Chapter 19

1035 Words
WULFRIC “A-Ano ‘yan?” Hindi maipinta ang mukha ni Roselle nang makita ang ulam namin ngayong tanghali. Tuyo at bulanglang ang dala ni Nanay. Nagpapabaga si Nanay sa abuhan para maiprito ang tuyo nang makita ni Roselle ang gulay sa mangkok. Si Tatay ay nagbabasa ng lumang komiks sa bangko at si Yasmin naman ay lumabas saglit para bumili ng yelo. Napakainit ng panahon ngayon. “Bulanglang.” “Hindi ako kumakain n’yan. May iba pa bang ulam?” “Ito lang ang ulam saka tuyo at kung ano ang nakahain, ‘yon ang kakainin natin.” “Hindi na lang ako kakain. Hindi ako kumakain ng tuyo. Makati sa lalamunan at baka mamaga pa ang mga labi ko.” Sinulyapan niya ng isang beses pa ang bulanglang at ngumiwi. “I don’t like that. Parang walang lasa saka baka nalangawan na ‘yan.” “Roselle.” Mauubos na ang pasens’ya ko sa kanya at iniiwasan kong marinig kami ni Nanay dahil baka magkasagutan sila. “Hindi nga ako kumakain n’yan! Pwede namang chopsuey o kaya stir-fry veggies.” “Kung ayaw mong kumain ay hindi kita pipilitin. Pero sana, maisip mo ang sitwasyon.” Naglabas siya ng singkwenta at ibinigay sa akin. “Ibili mo na lang ako ng barbeque kahit isang tuhog lang para may makain ako.” “Seryoso ka? Pabibilhin mo ako ng barbeque habang kumakain kami ng ibang ulam? Hindi ka talaga marunong makisama?” Nagdadabog na lumayo sa akin si Roselle bitbit si Kian. Alam kong may mga tao na mapili sa ulam at hindi paborito ng lahat ang bulanglang. Kahit ako, kung may ibang ulam ay bakit ako kakain ng bulanglang? Pero ‘yon lang ang mayroon at sino ako para magdemand ng mas masarap lalo na kung wala kaming pambili? Inihain ni Nanay ang tuyo at nilingon si Roselle sa sulok. Nakanguso s’ya at halatang masama ang timpla. “Kain na tayo. Si Yasmin?” tanong ni Nanay. Hustong dating ng kapatid ko bitbit ang yelo. “Uy, bulanglang at tuyo. Sarap n’yan, ‘Nay. Ilalagay ko lang po itong yelo sa pitsel para malamig ang inumin natin.” Simple lang ang buhay namin, at masaya na kami sa ganito. Pero nangangarap din ako na umalwan. Kaunting tiis at maraming pagsisikap, pasasaan ba at makakaahon din kami sa hirap ng buhay. “Tawagin mo na ‘yong asawa mo at kakain na. Mahirap kapag hindi sabay-sabay kapag kakaunti ang ulam.” “Hindi ho ako kumakain n’yan. Mauna na ho kayo,” sagot ni Roselle sa aking ina habang tumitipa sa cellphone. Napatawa ang aking ina. “Walang ibang ulam, kaya kung hindi ka kakain ay mauubusan ka.” “Okay lang ho. Titiisin ko na ang gutom ko.” “Roselle—” saway ko sa kanya. “Hayaan mo ‘yang asawa mo kung gustong magpakagutom. Kumain na lang tayo. Mainit na ang panahon at ayaw kong uminit din ang ulo ko.” Kumain kaming apat na tahimik sa hapag. Nasa kalagitnaan ako ng pagsubo nang umingit si Kian. Isinayaw ni Roselle pero kapit pa rin ang cellphone at naiirita na siya sa iyak ng anak namin. “Baka nagugutom na. Padedehin mo muna.” “Ayaw ko. Masakit!” angil niya sa akin. “Maghuhugas lang ako ng kamay at ititimpla ko ng gatas.” Tumigil ako sa pagkain at tumayo. Walang imik ang pamilya ko pero ramdam na ramdam ko ang tens’yon. *** Tinotoo ni Roselle ang hindi pagkain ng tanghalian kanina at nag-aalala ako na magkasakit siya. Kapag na-confine s’ya ay dagdag gastos pa. Kinagabihan, bumili ako ng barbeque para sa lahat. Barbeque lang at walang gulay. Kumain naman siya at wala akong narinig na reklamo. Hindi siya tumulong sa pagligpit ng hapag at ibinigay sa akin si Kian nang magring ang cellphone niya. “Anak, ako na muna kay Kian kung may gagawin ka.” Lumapit sa akin si Tatay at inilahad ang dalawang braso. Si Nanay ay halos hindi lumapit sa apo niya. Naisip ko na lang na mahirap para sa kanya dahil kamukhang kamukha ng bata si Roselle. Para ngang walang nakuha man lang sa akin. “Salamat, ‘Tay. Gusto ko po sanang kausapin si Nanay. Maglalakad lang po kami sa labasan.” Tumango si Tatay at nilapitan ko si Nanay. Sinabi kong magpapasama ako sa kanya sa tindahan. Kumunot ang noo niya pero sumama rin naman. Nilampasan namin si Roselle na hindi kami napansin dahil busy sa kausap sa cellphone. Nang makalayo kami sa bahay ni Nanay ay narinig ko ang pagbuntong hininga niya. “Hindi ka naman talaga bibili sa tindahan. Bakit mo ako isinama?” “Gusto ko lang huminga, ‘Nay. Kahit saglit lang.” “Ayaw kong dagdagan ang problema mo kaya pinipilit kong huwag magsalita, pero kapag naririnig ko ang mga patutsada ng asawa mo ay hindi ko mapigilan ang bibig ko. Mahirap lang tayo, pero hindi s’ya ang inaasahan kong mapapangasawa mo. Ni hindi nga niya maalo ang sarili niyang anak. Wulf, habang maaga pa ay mag-isip ka. Hindi madali ang magtrabaho at mag-aral. Hindi laging malusog ang bata. Kahit ikaw o si Roselle. Kung ikaw lang ang magtatrabaho, paano kayo babayad ng upa? Diaper pa lang ay mahal na kahit may lampin sa araw na pamalit. Ngayon ay ayaw niyang magbreastfeed dahil masakit kaya bibili na rin kayo ng gatas.” Iniwas ni Nanay ang tingin niya, pero nakita ko ang pasimple niyang pagpahid ng luha. “Bibigay ‘yang katawan mo. Dapat ay gumawa rin ng paraan si Roselle na matulungan ka sa gastusin.” “Kakausapin ko s’ya, ‘Nay. Baka next month ay makabawi na ang katawan niya. Kapapanganak pa lang kasi.” “Noong nanganak ako sa ‘yo, walang naglalaba para sa akin. Ako lahat ang gumagawa dahil may trabaho ang tatay mo. Kinaya naming dalawa na walang tulong ng iba. Magtulungan kayo. Kung wala siyang iaambag sa gastusin n’yo, huwag na siyang magdemand ng kung ano-ano. Sinasabi ko sa ‘yo, Wulf. Iyang uri ng asawa mo ang hindi nakukuntento sa kahit anong bagay at pagtatalunan n’yo ‘yan araw-araw. Malayo ang buhay na kinalakihan niya sa buhay niya ngayon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD