Kabanata 23:

2254 Words
Kabanata 23: Buong akala ni Johnson, ma-e-enjoy na niya ang panunuod sa malaking flat screen T.V. First time niyang makakita nang ganoon kalaking T.V kaya na-excite siya ngunit imbes na makapanuod siya ng pinapangarap niyang mga action movies, nanlumo siya nang Korean Series ang pinili ni Lily at Brenda. “Ahhhh!” sabay pang tili ni Brenda at Lily nang maghalikan na ang bidang babae at lalaki. Kanina pa siya nakabusangot, ilang oras na rin ang lumipas. At nakalimang episode na silang dalawa. “Five episodes pa lang! Naghalikan na agad!” sigaw ni Lily. “Nakakakilig! Ang gwapo talaga ni Hyun Bin!” dagdag pa ni Brenda. Halos matuliling si Johnson sa lakas ng tili nilang dalawa. Tumayo na lamang siya sa kanyang kinauupuan at mukhang hindi naman siya napansin ng dalawa. Imbes na magpadala sa antok ay dumiretso na lamang siya sa kusina—nakita niya iyon kanina. Pagpasok niya sa kusina, bumungad sa kanya ang mga lumang gamit. May mga sandok, kawali at kalderong kasing-edad pa yata ng kanyang lolo. May mga tasa rin na basag na ngunit nakatabi pa. Dumiretso siya sa refrigerator na mukhang natatanging nag-iisang bago sa loob ng kusina. Sinubukan niya iyong buksan, pagbukas niya’y bumungad sa kanya ang samu’t saring masasarap na pagkain. Kumalam tuloy ang sikmura niya! “Gusto mo?” Halos mapatalon siya sa gulat nang isang boses ng matanda ang gumulat sa kanya. Kaagad siyang napalingon, isang matandang babae ang nakasuot ng salamin at may mahabang buhok ang nakatingin at nakangiti sa kanya. “A-ah, ano po k-kasi, m-medyo nagugutom po ako.” Kahit hindi naman talaga. Natakam lang talaga siya sa mga pagkain kaya kumalam ang sikmura niya. “Mukhang unti-unti nang hinihigop ng Infinita ang katawang-tao mo,” anito. “Sige at kumuha ka lang ng pagkain. Mag-isa lang naman si Lily na kumakain ng mga iyan.” Tumango si Johnson, hindi na nahiya pa. Ikinuha siya ng matandang babae ng plato, kutsara at tinidor saka lumapit sa refrigerator. “Anong gusto mo rito, iho?” tanong ng matanda. “K-kahit ano po!” sagot niya naman. Pero tuon ang pansin niya sa chocolate moose cake. Mukhang napansin naman iyon ng matanda kaya naman kinuha nito ang box at inilabas. Inilapag niya ito sa lamesa saka kumuha ng kutsilyo para humiwa ng cake. “Masarap ito, mahilig ka rin pala sa tsokolate, gaya ng iyong ina.” “Kilala n’yo ho ang nanay ko?” takang tanong ni Johnson. Marahang tumango ang matanda. “Oo naman, kilalang-kilala!”  Bumilog ang mga mata ni Johnson. Noong unang ikuwento ni Brenda ang tungkol sa kanyang ina, hindi niya naramdaman ang excitement. Tila ba natural lang iyon, pero ngayon ang matanda ang nagsabing kilala niya ito, bigla siyang na-curious sa kung sino at kung ano ang ugali ng kanyang ina. “Talaga po? Pwede n’yo po bang i-kuwento sa akin ang pagkakakilala mo sa kanya?” kuryosong tanong ni Johnson. Ngumiti ang matanda saka naglagay ng cake sa platito saka muling ibinalik ang kahon sa ref. “Maupo ka muna, i-kukwento ko sa iyo ang nalalaman ko tungkol sa kanya.” At dahil nga curious siya, kaagad naman niya iyong sinunod at naupo siya sa silya. Hinintay niyang maupo rin ang matanda sa katapat niyang upuan. Nginitian siya ng matanda saka iginiya na sumubo muna ng cake. Ginawa niya naman iyon. Sumandok siya ng cake saka isinubo iyon. “Napakabait ng iyong ina, si Lorena. Sa lahat ng nakasalamuha kong diwata, siya ang pinakamabait at busilak ang puso,” halatang masayang kwento nito. Nag-angat siya ng tingin sa matanda, nakangiti ito at nakatingin sa kawalan na para bang sinasariwa ang alaala. “Isa akong opisyales sa Infinita noon, at isa ako sa saksi kung paano niya ipinagtanggol ang isang taong hindi sinasadyang nakarating sa Infinita. Hindi sana siya paaalisin sa mundo ng Infinita dahil hindi pwedeng may makaalam sa mundong iyon, ngunit ipinagpilitan iyon ng iyong ina. Aniya, hindi sinadya ng tao ang pagkakatuklas sa Infinita, na kailangan nitong lumisan dahil may naghihintay pang buhay sa labas ng mundong iyon. Ilang beses man kaming tumanggi dahil ayon sa batas na hindi na pwedeng makaalis ang tao, wala kaming nagawa nang siya na mismo ang tumulong sa lalaki upang makaalis. Parurusahan sana siya ng kanyang ama, ngunit magaling ang katwiran na kanyang ibinigay.” “Ano pong katwiran?” takang tanong niya. “Katwiran ng iyong ina, kahit ibalik niya ang taong iyon sa lupa, at kahit i-kuwento pa nito ang tungkol sa kanilang mundo, iisipin lamang siyang baliw. Dahil oo nga naman, sino ang maniniwala sa kanya? Sino ang mag-aakalang may mundo pa bukod sa mundo nila? Wala. Ang mga tao ay hindi naniniwala sa kung ano ang hindi nila nakikita.” Umawang ang labi ni Johnson sa sinabi ng matanda. Hindi siya makapagsalita, tila mabait nga talaga ang kanyang ina. . . Patuloy pa itong nagkuwento tungkol sa mga paborito ng kanyang ina, ang mga hilig at kung ano-ano pang bagay. Pakiramdam niya’y lubusan niyang nakilala ang kanyang ina dahil sa mga ikinuwento sa kanya ng matandang babae.  Mayamaya pa’y tumayo na ito at saka ngumiti. “Kailangan ko nang umalis, iho. Kailangan ko nang magpahinga, alam mo naman kapag tumatanda na.” Mabilis siyang tumango at saka tumayo rin. “Oho, naiintindihan ko ho. Salamat sa kuwento, hanggang sa susunod ho!” Tumango ang matanda saka ngumiti na muna bago siya nito tuluyang tinalikuran at umalis. Tanging ngiti na lamang ang dumampi sa kanyang labi nang maupo siyang muli sa lamesa. Nang babalikan niya na sana ang cake, nagulat siya nang wala na ito. Ang platito at tinidor ay malinis din na tila ba hindi ito nadampian ng chocolate cake! Luminga siya sa paligid. “Nasaan na iyon?” takang tanong niya sa sarili. Patuloy siya sa paglinga hanggang… “Anong hinahanap mo?” takang tanong ni Brenda. Napaangat siya ng tingin sa dalaga na ngayon ay kadarating lang. “Ha? Ano, nagtaka kasi ako kung bakit biglang nawala ‘yong cake,” sagot niya. Saglit pa’y si Lily naman ang sumilip mula sa labas. “Anong cake?” takang tanong ni Lily. “Wala naman akong nilagay na cake sa ref, ah?” Napakurap siya sa isinagot sa kanya ni Lily, hindi niya maintindihan kung anong nangyayari. Paanong wala? E nakakain pa nga siya at nalasahan iyon! Kaya paanong wala? “Teka lang. . .” ani Lily. “Nakausap mo ba iyong matanda?” Natulala si Johnson sa sinabing iyon ni Lily, bigla siyang nangilabot! “M-multo ba ‘yon?” kabadong tanong niya. Nagkatinginan si Brenda at Lily nang itanong niya iyon. Halata ang pag-aalangan sa kanilang mga mukha. Nag-aalangan kung sasabihin ba ang dapat na sabihin. Habang si Johnson naman ay mas lalong kinikilabutan at kinakabahan dahil–kumain lang naman siya ng cake na galing sa multo! “H-hoy! Ano nga! H-huwag ninyo akong pinapakaba!” bunghalit niya. Hindi niya na matiis ang pa-suspense effect ng dalawa. Nagsisimula nang tumayo ang kanyang mga balahibo at nanlalamig na ang kanyang katawan. “Lola ko ‘yon,” sagot ni Lily. “Si Lola Milly,” dugtong naman ni Brenda. “Namatay siya apat na taon na ang nakalipas.” Mas lalong nangilabot si Johnson sa sinabi ni Brenda, kumpirmadong multo nga iyon! Halos manginig ang tuhod niya. First time niya kayang makakita ng multo! Hindi lang siya nakakita, talagang nakausap at nakakuwentuhan niya pa! Hindi lang ‘yon, pinakain pa siya ng cake! “Namumutla ka yata?” nakangising tanong ni Lily. “Huwag kang mag-alala, hindi naman masamang multo si Lola. Nakikipag-usap din siya sa akin kung minsan at binibigyan ako ng paborito niyang chocolate cake.” Napasinghap si Johnson. “Sino bang hindi mamumutla kung malaman kong nakakausap ka ng multo?”  Napailing na lamang si Lily. “Ang duwag naman nito para sa magiging hari. Mas matakot ka sa buhay kaysa patay.” Lumakad na paalis sa kusina si Lily. Habang si Brenda naman ay naiiling na naupo sa katapat na upuan niya kung saan din umupo iyong matandang babae. “Anong sinabi niya sa ‘yo?” kuryosong tanong ni Brenda. Kita sa mga mata nito ang pag-aalala. “Ikinuwento niya lang kung gaano kabait ang nanay ko,” sagot ni Johnson. Marahang tumango si Brenda, nakikita ni Johnson na mukhang kabado rin ito. Ngunit hindi niya iyon pinansin dahil mas nangingibabaw ang kaba at takot na hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya.  “Hindi ka na ba manunuod?” takang tanong ni Brenda. Umiling siya. “Paano ako manunuod? Akala ko nga akin itong surpresa, para sa inyo pala. . .” halos bumulong na aniya. “Ha?” Muling umiling si Johnson. “Wala, ‘ka ko, uwi na tayo bago ko pa ulit makita iyong matanda.” Tumango si Brenda. “Mabuti pa nga.” Nakapagpasya silang bumalik na sa Infinita bago pa man siya makakita ng mas maraming multo. Ikinuwento rin ni Brenda na halos lahat nga ng ninuno ni Lily ay naroon pa sa bahay. Nagpapakita ang mga iyon sa mga gusto nilang pagpakitaan. At mukhang gusto siyang pagpakitaan dahil nabanggit nga ni Lily na si Johnson ang susunod na hari ng Infinita. Sample pa lang Ang Lola Milly ni Lily. Paglabas pa lamang nila sa puno, naabutan na nila si Ulysses na nakaabang. Nakasuot ito ng armor at may hawak na espada. Pareho silang nagkatinginan, nagtataka. “Anong mayroon?” takang tanong ni Johnson. Halata ang kaba sa mukha ni Ulysses, kaya pareho na rin silang kinabahan. “Kailangan niyo nang bumalik,” sagot ni Ulysses. Dali-dali naman nilang tinahak ang daan pabalik ng palasyo. Medyo madilim na kaya naman nahihirapan silang bagtasin ang gubat. Pareho silang kinakabahan dahil hindi nagsasalita si Ulysses sa kung ano ang nangyari. Malayo pa sila sa palasyo, napapansin na nila ang napakalaking usok. Na nakikita sa itaas. . . at nang makarating sila, tumambad ang malaking usok na nagmumula sa may taniman ng Infinita. “A-anong. . . nangyari?” halos maiyak na tanong ni Brenda. Nanlumo si Johnson sa kanyang nakita. Wasak na wakas ang taniman kung saan nagtatanim at nag-aani ang mga magsasaka ng Infinita. Walang natira, may iilan pang sugatan. Sa kabilang parte ng palasyo, napansin nila ang isang dragon na nakaupo lamang