Chapter 02

1247 Words
HABANG mahimbing na natutulog si Lolo Terio sa silid nito kinagabihan, hindi naman mapigilan ni Solenn na hindi pagmasdan ang kaniyang lolo ng hindi nito alam. Wala itong kamalay-malay na nakaupo siya sa may gilid ng kama nito. Ang Lolo Terio niya, sinisikap na maging malusog at malakas para lamang sa kaniya. Palagi rin nitong sinasabi na hindi siya nito iiwan hanggat hindi siya nagkakaroon ng sarili niyang pamilya. Takot itong iwan siyang mag-isa sa mundo. Lalo na at sila na lamang ang magkasama na magkamag-anak. Nasa malalayong probinsiya ang iba nilang kaanak. Sila lang ang nasa parteng Maynila. Pero ngayon, siya pa pala ang mauunang mang-iwan sa kaniyang lolo. Parang lalong piniga ang puso ni Solenn sa isiping iyon. Makalipas pa ang ilang sandali na pagtitig sa kaniyang lolo ay minabuti na ni Solenn na lumabas na sa silid nitong iyon. Malungkot na inilibot ni Solenn ang tingin sa paligid. Sa bahay na iyon siya lumaki. Kaya bawat sulok niyon ay memoryadong-memoryado niya. Twenty-six years... Ang hirap tanggapin na hanggang doon na lang siya sa edad na iyon. Mukha lang siyang healthy sa panglabas niyang anyo. Pero sa loob ng kaniyang katawan, hindi na pala. Mukhang masyado nga niyang napabayaan ang sarili sa trabaho. Sabi nga ng mga kasamahan niya sa call center, alipin sila ng salapi. Palibhasa, siya lang sa lahat ng gastusin nila ng kaniyang Lolo Terio. Ang nakukuha nitong pensiyon ay hinahayaan lang niya na para dito lang. Lalo na at kakarampot lang naman iyon. Para naman kahit paano, ma-enjoy nito ang perang natatanggap nito buwan-buwan. Kay bigat ng dibdib na bumalik na siya sa kaniyang silid at nahiga. Kinabukasan, mas pinili ni Solenn na mag-general cleaning sa kanilang bahay. Hindi naman siya sinasaway ng kaniyang lolo. Habang siya ay abala sa paglilinis, ang Lolo Terio naman niya ang nagluluto. May talent ito sa pagluluto na sa kabutihang palad ay namana rin naman niya kahit paano. NABITIWAN ni Solenn ang hawak niyang mga eco bag, na naglalaman ng mga pinamalengke niya, nang makitang may inihahangos na inilabas sa bahay nila sakay ng isang stretcher. Kaagad iyong isinakay sa ambulansiya. Animo itinulos sa kaniyang kinatatayuan ang kaniyang mga paa. Hindi siya makagalaw. "Ayan na si Solenn," narinig ni Solenn na wika ng kanilang kapitbahay na si Nanay Feli. "Ang apo niya ang pasamahin ninyo sa ospital." "A-ano hong nangyayari?" hindi niya napigilang itanong nang humahangos na nilapitan siya ni Nanay Feli. "Ang Lolo Terio mo, Solenn, inatake sa puso. Sumakay ka na at samahan mo ang lolo mo sa ospital." Parang tinakasan ng kaluluwa ang pakiramdam ni Solenn sa narinig. Ang Lolo Terio niya! "Ako na ang bahalang magpasok ng mga pinamili mo. Humayo ka na!" "L-Lolo," garalgal na wika ni Solenn na napatakbo na palapit sa ambulansiya nang makabawi sa pagkabigla. Kaagad siya roong sumkay. "Lolo," pigil ang maiyak na mahigpit niyang hinawakan ang kamay nitong nanlalamig ang pakiramdam. Ang mga luha sa mga mata niya ay hindi niya napigilan sa sunod-sunod niyong pagpatak. Mayroong oxygen na nakakabit dito para makahinga ito nang mas maayos. Ngunit bakas sa mukha ng kaniyang Lolo Terio na nahihirapan ito. Kaya pala habang nasa palengke siya kanina, gustong-gusto na niyang umuwi. "Lolo, kapit ka lang po. Dadalhin ka na namin sa ospital." Hindi lingid kay Solenn na may sakit sa puso ang kaniyang Lolo Terio. Kaya mayroon itong maintenance na gamot na iniinom. Bawal din itong mapagod ng sobra. Magbuhat ng mabibigat. Ang Lolo Terio lang din niya ang makulit na ayaw kukuha ng kasamahin nila sa bahay dahil dagdag lang daw sa gastos. Malakas pa naman daw kasi ito at hindi basta-basta bibigay. At noong mga sandaling iyon ay tila ba tumigil sa pag-inog ang kaniyang mundo. "KAILANGANG MAOPERAHAN sa puso, sa lalong madaling panahon ang Lolo Terio mo, hija," anang doktor na may edad na kay Solenn nang kausapin siya niyon sa labas ng Emergency Room. "Dok, gawin po ninyo kung ano ang makabubuti para sa lolo ko. Para mabuhay pa siya nang mas matagal pa. Nakikiusap ho ako sa inyo." "Gagawin namin ang abot ng aming makakaya, hija. Pero gusto ko lang ding ipaalala sa iyo na kailangan mong maghanda ng malaking halaga." "Mga magkaano ho ang aabutin, Dok?" "Sa case ng lolo mo, baka abutin ng kalahati hanggang isang milyon ang heart surgery na gagawin sa kaniya." "K-kalahati hanggang isang milyon?" halos mautal niyang ulit sa sinabi ng doktor. "Ganoon na nga. Kung itutuloy ang operasyon, may kailangan kang pirmahan na waver. Kailangan mo ring magbigay ng paunang bayad." "Dok, wala pa ho akong hawak." "Kung ganoon, paano ang lolo mo?" "Puwede ho bang operahan na ninyo si Lolo Terio? Gagawa ho ako ng paraan para makapagbayad sa magagastos sa kaniyang operasyon. Pangako ho. Magbabayad ho ako. Mabuhay lang siya." Ilang sandali pa siyang pinagmasdan ng doktor bago ito tumango. Tinapik-tapik pa nito sa balikat si Solenn. "Alam kong hindi madali para sa iyo ang nangyari sa lolo mo. Magpakatatag ka lang, hija. Tutulungan namin ang lolo mo." Tila iyon isang pangako na gustong panghawakan ni Solenn. Nanghihinang napasandal siya sa pader nang maiwan siya ng doktor. Hindi na baleng gumastos, kung kapalit niyon ay ang buhay ng kaniyang Lolo Terio. Sa isang private hospital ito dinala dahil baka mamatay lang sa pampublikong ospital ang kaniyang Lolo Terio. "Solenn!" Nag-angat ng tingin si Solenn nang marinig ang tinig ng kaniyang kaibigan na humahangos na nilapitan siya. "Usap-usapan sa atin na isinugod daw dito sa ospital si Lolo Terio. Kumusta na siya?" agad na tanong ni Norisa. "Hindi siya okay, Nori. Kailangan niyang maoperahan sa puso sa lalong madaling panahon. Pero hindi ko alam kung saan ako kakamot ng kalahati hanggang isang milyon para sa gagastusin sa operasyon ni Lolo Terio." Hindi kaagad nakapagsalita si Norisa. Para bang nalungkot ito sa nalaman. Kaya naman mahigpit nitong niyakap si Solenn. "Pakatatag ka, Solenn. May-awa ang Diyos." "Nori," ani Solenn. "Ano 'yon?" "'Di ba, naulit mo sa akin noon na malaki ang kitaan sa Night Club na pinagtatrabahuhan mo?" Awang ang mga labi ni Norisa nang kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya. Mababakas ang matinding gulat sa mukha nito dahil sa sinabi niya. "Solenn, gusto mo akong masakal ng lolo mo? Baka lalo siyang atakihin sa gusto mong gawin." Huminga nang malalim si Solenn. Pakiramdam niya, wala na siyang ibang pagpipilian. Iyon lang ang naiisip niyang mabilis na pera. Dahil kung magiging maarte siya, saan niya pupulutin ang kalahati hanggang isang milyon na halaga? Hindi naman takeout girl si Norisa sa pinagtarabahuhan nitong Night Club para sa mayayamang lalaki. Entertainer lang ito roon na puwedeng t-um-able sa mga customer at uminom. Iba ang mga babaeng inilalabas ng mga customer sa naturang Night Club. Umiling si Norisa. "Solenn—" "Para sa lolo ko, Nori. Tulungan mo ako. Gusto kong makausap ang may-ari ng Night Club na 'yon." "Sobrang desperada ka na ba?" "Ano'ng gusto mo? Panoorin ko lang na unti-unting mamatay ang lolo ko?" "Ibig kong sabihin, handa kang ibigay ang sarili mo sa ibang lalaki? Solenn, alam kong hindi ka ganoong klase ng babae." "Walang panahon ang kaartehan sa akin, Nori." Ilang buwan na lang din naman siyang mananatili sa mundo. Ano pa ba ang pinagkaiba niyon? Ang importante, makakuha siya ng pambayad sa operasyon ng kaniyang Lolo Terio. "May pipirmahan lang ako na waver, tapos, samahan mo ako sa boss mo, Nori. Please." Napalunok pa si Norisa na sa bandang huli ay wala na ring nagawa pa kung 'di ang gawin ang pakiusap niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD