"PARANG hindi ko talaga kayang makita ka sa stage mamaya," hindi pa rin maka-move-on na wika ni Norisa matapos ang mabilisang practice ng sayaw ni Solenn kasama ang mga tinatawag na Angel's sa The Cloud. May practice pa siya para sa kaniyang solo performance.
Hindi naman mahirap kabisaduhin ang steps ng sasayawin nila mamaya. Sinadya lang talaga iyon na madali para makasabay ang lahat. Ganoon din daw para sa kaniyang solo performance mamaya.
"Nori, tinanggap ko na ngayon ang kapalaran ko. Wala ng atrasan 'to. Sige na. Hindi mo kailangang ma-guilty. Ginusto ko 'to at wala kang kasalanan sa kung ano man ang mangyari sa akin."
Hayon na naman ang pamumuo ng mga luha sa mga mata ni Norisa. Suminghot pa ito. "Masyado kasing mataas ang tingin ko sa iyo, Solenn."
"Bababa na ba ang tingin mo sa akin ngayon?"
Mabilis na umiling si Norisa. "Hindi."
Tinapik-tapik ni Solenn sa balikat nito si Norisa. "Okay lang ako. Kaya sana, maging okay ka na rin, Nori."
"Sisikapin kong maging okay, Solenn. Pero magpapaalam ako kay Madam."
"Magpapaalam?" ulit ni Solenn.
"Ngayong gabi lang. Dahil hindi ko kayang panoorin ka sa stage. Sorry. Kahit alam kong ginagawa mo 'to para kay Lolo Terio, hindi ko pa rin talaga kaya na sa ganito ka babagsak. Ang ini-imagine ko sa iyo, makakapag-asawa ka ng guwapo at may kayang lalaki para hindi ka na palaging puyat sa trabaho mo sa call center. Tapos sa araw, naglalaan ka pa ng oras para lang maka-jamming si Lolo Terio kahit antok ka na. Tapos... tapos ang ending, dito ka mapupunta."
Ramdam na ramdam niya ang sakit na nararamdaman ni Norisa. Sa totoo lang, ngayon niya mas napatunayan kung ano bang klaseng kaibigan si Norisa. Isa sa pinaka-totoo sa lahat.
Sa halip na itulak siya sa animo bangin, panay ang pigil nito sa kaniya habang may bakas ng luha sa mga mata.
Sana, sa kabilang buhay ay magkaroon din siya ng kaibigan na katulad ni Norisa.
"Ano ka ba? Sinabi ng wala akong pinagsisisihan, Nori," aniya na mahigpit itong niyakap. "Kung hindi ka papasok mamaya, nauunawaan ko."
"Eve," tawag ng isa sa Angle's kay Solenn.
Eve ang kaniyang nick name sa The Cloud. Si Avah mismo ang nagbigay niyon sa kaniya. Dahil ang nakakaalam lang sa kaniyang totoong pangalan sa lugar na iyon ay si Avah at Norisa lang.
"Sige na," ani Norisa kay Solenn nang kumalas na ito sa kaniyang pagkakayakap. "Ako muna ang bahalang pumunta kay Lolo Terio."
"Maraming salamat, Nori."
Sinikap ni Norisa ang ngumiti sa kaniya bago ito tuluyang naglakad palayo.
Napabuntong-hininga na lang si Solenn nang tuluyang mawala sa kaniyang paningin ang kaibigan.
Sobrang nagpapasalamat siya sa Diyos dahil mayroon siyang kaibigan na katulad ni Norisa.
Kung mayroon mang next life, ikaw pa rin ang pipiliin kong maging kaibigan, Nori, ani Solenn sa kaniyang isipan.
ILANG SANDALI pang nakatitig lang si Solenn sa kaniyang sarili sa harap ng isang salamin sa loob ng dressing room na kaniyang kinaroroonan.
Kung bakit parang ibang tao ang nasa harapan niya ng mga sandaling iyon. Kay galing ng makeup artist na ipinadala sa kaniya ni Avah para ayusan siya.
Mula sa inosenteng si Solenn, para bang napalitan siya ng isang kakaibang katauhan dahil sa kaniyang makeup.
Totoong walang makakakilala sa kaniya basta-basta.
Palibhasa, hindi naman siya pala-makeup nang matingkad sa kaniyang dating trabaho. Madalas nga, lip tint lang sa labi ay okay na para masabing may kulay ang mukha niya. Sa trabaho naman niya ay boses ang puhunan niya.
"Dapat yata, Apple ang ibinigay kong nick name sa iyo," nakangiti pang wika ni Avah nang lapitan nito si Solenn sa kaniyang kinauupuan. "Dahil malinaw na ikaw talaga ang Apple of the eye ng mga VIP mamaya. Ready ka na ba?"
Buong tatag na tumango si Solenn.
Pera ang kailangan niya at iyon ang dahilan kung bakit siya naroon ngayon.
"Well, galingan mo. 'Wag mo akong ipapahiya. Maliwanag ba?"
"Maliwanag po."
Inilapit pa ni Avah ang mukha nito sa may bandang tainga niya habang ang tingin ay nasa kaniya, sa may salamin na nasa harapan nila.
"'Wag na 'wag kang magtatangka na sa kalagitnaan ng show, biglang magbabago ang isip mo. Buong puso kitang tinanggap para tulungan, kaya ayusin mo. Hindi sa tinatakot kita. Mayroon lang tayong kasunduan. Kung biglang magbabago ang isip mo, asahan mong hindi ka basta-basta makakalabas sa lugar na 'to. Naka-alert ang lahat ng tauhan ko para hindi ka basta makalayo. Maliwanag ba?"
Muling tumango si Solenn. Wala sa isip niya ang tumakas o magbago ang isip.
"Tatapusin ko po 'to. Para sa lolo ko," matatag pa ring wika ni Solenn.
Muling ngumiti si Avah. "That's my girl. Nasa labas na ang mga pinakamayayamang VIP Member dito sa The Cloud. Ibigay mo ang best mo. See you later."
Hindi maikakailang excited si Avah sa event para sa gabing iyon.
Sino ba naman ang hindi kung may magaganap na bidding para sa gabing iyon? Malaki ang makakaparte ni Avah sa bawat isa sa kanila. Sana lang, mayroong magkaroon ng interes sa kaniya para makabayad siya sa operasyon ng kaniyang Lolo Terio.
Mabuti na lang talaga, marunong siyang gumamit ng high heels. Kaya nga niyang tumakbo gamit iyon.
Bago sila sumalang sa stage, para sandaling magpakita ng performance sa mga parokyanong VIP member ng The Cloud, pinainom pa sila ng isang shot ng hard drinks. Para daw mawala ang kaba nila. Dahil mandatory, walang nagawa si Solenn kung 'di ang sumunod.
Animo kidlat na gumuhit sa kaniyang lalamunan ang ininom niyang isang shot ng alak. Sandali pang hindi maipinta ang mukha niya dahil sa pait ng lasa niyon.
Sunod niyon ay isinuot na nila ang kulay puti na mga mascara na magtatago sa kanilang mga hitsura. Bawal pa raw kasi silang makita.
"Labas na," wika pa ng kanang kamay ni Avah sa kanila.
This is it, Solenn, aniya sa kaniyang isipan.
Ang unang suot niya ay pang performance na halos natatakpan ang kaniyang alindog. Ngunit sa loob niyon, kapag inalis niya mamaya sa finale ng kanilang performance ay lalabas ang makapigil-hininga niyang alindog.
Ang makinang at mabalahibong push-up bra na suot niya ay lalong nagpatindig sa kaniyang dibdib. Ang pang-ibaba naman niyang suot ay ka-partner lang ng suot niyang bra. Kulay puti na pekpek short kung tawagin dahil sobrang iksi niyon.
