Ang Lihim ni Seth
AiTenshi
"Ang Pamilya"
Part 7
Natagpuan ko ang aking sarili na nakahiga sa aking silid at doon ay maiging sinusuri ng doktor ang aking kalagayan. Nandoon din si Manang Pelly na hindi maitago ang labis na pag alala habang hinahaplos ang aking kamay. Samantalang ako naman ay tila lantang gulay at hinahabol pa rin ang aking pag hinga. Labis akong nabigla sa mga kwentong isinalaysay ni Manang Pelly, hindi ko alam kung totoo ba ito o kathang isip lamang niya ngunit iyon kaya ang dahilan kung bakit nasabi niyang si Seth ay hindi normal na tao? "Ok na ang pasyente. Wala namang komplikasyon sa kanyang katawan. Marahil ay dala lamang ng sobrang emosyon at pag kabigla ang kanyang pag bagsak kanina. At isa pa ay maaaring dumagdag ito sa bigat o sa rami ng kanyang iniisip kaya di nakapag tatakang bibigay ang kanyang katawan. Sa ngayon ay nangangailangan lang siya ng sapat na pahinga." paliwanang ng doktor habang inaayos nito ang kanyang mga gamit.
"Kasalanan ko ito, sana ay hindi ko na lamang isinalaysay ang bagay na iyon. Patawarin mo ako sir Ybes." ang wika ni Manang Pelly na hindi maitago ang matinding lungkot at pag aalala. Kaya naman tumingin ako sa kanya at ngumiti "kasalanan ko po ang lahat dahil marami akong iniisip at hindi pa ako nakatulog ng maaayos kagabi. Marahil ay dala lamang po ito ng labis na emosyon. Huwag nyo pong sisihin ang iyong sarili. Isa pa ay nag papasalamat po ako dahil pinag katiwala mo sa akin ang iyong lihim. Iingatan ko po ito at pangakong hahanapan ng kasagutan." tugon ko naman habang naka hawak sa kanyang kamay.
"Labis kaming nag alala sa iyo sir Ybes, kung may nangyaring masama sa iyo ay baka hindi ko na talaga mapatawad pa ang aking sarili. Nawala si inay dahil sa aking kagagawan kaya't hindi ako makapapayag na mawala ka rin sa aking sa kaparehong dahilan." pag iyak ni Manang Pelly kaya naman bumalikwas ako ng bangon at niyakap ko ito ng mahigpit. "Kalimutan na po natin ang nangyari, ang mahalaga ay maaayos ako at walang nangyaring masama."
Noong mga oras na iyon ay nag pasya muna akong mahiga at ipahinga ang aking sarili. Halos paulit ulit pa ring nag babalik sa aking isipan ang mga sikretong ibinulgar ni Manang Pelly sa aking harapan. Paano ko ba tatanungin si Seth tungkol sa mga bagay na ito? Gulong gulo na ang aking pag iisip, kailangan kong malaman ang totoo sa lalo't madaling panahon.
Ilang minuto rin ako sa ganoong pag kakahiga hanggang sa muli kong mapansin ang sulat ni Seth na naka ipit sa head board ng aking kama. Ang usapan namin ay tanghali ngunit sa palagay ko ay huli na ako sa aming usapan. Ngunit paano ko makaka usap si Seth kung hindi ko siya pupuntahan? "Bahala na nga!" sigaw ko sa aking isip sabay balikwas ng bangon. Ganoon kabilis, nakapag desisyon ako agad na puntahan si Seth sa kakahuyan bagamat hilo pa ako at nang hihina ang tuhod.
Suot ko ang aking kupas na maong at binalot ng sweater ang aking katawan. Malamig ang hangin sa bungad ng kakahuyan at sinabayan pa ito ng kakaibang kaba sa aking dibdib habang palapit ako ng palapit sa bungad naturang lugar. Naka halukipkip ang aking dalawang kamay sa aking kilikili dahil nilalamig ang mga ito. Tahimik kong binaybay ang tuwid na daan hanggang sa maaninag ko ang isang lalaking naka upo sa ilalim ng puno habang hinihimas ang isang usa "Si Seth, inaabangan kaya niya ang pag dating ko?" tanong ko sa aking sarili at doon ay naka ngiti itong tumayo sabay kumpas ng kamay dahilan para mag tatakbo palayo ang usang hinihimas kanina lamang. Ewan ngunit hindi ko maisalawaran ang dapat kong maramdaman noong makita ko ang kanyang mukha. Natatakot ako sa kanya, naiilang ngunit sa kabilang banda ay may kung anong saya ang bumabalot sa aking pag katao. Ibang klaseng kasiyahan ito dahil unti unti nitong dinadaig ang negatibong pakiramdam sa aking puso at isipan.
Ilang hakbang pa hanggang makalapit na ako sa kanyang kinalalagyan. "Late ka ng tatlong oras tol. Kanina pa kita hinihintay eh. Buti nalang dumating ka, ang akala ko ay mabubulok na ang kagwapuhan ko kaka abang sayo." ang pag iinarte nito sabay abot ng isang pirasong rosas sa aking mga kamay. "Para saiyo. Medyo nalanta na iyan. Kanina pa kasi." pag mamaktol nito.
"Teka, pa-para sa akin? Bakit mo ako binibigyan ng bulaklak? Hindi naman ako babae ah... Pero salamat pa din." tugon ko naman sabay bitiw ng isang matamis na ngiti. "Basta bibigyan ko ang nais kong bigyan. Wala akong paki kung ano pa ang kasarian niya." naka ngiting wika nito kaya natameme nanaman ako.
"Teka, bakit naka sando ka lang? Hindi ka ba giniginaw?" pag puna ko sa kanyang suot na sandong may kalumaan. "Hindi naman. Sanay naman ako sa klima dito sa loob ng kakahuyan. Sa gabi lamang malamig at hindi sa araw." sagot nito "Eh ikaw tol, bakit balot na balot ka. Hindi ka ba naiinitan?" pag babalik na tanong nito kaya naman natawa ako "Hindi naman kasi ako sanay sa malamig na klima sa loob ng kakahuyan kaya't naka ganito ako. Teka, ang akala ko ba ay ipapasyal mo ako sa bahay ninyo?" hirit ko kaya natawa rin ito at hinawakan ang aking kamay. "Oo nga pala. Tayo na at kanina ka pa hinihintay nina mama at papa." pag yaya nito at magkasama naming nilakad ang loob ng kakahuyan.
"Mukhang kabisadong kabisado mo na ang pasikot sikot dito sa kakahuyan ah." pabiro kong tanong. "Ah oo naman tol. Dito na ako lumaki at nag binata." ang sagot naman nito habang patuloy sa pag lalakad.
"Ilang taon ka na ba?" muli kong tanong bagamat ang intensyon ko talaga ay hulihin siya. "Hmm, ikaw? sa palagay mo ba ay ilang taon na ako?"pag babalik tanong nito.
"Mautak ang mokong at mukhang ayaw mag pahuli." bulong ko sa aking sarili. "Ako na nga ang nag tanong e, bakit ako pa ang sasagot?" pag mamaktol ko naman. "Ganoon talaga tol, para mas exciting. Sa palagay mo ay ilang taon na ako?" muling tanong nito habang naka ngising aso at naka tingin sa akin.
"26? 25?" pang huhula ko batay sa kanyang anyo. Baka kasi may iba pang batayan at masabi kong "140" na ang edad nya. "26? pwede na rin." tugon nito at muling nag bitiw ng makahulugang ngiti
Noong mga sandaling iyon ay ibayong pag kainis sa aking sarili ang namuo sa aking damdamin. Hindi ko kasi magawang itanong sa kanya ang mga bagay na nais kong malaman baka kasi ma offend ito at iligaw na lamang ako na parang isang kuting dito sa gitna ng kakahuyan. O kaya ay magalit siya sa akin at hindi na muling mag pakita pa, tiyak na malulungkot ako kapag nangyari nga iyon. Bahala na, siguro ay didiskartehan ko na lamang ang pag tatanong mamaya. Yung paunti unti at hindi nya mahahalata. "Malayo pa ba tayo tol?" tanong ko habang naka hawak ang aking kanang sa kanyang balikat at sa aking kaliwang kamay naman ay ang rosas na kanyang ibinigay.
"Malapit na tol. Tatawid lang tayo doon sa tulay ng ilog at nandoon na tayo." sagot nito "pagod kana ba? gusto mo bang pasanin kita?" alok niya.
"Naku, huwag na tol. Nakakahiya hehe. Sa isa pa ay malaking tao rin ako katulad mo. Tiyak na mapapagod ka."
"Kung napapagod ka nga e, alangan namang iwan kita dito. Syempre papasanin kita sa abot ng aking makakaya."
"Hmmmmp, nais mo lang yata ipakita sa akin yang braso mo eh." biro ko lang.
Tawa lamang ang isinagot nito sa akin at mahigpit nyang hinawakan ang aking kamay habang inaalalayan ako sa pag tawid sa tulay na kahoy sa gitna ng ilog. Malamig pa rin ang klima sa paligid at dinagdagan pa ito ng maingay ng lagaslas ng tubig na dumadaloy sa ilalim ng naturang tulay. Ito na yata ang pinaka maganda at payapang lugar na nakita ko sa buong buhay ko.
Tinawid namin ang tulay at habang nasa ganoong posisyon kami ay mas lalo pa akong napahawak ng mahigpit sa kanyang kamay. Bilang ganti, hinawakan din nito ang aking kamay at marahang pinisil pisil ito. Ilang minuto rin kami sa ganoong pag lalakad hanggang sa makarating kami sa kabilang ibayo kung saan nandoon ang bahay na tinitirhan nila Seth at ng kanyang mga magulang.
Nag iisa ang bahay na ito sa kabilang ibayo. Gawa sa kahoy at pawid ang pundasyon nito. Sa harap ay may bakod na yari sa buho at kawayan. Simpleng buhay lamang ang mayroon si Seth ngunit sa isip isip ko ay paano sila nakakatagal sa ganito pamumuhay? Malamig ang paligid at nag iisa lamang sila sa gitna ng kakahuyan. Paano kung may mabangis na hayop o kaya ay masasamang loob. Delikado sila at hindi ligtas sa lugar na ito. "Tara tol, pasok ka. Pasensya kana dito sa tahanan namin. Maliit lang ito ngunit komportable naman sa loob." pag yaya ni Seth at mukhang excited na excited ito na ipakilala ako sa kanyang ina. "Ma.. nandito na kami!!"
Maya maya ay lumabas ang mama ni Seth upang salubungin kami. Naka ngiti ito at habang papa lapit sa amin. "Kumusta? Ikaw pala si Ybes, natutuwa ako dahil binisita mo kami dito. Halika iho tuloy ka at pag pasensyahan mo na itong aming munting tahanan." pag yaya nito. Ngumiti naman ako at nag mano sa kanya bilang pag bibigay galang. "Ikinagagalak ko po kayong makilala." wika ko naman sabay bitiw ng matamis na ngiti.
"Alam mo, masayang masaya kami dahil ngayon lamang nag dala ng kaibigan si Seth dito sa bahay. Lagi kasi itong mag isa at madalas lang na nasa kakahuyan upang mag palipas ng oras o kaya ay mag masid masid doon. Lagi kang ikinukwento niyan sa amin, kung paano mo siya ginamot at inalagaan kaya naman parang kilalang kilala ka na namin. Laging bukas ang aming tahanan para sa iyo iho. At maraming salamat sa pag tulong mo sa aming anak." naka ngiting wika ng mama ni Seth at iyon naman ang ikinagaan ng aking loob.
"Luto na ang pag kain. Tayo nang pag saluhan ang munting biyaya ng kakahuyan." masiglang bungad naman ng papa ni Seth habang hawak hawak ang isang lechong baboy na nakabalot sa dahon ng saging. Noong mga sandaling iyon ay ramdam na ramdam ko ang kasiyahan sa loob ng kanilang tahanan. Syempre ganoon din si Seth na naka ngiti habang inaasikaso ako. Lalo tuloy akong kinilig at pakiramdam ko ay para akong isang babae na ipinakilala nito sa kanyang mga magulang.
Sweet, maasikaso at masayahin ang mga magulang ni Seth, para bang napaka gaan sa kanila ng buhay. Walang ibang iniisip kundi ang pag mamahalan sa isa't isa. At katulad ng inaasahan ko, saan pa ba mag mamana ng kagwapuhan itong si Seth kundi sa kanyang mga magulang na tila mas matanda lamang sa kanya ng ilang taon. Ang kanyang ina ay napaka ganda, banayad kung tumingin at tila hindi marunong magalit. Ang kanyang ama naman ay ganoon din ang dating at napaka payapa ng kanyang pag katao. Parang noong unang beses ko itong nakilala, walang pinag bago.
"Alam mo Ybes, mag buhat ng makilala ka ng aking anak ay ikaw na ang bukambibig niyan. Lagi ka nyang inaabangan doon sa bungad ng kakahuyan at hindi lang iyon dahil pinitas pa nito ang tanim na rosas ng mama nya para ibigay sayo. Mukhang timaan yata ng lintik iyang si Seth." wika ng papa nito habang abala sa pag subo ng pag kain. Samantalang si Seth naman ay napayuko, namula ang kanyang tenga at mukha dahil sa matinding hiya.
Tawanan kaming lahat..
Ako naman ay namula rin at kinilig dahil sa aking narinig. Espesyal pala talaga ako sa mokong na ito.
"Oo nga, alagang alaga ko ang mga oras na iyon sa bakuran, nagulat na lamang ako noong pitasin ni Seth ang isa sa mga iyon at dali daling nag tatakbo pa alis ng bahay. Marahil ay napaka espesyal talaga nitong si Ybes para sa kanya." Ang wika naman ng mama nya sabay bitiw ng mahinhing tawa dahilan para lalong mahiya si Seth at napayuko na nanaman ito.
"Walang bukingan ma... badtrip naman kayo eh." Pag mamaktol ng binata at doon ay nag tawanan kaming lahat..
Ewan, ngunit tila unti unting nabura sa aking isipan ang intensyong usisain ang buhay nila. Mabait ang mga magulang niya sa akin kaya't sino ba ako upang husgahan sila batay sa kwentong naririnig ko sa ibang tao.
"Ngayon ko lamang din nakitang masaya sina mama at papa. Ang akala daw kasi nila ay habang panahon na akong nag iisa, walang kaibigan at walang kasama. Kaya noong ipakilala kita sa kanila ay labis labis ang kanilang kasiyahan. Maraming salamat sa pag bisita mo tol." ang wika ni Seth habang naka upo kami sa tabing ilog.
Tumingin ako sa kanya at nagbitiw ng isang matamis na ngiti. "Wala iyon. Saka masaya ako na makilala sila. At masaya din ako kapag nakikita kita." tugon ko at muli kong ibinaling ang aking tingin sa agos ng ilog.
"Pag nakikita ako? Masaya ka? Bakit?" ang nag tatakang tanong nito. "Ewan ko, basta masaya ako kapag nandito ka. Ayoko na itanong kung bakit.. Basta dinadama ko nalang." seryoso kong sagot at doon ay mag sama naming pinanood ang pag daloy ng ilog patungo kung saan..
itutuloy.