Kabanata 17:
Natulala si Johnson, bigla siyang kinabahan sa narinig niya mula kay Brenda.
“Anong ibig mong sabihin na may nakadiskubre na sa natutulog kong katawan?” takang tanong niya. Ngunit bago pa man siya sagutin ni Brenda, dumating na ang ipinaluto nitong pagkain.
Sunod-sunod na dumating ang limang babaeng kanya-kanyang iniwan ang mga platong may takip pa. Napalunok siya ng laway dahil sa excitement, sandaling nakalimutan ang sinabi ni Brenda. Nang matapos na sa paglapag ng mga pagkain ang mga taga-silbi ay nilagyan naman siya ng plato saka mga kubyertos.
“Buksan n’yo na,” utos ni Brenda.
Sabay-sabay na binuksan ng mga babae ang nakatakip sa bawat plato at halos takasan si Johnson nang bait nang makita ang laman ng bawat plato.
May dahon-dahon na hindi niya alam, parang vegetable salad. Iyong isa naman ay isda na maliit, parang kulang sa aruga. May manok pero parang sisiw lamang at mayroong prutas ngunit iilang hiwa lamang.
“Disappointed ka ba?” tanong ni Brenda.
Muli siyang napalunok ng laway. “H-hindi ah! Sanay naman na ako sa ganyang pagkain,” pagpapalusot niya. Pero totoong disappointed naman talaga siya. Ang inaakala niyang masarap na pagkain ay hindi pala totoo. Ngayon ay sure na sure na talaga siyang totoo ang lahat ng ito at hindi lang basta panaginip.
“Dahil natatakpan ang ulap ng itim na mahika ni Lizardo, hindi maayos na lumalaki ang mga alagang hayop maging ang mga halaman, pili lang ang napapatubo namin nang maayos,” ani Brenda. “Sa loob ng dalawampung taon, ganito na ang kinakain namin.”
Habang nakatitig sa mga pagkaing nasa harapan niya, bigla siyang nakaramdam ng awa sa mga diwata ng Infinita. Kung siya ay nahihirapan na sa tatlong taong gipit at hindi halos makakain nang masarap, paano pa kaya ang mundong ito na dalawang dekada nang nagtitiis?
“Gusto kong makita muli ang liwanag kagaya ng sa astral realm,” dagdag pa ni Brenda. “Naniniwala akong ikaw ang magiging daan para makita ulit iyon ng lahat.
Marahang tumango si Johnson saka nagsimulang kumain. Kahit na disappointed siya, ayos lang dahil masarap naman ang pagkakaluto nito. Mula noong mamatay ang kanyang mga magulang ay hindi na niya naranasang ipagluto ng ibang tao. Well, bumibili naman siya ng lutong ulam, pero iba pa rin talaga kapag niluto talaga sa loob ng bahay.
Tahimik na kumain si Johnson lalo pa at naiilang siyang nakabantay sa kanya ang mga taga-silbing babae. Naubos niya ang lahat ng iyon, nahihiya kasi siyang magtira. Isa pa, naiilang siya sa ibang klaseng tingin sa kanya ng mga babaeng nakabantay sa kanya.
Nang matapos siya sa pagkain, aakyat na sana siya pabalik sa kanyang kwarto pero niyaya siya ni Brenda na maglakad-lakad at magpahangin.
Lumabas sila ng palasyo mula sa ibang pinto bukod sa main entrance. Isang malawak na taniman ang bumungad sa kanya. Mayroong mga trabahador na nagtatanim at nag-aani ng mga pananim. Masayang nagkukwentuhan ang mga ito, pero napansin niyang halata mo pa rin ang lungkot sa kanilang mga mata, ni walang kakislap kislap.
“Dito ang taniman namin,” ani Brenda.
“Alam ko, halata naman.”
Biglang nakakita ng stars si Johnson nang hampasin siya ni Brenda sa likod ng ulo.
“Ang pilosopo mo!”
Hindi na lang siya sumagot habang hinihimas-himas ang likod ng kanyang ulo. Obvious naman kasing taniman, bakit sasabihin pa? Bakit nga kaya gano’n?
Nilibot nila ang buong taniman at tama nga ang sinasabi ni Brenda, kulang sa araw ang mga halaman at tanim.Halos hindi mamunga ang iba, mayroon pang lanta na, parang nasayang lang ang effort ng mga magsasaka. Nang makalampas sila sa taniman, tumingala siya sa langit. Maliwanag naman kahit na papaano, ngunit wala ang araw dahil natatakpan ng mga itim na ulap. Para bang ang itsura nito ay uulan.
Ilang saglit pang paglalakad ay dinala sila ng kanilang mga paa sa isang hardin. Halos madurog ang puso ni Johnson nang makita ang mga bulaklak na nalalanta, at hindi namumukadkad. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman. Ang lungkot tingnan ng paligid, na para bang pinagkaitan ng sigla.
Sa kanilang paglalakad, nakarating pa sila sa kulungan ng mga alagang hayop. Doon siya tuluyang bumigay. Ang mga hayop, nangangayayat na tila ba hindi pinakakain. Mayroong matataba, ngunit halatang pilit ang katawan ng mga ito. Maging sa komunidad kung saan nakatira ang iba pang mga diwata, nakakadurog ng puso. Magarbo kung titingnan ang mga bahay ngunit halata pa rin na may kulang. Mababakas ang ngiti ng mga bata habang naglalaro ngunit walang sigla ang kanilang mga mata.
“Hala! Huwag kayong makulit, nand’yan na ang apo ng hari!” narinig niyang sabi ng isang batang lalaki.
Kaagad siyang umiling saka lumapit sa mga bata. “Huwag kayong matakot, hindi ko kayo aawayin.”
Pero kahit na ganoon na ang kanyang sinabi, natahimik pa rin ang mga bata habang nakatayo sa isang tabi. Nginitian niya ang mga ito. Alam niyang creepy siya kung ngumiti pero kailangan niyang gawin upang hindi na matakot ang mga ito sa kanya. Ngunit tila ba mas natakot pa ang mga ito, mas lalong napaatras.
“Johnson, halika na. Tinatakot mo ang mga bata. . .” marahang tawag sa kanya ni Brenda.
Humugot siya ng malalim na hininga saka umatras. Wala naman siyang magawa kundi ang hayaan na muna ang mga bata, alam niyang wala pang tiwala ang mga ito. Nagpaalam na muna siya sa mga bata saka sila tuluyang tumalikod. Paalis na sana sila nang may biglang humawak sa kanyang kamay.
“P-prinsipe Johnson!”
Kunot ang noong nilingon niya ang bata, bumaba ang tingin sa maliit na batang nakahawak sa kanyang kamay.
“Tutulungan mo po kaming ibalik ang liwanag?” umaasang tanong ng bata.
Nginitian niya ito saka tuluyang humarap. Naupo siya para pantayan ang taas ng bata saka hinaplos ang kanyang mahabang buhok.
“Oo, tutulungan ko kayo.”
Tulala si Johnson sa pagtatapos ng kanilang paglilibot sa labas ng palasyo. Kung ano-ano na naman ang pumapasok sa isip niya. Marami ang bumabagabag, mga bagay na kailanman ay hindi niya inisip. Hindi siya nagkaroon ng kapatid na aalagaan, kapatid na mamahalin at poprotektahan. Ngunit ngayon, pakiramdam niya’y isa siyang Kuya ng lahat. Ang Kuya ng mga batang patuloy na umaasang masilayan ang tunay na liwanag.