WULFRIC
Ang init.
Ang sikip.
Ang baho.
Parang puputok ang ulo ko sa bawat reklamo niya at mag-uumaga na nang maipikit ko ang mga mata ko sa antok at pagod. Nagtitimpla ako ng gatas at nagpapalit ng lampin ni Kian kada dalawang oras, at kahit hindi siya umiiyak ay ako ang tumitingin sa kanya.
Ang papag na tinutulugan ng mga magulang ko ay ipinagamit nila sa amin kagabi para kay Kian. Kung para kay Roselle lang, siguradong hindi mag-ooffer si Nanay.
“Wulf, si Kian.” Malakas akong hinampas ni Roselle at nang tingnan ko ang oras ay mag-aalas sais pa lang ng umaga. “Inaantok pa ako, ang ingay-ingay. Aray ko. Ang sakit ng likod ko. Ang tigas ng higaan.” Ang huling reklamo niya ay pabulong lang.
Bumangon ako at inintindi si Kian. Pagkatapos kong palitan ng diaper ay saktong oras na para dumede siya kaya nagtimpla rin ako. Hinayaan kong matulog si Roselle para makapahinga.
Si Yasmin ay bumangon na para maghanda sa pagpasok sa school habang si Nanay ay nagluluto ng agahan. Naupo ako sa bangko habang pinapadede si Kian.
“Ipagtitimpla kita ng kape.”
“Salamat po, ‘Nay. Si Tatay po ba ay nakapasok na?”
“Oo, maaga s’ya ngayon.”
Habang nagtitimpla ng kape ay chinecheck ni Nanay ang pritong itlog. Baon ‘yon ni Yasmin mamaya sa school at agahan na rin namin ang scrambled eggs mamaya. Nakasalang pa ang sinaing.
“Ang tatay mo noon ay gan’yan din sa ‘yo. Kapag umiingit ka ay s’ya ang bumabangon para palitan ka ng lampin. Mapwera na lang kung gutom ka na dahil nagbebreastfeeding ako noon. Sa mahal ng formula, ‘yon man lang ay maitulong ko sa tatay mo. Isa pa, mas maganda sa bata kung sa ina ang gatas mapwera na lang kung wala talaga. Gumagawa kami ng paraan noon para tumagal ang gatas. Malunggay madalas ang ulam ko. Kumakain ba ang asawa mo ng malunggay?” Umiling ako at napangiwi si Nanay nang sulyapan si Kian sa bisig ko. “Kailangan ng bata ang gatas ng ina. Kapag nakalipat na kayo mamaya ay baka maisipan na ng asawa mo na magbreastfeeding. May privacy na kayo roon hindi katulad dito.” Ibinaba niya ang kape sa mesa. “Magkape ka na. Iaahon ko lang itong itlog at baka masunog.”
Gustohin ko man uminom ng kape ay mainit ‘yon at natatakot akong matapunan ang anak ko. Isa pa, kapit ko rin ang tsupon. Bumalik si Nanay sa tabi ko.
“Ako na muna kay Kian. Inumin mo ‘yang kape mo. May pandesal na rin d’yan. Lamnan mo ‘yang sikmura mo at mahirap magkasakit.”
“Salamat, ‘Nay.” Kumuha ako ng pandesal at uminom ng kape. Kailangan ay mabilis ang kilos at bibili pa ako ng kakailanganin namin sa bahay.
“Wala pa pala kayong gamit sa apartment. Dalhin mo na ‘yong dalawang unan d’yan para hindi na kayo bumili muna. Pati ‘yong kumot at punda. Arimuhan na ‘yon. Ihahanda ko mamaya para bibitbitin n’yo na lang.”
Sinabi rin ni Nanay na isama na ang dalawang plato at mga kubyertos para bukod sa foam, maliit na mesa at dalawang silya ay kaunti na lang ang bibilhin namin. Ang mahalaga ay may matulugan kami. Saka na kami bibili ng mumurahin na sofa para sa sala.
ROSELLE
Wala na si Wulfric nang magising ako. Si Nanay na lang ang nandito at tulog sa bisig niya si Kian. Bukod sa pritong itlog ay may dalawang pirasong pandesal sa mesa. Kakain lang ako ng pandesal kung may cheese. Masarap sana ‘yong itlog kung may bacon at toast pero wala. Juice na lang ang iinumin ko. Nagpalinga-linga ako sa paligid.
“May juice po ba kayo?”
“Wala. May tubig d’yan. Kung gusto mong magkape, may instant din d’yan. Magpakulo ka na lang ng tubig sa takure at ubos na ‘yong pinainit ko kanina. Mayroon din sa thermos pero kakaunti na. Baka kulangin ka.”
“Takure? Wala po kayong percolator?”
“Iyong initan na de saksak?” Tumango ako. “Wala. Mahal ‘yon at hindi namin kailangan.”
“E ulingin na po ‘yong takure n’yo. Madumi na at–“
Yuck talaga. Hindi ko maimagine na roon ako magpapainit ng tubig na gagamitin ko sa kape. Diyos ko! Baka mahospital ako sa dumi ng tubig.
“Malalagyan talaga ng uling ang labas dahil sa abuhan kami nagluluto, pero malinis ang loob ng takure. May itlog at pandesal d’yan. Kumain ka na habang tulog pa si Kian.”
“Mamaya na lang po ako kakain pagdating ni Wulf. Sinabi ho ba n’ya kung ano’ng oras siya babalik? Ngayon ang lipat namin sa apartment.”
“Sinundo ni Ryan at bibili sila ng kailangan n’yo sa apartment. Ito nga palang mga baso at plato ay naihanda ko na. ‘Yan na muna ang gamitin n’yo para hindi na bumili. Kapag nakaluwag kayo ay saka na kayo bumili ng bago.”
Hindi na ako umimik pa, pero ayaw kong dalhin ang mga bigay niya. Sino naman ang gustong uminom sa brown na baso? Hindi ko makita ang kulay ng tubig kung madilaw o colorless. Baka mamaya ay may kiti-kiti na pero hindi ko pa alam.
Hindi ko kinuha sa kanya si Kian dahil masakit ang likod ko. Sa tigas ng papag ay milagrong nakatulog ako.
“Roselle, ako naman ay ina mo na rin at asawa ka ni Wulf. Sana ay alagaan mo ang katawan mo at kumain ka sa oras para hindi ka magsakit. Kapag nakalipat kayo ay kailangan malakas ang katawan mo para makapagbreastfeed ka. Masakit lang sa una pero masasanay ka rin. Mas lulusog si Kian kung hindi laging formula.”
Habang nagtetext ako kay Glenda ay sumulyap ako sa kanya. “Okay na ho ‘yang formula kay Kian. May trabaho naman ho si Wulf at kaya niyang bumili ng gatas.”
“Kahit pa may pambili siya ng gatas, mas maganda sa sanggol kung gatas ng ina ang matatanggap niya.”
“Ayaw ko nga ho at hindi n’yo ako mapipilit. Ako ang ina niya kaya choice ko ho na formula ang ibigay sa kanya.” Hindi ko naiwasang angilan siya dahil ipinipilit niya ang kanyang gusto.
Tumayo si Nanay at lumapit sa akin saka ibinigay si Kian. “Sige, kung ‘yan ang pasya mo. Hindi kita pipilitin. Pinapaalalahanan lang kita dahil pinagdaanan ko na ito.”
“Hindi rin ho nagbreastfeed ang Mommy sa akin pero malusog naman ako.”
Tumango si Nanay. “Okay. Nakadede na ang anak mo isang oras na ang nakararaan. Ikaw na ang bahala sa kanya at maghahanda na ako para sa trabaho.”
“S-Sino ho ang kasama ko rito? Baka pasukin kami ng masamang tao. Squatter’s area pa naman—”
“Walang gagalaw sa inyo rito. Sa Sta. Clara, kapag marunong kang makisama ay wala kang dapat ipag-alala. Pero kung magmamataas ka at kikilos ka na parang kung sino, makikita kung gaano kasama ang ugali ng lahat ng tao sa squatter’s area na sinasabi mo.”