng Underworld ang Firaga Kingdom, tuluyang namanipula ni Hadi ang isip ng mga mamamayan sa Firaga, dahilan upang mapilitang kalabanin ng Oceana kingdom ang Firaga. Ngunit sa kasamaang palad, nagwakas ang buhay ni Prinsesa Miranda sa kamay ng kasintahang si Faustus. Ang lahat ng ito ay nasaksihan ng hari ng Firaga nasaksihan niya kung paano patayin ni Faustus ang kanyang kapatid. Dahil dito, sumiklab ang giyera sa pagitan ng dalawang kaharian. Ngunit dahil sa lakas ng Oceana, nanalo sila sa giyera at nanatiling nasa ibaba ang Firaga. Hanggang sa kasalukuyan ay dala ng dalawang kaharian ang kasaysakayn, isang alitan na tila hindi na matutuldukan. Isang malakas na pagsabog mula sa himpapawid ang pumutol sa mga bagay na aking iniisip. Noon ko napagtanto ang malakas na pagpapalitan ng pwersa nina Ifrit at Pontus. Sa paghagis ni Pontus ng isang espada na tila gawa sa tubig, isang malakas na apoy naman ang pinangsangga ni Ifrit sa kanya. Nanatili sa ganitong pagpapalitan ng lakas ang dalawa, animoy ni isa ay walang nais magpatalo. Nang mawala ang naka-ikot na apoy sa katawan ni Ifrit, nanlaki ang kanyang mga mata nang biglang nawala sa kanyang harapan si Pontus. At sa isang segundo lang, mabilis akong napapikit nang makita ang dumadanak na dugo mula sa gilid ni Ifrit. Hindi niya nakita ang biglaang pagsulpot ni Pontus sa kanyang likuran at ang pagtarak ng espada nito sa kanyang tagiliran. Nababakas sa mukha ni Ifrit ang hirap at sakit. Nagsimula ito mamilipit at mabilis na bumagsak sa sahig mula sa himpapawid. "Sa tingin ko, dito na nagtatapos ang lahat," rinig kong wika ni Yani na ngayon ay nakatingin din sa dalawang magkatunggali. Dahan-dahang bumababa mula sa himpapawid si Pontus, hanggang sa tuluyan nang lumapat ang kanyang paa sa lupa ng Firaga. Pailalim ang tingin niya kay Ifrit habang ito naman ay namimilipit sa sakit. "Dahil sa mga bagay na ginawa mo, wala ka nang karapatang mabuhay sa mundong ito," wika ni Pontus. Nakatatakot ang kanyang tingin kay Ifrit. Animoy nagsusumiklab na galit ang bumabalot sa mata nito at hindi niya bubuhayin ang sino mang humarang sa kanya. Sunod-sunod ang patak ng dugo mula sa tiyan ni Ifrit. Kahit mahigpit ang pagkakahawak niya rito at patuloy na namimilipit, hindi pa rin niya maitago ang malaking sugat na natamo. Muling tinaas ni Pontus ang kanyang kamay habang ang mga mata ay nananatiling paibabang nakatingin sa lalaking nasa harapan. At sa mga oras na ito, alam na alam ko ang gagawin ni Pontus. Isang malaking sibat ang nahulma mula sa nakataas na kamay ni Pontus. Mahigpit niya itong hinawakan at mabilis na tinutok kay Ifrit. "Sandali!" malakas kong sigaw. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip. Natagpuan ko na lang ang sarili na mabilis na nagtungo sa kinaroroonan ng dalawa. Agad kong hinawakan ang sibat ni Pontus na tuluyang nagpatigil sa kanyang binabalak. "Anong ginagawa mo, Zeth?" iritableng tanong ni Pontus. "Hindi pagpaslang ang sagot sa problemang ito, Pontus." "At ano?" Tutugon palang ako nang biglang manlaki ang aking mga mata dahil sa isang bagay na naramdaman ko sa aking tiyan. Nagsimulang gumapang ang sakit sa buo kong katawan at sa isang iglap lang, napagtanto ko na isang kamay ang tumarak sa aking likuran – ang tusong si Ifrit. Nagsimulang dumilim ang aking paningin at naramdaman ko ang paggapang ng pulang dugo sa aking katawan. "Z-Zeth!" Huling sigaw nina Pontus at Yani na aking narinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD