Kabanata 25:

2139 Words
Kabanata 25: Hindi maintindihan ni Johnson ang mga nangyayari. Hindi niya alam kung totoo bang siya ang may gawa o hindi. Blangko ang kanyang isipan lalo pa’t hanggang ngayon ay nanghihina pa rin ang kanyang katawan. Hindi niya talaga alam ang nangyari, bigla na lang parang may humigop ng lakas niya kanina nang umilaw ang hinawakan niyang lupa. Kuryosong bumaba ang tingin niya sa kanyang kamay. Kunot ang noo niya nang makitang nangingitim ang gitna ng kanyang palad. Baka dumi lang. . . kaya nagpasya siyang maligo bago magpalit ng damit. Noong unang pagkikita nila ng Lolo niya, akala niya mabait ito at kampi sa kanya, ngunit ngayon, hindi niya maintindihan kung bakit parang iba yata ang pakikitungo nito sa kanya. Para bang nag-iba. . . o baka iyon na talaga ang dapat nitong pakikitungo? Sadyang nagpanggap lang itong mabait noong una? Pinalis niya iyon sa kanyang isipan. Hindi naman siguro ganoon ang kanyang Lolo, naghihigpit lang siguro dahil siya ang susunod na hari. Kailangan niyang maging matapang at kailangan niyang maging karapat-dapat bilang hari kaya siguro’y naghihigpit ito. Naligo na lamang siya nang matiwasay saka naalala ang itim sa gitna ng kanyang palad. Inangat niya iyon at binasa ng tubig, hinawakan niya iyon at plano sanang kuskusin ngunit masakit iyon kaya hindi na niya itinuloy pa. Nang matapos siyang maligo, lumabas siya sa banyo ngunit halos mapatalon siya sa gulat nang makita niya si Brenda na prenteng nakaupo sa may kama. “Hoy! A-anong ginagawa mo r-rito?!” halos mautal pang tanong niya. Nag-angat ng tingin sa kanya si Brenda matapos ng marahas na buntong-hininga. “Patingin ako ng kamay mo.” Kumunot ang kanyang noo. “Ha? Bakit?” “Basta.” Halatang hindi maganda ang mood ni Brenda kaya naman kahit nagtataka siya kung bakit hinihingi nito ang kanyang kamay, naglakad rin siya palapit sa dalagang diwata. Take note, nakatapis lang siya ng tuwalya sa ibabang parte ng kanyang katawan. Kaya nahihiya tuloy siya. Nang ilahad niya ang kanyang kamay, kaagad naman iyong hinawakan ni Brenda. “Ano ba kasing gagawin mo sa kamay ko?” takang tanong niya. Hindi sumagot si Brenda, tinitigan niya lamang ito–iyong mismong itim sa gitna ng kanyang palad. Sinubukang diinan ni Brenda ang parteng iyon kaya agad naman siyang napaigik sa sakit. “Sugat nga yata iyan, akala ko kanina dumi lang,” katwiran niya. “Hindi ito sugat, kaya masakit ito kasi dito lumabas ang kapangyarihan mo.” “Ha?” Nag-angat ito ng tingin sa kanya. “Bingi ka ba?” Hinatak niya naman pabalik ang kanyang kamay. “Ibig kong sabihin, paano mangyayaring may kapangyarihang lalabas d’yan kung wala naman akong superpowers?” Marahang tumayo si Brenda saka nag-angat ng tingin sa kanya. “Meron. Anak ka ng isang diwata at mangkukulam kaya imposibleng wala.” “Ha?” Imbes na ipaliwanag pa ni Brenda ang kung ano-ano pang gusto niyang malaman ay pinitik nito ang kanyang noo saka diretsong lumabas ng kanyang kwarto, iniwan siyang nakatayo, tulala at walang magawa. Hindi niya kasi maintindihan. Ang sabi sa kanya ng Lolo niya, ibabalik daw ang kapangyarihang inalis sa kanya. E wala pa namang ibinbalik kaya paano iyon nangyari? Imbes na kung ano-ano pa ang iniisip niya, nagbihis na lang siya at saka lumabas ng kwarto para dumiretso sa labas. Naroon si Ulysses, naghihintay, siya ang magdadala kay Johnson papunta sa kung saan pinatatawag siya ng kanyang Lolo. “Tayo na po,” ani Ulysses saka nauna nang maglakad. Tumango lamang siya saka sumunod na sa paglalakad. Pumasok sila sa elevator at pinindot naman ni Ulysses ang 12th floor. Nasa 5th floor ang kwarto niya kaya napaisip siya kung gaano pa ba kataas ang palasyo at kung ano-ano ang mga nasa iba pang floor. Habang nasa elevator, nag-uumpisa na siyang kabahan sa pwedeng mangyari. Sa mga pwedeng sabihin sa kanya ng Lolo niya. . . Pero ang lahat ng iyon ay sandali niya lang naisip nang bumukas na kaagad ang elevator at huminto sa 12th floor. Isang magarbo at malawak na silid ang bumungad sa kanya. Gold at white ang kulay ng mga dingding na may nakasabit na litrato ng tila ba mga nagdaang hari at reyna. Mahabang babasaging lamesa ang nasa gitna na may red carpet sa ilalim. Halos kainin na siya ng kaba nang makita ang lagpas yata sa sampu katao ang nakaupo sa upuan—nasa dulo si Haring Rajan. May mga nakabantay na guwardya sa likod ng bawat taong naroon. Lahat sila’y napalingon sa kanya at mabilis na nagsitayuan, tila nagagalak na makita siya. Sa tingin niya’y ito ang mga opisyales. Kasama roon si Brenda. “Maligayang bati, Prinsipe Johnson!” pagbati nilang lahat. Tanging si Haring Rajan lamang ang hindi tumayo para batiin siya. Dahil nahihiya siya sa ipinakita sa kanyang pagpupugay, nahihiya siyang yumuko at bumati rin. “Ngayon ka lang namin pormal na nakita at makakausap,” anang isang lalaki na siguro’y nasa edad trenta. Nakasuot ito ng pormal, diretso ang tindig nito. “Ako si Archer ang namumuno sa mga kawal ng Infinita.” Tumango si Johnson saka ngumiti, naiilang. Hindi niya mahanap kung ano ang sasabihin dahil wala siyang ideya. Ang buong akala niya nga’y ang kakausapin niya ay ang Lolo niya lang. “Ako naman si Laura, pinsan ako ng iyong Lolo,” sabat naman ng matandang babaeng siguro’y sing-edad lang din ng kanyang Lolo. Isa-isa silang nagpakilala sa kanya. Tama ang kanyang hinala na mga opisyal ang mga ito ng Infinita. Hindi lahat ng opisyal ay nakatira sa palasyo, iyon iba ay sa labas nakatira at dumayo lamang dito upang makita siya. “Maupo ka na,” utos sa kanya ng kanyang Lolo. Agad naman siyang tumango at naghanap ng mauupuan ngunit si Ulysses ang naghila ng upuan, sa may dulo katapat ng upuan ng kanyang Lolo. Medyo nahiya naman siya pero dahil mukha namang walang pakialam ang mga opisyales kung saan siya dapat maupo, naupo na lang din siya. “Kamukhang kamukha siya ni Lorena,” tila amazed na ani Rosal, isa sa mga nasa mid 40's na pinsan ng kanyang tunay na ina. “Tama ka r’yan, hindi mapagkakailang siya nga ang tunay na anak,” dagdag pa ni Archimedes, ama ni Archer. Tahimik lamang siyang nakaupo roon at hinayaan silang kung ano-ano ang mga sinasabi. Nahihiya siya pero kailangan niyang tiisin. Ano bang choice niya? “Umpisahan na natin,” tumikhin si Haring Rajan. Natahimik naman ang bulungan sa mahabang lamesa. Habang si Johnson ay halata ang kaba sa mukha. Sino ba ang hindi kakabahan kung nakatingin sa ‘yo ang hari na para bang nagbabanta? “Anak si Johnson ng anak kong si Lorena at ng witch na si Lizardo. Ang paki-usap ko sa inyo, walang lalabas na anak siya ni Lorena. Palalabasin nating anak siya ng anak kong si Lucas,” panimula ni Haring Rajan. “Pero matagal nang patay si Lucas, paano natin ipapaliwanag?” takang tanong ni Archimedes. “Hindi natin sasabihin kung ano ang tunay niyang edad. Ang lahat ng pag-uusapan natin sa loob ng silid na ito ay mananatiling dito lamang. Sa oras na may nakalabas, kilala n’yo ang pumasok sa silid na ito,” dagdag pa ni Haring Rajan. Hindi nagsalita ang lahat ng nasa loob ng silid. Tahimik silang naghihintay sa mga susunod na sasabihin ng hari. “Si Brenda at Archer ang aatasan kong magsanay kay Johnson. Nag-uumpisa na si Lizardo. Mukhang balak niyang sirain ang buong palasyo ng Infinita pati na rin ang nasasakupan nito. Kung mangyayari iyon, kasamang masisira ang kalikasan na nakapaligid sa Infinita, sa labas ng mundong ito. Ngunit hindi natin pwedeng asahan si Johnson para sa misyong ito. Alam natin na hindi pa bumabalik ang kapangyarihan niya.” “Hindi pa bumabalik ang kapangyarihan? E ano iyong nangyari kanina lang? Ang sabi nila’y ang Prinsipe ang gumawa no’n,” sabat ni Rosal. Napailing ang Hari saka ngumisi. “Imposibleng bumalik na ang kanyang kapangyarihan. Hindi ko po ‘yon ibinabalik kaya paano?” “May mga nangyari nang ganoon noon, Haring Rajan. Galing sa mundo ng mga tao, nang makabalik sa Infinita ay kahit hindi pa ibinabalik ng kumuha ay unti-unting nababalik nang kusa,” dagdag pa ni Archer. Hindi nakasagot ang Hari sa isiniwalat ni Archer. Napayuko na lamang siya saka napatingin sa kanyang palad. Maging siya’y hindi rin sigurado kung sa kanya ba galing ang kapangyarihan o hindi. Alam niya rin kasi na may kakaibang nangyari sa kanya kanina, hindi niya lang mapagtanto kung ano. “Ikaw Johnson? Sa tingin mo ba, nanggaling sa ‘yo ang kapangyarihang iyon?” Napaangat siya ng tingin nang ang Hari na mismo ang nagtanong. Natulala siya at hindi mahanap ang tamang sagot sa itinanong nito. Nakatingin din sa kaniya ang lahat ng opisyal kaya naman natatakot siyang baka magkamali siya ng sagot. Halatang umaasa ang mga ito, siya ang kanilang pag-asa. Paano kung ma-disappoint sila? “Madali lang namang malaman kung siya nga ba talaga ang may gawa o hindi.” Natigilan siya sa pag-iisip nang magsalita ang nananahimik na si Brenda. Napatingin silang lahat sa kanya. Habang si Johnson ay kinakabahan pa rin, natatakot na baka sa solusyon ni Brenda ay mas lalo silang ma-disappoint. “Matagal nang hindi nakakausap ang ilog ng nakaraan? Sa tingin mo ba’y sasagot pa siya?” negatibong sabat ng Hari. Halatang ayaw lang talagang tanggapin ng Hari na siya talaga ang gumawa no’n. “Hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan,” confident na sagot ni Brenda. Napilit ni Brenda ang lahat na magpunta sa ilog ng nakaraan para malaman kung talagang si Johnson ba ang gumawa ng himalang nangyari. Nasa unahan si Johnson katabi ng Hari habang naglalakad. Kasunod