KINABUKASAN ay bumalik uli sa bahay nina Jheann si Jared para sumubok na makita ang dalaga. Tinatawag pa rin niya ang pangalan nito dahil naniniwala siyang nasa loob ng bahay na iyon ang babaeng mahal niya. Wala na siya kakayahang makapag-isip nang tama dahil sa labis na sakit na nadarama ng puso niya at sa sobrang pag-aalala. Pero galit lang ng pamilya nito ang sumalubong sa kaniya. Habang nagpupumilit na pumasok sa loob ng bahay ay may dumating na mga pulis at dinala siya sa presinto. At alam ni Jared ang ibig sabihin niyon. Nadungisan na ang kaniyang magandang record sa trabaho na buong buhay niyang iningatan. Subalit hindi iyon ang sobrang dinidibdib ni Jared kundi ang pagkawala ni Jheann. Paulit-ulit na naglalaro sa kaniyang isipan ang sinabi sa kaniya ng dalaga sa message nito.

