Kabanata 26:
Mula sa kanyang memorya, kitang-kita niya kung paano lumabas mula sa kanyang palad ang liwanag, pakiramdam niya’y pilit na kumakawala ang liwanag na iyon mula sa kanyang palad kasunod ng pakiramdam na para bang mapupunit ang kanyang balat. Masakit iyon, tila hinihigop ang kanyang buong lakas. Hindi niya mawari kung anong pwersa ang lumalabas mula sa kanya. Hanggang sa kumalat ang liwanag sa paligid, ang liwanag na iyon ang nagsilbing araw sa mga halamang nasunog, ang liwanag na iyon ay nagsilbing gamot upang muling mabuhay ang mga halaman.
Ilang saglit pa ay bumalik na siya sa ulirat. Ngayon ay nakatingin na sa kanya ang lahat, naghihintay sa kanyang isisiwalat.
“Anong nakita mo, Prinsipe Johnson?” agad na tanong ng diwata.
Tumuon ang tingin niya sa mga mata ng diwata ng ilog. “A-ako nga yata ang may gawa. . .”
Umawang ang labi nito. “Nagdududa ka pa rin?” namamanghang tanong nito. Napapiksi pa siya nang hawakan ng diwata ang kanyang palad. Iyong palad kung saan nanggaling ang liwanag. “Dito nanggaling ang kapangyarihan mo.” Pinisil din nito ang palad niya na agad nagpa-igik sa kanya nang dahil sa sakit. Bumaling ang tingin ng diwata sa Hari.
“Kung gano’n, sa kanya talaga galing ang kapangyarihan?” tanong ng Hari.
“Oo, hindi ba dapat maging masaya ka? Kaya itong gawin ng iyong apo kahit hindi mo pa tuluyang ibinabalik ang kanyang kapangyarihan. Pero bakit parang dismayado ka yata?”
Hindi nakasagot ang Hari sa naging tanong ng diwata. Sa halip ay tumikhim lamang ito. “Kung gano’n, ibabalik ko na ang sampung porsyento ng kapangyarihan niya. Upang masimulan nang sanayin.”
“Bakit hindi mo na ibigay sa kanya ang lahat?” tanong ni Archer.
“Dahil hindi natin alam kung makokontrol niya sa oras na ibalik ko sa kanya nang buo.”
Sumang-ayon si Brenda sa desisyon ng Hari na huwag na munang ibigay ang lahat ng kapangyarihan ni Johnson. Hindi pa niya alam kung paano gumagana ang kanyang kapangyarihan, na naging dahilan kung bakit nagawa niya ito nang hindi niya nalalaman. Pwedeng sa susunod ay makasira siya, taliwas sa una niyang nagawa.
Matapos ang pag-alam kung siya nga talaga ang gumawa no’n sa taniman ay nagpaalam na silang lahat at kanya-kanya nang alis. Ganoon din si Johnson, ngunit binilinan siya ng kanyang Lolo na bukas ng gabi ay tuluyan na nitong ibabalik ang sampung porsyento ng kanyang kapangyarihan.
Kinagabihan ay hindi mapakali si Johnson sa loob ng kanyang kwarto. Kung ano-ano ang kinalikot niya para lang malibang siya, kasama na roon ang pagbabasa ng mga librong nakalagay sa shelves malapit sa closet. May mga libro roon na tungkol sa history ng mga diwata, tungkol sa mga kapangyarihan at kapangyarihan ng mga bawat pinuno. Hindi siya mahilig magbasa ng libro, ngunit dahil wala siyang magawa at curious din siya sa kung ano ang kapangyarihan ng mga nakalipas na Hari, napilitan siyang kunin ang libro at sinimulang basahin.
Doon niya nalaman ang mga kapangyarihan ng bawat pinuno sa Infinita. Kanya-kanya sila ng magagandang katangian. At mukhang hindi basta-basta ang mga pinunong ito. Kaya siguro ganoon na lamang ang dahilan kung bakit halatang ayaw sa kanya ng kanyang Lolo. Iyon ay dahil mukhang siyang lampa at si Brenda lang ang tumutulong sa kanya.
Una niyang nabasa ang pinakaunang naging Hari ng Infinita. Ang mundo ng Infinita ay walang laman noong una. Ang unang Hari ay nanggaling kay Haring Cain–siya ay galing sa kabilang mundo, sa mundo ng El Mar. Ang mundong ito ay binubuo rin ng mga diwatang taga-bantay naman sa gubat ng ibang lugar. Ang Infinita ay isang gubat sa Pilipinas, ang sila ang mga diwatang nangangalaga sa kanila.
Nakatulugan ni Johnson ang pagbabasa.. Nagising na lamang siyang masakit na ang kanyang leeg dahil nga pala’y nakayuko siya sa ibabaw ng lamesa na nakatulog. Naroon pa rin ang librong kanyang binabasa, sa lamesa.
Nakahawak siya sa kanyang leeg nang tumayo siya mula sa upuan. Ngayon ay naramdaman niyang hindi na lang ang leeg ang masakit, kundi maging ang likod niya. Sino ba naman kasi ang hindi mananakit ang leeg at likod kung natulog kang nakaupo, at nakayuko.
Dumiretso siya sa kama at nahiga nang naayos saka pumikit, ngunit hahatakin pa lang sana siya ng tulog nang bumukas bigla ang pinto. Pupungas-pungas ang mga mata niya saka siya bumangon at tiningnan kung sino iyon. Naroon na si Brenda, nakabihis.
“Ano pang hinihiga mo r’yan, bangon na!”
Napabalikwas naman ng bangon si Johnson pero kaagad rin siyang napahiyaw sa sakit dahil sa pangangawit ng leeg.
“Bakit?! Ano ‘yon?!” Mabilis na dinaluhan siya ni Brenda. Inalalayan siya nito para muling makaupo sa kama.
“Ang sakit ng leeg ko!” sagot niya. “Nakatulog kasi ako kagabi habang nagbabasa.”
Iiling-iling na hinawakan ni Brenda ang batok niyang hawak pa rin niya dahil patuloy sa pag-kirot. Naramdaman niya ang marahang paghaplos ni Brenda sa kanyang leeg. Kaya nakaramdam din siya ng kiliti. Napakislot siya dahil sa kiliting dulot ng paghaplos ng kamay ni Brenda.
“Huwag ka ngang malikot!” reklamo ni Brenda.
Sinubukan niyang huwag gumalaw pero nakikiliti talaga siya. Hinihilot ni Brenda ang batok niya pati na rin ang kanyang likod pababa hanggang sa balakang. Kalaunan ay nakaramdam siya ng ginhawa sa bawat haplos na ginagawa ni Brenda. Napapapikit pa siya at napapaungol pa talaga siya.
“Sarap na sarap, huh?”
“Mmm, oo.”
Natawa na lamang si Brenda sa isinagot ni Johnson. Napadilat si Johnson nang ma-realize niya ang sinabi niya. “A-ano, ano kasi–”
“Huwag ka nang magdahilan, alam ko naman.”
Hindi na siya nakasagot. Hinayaan niya na lang si Brenda na hilutin ang leeg niya pati na rin ang kanyang likuran. Hanggang sa unti-unting guminhawa ang kanyang pakiramdam.
“Okay ka na?” tanong ni Brenda.
Tumango siya at saka lumayo na kay Brenda. Pagharap niya rito’y nakita niya ang mukha ni Brenda na ngayon ay nakatitig sa kanya.
“A-ano ‘yon?” kabadong tanong niya.
Kumunot ang noo ni Brenda, umurong ito palapit sa kanya, hindi niya maintindihan. . . basta bigla na lang itong mas lumapit pa. Siya naman itong umatras.
“A-anong–ano? H-hoy!” nauutal na bulalas niya.
“Huwag kang malikot,” ani Brenda. Hinablot na lang nito bigla ang kwelyo ng suot niyang pantulog saka siya hinila palapit.