sila ng mga kawal na nagbabantay. Kinakabahan si Johnson habang katabi niya ang Hari pero hindi naman siya pwedeng magreklamo. Sa kanilang paglalakad, namamangha ang mga kasama nilang opisyales habang pinagmamasdan ang magandang tubo ng mga halaman. Kanya-kanya silang haka-haka, ni hindi manlang nahiya kay Johnson. Ang dami nilang sinasabi na medyo nakaka-hurt na para sa kanya pero wala nga siyang choice kundi ang tanggapin at saluhin lang ang mga iyon. Natigil ang usapan ng mga opisilyales nang huminto ang mga kawal sa tapat ng isang ilog. Ang ilog na iyon ay tila ordinaryo lamang. Malinaw ang tubig nito at may mga isdang lumalangoy at sobrang linis. Lumapit si Brenda sa tabing ilog, naupo saka sumalok ng tubig mula roon. “Kumusta?” tanong ni Brenda. Napalingon siya sa kanyang Lolo na ngayon ay seryosong nakatingin kay Brenda. Hindi niya mabasa ang mga mata nito, ngunit nakakatakot ang lamig na ipinapakita no’n. Walang naging reaksyon ang ilog sa pangungumusta ni Brenda. Kaya ilang saglit lang ay muli niya itong tinanong. “Kumusta ka?” ngayon ay may halong inis na ang pagkakatanong ni Brenda. “Matagal n’yo na akong inabandona? Bakit bigla kang mangungumusta?” “‘Di ba ganoon naman talaga? Kapag may kailangan, saka lang mangungumusta?” pang-asar na sagot ni Brenda. “Ang sama ng ugali n’yo,” anang ilog. Tumikhim ang Hari na nasa tabi ni Johnson. “May kailangan kaming malaman, tungkol ito sa pagkakaayos ng mga pananim, at ang himalang paghitik ng mga bunga.” Biglang natahimik ang ilog. Pare-pareho silang napasinghap nang biglang yumanig ang lupa, kasunod no’n ay kumulo ang tubig sa ilog. Tumayo si Brenda at umatras. “A-anong nangyayari?!” kabadong tanong ni Johnson. “Huwag kang mag-alala, lalabas lang ang diwata ng ilog na ito sa kanyang lungga,” sagot ni Brenda. Gaya nga ng sinabi ni Brenda, umahon ang isang diwata mula sa ilog ng nakaraan. Isa itong babaeng may kulay berde at napakahabang buhok. Maputla ang balat nito at basang basa ang katawan dahil sa tubig. Mabilis na dumapo ang tingin ng diwata sa kanya. “Siya ba ang susunod na Hari ng Infinita?” nakangising tanong ng diwata. Nahaluan ng pagtataka ang kaba ni Johnson. Sino ba namang hindi kakabahan kung nakasalalay sa diwatang kaharap niya ang kinabukasan niya sa mundong Infinita. “Siya ba ang bumuhay sa nasunog na taniman?” matapang na tanong ni Brenda. “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, pero gusto mong sagutin ko na ang tanong mo?” Nilingon ng diwata ng ilog si Brenda, halata amg pagkainis nito ngunit mukhang wala rin namang palag. “Sagutin mo ang tanong ko,” mariin at ma-awtoridad na sagot ni Brenda. Napangisi ang diwata ng ilog saka muling ibinalik ang tingin sa kanya. Sinuyod nito ang buo niyang katawan bago siya nito tinitigan sa mga mata. Sa pang-ilang beses na pagkakataon, hindi niya na naman alam kung paanong bigla na lang rumehistro sa kanyang utak ang nangyari kani-kanina lang. . . Isang eksena kung saan nakita niya ang liwanag na lumbas mula sa kanyang kamay, kasunod ng unti-unting pag-usbong ng mga halamang nasunog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD