Kabanata 3:

1095 Words
Kabanata 3: Ilang beses siyang kumurap pero hindi yata siya namamalikmata. Nakatingin talaga siya sa sariling katawan. Pero paano nangyari ito? Patay na ba siya? Nasa heaven na ba siya? Nandito ba ang mga magulang niya? Luminga siya sa paligid. Nasa kwarto pa rin naman siya at kitang kita pa rin ang makalat na paligid. Pero na-curious si Johnson kung bakit at paano siya nakalabas sa kaniyang katawan. Kaya lumabas siya ng kwarto para maghanap ng kasagutan. Ngunit laking gulat niya nang hindi kusina ang kaniyang nadatnan, kundi isang napakagandang gubat! Gubat na hindi naman niya alam kung saan. Hindi pa niya ito nakikita kahit sa T.V! Pero paano siya nakarating dito? Nagsimula siyang maglakad. Masyadong maliwanag at maningning ang mga naroon. Katulad na lang ng kakaibang puno na nakatayo malapit sa kaniya. Nang hawakan niya ito, mas lalo itong nagningning. Parang high definition picture, mas higher definition nga lang. “Ano ba ‘tong lugar na ‘to? Nasaan ba ako? May tao ba rito? Bakit parang ako lang mag-isa?” Ang daming tanong na bumabagabag sa kaniyang isip. Gusto niyang matuklasan kung ano pa ang nasa loob ng maningning na gubat na ito. Kaya naglakad-lakad pa siya. Hanggang sa kanyang paglalakad, naaninagan niya ang isang ilog. Namangha siya sa angking ganda nito kaya mabilis niya iyong tinakbo. Napasinghap siya sa ganda. Napakasariwa ng hangin, ang bango pa. Amoy sariwang dahon at tubig. Naupo siya at saka tumingin sa napakalinaw na repleksyon niya sa tubig. Panaginip yata ito, pero bakit parang totoong-totoo? Nang hawakan niya ang tubig, naramdaman niya pa ang lamig. Naupo siya at dinama ang preskong paligid. Ngayon lang siya nakapunta sa ganito kagandang lugar. Gusto niya sanang maligo, kaya lang ay natatakot siyang baka may kung ano sa ilalim. Ilang minuto siyang namalagi roon bago siya nakaramdam na tila may nagmamasid sa kaniya. Lumingon siya sa kaniyang likuran, pero wala naman. Nag-aalinlangang muli niyang ibinaling ang tingin sa ilog ngunit iba talaga ang pakiramdam niya, parang may nakatingin talaga. Agad siyang tumayo at lumingon muli sa likuran. Nahagip ng mga mata niya ang isang babaeng tumatakbo. Maiksi ang buhok nito at nakasuot ng pajama. “Miss! Sandali!” tawag niya. Pero parang wala itong balak na lumingon. Kaya hinabol niya ito. Takbo siya nang takbo, sinusundan ang babae. Pumasok ito sa isang bahay kubo kaya sinundan din naman niya. Papasok na rin sana siya sa loob nang biglang. . . “Huwag kang papasok!” Nanlaki ang mga mata niya nang may humawak sa kaniyang balikat. Sa gulat at takot, naisip niyang gusto na niyang umuwi. Bigla, tila hinigop siya ng malakas na pwersa. At sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata, nakabalik na siya sa kaniyang katawan. Hinihingal na bumangon si Johnson at pilit pinroseso ang nangyari sa kaniya kanina. Parang totoo, parang naroon talaga siya sa lugar na ‘yon! Nanaginip lang siya ‘di ba? Kasi nagising siya ngayon lang! Pilit niyang itinatak sa isip niya na panaginip lang ang nangyari. Pumasok siya sa trabaho na ang tanging goal ay mai-alis sa isipan iyong kakaibang panginip niya. Pero kahit na maraming beses na nawaglit iyon sa kaniyang isip, bumabalik-balik pa rin talaga. “Ba’t parang lutang ka yata Johnson?” takang tanong ni Jiji, isa sa mga baklang katrabaho niya. Umiling siya at saka muling ipinagpatuloy ang pagwawalis ng mga ginupit na buhok ng mga customer. Ayaw niyang banggitin sa kahit na sino ang tungkol sa panaginip niya. Alam niyang walang maniniwala. “Anong wala? Tingnan mo nga at halatang lutang ka. Iyong winawalis mo, pabalik-balik lang!" Napatingin siya sa winawalis at saka napailing. Hindi nga talaga nalalagay sa dustpan! Siguro para siyang tangang walis nang walis pero hindi naman nawawalis ang dapat walisin! Buong araw siyang lutang kaiisip sa nangyari kagabi kahit pa ilang beses niyang ipinaalala sa sarili na hindi na dapat niya alalahanin pa ang munting panaginip niyang iyon. Isa lang iyong panaginip kung saan nangyari ang gusto niyang mangyari. Ang makarating sa payapang lugar na pwede siyang makapagpahinga. “Johnson!" Hindi niya inaasahang maaabutan niya si Shanna sa tapat ng kaniyang bahay. May dala itong kulay asul na tupperware. Liligaya na sana ang puso niya kung hindi lang muling nanumbalik sa kaniyang alaala iyong nakita niya noong isang araw. “O?” Masungit na tanong niya at saka huminto sa harap ni Shanna. “Pinabibigay ni nanay, nakita niya kasing puro lutong ulam ang binibili mo kaya ayan.” Inabot nito ang tupperware habang ngiting ngiti. Nakalabas pa talaga ang mapuputi at pantay na mga ngipin. Lubog na lubog din ang dimple nito sa kaliwang pisngi. Paano kaya siya nito makaka-move on? Anak ng tokwa naman, o. Tumango siya, “s-salamat,” aniya. Malugod na kinuha niya ang tupperware saka pa-cool na dumiretso papasok sa bahay. Ngunit nang makapasok siya sa loob at naisara na niya ang pinto, napaupo siya at nailapag ang tupperware sa sahig. “Tangena,” mura niya, sapo ang dibdib dahil sa sobrang lakas ng pagkabog nito. “Mamamatay na yata ako dahil sa ganda ng ngiti niya.” Tila nawawala sa sariling anas ni Johnson. Bumuntong hininga siya at pilit ipinagdukdukan sa kukote na hindi kaniya si Shanna. Kinuyom pa niya ang kaniyang kamao sabay pukpok sa ulo, pero s’yempre mahina lang. Mahirap na, wala na ngang pera, masisiraan pa siya ng ulo. “May boyfriend na siya! Please Johnson, bumalik ka sa huwisyo!” Para siyang baliw na paulit-ulit iyong sinasabi habang pinupukpok ang ulo. Bumalik din naman siya sa katinuan. Kaya lang noong kinain na niya ang adobong manok na luto ng nanay ni Shanna, bumalik na naman sa isip niya si Shanna. Abnormal talaga! Nag-drama na naman tuloy ang puso niyang sawi. Kamuntik pa siyang maiyak, parang nasa teleserye lang ang tangang si Johnson na umibig ng walang kasiguraduhan. Matapos kumain at maligo, nagpasya siyang matulog na. Nahiga siya nang matiwasay sa papag, gusto na niyang magpahinga, makawala manlang sa mundong meron siya. At saka niya ulit naalala iyong panaginip niya kagabi. Inilagay ni Johnson ang mga kamay niya sa ilalim ng kaniyang ulo. Matutulog na siya at baka pwede pang ituloy ang panaginip niyang iyon! Naisip niya kasing mas maigi na gano’n ang panaginip niya. Para kahit manlang sa panaginip, nagkakatotoo ang lahat ng naisin niya… Kapipikit pa lamang niya nang makaramdam ng vibration sa kaniyang katawan. Pagkatapos, iyon na naman ang sandaling pagkahilo, hanggang sa iminulat niya ang kaniyang mga mata. Katulad ng nangyari kagabi… Naroon na naman siya sa kakaibang mundong hindi niya mawari kung totoo nga bang isa lang panaginip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD