Kabanata 6:
Nagpatuloy sila sa paglalakad sa loob ng maningning na gubat. Hindi alam ni Johnson kung saan sila pupunta, sunod lang siya nang sunod. Isa pa, habang naglalakad, para siyang timang na hindi mapakali dahil hawak pa rin ni Brenda ang kamay niya.
“Ba’t ba ang likot mo?” inis na binitiwan ni Brenda ang kamay niya.
Sa wakas! Nakahinga rin siya nang maluwag! Para kaya siyang kitikiting hindi mapakali kanina lang. Panay kasi ang pagkabog ng puso niya habang hawak ni Brenda ang kamay niya. ‘Tsanggalang puso kasi ‘yan! Nasa katawan niya iyon pero bakit nararamdaman niya pa rin hanggang dito?
“E k-kasi, hindi ko alam kung saan tayo pupunta!” pagdadahilan niya.
Lumingon sa kaniya si Brenda sabay irap. “Pupunta tayo sa ilalim ng dagat!”
Nangunot ang noo ni Johnson sa isinagot ni Brenda. “May dagat ba rito?” hindi makapaniwalang tanong ni Johnson. “At saka, anong gagawin natin ro’n?”
Ngumiti lamang si Brenda saka siya hinila papunta sa dagat. Sa dagat na never niyang inakalang naroon! E, ilog ang nakita niya no’ng nakaraan, a!
Bago pa man rumehistro sa utak niya ang nangyayari, hinatak na siya nito patalon! Sa gulat niya’y pumasok sa ilong niya ang lahat ng tubig. Nanlabo ang mga mata niya. Hindi siya makahinga, putsanggala! Nalulunod siya! Sinubukan niyang kumawag upang lumangoy, ngunit tila walang nangyayari.
“Johnson? Huy! Anong nangyayari sa ‘yo?”
Ngunit napahinto siya sa pagkawag. Nagulat siya nang marinig ang boses ni Brenda. Paanong nakapagsasalita ito sa ilalim ng tubig? Samantalang siya’y hindi makahinga! Dumilat siya at hinanap si Brenda. Naroon ito sa tabi niya, nagtataka kung anong nangyayari sa kaniya.
“Hindi ka makahinga?” gulat na tanong nito. At ang gago lang! Sinong abnormal ba kasi ang makakahinga sa ilalim ng dagat? Hindi lang nakakahinga, nakakapagsalita pa! Si Brenda lang ang natatangi.
Bahagya itong natawa, “Nakalimutan kong hindi mo pala alam.”
Napapikit na siya at nag-uumpisa nang malunod. Unti-unti nang nauubos ang kanyang hininga! Pakiramdam niya’y napupuno na ng tubig ang baga niya! Isa pa, malamig at hindi rin siya marunong lumangoy! Ni hindi manlang siya nakakuha ng hangin bago sila tumalon sa dagat!
“Johnson! Isipin mong nakakahinga ka sa dagat, astral body mo lang iyan kaya hindi ka malulunod. Huwag kang over acting d’yan!”
Pinilit niyang isipin na nasa astral world lang siya, na hindi siya malulunod pero putsa, mas nananaig sa kaniya ang takot na nararamdaman!
“Johnson, huwag kang matakot. Kumalma ka!”
Dumilat siya at nagtama ang mga mata nila ni Brenda. Pakiramdam niya’y nag-slowmo ang paligid. Napatitig siya sa mga mata nito. Ngayon lang niya napansing kulay berde ang mga iyon. Hindi niya maintindihan, bakit ang ganda ni Brenda? Bakit parang walang lait sa mukha nito? Mukhang manyika! Kitang-kita niya ang kaba sa mukha ni Brenda, kinakabahan para sa kanya. Dugdug. Iyon na naman ang puso niyang hindi niya mawari kung napaano na ba? Magkakasakit pa yata siya sa puso. Putsa, ba’t naman kasi ang ganda ni Brenda?
“Johnson? Ayos ka na ba?”
Habang nakatitig sa masungit na mukha ni Brenda, hindi niya namalayang unti-unti na siyang nakakahinga. Totoo nga, hindi siya malulunod rito…
“Ang ganda pala ng babaeng ‘to,” hindi niya naiwasang mamangha. Mapula ang labi nito, natural. Halatang walang lipstick. Mahahaba ang pilikmata sa ilalim ng malalaking mata. Maliit lang din ang ilong nito. Sa totoo, mukhang talaga siyang manyika.
