Kabanata 4:
Walang pinagbago ang itsura ng gubat na napanaginipan niya. Lahat ng nakita niya, naroon pa rin ang mga ‘yon. Namamangha siya sa sarili niyang imahinasyon. Kung may talento lamang siya sa pagguhit, malamang ay iginuhit niya na ang lugar na ito. Napaka-out of this world kasi talaga ng lahat ng mga nakikita niya. Sigurado siyang walang ganitong gubat sa totoong mundo.
Sa paglalakad, naisip niya iyong babaeng nakita niyang pumasok sa kubo. Kaya sinubukan niyang hanapin ang kubong nakita niya kagabi. Bawat madaanan niya’y napapasinghap siya, paano ba nama’y kamangha-mangha ang paligid. Nagliliwanag ang bawat maapakan niya, tila nasa isa siyang fantasy movie na napapanuod niya lamang noon. Naiignorante si Johnson sa lugar na ito, estranghero siya sa malapantasyang gubat sa panaginip niya.
Huminto siya sa paglalakad nang makaharap ang kubo. Katulad kagabi, binalak niyang pumasok ngunit bago pa man niya maituloy, may pumigil na sa kaniya.
“Sinabi ko nang huwag kang papasok d’yan, e!”
Ngayon, hindi na siya natakot. Diretsong nilingon niya iyong babaeng nagsalita. Nangunot ang noo niya, nagtaka. Sino itong babaeng nakapasok sa panaginip niya? Tulad ng buong kapaligiran, pakiramdam niya’y totoong totoo ang babae. Ang ganda nito, maiksi ang pulang buhok at maputi. Kaya lang, mukhang masungit.
Ngumiti siya. “Ano naman kung papasok ako sa kubo na iyan?” tanong niya.
“Kapag pumasok ka riyan, hindi ka na makababalik pa sa katawan mo,” mataray na sagot nito.
“O? Paanong hindi na ako makakabalik e, panaginip lang naman ‘to?” panghahamon niya
.
Tila nagulat ang babae. “Wala kang ideya?” takang tanong nito. Hindi makapaniwala sa naging sagot niya.
Nagkibit-balikat si Johnson. “Na ano? Na panaginip ‘to? Alam ko ano ka ba!” Patawa tawa pa niyang sagot.
Napanganga ang dalaga, nakaukit sa mukha nito ang pangamba. “Kung hindi mo alam ang pinasok mo, gumising ka na.”
“Ayoko nga! Sa panaginip na nga lang nagkakatotoo ang lahat ng gusto ko, e.” Tinalikuran na niya ang babae, mukhang hadlang ito sa mga gusto niyang puntahan.
Ngayong kaya niyang managinip ng ganito, gagawin na niya ang lahat ng kaniyang gusto. Mabuti pa sa panaginip ay malaya siya, hindi katulad sa totoong buhay na parang may nakatali sa kaniyang invisible lubid!
“Isipin mong nasa kalye ka papunta sa bahay mo,” utos nito.
Tumigil siya sa paglalakad at lumingon sa babae. Nakasimangot pa siya dahil masyado na itong nagiging epal. Kasama ba talaga sa ganitong klaseng panaginip na may babaeng eepal-epal sa paligid? Kainis naman, o!
“Bilis! Isipin mo na!” utos nito sabay hawak pa sa braso niya. Feeling close lang?
Kahit na nalilito’y sinubukan niya. At sa isang iglap, nakarating nga sila sa kalye papuntang bahay niya! Gabi na at tahimik. Gulat na gulat siya sa nangyari. Alam niyang panaginip ito at kaya niyang kontrolin ang lahat pero hindi naman niya inakalang ganito ito ka-amazing!
“Naniniwala ka na?” tanong muli ng dalaga, payabang pa ang tono.
Binitawan niya ang kamay nito at mariing tinitigan. “Kung sino ka man na pumapasok sa panaginip ko na walang pahintulot, umalis ka na,” aniya.
Umirap ito. “Hindi nga kasi ‘to panaginip! Totoo ‘to! Nasa astral world ka!“
Natigilan siya. “Astral world?” takang tanong ni Johnson. Ngayon lang niya narinig iyon, a?
“Oo! Nasa ibang dimensyon ka. At ako rin, kaya huwag kang magtaka kung bakit narito ako.”
Pinagkrus ni Johnson ang dalawang bisig niya sa ibabaw ng kaniyang dibdib. Pinagloloko pa yata siya ng babaeng ‘to, a! Ibang dimensyon? So, ano ‘tong babaeng kaharap niya? Immortal?
“Nagpapatawa ka ba?” anas ni Johnson.
Umirap ang babae saka napailing. “Mukha ba akong joker?” Taas kilay na tanong pa nito. Mukhang seryoso pero baka talagang magaling lang manggoyo.
Nanliit ang mga mata niya saka pinakatitigang maigi ang dalaga. Bakit ba kasi nandito ‘to? Nagkibit-balikat na lang siya at muling tinalikuran ang babae, hindi na lang niya papansinin ang mga sinasabi nito. Mabuti pang makapaglibot sa paligid. Silipin niya kaya ang bahay ni Shanna?
“Hoy! Hintayin mo ako!” Humabol pa ang makulit na babae.
Hinayaan niya lang itong sumunod sa kaniya. Napakakulit talaga, pinipilit na nasa ibang dimensyon sila. Parang loka-loka.
Nang makarating sa tapat ng bahay ni Shanna. Tutal ay panaginip lang ito, sasamantalahin na niya. Hinawakan niya ang gate at akmang itutulak nang bigla na naman siyang pigilan ng makulit na babaeng sunod nang sunod sa kaniya.
“Saan ka pupunta? Huwag kang papasok!” saway nito.
Galit na nilingon niya ang babae. “Ang kulit mo talaga ‘no?”
“Hindi ako makulit! Sinasabi ko lang na kapag pumasok ka r’yan, baka hindi ‘yong crush mo ang makita mo!”
Nangunot ang noo ni Johnson. “At paano mo nalamang crush ko ang nakatira r’yan?” takang tanong niya.
Umirap ito. “Duh? Obvious naman!”
Nagtiim bagang siya. “Huwag ka ngang mangialam!”
Pinagkrus nito ang dalawang braso sa ibabaw ng kaniyang dibdib. “Ikaw ang bahala, kapag nakita mo ang mga nakatirang multo r’yan, huwag kang magsisisi, ha?”
“Multo? Naniniwala ka talaga ro’n?” natatawang tanong niya.
Nagkibit-balikat ang babae. “Bahala ka kung anong gusto mong paniwalaan.”
Ngayon, iyong babae na ang tumalikod sa kaniya at nag-umpisang maglakad palayo. Bigla tuloy siyang kinabahan sa sinabi ng makulit na babae. Nilingon niya ang bahay ni Shanna at sumulyap sa bintana.
Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. May isang babaeng nakasuot ng pangsinaunang panahon, magulo ang buhok, nanlalaki ang mga mata at nakangiti nang nakakapangilabot! Putangena! Ano ‘yon? Multo?
Napatakbo si Johnson sa babae sabay kapit sa braso nito. Sa isang iglap ay bumalik sila sa gubat.
Lumingon sa kaniya ang babae sabay ngisi. “Anong sabi ko sa ’yo? Meron ‘di ba?” Pang-aasar pa nito.
Bumuntong-hininga siya at saka binitiwan ang braso nito. Kailangan niyang magpalusot dahil kapag nalaman nitong tama ang sinabi niya, yayabang na naman at lalaki ang ulo.
“W-wala, a!” depensa niya.
Napailing ang dalaga saka nagkibit-balikat. “Totoong multo iyong nakita mo, maniwala ka na kasing nasa astral realm ka.”
Napaisip siya, unti-unting tinatanggap ng sarado niyang utak ang katotohanang baka hindi nga ito panaginip lang. Napangisi si Johnson dahil sa isang ideyang pumasok sa kukote niyang puno na ng lumot. Mabilis na hinablot niya ang kamay ng dalaga saka ito hinila palapit sa kaniya. Tila eksena sa isang k-drama na minsang napanuod niya sa T.V ng kapitbahay niyang adik sa mga oppa. “Try nga kung totoo talaga?” pilyong tanong niya.
Nanlaki ang mga mata ng babae nang bigla niyang halikan ang labi nito. Maging siya ay natigilan sa kaniyang ginawa. Malambot ang mga labi nito at ramdam na ramdam niya ang init. Napa-putangena siya sa isip niya, kasi f**k! Ano ‘to? Bakit parang totoo yata talaga ang mga ito?
Habang hindi pa siya nakaka-recover, naitulak na siya ng babae at malakas na sinampal siya sa kaliwang pisngi. Sa sobrang lakas, nagising siya sa katotohanang. . . umaga na.