Chapter 01
PARANG biglang huminto sa pag-inog ang mundo ni Solenn nang ibalita sa kaniya ng doktor ang naging resulta ng kaniyang pagpapa-check-up. Kalalabas lang ng resulta niyon.
"Ikinalulungkot kong sabihin na may taning na ang buhay mo. May tatlong buwan ka na lang para mabuhay..."
Iyon ang narinig niya matapos niyang mag-walkout na lang basta sa doktor na nagbasa ng resulta ng isinagawang check-up sa kaniya.
Para bang bigla siyang namanhid ang pakiramdam.
Tatlong buwan?!
Ganoon na lang katagal ang ilalagi niya sa mundo?
Sobrang saklap naman kung ganoon.
Nitong mga nakaraan ay para bang palaging drain ang kaniyang pakiramdam. Gusto nga niyang isipin na baka dahil iyon sa palagian niyang panggabi na schedule sa pinagtatrabahuhang call center. Kaya naman napilitan siyang magpa-check-up dahil natatakot siya na baka iba na ang nararamdaman niya.
At heto nga, binasahan siya ng resulta na nagpayanig sa mundo niya.
At ang masamang balita na iyon ang naging dahilan upang mag-resign siya ng tuluyan sa pinagtatrabahuhang call center. Nawala siya sa focus.
Sa isang kisap-mata, para bang lalo siyang nawalan ng gana sa mundo. Hindi rin siya makausap nang maayos ng ibang tao.
"Ano ba ang nangyayari sa iyo, Solenn?" hindi na napigilan pang tanong sa kaniya ng kaniyang Lolo Terio isang umaga. Ang tanging taong nagpalaki sa kaniya simula nang sabay bawian ng buhay ang kaniyang ama't ina. "Bakit hindi ka lumabas diyan sa kuwarto mo? Hindi mo rin buksan 'yang bintana. Daig mo pa ang paniki na nagtatago sa liwanag."
Agad na itinaklob ni Solenn ang isang unan sa kaniyang mukha nang wahiin ni Lolo Terio ang kurtina na sumasangga sa liwanag mula sa labas ng bintana sa loob ng kaniyang silid.
Sa isang iglap, ang madilim niyang silid ay kaagad na nagliwanag. Binuksan din ni Lolo Terio ang bintana upang pumasok daw ang sariwang hangin. Kapagkuwan ay saka ito bumaling paharap sa kaniya.
"Bumangon ka na riyan at kumain na."
Hindi tumugon si Solenn.
"Umamin ka ngang bata ka," wikang muli ni Lolo Terio na naupo pa sa may gilid ng kaniyang kinahihigaang kama. "Baka naman ikaw ay buntis, ha? Aba, magsabi ka, apo. Hindi naman manghuhula ang Lolo Terio."
"Hindi po ako buntis, 'Lo," mahina niyang tugon.
"Hindi? Solenn, apo, ilang araw ka ng ganito rito. Umalis ka pa sa trabaho mo. Ano ba ang nangyayari sa iyo? Ano ba ang tingin mo sa akin? Hindi nag-aalala para sa iyo? Tayo na nga lang dalawa ang magkasama sa mundong ito, paglilihiman mo pa ako."
Paano ba niya sasabihin sa kaniyang Lolo Terio na may mabigat siyang dinadala? Baka atakihin lang ito kung malalaman ang sinabi sa kaniya ng doktor. Na may tatlong buwan na lang siya sa mundo. Nabawasan pa iyon ng ilang araw.
Naiiyak na naman ang pakiramdam ni Solenn. Ngunit pinigilan niya alang-alang sa kaniyang lolo.
"Pagod lang po ako sa trabaho, 'Lo," sabi na lang niya. "Mas higit ko pong nararamdaman ngayon ang pagod."
Napabuntong-hininga si Lolo Terio. "Kawawa naman ang apo ko. Sige na. Bumangon ka na riyan at kumain na sa kusina. Mayroong puto't kutsinta roon. Paborito mo sa almusal. Ipagtitimpla na rin muna kita ng kape. Sumunod ka na sa labas, ha?"
Hindi na hinintay pa ni Lolo Terio ang tugon ni Solenn. Tumayo na ito at tuluyan ng lumabas sa kaniyang silid.
Saka lang nagawang ibaba ni Solenn ang unan na nakatabing sa kaniyang mukha. Napatingin siya sa nilabasang pinto ng kaniyang lolo.
Parang lalong dinukot ang puso niya nang maisip ang kaniyang senior na lolo. Paano nito kakayanin oras na malaman ang kalagayan niya?
Mas lalong parang piniga ang puso niya nang maisip din na wala na itong makakasama. Tuluyan na itong magiging mag-isa sa buhay kapag nawala na siya sa mundo.
Isipin pa lang iyon, hindi na niya kaya.
Mariin niyang kinagat ang kaniyang ibabang-labi at pinigilan niya ang sarili na maiyak. Ikinurap-kurap niya ang kaniyang mga mata at bumangon na. Bumaba siya sa kama at lumabas sa kaniyang silid. Dumiretso muna si Solenn sa banyo. Doon ay kaagad siyang naghilamos ng kaniyang mukha at nag-toothbrush. Matapos magbawas ng kaniyang panubigan ay saka siya tuluyang lumabas sa banyo.
Natigilan pa si Solenn nang makita ang nakahandang pagkain para sa kaniya. hayon na naman ang animo kurot sa kaniyang dibdib.
Nang makita ang kaniyang Lolo Terio na kapapasok lang sa may pinto, sa likod ng kusina, kaagad siyang lumapit dito at mahigpit itong niyakap.
"Salamat po sa almusal, 'Lo," hindi niya napigilang wika sa mas pinasigla niyang boses.
"Ano ka ba naman, apo, para kang bago nang bago. Siya, sige na at kumain ka na. Lalamig ang kape mo."
"Sabay na po tayo," pag-aaya naman niya.
Matapos ang mahigpit na yakapan ay inalalayan niya ang kaniyang lolo paupo sa isang silya. Sa pabilog na lamesa ay magana silang nagsalo sa kanilang munting almusal.
Kahit silang dalawa lang ang magkasama, okay lang sa kaniya. Pero ang hindi matanggap ng kaniyang kalooban ay ang kaalaman na maiiwan niyang mag-isa sa mundo ang kaniyang lolo.
"Kung stress ka sa trabaho, sige lang, magpahinga ka lang muna, apo," wika pa ni Lolo Terio matapos humigop ng kape. "Mag-apply ka na lang ulit kapag kaya mo na. 'Wag mong pilitin ang sarili mo."
"Salamat po, 'Lo. Pasensiya po kung napag-alala ko kayo."
"Sigurado ka bang hindi ka buntis?" hirit na naman nito.
"Lolo naman," apila ni Solenn nang mataman pa siyang tingnan ni Lolo Terio. "Hindi po talaga. Work related lang po 'to."
Tumango-tango ito. "Siya, kung 'yon ang sabi mo. Pero wala namang kaso sa akin kung magkaroon ka man ng karelasyon, apo. Hindi ka na pabata."
"Lolo, bata pa po ang twenty-six."
"Malapit ka ng malipasan sa mga Chinese."
"Pero hindi po tayo, Chinese," katwiran naman niya.
"Ah, basta. Gusto ko, makapag-asawa ka ng lalaking tatratuhin ka ng mabuti. Gusto ko pa rin na makitang ikasal ka sa taong mahal mo at bumuo ng sariling pamilya. Mas mapapanatag akong lumisan sa mundong ito kung sakali man."
Pinigilan ni Solenn ang pamuuan ng luha sa kaniyang mga mata dahil sa sinabing iyon ni Lolo Terio.
Sorry po, 'Lo. Dahil ang gusto po ninyong mangyari ay hindi na mangyayari pa. Kakaunting panahon na lamang po ang mayroon ako sa mundong 'to. Hindi man ako nakapag-asawa o nakaranas na magkaroon ng karelasyon, masaya po ako na kayo 'yong kasa-kasama ko, sa isip ay wika ni Solenn.
"Kung hindi lang po ubod ng yaman ang mapapangasawa ko, 'wag na lang," kunwa'y sakay niya sa sinabi nito.
"Huwag kang kailusyon ng mayamang lalaki, apo. Hindi lahat ng mayaman, tapat."
"Lolo, ang bitter mo pa rin hanggang ngayon sa mga mayayaman. Bakit po ba?"
"Basta," sa halip ay wika ni Lolo Terio. "Kahit ordinaryong lalaki na masipag at mahal ka, okay na ako roon. Basta kaya kang buhayin at ang mga magiging anak ninyo. 'Wag ka ng mangarap ng mayaman, apo, suntok sa buwan 'yon."
"Tingin po ba ninyo hindi ako makakahanap ng lalaking mayaman sa ganda kong ito?"
"Apo, 'wag ka ng makulit."
Ang laki talaga ng galit ng kaniyang Lolo Terio sa mayayaman. Hindi naman nito sabihin kung bakit.
"Isa pa, masyado mong inuubos ang ganda mo sa trabaho. Mag-asawa ka na lang."
"Ayaw ko hong mag-alaga lang ng anak, 'Lo. Gusto mo po ba, matulad ako kay Helda?" tukoy ni Solenn sa kanilang kapitbahay. "Ayon, apat ang anak na inaalagaan. Hindi niya na-enjoy ang pagkadalaga niya. Ni hindi rin po niya na-enjoy na magtrabaho at sumahod na kaniya lang."
"Kung batugan ang asawa at magaling lang bumuo ng bata, tapos palaging nasa inuman, matutuktukan kita, Solenn, apo. Maayos na lalaki ang hanapin mo."
Kung sana ay ganoon lang kadaling maghanap ng lalaking mamahalin. Kaso, sa mga asawa pa lang ng mga kapitbahay nila, sa mga katrabaho niyang lalaki na mga cheater sa partner, na-to-trauma na siya. Pakiramdam niya, pare-pareho lang ang mga lalaki sa panahon ngayon.
Mahirap makahanap ng katulad ni Lolo Terio na mapagmahal talaga. Hindi na rin kasi ito nag-asawa pa ulit simula nang mamatay ang kaniyang Lola Conching. Mas pinili nitong alagaan siya.
Unconditional love. True Love... iyon sana ang gusto niya. Kaso, paano na? Hindi na magtatagal ang kaniyang buhay.
Habang pinagmamasdan ni Solenn ang kaniyang lolo, naisip niya na gusto na lang niyang sulitin ang natitira niyang panahon kasama ito.