Biglang namula ang pisngi ni Brenda. Mas lalo tuloy siyang namangha sa ganda nito...
“Magsalita ka gamit ang isip, Johnson,” nahihiyang tugon nito sabay talikod sa kaniya at nauna nang lumangoy.
Nanlaki ang mga mata niya. Nasabi ba niya nang malakas ang sinabi ng isip niya? Shet! Nakakahiya! Napakamot siya sa kanyang ulo.
Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod kay Brenda. Nakamamangha ang ilalim ng dagat. Nakita nila ang iba’t ibang uri ng isda, hindi niya alam ang mga pangalan lalo na’t ngayon lang niya iyon nakita. May mga coral reefs, seaweed at may nakita rin silang maliliit na pugita.
“May pating, o!” turo ni Brenda sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ni Johnson nang makita ang pating na papalapit sa kanila. Agad siyang kinabahan! Natakot siyang baka kainin sila!
“Magtago tayo, dali!” takot na utos ni Johnson.
Pero tinawanan lang siya ni Brenda. Kinakabahan na siya’t lahat natatawa pa talaga ang kasama niya! Nang mas lumapit pa kay Brenda ang pating akma sana niya itong sasagipin ngunit nagulat siya nang lumusot lang ang pating sa katawan ni Brenda. At nang sa kaniya na’y dinaanan lang siya nito.
“Huwag kang matakot, hindi nila tayo nakikita.” Lumingon si Brenda sa kaniya at saka ngumiti.
Nanginginig ang gilid ng labi niyang ngumiti. Weird pa rin para sa kanya ang mga nangyayari. Sino ba namang hindi ma-w-weird-ohan sa mga nangyayari?
Naglibot pa sila sa dagat. Sa kanilang paglilibot, may mga nakakasalubong silang kakaibang mga kakaibang isda. Mayroong tatlo ang mga mata, mayroong pugitang kulang asul at marami pang iba.
“Mayroon ba talagang ganitong klaseng isda?” tanong ni Johnson kay Brenda habang inililibot ang tingin sa paligid.
Puno ng mga maliliit na isdang may tatlong mata ang kanilang nilalanguyan. Kasalukuyan silang nasa kailaliman ng dagat. Malalim na malalim. Hindi na nga niya maintindihan kung paano sila nakarating sa malalim na parteng iyon!
“Mayro’n, hindi lang alam ng mga tao dahil wala pang nakararating sa parteng ito,” sagot ni Brenda.
“Weh?”
“Edi huwag kang maniwala! Magtatanong ka tapos hindi ka maniniwala,” pairap na sagot naman ni Brenda saka lumangoy paitaas.
Ngumiwi na lamang siya at sumunod rin kay Brenda para lumangoy paakyat. Medyo matagal silang lumangoy dahil nga malalim-lalim na rin ang nalangoy nila. Hindi niya napansin na medyo nag-enjoy na pala sila sa paglangoy.
Ilang minuto rin silang lumangoy paakyat, siguro mga trenta minutos kung susumahin. Nang makaahon na sila’y hiningal si Johnson sa tagal nilang lumangoy. Nilingon niya si Brenda na ngayon ay basang-basa ang buhok. Laglag ang panga niya nang suklayin ni Brenda ang pula niyang buhok para maalis ang mga nakatabon sa kanyang mukha.
Ang perpekto ng itsura ni Brenda, tila isang Dyosa. Gusto niyang tanungin ang mga bagay tungkol kay Brenda, unti-unti a siyang naku-curious sa babaeng ito lalo na’t ilang gabi na rin silang nagkikita sa astral world. Pero. . .
“Umaga na, Johnson. Gumising ka na!” ani Brenda.
Sa kanyang pagkurap nakahiga na ulit siya sa matigas na papag. Nang humagip ang hangin ng electric fan niyang maingay na dahil sa katandaan, naramdaman niya ang lamig.
Napabangon siya bigla at napatingin sa kanyang katawan. Hindi naman siya basa pero pakiramdam niya’y naramdaman niya ang lamig. Isang kidlat mula sa langit ang nagpagulat sa kanya. . . umuulan pala!