Kabanata 7:
Ilang araw na ang nakalipas ngunit ang kawawang si Johnson, hindi pa rin makabalik sa astral world. Gusto niyang bumalik, ngunit kahit anong subok niya’y hindi niya magawa. Sa pang-limang araw na hindi siya makabalik, inihinto na niya ang pagpupumilit.
Nakabusangot siyang naglalakad sa gilid ng kalsada habang si Shannah at ang boyfriend nitong asungot ay nasa kabila, naglalandian, naghaharutan. Masagasaan sana ang mga putsanggalang ‘yon! Ang haharot! Hustisya para sa mga single na ‘gaya niya! Bitter pa rin ang peg ni Johnson. Kung ano-ano ang ibinubulong niya habang naglalakad sa gilid ng kalsada.
“Putsa, akala mo naman pogi, mukha namang ulupong,” bubulong-bulong na aniya habang naglalakad.
At dahil wala siya sa sarili, focus na focus siya sa pagiging bitter ay natisod siya ngunit bago pa man siya matumba ay pinigilan na niya ang sariling katawan. Grabe ang pagkabog ng puso niya, napahawak pa siya sa dibdib nang tuluyan niyang napigilan ang nagbabadyang pagbagsak niya sa lupa. Nang akala niya’y safe na siya, isang halakhak ang narinig niya mula sa kabilang kalye.
“Putangina! Payatot na nga, maputla, lampa pa!” mura ng boyfriend ni Shannah.
Nilingon niya iyon at tinitigan nang masama. Gusto niya sanang murahin din pabalik ngunit dahil malaki ang katawan nito, wala siyang magawa. Takot kaya siyang mabugbog.
“Anong tinitingin-tingin mo, lampa?” Aamba sana ito ng suntok ngunit pinigilan lamang ni Shannah.
Nanginig ang kanyang labi saka nag-iwas ng tingin. Sobrang sama ng loob niya, masama na nga ang loob dahil hindi siya makabalik sa astral world na takasan niya ng lungkot at problema, tapos ganito pa ang sa totoong mundo niya.
Putsanggalang buhay nga naman! Mabuti pa’t hindi na lang siya magising, mas masarap pa!
Pagkarating niya sa Salon, naabutan niya ang boss niyang nakatayo sa harap ng pintuan. Ngunit ang ipinagtataka niya’y mukha itong natataranta na hindi mapakali na ewan! Basta mukhang natataeng hindi mapakali.
“Good morning ho, Boss! May tao ho ba sa banyo? Ba't parang taeng-tae ho kayo?” takang tanong niya.
Napahinto ito sa pabalik-balik na paglalakad saka nag-angat ng tingin kay Johnson.
“Johnson!”
“Po?”
“Johnson!” Itinuro pa siya nito.
“Po?”
“Johnson! May lalaking pumunta rito. Brusko, may tattoo sa braso at mukhang matapang ang mukha. Hinahanap ka, sino ‘yon?”
Gumapang ang kaba sa kanyang sistema saka siya napalunok nang marahas.
“A-ano raw ho ang s-sabi?” kinakabahang tanong niya.
“Ano e, sabi niya kapag hindi ka pa raw nagbayad ng utang, bubugbugin ka raw niya,” sagot nito. “Teka nga, adik ka ba sa sugal?”
Marahan siyang umiling. “Hindi ho.”
“Ah, adik ka sa babae?”
“Hindi rin ho.”
“Ah, adik ka lang talaga?”
“Boss, ikaw yata ang adik. Hindi ho ako adik.”
“Hoy! Hindi ako adik, ikaw ang adik. Adik ka ba sa utang?”
“Hindi ho, Boss! Bakit ho ba ninyo ipinagpipilitang adik ako?”
Napakamot ito sa ulo. “Kung gano’n bakit ang laki ng utang mo sa kanya?”
Naitikom ni Johnson ang kanyang bibig, hindi siya nakapagsalita.
“Balak ko sanang bayaran na muna ang utang mo sa kanya pero noong itanong ko kung magkano ang utang mo, nagulantang ako. Sixty thousand pesos? Paano ka nagkaroon ng ganoon kalaking utang?”