Halos maligo rin siya sa mamahaling pabango para mas maakit sa kaniya ang mga VIP.
Nakita na niya ang loob ng The Cloud kanina at masasabi niya na hindi roon talaga puwede ang mga walang pera. Sa hitsura pa lang kasi ng loob ng The Cloud, naghuhumiyaw na ang karangyaan. Bawal din daw pumasok doon ang mga babae na hindi naman nagtatrabaho roon. Puro lalaki lang talaga ang mga customer.
Mayroong second floor ang The Cloud kung saan kita pa rin ang mga nag-pe-perform sa stage.
At nang magsimula ang dance number ng mga Angle's sa stage, sinikap ni Solenn na alisin ang kabang nararamdaman. Effective naman ang ininom niya kaninang alak dahil para bang nadagdagan ang lakas ng loob niya.
Napakalamig din sa loob ng The Cloud kaya hindi basta-basta masisira ang makeup niya dahil hindi naman siya pagpapawisan doon.
Hindi rin siya tumitingin sa mga tao na nasa may ibaba ng stage at nakaupo sa kani-kaniyang upuan. Nadadaanan lang niya ng tingin ang ilan sa mga iyon. Pero masasabi niya, maraming tao nang gabing iyon.
Wala sa hinagap ni Solenn na sasayaw siya ng kaakit-akit sa harap ng mga tao. Pero heto siya ngayon, isa lang ang alam, maililigtas niya ang kaniyang Lolo Terio.
Dahil si Solenn ang Star of the Night, mayroon siyang sariling dance performance kasama ang mga lalaking backup dancer niya. Mayroon pa rin siyang suot na mascara sa kaniyang mukha kaya katawan lang din ang kita sa kaniya.
Mamaya pa raw kasi aalisin ang suot nilang mascara kapag bidding na. Kumbaga, patikim lang ang kanilang mga alindog.
Matapos ang makapigil hiningang performance niya, suot ang pangloob na tinatago niya kanina, tiyak niyang naglaway lalo ang mga naroong tao sa kaniya. Dinig na dinig kasi niya ang sigawan para sa kaniya.
Mayroon pang nag-a-I-love-you.
Nagsasabing 'akin ka na lang'.
May kumakausap kay Avah para mapapunta siya sa mga iyon.
Matapos mag-bow ni Solenn ay inalalayan na siya ng mga backup dancer papunta sa backstage.
"Nagising ba kayo?!" malakas na tanong ng host sa mga naroong costumer na siyang pumalit sa stage. "Pansin ko, ang daming biglang nainitan diyan. Puwes, hindi ko na patatagalin pa. Gusto ba ninyong makilala ang ating Star of the Night? What? Louder!"
"Yes! Yes! Yes!"
"Okay. Kalma. Magkakaroon lang ng break ang ating mga naggagandahang Angle's! Ten minutes, break. Thank you!"
Mayroong pagmamadaling hinayon ni Solenn ang dressing room para magpalit ng suot.
Ang ipinasuot sa kaniya ay isang napaka-revealing na two-piece swimsuit na lalong nagpakita ng natural na ganda ng hubog ng kaniyang katawan. Kulay pula iyon. Pinatungan iyon ng kulay puti na roba na yari sa silk.
Muli siyang ni-retouch ng nag-aayos sa kaniya at inilugay rin ang kaniyang buhok na naka-curl kaya naman lalong naging mas kaakit-akit ang kaniyang hitsura.
Bidding na ang kasunod.
Sana lang talaga, makiayon sa kaniya ang pagkakataon.
Nang tawagin na sila para bumalik sa stage, naupo sila sa isang pahabang sofa na naka-cross ang legs at nakaupo na animo isang kandidata sa Miss Universe.
Pare-parehas sila ng suot na roba na yari sa silk. Lahat din ay nakasuot ng mascara.
"Grabe ang mga bago nating Angel's this month! Walang tulak kabigin!" tila kinikilig na wika ng host na katulad ni Avah ay isang transgender na animo a-attend ng Drag Queen Contest. "'Yong malalaki ang kaban diyan, ihanda ninyo para sa ating Star of the Night."
Nagsimula na ang bidding...
HALOS MALULA si Solenn sa mga bidding na naririnig niya. May umabot ng limang daang libong piso at isang milyon.
Para lang sa isang gabing kasiyahan ng mga VIP Member!
May kaba sa dibdib ni Solenn, lalo na at siya na ang sunod na sasalang. Naubos na ang mga kasamahan niya sa stage.
"Nakikita naman ninyo ang natitirang nakaupo. Yes! Siya nga ang ating Star of the Night. Kakaiba ito sa mga babaeng inihain sa inyo ng The Cloud. Eve! Tumayo ka na riyan!"
Isang hinga pa nang malalim bago tumayo si Solenn buhat sa kaniyang pagkakaupo at naglakad papunta sa gitnang bahagi ng stage. Doon ay tumayo siya patalikod sa mga customer ng The Cloud habang pumapailanlang ang daring na tugtugin sa buong paligid.
Ang una niyang inalis ay ang suot na roba na hinayaan niyang dumulas pababa sa kaniyang katawan sa kaakit-akit na paraan.
Nang mahantad ang kaniyang likuran, dinig na dinig niya ang hiyawan na naman ng mga kalalakihan. At mas umingay pa iyon nang pumihit na siya paharap sa mga iyon.
Sa unang pagkakataon ng buhay niya, mas pinagpiyestahan ng mga tao ang katawan niya. May natitira man siyang saplot sa kaniyang katawan, pero alam niya, hinuhubaran na siya ng tingin ng mga tao.
"Birhen na birhen ang ating Star of the Night. Walang karanasan. At higit sa lahat, never been kiss and never been touch. Kung sa tingin ninyo ay mas gusto ninyo ang sariwang isda ngayong gabi, ano pa ang hinihintay ninyo? Simulan na natin ang bidding para kay Eve!"
"One hundred thousand!" anang unang bidder.
"Three hundred thousand."
"Five hundred."
"One million!"
"One million two hundred thousand!"
Parang gustong himatayin ni Solenn sa kaniyang naririnig na ipini-presyo sa kaniya.
"Two million."
Napatingin siya sa matandang lalaki na nag-bid sa kaniya. Parang gusto niyang manglumo dahil sobrang laki ng tiyan niyon at naninilaw sa ginto ang katawan.
"Mayroon pa bang mas tataas sa two million?"
Nang wala ng magsalita ay bumaling kay Solenn ang host.
"Eve, alisin mo na ang suot mong mascara."
Sinunod naman niya ang utos sa kaniya. At nang mahantad ang kagandahan niya ay may biglang sumigaw.
"Three million!"
Nang ngumiti pa ang nag-bid na iyon ay kitang-kita ang ginto niyong ngipin.
"Three million five hundred thousand," anang isang lalaki na mukhang leader ng mga mafia ang hitsura.
"May gusto pa bang mag-bid ng higit sa three million five hundred thousand pesos? Mukhang wala na. Napakasuwerte mo naman, Mr. Clavio. Mukhang sa inyo na si Eve ngayong—"
"Ten million pesos!"
Halos mapigilan ni Solenn ang kaniyang paghinga nang marinig ang malaking halaga na iyon.
Inilibot niya ang tingin sa paligid. Pero wala sa ibaba ng stage ang bidder. Kung hindi pa ituturo ng host ang bidder na iyon ay hindi pa makikita ni Solenn. Nasa pangalawang palapag iyon ng The Cloud.
Hindi lang sa malaking halaga natulala si Solenn kung 'di ganoon na rin sa kaguwapuhang taglay ng lalaking nasa itaas na derektang nakatingin sa kaniya.
Lihim na napalunok si Solenn nang bahagya pa niyong itaas ang hawak na basong may laman na alak na para bang nakikipag-cheers sa kaniya.