"HELLO, One," bati sa kaniya ni Joanna nang sagutin niya ang tawag nito. 'One' ang code name na ginagamit sa kaniya ni Joanna kapag nag-uusap sila over the phone para safe. Mas inilihim kasi nila ang ugnayan nilang dalawa para sa kaligtasan na rin nila, lalo na ng dalaga. Hindi na rin sila nagkikita kung hindi rin kailangang-kailangan. "Magkakaroon kami ng final meeting sa Midnight Tavern. Maybe this week," dagdag pa ni Joanna. "Katulad ng napag-usapan natin, I want you to protect us. Hindi puwedeng mabulilyaso ang misyon namin." May ilang buwan na rin simula nang isiwalat nito sa kaniya ang tungkol sa totoong pagkatao nito at ng kapatid niya. Bagaman at hindi pa rin ito mapaamin ni Jared kung sino-sino pa ang mga kasamahan nito sa Animaux bukod sa nakalaban na niya noon sa isla ni Bernar