Napayuko na lamang si Johnson. “B-boss, a-ano kasi. . . utang pa iyon ng mga magulang ko.”
“Huh?”
“Ah, ano ho e. Mahirap ho i-explain. Ako na lang ho ang kakausap sa kanya, nakalimutan ko lang hong magbayad nitong Linggo,” sagot niya. “Sige ho boss, magbibihis na ho ako ng uniporme.”
Hindi na niya hinintay pa ang sasabihin ng boss niya, dire-diretso na siyang lumakad papasok sa loob ng Salon. Mabilis niyang tinungo ang locker room at tinungo ang locker niya kung saan naroon ang kanyang uniporme.
Tangena, nakakabwiset namang bungad ng umaga. Bakit kailangan pang pumunta ni Kapitan Toto sa Salon kung saan siya nagtatrabaho? Bakit hindi na lang sa bahay niya? Putsa, nalaman pa tuloy ng boss niya ang utang na mayroon siya.
Nakalimutan niyang magbayad, hindi, mali. Kinalimutan niyang magbayad. Ito lang kasi ang hindi pumunta sa bahay nila para maningil. Tatlong bumbay ang naningil sa bahay nila, saka dalawang sindikato. Tumataginting na 200,000 ang utang ng mga magulang niya kung susumahin. Sa isang taong pagbabayad niya rito ay nasa singkwenta mil pa lang ang nababayaran niya. May mga iilang part-time job siya pero hindi pa rin talaga sapat iyon dahil kailangan niya rin namang lamanan ang tiyan niya.
Kung paano nangyaring ganoon kalaki ang utang ng kanyang mga magulang? Iyon ay dahil sumali ng networking ang kanyang mga magulang. Isang networking na scam palang putsanggala. Inalok sila ng produkto, at kapag nakapag-recruit pa ay may 30% comission. Ang tubo pa raw nila ay nasa 50% ng kanilang ini-invest. Dahil do’n, nangutang ng 50,000 ang kanyang ama habang 50,000 naman ang sa kanyang ina. Tiba-tiba kung tutubo sila pareho ng tag-25,000. Pero putsanggalang shet, matapos makuha ng scampany ang kanilang pera, naglaho na lamang ng parang bula. Nalugmok ang kaniyang mga magulang sa utang, ang inutang nila’y binayaran nila ng utang hanggang sa nalubog na sila sa utang.
Sa stress at depression, nagkasakit sa puso ang kanyang ama na ikinamatay nito habang ang kanyang ina ay biglaang namatay kasunod nito dahil sa cardiac arrest. Naiwan siyang lugmok, kawawa, at walang magawa kundi saluhin ang lahat ng utang. Hindi ba, sobrang kawawa ni Johnson? Ang pinaka, mas malupit pa ay hindi siya tunay na anak. Adopted lang siya ng mga ito. Noon lang din niya nalaman bago mamatay ang kanyang mga magulang. Noong sinabi ng mga kamag-anak nito. Siya kasi ang itinuturong malas. Well, sa tingin niya, malas naman talaga siya. Walang kasing-malas!
Nang nakapagbihis na siya ng kanyang uniporme, lumabas na siya sa locker room saka nag-umpisang magtrabaho. Ito namang si Jiji, panay ang hirit sa kanya.
“Alam mo, kaya naman kitang tulungan. Basta alam mo na, Johnson. . . S’yempre I need to taste you, so bad.”
“Tumigil ka nga r’yan, baka iba ang matikman mo,” iritang asik ni Johnson.
“Sus! Maging praktikal ka na lang kasi. I need you, and you need money. Kawawa ka naman, siguro pati brief mo hindi mo mabili.”
Hindi niya na lamang ito pinansin. Wala namang nakakakita ng brief niya kaya wala siyang pake. Hindi niya kailangang bumili ng bagong brief unless hindi na nito nasusuportahan ang kanyang alaga.
Ilang ulit pang inasar-asar ni Jiji si Johnson bago ito tumigil dahil hindi naman siya pumapatol dito. Ba’t niya papatol ang desperang mukhang ipaktong bakla ‘to? Wala naman siyang mapapala.
Matapos ang trabaho, pagod na pagod siya sa hindi niya malamang dahilan. Kaunti lang naman ang ginupitan niya pero heto siya’t hapong-hapo. Siguro dahil sa stress na ganap sa buong araw niya.
Ilang lakad na lamang ang kanyang lalakarin pauwi ng kanyang bahay nang isang malapad na braso ang humigit sa kanya papasok sa masikip na eskinita. Halos lumabas ang puso niya sa kanyang dibdib nang dahil sa gulat!
“Ano ba—aahh!” Hindi siya nakapalag nang marahas na itinulak siya ng isang lalaking may malaking katawan.
May tattoo itong cobra sa kaliwang braso at leon naman sa kanan. Halos mamutok ang mga braso nito sa sobrang laki, maugat-ugat pa!
“Hindi mo ako binayaran nitong nakaraang Linggo. Kailangan ba talagang puntahan pa kita sa bahay mo para lang singilin ka ng utang?”
“A-ano kasi, a-ano. . . w-wala akong pera—”
“Walang pera?!” tila kulog na sigaw nito gamit ang malalim na boses. “Paanong wala kang pera, e kasusweldo mo lang?!”
“A-ano e, a-ano naibayad ko na s-sa iba.”
“Putangina! Bakit hindi mo ako inuna?!” Isang suntok sa kanyang tiyan ang nagpahilo sa kanya.
Halos manlumo siya sa sobrang sakit. Napaupo siya sa sahig, nanghina ang buo niyang katawan. Napakapayat pa naman niya dahil halos walang makain, tapos bigla siyang sasapakin nang ganito.
“Sa susunod uunahin mo akong bayaran. Sa susunod na Linggo, doble ang bayad mo sa akin ha?” galit na anito saka siya iniwanan.
Hindi niya nagawa pang sumagot, ang tanging nagawa niya na lamang ay ang umubo nang umubo kasunod ang dugo dahil sa lakas ng pagkakasuntok sa kanya. Nanginginig pa rin ang buo niyang katawan, putsanggala naman kasi! Bakit sa dami ng pwede niyang kalimutang bayaran, iyon pang si Kapitan Toto? Pwede naman iyong mga bumbay, mas mababait pa ang mga iyon.
Iika-ika siyang naglakad pauwi sa kanyang bahay. Nang nasa labas na siya ng sira-sirang pinto ng kanyang bahay ay mas lalo pa siyang nanlumo. Bukas ang pinto ng kanyang bahay na inaanay na
Wala siyang nagawa kundi ang iika-ikang binuksan ito nang mas maluwag para makapasok. Confident siyang walang nanakaw sa kanyang mga gamit dahil wala siyang alahas. Ni wala rin siyang television, electricfan lang at ilaw. Pagpasok niya ng bahay, gulo-gulo ang mga gamit, nagkalat pero walang nanakaw. Sigurado siyang wala ngang ninakaw. Si Kapitan Toto siguro ang may gawa nito.
Nanlulumo siyang naupo sa upuang kahoy ngunit sa kanyang pag-upo ay tuluyan na itong bumigay, natumba siya sa kinauupuan.
Walang nagawa si Johnson kundi ang mapaupo sa sahig, gusto niyang umiyak pero tila wala nang natira. Gusto na lang niyang takasan ang lahat.
Punyetang buhay ni Johnson, aping-api siya. Parang wala na siyang ganang mabuhay sa mundo. Dumiretso siya sa papag saka nahiga. Lumangitngit ang kahoy no’n ngunit wala siyang pakialam. Masakit ang kanyang tiyan, kumakalam pa ang sikmura dahil sa gutom.
Wala siyang nagawa kundi ang mamaluktot para lang ipitin ang tiyan niyang masakit, saka siya pumikit. At sa kanyang pagmulat, naroon na siya sa mundong ilang araw na niyang gustong balikan.