habang naghihingalo. “I-inatake kayo ng dragon?” kabadong tanong ni Johnson. “Hindi, ang dragon na ‘yan ang tumulong sa atin,” sagot ni Ulysses. “Hinihintay kayo ng hari.” Sumunod sila kay Ulysses nang maglakad na ito papasok sa palasyo. Nanlalamig ang mga kamay ni Johnson habang naglalakad sila patungo sa pinto. Kitang-kita niya ang mga pananim na pinaghirapan ng mga magsasaka, ngunit nawasak lang nang ganoon lang. At ang mga umiiyak na magsasaka pati na rin ang mga kaanak nila. Ang lahat ay humihingi ng tulong. Pagpasok nila sa pinto, nakaabang sa pinto ang hari. Galit ang mga mata nito, halatang disappointed na nakatingin kay Johnson. “Saan kayo nanggaling?” tanong ng hari. “Ah. . .” Hindi mahanap ni Johnson ang kanyang sasabihin. “Inilabas ko ho si Johnson. Binigyan ko lang ho sana siya ng pahinga sa isang Linggong pagsasanay niya. . .” ani Brenda. “Ikaw lang Brenda, ang kayang gumawa ng solusyon sa mga ganitong pagkakataon ngunit umalis ka, isinama mo pa ang prinsipe. Sa susunod, hindi ko na palalagpasin ito,” kalmado ngunit halatang galit ang kanyang pagkakasabi.  Lalong tumindi ang kabang nararamdaman ni Johnson. Hindi mawari ang kanyang itsura nang maglakad na paalis ang hari. Gusto sana niyang magpaliwanag ngunit pinigilan siya ni Brenda. Hiyang-hiya si Johnson. Nang pabalikin siya ni Brenda sa kanyang kwarto ay saka niya lang na-realize kung gaano nakakahiya ang kanyang ipinakitang ugali. Pakiramdam niya ay hindi niya deserve na maging isang hari ng malaking kaharian. Kung bakit ba naman sa isang lampang gaya niya pa napunta ang ganito kalaking responsibilidad? Maraming pwedeng maging hari, pero ito at sa kanya pa nakatakda. Naupo siya sa kama kasunod ng marahas na buntonghininga. Naisip niya, paano kung bumalik na lang kaya siya sa mundo ng mga tao? Harapin na lang niya ang sandamakmak na utang, at least kaunting tao lang ang umaasa sa kanya na magbabayad siya. Samantalang sa mundong ito, sa kanya nakasalalay ang lahat.  Ilang oras din siyang nakatulala at nagninilay-nilay, hanggang sa tumayo siya at nagpasyang puntahan si Brenda. Sa paglabas niya ng kwarto, dumiretso siya sa elevator. Pinindot ang ground floor kahit hindi niya naman alam kung saan ang kwarto ni Brenda, balak niyang magtanong-tanong na lamang. Nang bumukas ang elevator, napansin niya ang nakabukas na pinto palabas ng palasyo. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa kanyang utak at naglakad siya palabas. Tinungo niya ang parte ng taniman kung saan nasunog ang lahat. Kumirot ang puso niya nang makita ang sirang pananim, halos wala nang maisalba. . . Bumuntonghininga siya saka naglakad palapit. Pagdating niya roon ay naupo siya at hinawakan ang lupa. . . ngunit mabilis niya ring binawi ang kanyang kamay nang tila ba umilaw ang lupa, kulay asul! Na-curious siya, kaya naman sinubukan niyang hawakan muli ang lupa. Doon ay nakumpirma niyang nagmumula sa kanyang kamay ang liwanag! Ilang saglit pa ay palakas nang palakas ang liwanag kasabay ng panginginig ng kanyang katawan. Napapikit siya dahil sa lakas ng pwersang dumadaloy palabas ng kanyang katawan. Sa muli niyang pagdilat ay ang pagliwanag ng kanyang mga mata at ang unti-unting panghihina niya. Hanggang sa. . . Tuluyan siyang bumagsak sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD