Chapter 03

1419 Words
"SOLENN, hindi na ba talaga magbabago ang isip mo?" may pag-aalala pang tanong muli sa kaniya ni Norisa nang makarating sila sa The Cloud, ang Night Club na pinagtatrabahuhan nito. Hindi basta-basta pepetsugin na Night Club ang lugar na iyon dahil si Norisa mismo ang nagkukuwento sa kaniya na ang mga pumapasok lamang sa loob niyon ay talagang mayayaman. At ang mga VIP Member kung tawagin, maraming perks na nakukuha sa mismong Night Club. Sikat daw sa mayayaman ang The Cloud. Hindi rin daw biro kung mag-bid ng babae ang mga VIP Member doon. At wala siyang ibang naiisip na mabilis na pagkukuhanan ng pera kung 'di ang lugar lang din na iyon. Sa labas pa lang ng gusali ng The Cloud, makikita mo na hindi nga iyon basta-basta. "Hindi naman sa pang-aano, Solenn," muli ay wika ni Norisa. "Kasi naman, kilala kita, eh. Malinis ang pagkatao mo. Mag-boyfriend nga, wala kang time. Tapos... tapos, babagsak ka rito sa The Cloud?" "Nori, kailangan ko ng malaking halaga. At hindi magagawang buhayin si Lolo Terio ng pagiging choosy ko. Lulunukin ko kahit katiting kong pride para kay lolo, Nori." At ng mga sandaling iyon, wala siyang ibang gustong gawin kung 'di ang magkaroon ng perang pambayad sa operasyon ng kaniyang lolo. Alam niya, hindi sasapat ang mga makukuha nila sa iba't ibang ahensiya oras na lakarin niya ang mga iyon para mabawasan ang hospital bill ng kaniyang Lolo Terio. Kaya kailangan pa rin niya na may gawin. "Kung may pera lang ako," malungkot na sambit ni Norisa. Mahigpit itong niyakap ni Solenn. "Nori, 'wag ka ng malungkot. Hmm? Wala akong pagsisisihan dahil alam kong maliligtas si Lolo Terio." "Magagalit si Lolo Terio, Solenn." "Sekreto lang natin 'to, Nori. Hanggang sa huling hininga ko sa mundong ito. 'Yon lang ang hinihiling ko sa iyo." Mabigat man sa loob ni Norisa, pero wala naman itong magagawa. Habang sinisikap ni Solenn na magpakatatag, kabaligtaran naman niya si Norisa na panay pahid ng kamay sa mga matang naluluha. Sinamahan siya nito sa boss nitong si Avah. Buong akala niya, babae iyon. Pero hindi pala. Isang napakaganda at napaka-sexy na transgender ang boss ni Norisa. "Magandang hapon, Madam Avah," magalang pang bati rito ni Norisa. "Siya na ba ang sinasabi mong kaibigan mo na virgin?" walang pasakalyeng tanong ni Avah kay Norisa. Tumango si Norisa. "Siya na nga po, Madam. Si Solenn po. Never been touch and... and never been kiss." Huminga pa si Norisa nang malalim pagkasabi niyon. "Kailangan niya nang malaking halaga dahil kailangan pong maoperahan ang Lolo Terio niya sa lalong madaling panahon." "Handa ko pong gawin ang lahat. Kahit ano pa po 'yon," kaagad namang segunda ni Solenn. Makikita ang determinasyon sa kaniyang maganda at may pagka-fierce na mukha. Naglakad palapit kay Solenn si Avah at sinipat pa ang kaniyang tindigan. "Hmm. Ang kinis ng kutis mo. Maganda ka kahit walang makeup sa mukha. Totoong wala ka pang karanasan sa kahit na sinong lalaki?" Umiling si Solenn. "Wala pa po." "Anong previous job mo? Mayroon ba?" "Call center agent po ako sa previous job ko. Ka-re-resign ko lang ho dahil gusto kong magpahinga muna. Pero hindi ko naman ho inaasahan na aatakihin sa puso ang lolo ko. Kaya handa po akong gawin lahat at—" "Magkaano ang kailangan mo?" Napatitig si Solenn kay Avah nang tumayo ito sa mismong harapan niya. Masyado itong matangkad dahil may suot pang high heels kaya medyo tiningala niya ito. "H-ho?" Tama ba ang narinig niya? Tinatanong kaagad siya kung magkaano ang kailangan niya? Pero paano kung malakihan ito sa kailangan niya? "Sabi po ng doktor, kailangang maghanda ng kalahati hanggang sa isang milyon," agad namang sagot ni Norisa sa tanong ng amo nito kay Solenn. "Hmm. Malaki nga. At desperada ka na makuha ang halagang 'yon. Tama ba?" "Opo." "Okay. Ilang taon ka na nga?" "Twenty-six na po." "Too old." Napaawang ang mga labi ni Solenn sa kaniyang narinig. "Pero—" "Pasalamat ka dahil virgin ka at inosente. Gagawan natin 'yan ng paraan. Alam mo kasi, kung mas bata ka lang ng kaunti, mas bentang-benta 'yan sa mga mayayamang VIP dito sa The Cloud." Lihim na napalunok si Solenn. Buong akala niya, magkakaroon pa siya ng problema. "Urgently needed mo ba ang pera?" muli ay tanong ni Avah. "Opo. Kailangan na rin po kasing operahan ang lolo ko. Kailangan ko rin pong makapag-down sa ospital katulad ng sabi ng doktor sa akin." "Okay. Hubarin mo 'yang suot mo. Itira mo 'yang mga panloob mo." "H-ho?" gulantang niyang wika. Napatingin pa siya kay Norisa na nagbaba ng tingin. "Akala ko ba, handa kang gawin ang lahat? Kailangan kong makita ang katawan mo kung gaano kaganda. Bilisan mo na dahil natakbo ang oras. Walang puwang ang hiya sa lugar na ito, Solenn." Hindi siya sanay na maghubad sa harapan ng iba, kahit na babae pa ang mga kasama niya. Pero dahil wala naman siyang pagpipilian, wala siyang nagawa kung 'di ang sumunod sa utos ni Avah. Sa mismong harapan nito ay hinubad niya ang suot niyang pantalon at ang pang-itaas na damit. Habang si Norisa, nanatiling nakayuko lamang at hindi siya tinitingnan. Napatango-tango naman si Avah. Para bang na-satisfied ito sa nakita. "Umikot ka," muli ay utos ni Avah na sinunod naman ni Solenn. "Ang ganda ng dibdib mo, pinagawa mo ba 'yan?" Mabilis na umiling si Solenn. "Hindi po." "Kung ganoon, natural lahat at walang halong kemikal ang kagandahan mo. Okay. Paluluwagan kita ng isang daang libo ngayon," wala namang gatol na wika ni Avah matapos suriin ang kaniyang tindigan. Ganoon lang kabilis kung magdesisyon ito. Hindi makapaniwala si Solenn na mayroon na kaagad siyang pang-down sa operasyon ng kaniyang Lolo Terio. "Pero siguraduhin mo na babalik ka rin kaagad dito pagkadala mo ng pera sa ospital, Solenn. Dahil mamayang gabi, saktong may event dito sa The Cloud para sa mga Angels. May bidding na magaganap. Tatlo kayong virgin sa Angels. Pero dahil mas maganda ka sa dalawa at mas kaakit-akit ang katawan mo na sigurado akong paglalawayan ng mga VIP mamaya, ikaw ang gagawin kong star of the night. Sige na, magbihis ka na," ani Avah na naglakad palapit sa isang pinto at pumasok sa loob niyon. Mabilis namang nagbihis si Solenn. Ang importante lang sa kaniya ngayon ay ang perang makukuha niya. Paglabas ni Avah sa silid na pinasukan nito ay may dala na itong isang bundle na lilibuhin. "One-hundred thousand itong pera, Solenn. Pirmahan mo itong contract natin," ani Avah na inilapag sa table nito ang isang puting papel at ballpen. Isang kasunduan ang nasa papel na iyon. "Kung magkaano man ang kitain mo mamayang gabi sa bidding, one-fourth niyon ay sa akin mapupunta. Maliwanag ba? Dapat, kalahati. Pero dahil kailangan mo ng pera para sa lolo mo, ayaw ko namang lumabas na wala akong puso. At kung kulangin pa rin ang pera na makukuha mo, ako na ang bahala sa kulang. Pero," may riing wika ni Avah sa huling salita na binigkas nito. "Kailangan mong pagtrabahuhan ang idadagdag kong pera at hindi ka puwedeng umalis sa The Cloud hanggat may naka-pending kang utang sa akin. Maliwanag ba tayo roon, Solenn?" Ngumiti pa sa kaniya si Avah. "First time mong gagawin 'to. Aware ka naman sa trabahong pinapasok mo, 'di ba? Katawan mo ang puhunan dito. Bawal ang hiya-hiya. Lunukin mo lahat ng hiya mo. Maliwanag ba? Kailangan mo ring gawin ang mga ipagagawa sa iyo ng customer. 'Wag mong ipapahiya ang The Cloud. Baka sa halip na umulit ang customer ay hindi na." Matatag na tumango si Solenn. "Gagawin ko po ang lahat." "Good. Pumirma ka na." Dinampot ni Solenn ang ballpen. Pero bago siya pumirma ay napatingin pa siya kay Avah nang muli itong magsalita. "Kung wala ka namang magiging utang sa akin, magiging malaya ka sa akin. Don't worry, safe naman ang identity mo kaya hindi ko na rin para hingin pa ang buong pangalan mo at kung saan ka nakatira. Hindi ka rin naman kasi permanente rito. Unless, magustuhan mo ang trabaho at kitaan dito sa The Cloud, welcome na welcome ka rito. Magsabi ka lang. At kung hindi ka babalik, si Norisa ang malalagot." "Salamat po. Pangako po na walang magiging problema," ani Solenn kay Avah bago tuluyang pumirma sa kontrata. "Hindi ko rin po para ipahamak ang kaibigan ko." Mabilis na pinalis ni Norisa ang mga luhang pumatak buhat sa mga mata nito nang makitang pumirma si Solenn sa naturang kontrata. Dahil isa lang ang ibig sabihin niyon, wala ng atrasan sa trabahong pinasok niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD