Chapter 4

2419 Words
TINANGGAP ni Steve ang kamay na inaalok sa kanya ni Adam. Kaya naman niyang tumayo mag-isa pero hinayaan niyang alalayan siya nito. Pinaupo siya nito sa bench. Binigyan pa siya ng panyo. Kinuha naman niya iyon saka nilinis ang kanyang mukha. "Hindi ko alam kung ano ang nakain mo at kumuha ka ng isang baliw na assassin na uhaw pumatay," sabi niya. Nakatayo sa harapan niya si Adam. "Hindi ko alam na ganoon siya kabangis. Akala ko katulad siya ng mga assassins ni Daddy na humble at mabait sa personal," sabi nito. Ngumisi siya. "Walang mabait na assassin, baliw," aniya saka siya tumayo. "Na-interview ko si Albert tungkol sa buhay ni Ashea. Hindi naman daw ganoon dati si Ashea. Magmula noong pumasok daw sa military si Ashea ay naging matigas na ang puso nito. Ulilang lubos na siya at mag-isang nagtataguyod sa mga naiwang mga kapatid na ang isa ay may malalang karamdaman. Tumatanggap ng trabaho si Ashea sa mga private organization para pandagdag gastos sa paggamot ng kapatid niya. Natuto siyang pumatay noong pinagtanggol daw niya ang isang kaibigan na hinahabol ng mga sindikato. May abilidad siya sa martial arts dahil bata pa lamang siya ay tinuruan na siya ng ama niyang Japanese Martial Arts instructor. Hindi raw sapat ang kinikita niya sa military kaya siya nagsa-side line bilang assassin," kuwento ni Adam. Hindi siya kontento sa impormasyong narinig hinggil sa dalaga. "Hindi na mahalaga kung sino siya. Ang gusto ko lang ay maayos na maisagawa ang misyon," aniya. "Paano maayos ang misyon kung para kayong aso't pusa?" "Ewan, hindi ko alam. Bakit kasi sa dami ng puwedeng ipatira mo doon sa target ay ang isang 'yon pa?" reklamo niya. "So, ayaw mo sa kanya? Gusto mo bang palitan ko?" Tinitigan niya si Adam. Saka niya naisip na mahihirapan silang makahanap ng hitman na kayang pumatay ng malapitan. Sa kaso ni Nakama, kailangang babae ang papatay rito dahil iyon ang kahinaan nito. "Huwag mo siyang palitan. Gusto ko siya. Gusto ko siyang baguhin," seryosong wika niya. "Kaya mo?" "Wala ka bang tiwala sa akin?" "Siyempre meron, pero sa nakita kong kalagayan mo kanina, nag-aalala ako." Tumawa siya ng pagak. "Sa tingin mo ba basta akong mananakit ng babae? Nagtitimpi lang ako." "Pero sinira niya ang mukha mo. Hindi ka man lang gumanti. Kung ako sa kalagayan mo? Hindi makakatama ang paa niya sa akin, titihaya siya. Magigising siya kinabukasan na hubo't-hubad." "Gano'n din sana ang gagawin ko." "Pero hindi mo nagawa." "Hindi siya ordinaryong babae, Adam. Isa siyang alamat. Isang babaeng binalot ng bakal ang puso at isip na niluto ng pera at mga kamay na immune sa mantsa ng dugo. Alam ko'ng hindi madaling palambutin siya, pero walang matigas na tinapay sa mainit na kape, ika nga." Tumawa si Adam. Tinapik nito ang balikat niya. "Alam ko namang kaya mo, eh. Ang inaalala ko lang ay 'yang sandata mo sa baba, baka matamaan ng tuhod niya at bigla kang mabaog. Sayang ang lahi." Iyon din ang iniisip niya kanina kaya tudo protekta siya sa kanyang alaga. "Hindi niya magagawa 'yon. Baka ito pa ang magpapalambot sa kanya," aniya. Tumawa si Adam. "Mabuti kung gan'on. Sabihin mo lang sa akin kung kailangan mo ng trainer. Marami akong alam na strategy." "Gago. Anong akala mo sa akin, inotel?" Tumawa na naman si Adam. "Tara na nga." Nagpatiuna na itong lumabas. Bumuntot naman siya rito. DAY-OFF ni Albert kaya nagamit niya ang laptop nito. Pagkatapos ng tanghalian ay tumambay si Ashea sa sala at nagbukas ng kanyang f*******: account. Naka-online ang kapatid niyang si Ken. Nagbukas siya ng video call. "Kunichiwa! How's Kinuri?" bati niya sa kapatid. "He's fine. I'm just arrive from school. Tuition payment will start next week. I also need allowance," sabi ng kapatid niya. "Okay, I'll send you money. Just wait for my call. Can I talk to Kinuri?" "He's still sleeping. Grandma planning to visit Uncle Yasuka tomorrow in Osaca." "When she come back?" "I don't know. Uncle Yasuka confined in the hospital because of acute asthma. They need money." "Okay. I'll find ways. Don't leave Kinuri." "Okay. Take care of yourself. Don't overwork." Tumango siya. Pagkuwa'y in-off na niya ang video. Si Yasuka ay natitirang kapatid ng Papa niya, na walang asawa. Hindi alam ng mga kapatid niya kung ano ba talaga ang trabaho niya sa pag-uwi ng Pilipinas. Ang sinabi lang niya ay special mission iyon na order ng commander niya sa military. Ang problema, kapos na ang budget niya. Tulala siya habang nakatitig sa laptop. Mamaya ay dumating si Albert mula sa palengke. Namili ito ng gamit sa labada. Ibinaba nito ang nakasupot ng grocery sa sahig saka umupo sa katapat niyang sofa. "May problema ba?" tanong nito. Ibinaling niya ang atensiyon dito. Nakaisip siya ng paraan para kumita. "Albert, huwag ka nang umupa ng tagalinis at tagalaba. Ako na lang," aniya. Tumawa ng pagak si Albert. "Ano naman ang nakain mo?" "Wala. Gusto ko lang ng trabaho." "Kailangan mo ng pera, ano?" Lumabi siya. "Magkano ba?" pagkuwan ay tanong nito. "Medyo malaki." Kinapalan na niya ang mukha. "Wala akong milyones sa banko pero mapapahiram kita. Pero kung kulang pa rin, puwede kang mag-side-line sa station bilang asset. Mukhang matagal pa naman ang misyon ninyo. Matagal ka pang maging milyonaryo." "Ayaw ko maging asset. Wala ba kayong ibang target sa department ninyo?" Napalis ang ngiti ni Albert. "Alam mo sa totoo lang, hindi ako masaya sa trabaho mo, Ash. Hindi mo ito deserve. Nasaan ang pangarap mong maging sikat na gymnastic athlete?" May kung anong kumirot sa puso niya. Matagal na niyang kinalimutan ang pangarap na iyon magmula noong makarinig siya ng masakit na salita sa teacher niya. "Paano mo nakuhang mangarap na manguna sa gymnastic kung hindi ka marunong sumunod sa instructions? Ang tigas pa ng katawan mo! Dapat sa 'yo mag-aral nang mabuti at maipasa ang mga subjects mo! Wala kang mararating!" "Hindi para sa akin ang gymnastic. Wala nang kuwenta sa akin ang pangarap na iyon," sabi niya. "Tinalikuran mo lahat nang dahil lang sa isang trabahong mabilis ang pera pero madali ang buhay." Uminit ang ulo niya. Marahas siyang tumayo. "Sino ba ang may gustong mamatay kaagad na hindi pa nararating ang pangarap? Hindi ko naman pinangarap ang trabahong ito, eh," aniya habang nagpipigil ng emosyon. "Sorry. Nag-aalala lang ako para sa 'yo. Ayaw kong masira ang buhay mo." "Matagal nang sira ang buhay ko! Alam mo ba kung ilang buhay na ang dumaan sa palad ko? Halos wala nang paglagyan. Ang hirap sa inyo, hinuhusgahan ang katulad namin na hindi pa ninyo alam kung bakit kami nasa ganitong posisyon!" matapang na pahayag niya. Kinuha niya ang kanyang cellphone saka lumabas ng bahay. "Ash!" Hinabol siya ni Albert pero mabilis siyang nakasakay ng taxi. Gusto niyang umiyak pero walang luhang lumalabas sa mga mata niya. Naiipon lang ang sakit sa kanyang puso. Paikot-ikot lang sa Mabini si Ashea hanggang sa dumilim. Pagsapit ng alas-siyete ng gabi ay pumasok siya sa isang bar. Marami nang tao sa loob at mayroong live band. Hindi man lang siya nakapagbihis. Gulanit na maigsing maong pants lang ang suot niya at puting T-shirt na fit sa kanya. Umupo siya sa stool sa tapat ng counter. Bumili siya ng isang basong beer. Humingi siya ng mainit na tubig saka inilagay sa binili niyang Japanese cup noodles na may kasamang chopstick. Iyon na ang hapunan niya. Kinain muna niya ang noodles bago unti-unti niyang inuubos ang laman ng baso niya habang nakatingin sa bandang tumutugtog. May mga sumasayaw sa gitna. Sa gawing kaliwa ng stage ay may mga mesa para sa mga VIP costumers. Nabaling ang tingin niya sa matandang lalaki na puno ng alahas ang katawan. May dalawang babae na humihimas sa dibdib nito. May nakapaligid dito na malalaking kalalakihan. Pamilyar sa kanya ang matanda. Hindi lang niya maalala kung saan niya ito nakita. Tumayo siya at humakbang palapit sa puwesto ng mga ito. Habang palapit siya ay unti-unti niyang naaalala ang matanda. Si Mr. Arnoldo Guerrero, ang taong pumatay sa lolo niya na ama ng kanyang ina. Ito ang dahilan kung bakit naghirap sila at napilitang bumalik sa Japan. Fifteen years old siya noong nakita niyang pinatay ang Lolo niya sa loob mismo ng auto shop nila. Kinabukasan ay nasunog ang shop nila. At sigurado siya na ito rin ang nagpasunog niyon. Mahigpit itong kalaban ng Lolo niya sa negosyo at matagal na nitong gustong bilhin ang area nila pero hindi pumapayag ang Lolo niya. Nagdilim ang isip niya. Wala siyang ibang naisip kundi patayin ang taong itinuring niyang sanhi ng kanilang pagdurusa. Itinapon niya sa basurahan ang basyo ng cup noodles pero itinira niya ang isang chopstick. Saktong tumayo ang target. Sa likuran ng target ay nakita niya ang lalaking nagtatago sa poste. Nasipat niya ang dulo ng baril nito na nakatutok sa kanyang target. Isa rin iyong hitman malamang. Hindi siya papayag na maunahan siya nito. Inilugay niya ang mahaba niyang buhok saka ginulo upang hindi siya makilala sakaling tutukan siya ng CCTV footage. Nang lumapit sa maraming tao ang target upang lapitan ang isang babae ay dagli niya itong nilapitan. Saktong nasa harapan na siya nito ay mabilis niyang itinusok sa kaliwang dibdib nito ang hawak niyang chopstick, kasabay ng gigil niyang puwersa upang mapunit ang damit nito at deretsong bumaon sa balat nito ang may katulisang dulo ng chopstick. Nai-sentro niya iyon sa puwesto ng puso nito. Naibaon niya ang kalahati ng mahigit isang dangkal na chopstick sa dibdib nito saka niya pinihit paikot. Dikitan niya iyong ginawa at sa loob lamang ng limang segundo. Hinugot din niya kaagad ang chopstick. Nagkagulo ang mga tao. Inihagis niya sa basurahan ang chopstick na puno na ng dugo. Pagkuwa'y pumasok siya sa banyo. Tiniyak niyang walang tao. Naghugas siya ng kamay. Pagkatapos ay lumabas na siya ng bar na iyon. "WHAT?!" gulat na tanong ni Steve sa kaka-report niyang tauhan. Nagkita sila sa kanyang inuupahang condo unit sa Quezon city malapit lang sa branch office ng WHO. "Yes, sir. Naunahan ako n'ong babae," sabi ni Bert, na in-hire niyang hitman. Pabalik-balik siya ng lakad. Nasa sala sila. "Ano'ng hitsura ng babae? Naka-disguise ba siya?" usisa niya. "Hindi, eh. Para lang siyang napadaan sa bar. Mahaba ang buhok niya na magulo. Pero nakita ko na siya bago pa siya nakalapit sa target. Medyo matino pa siyang tingnan noong una. Mukha siyang haponesa. Baka strategy lang niyang guluhin ang buhok niya para hindi siya mamukhaan sakaling tamaan ng CCTV footage. Hindi ko nga nakita kung paano niya napatay ang target nang ganoon kabilis." "Haponesa?" untag niya. "Opo. Ang bilis niyang kumilos. Sinaksak niya sa dibdib ang target ng kung anong matulis na bagay. Ang bilis niyang nakatakas na walang nakakahalata. Hinanap ko siya pero nawala na." Umiikot lang ang isip niya sa sinabi nitong haponesa. Ang wild strategy na ginawa niyon ay mukhang kilala niya. "Sorry, sir, nabigo ako," ani Bert. "It's not your fault. Hindi bale, sa atin pa rin mapupunta ang reward. Siguruhin mong walang ibang nakakaalam na may ibang pumatay kay Mr. Guerrero. Ang alam ng kliyente, tayo lang ang may hawak sa kaso." "Sigurado po kayo? Paano kung magpaimbestiga sila?" "Sigurado ako. Mas mabuti na iyon para hindi tayo madawit sakaling may mali sa ginawa ng assassin na iyon. Kung magpapa-imbestiga ang kliyente, mahihirapan din silang matukoy ang killer. Huwag kang mag-alala, mababayaran pa rin tayo ng kliyente. Isa sa top list si Mr. Guerrero ng mga most wanted na sindikato sa bansa. Sa dami ng koneksiyon nito ay hindi na ito masupil ng batas dahil lahat ng nasa government task force agency na nagtatangkang humuli rito ay napapatay ng mga tauhan niya. Kaya nagpasya ang task force agencies na patungan na ng salapi ang ulo nito. Kaya huwag tayong magtaka kung bakit may sumulpot na ibang killer," paliwanag niya. "Hindi po kaya isa lang sa tauhan ng ROX alliance ang babaeng iyon? Strategy nila iyon. Ang patayin ang kaalyado nila na nangangamoy na sa batas para manatiling malinis ang operasyon nila." "May point ka." Pero ang totoo, may ideya na siya kung sino ang assassin na nakialam sa operasyon ng grupo niya. Kailangan lang niya ng sapat na ebidensiya. Nang umalis na si Bert ay nagbukas siya ng kanyang laptop. Ni-review niya ang binigay sa kanya ni Bert na memory mula sa spy watch nito. Nakatutok ang video nito sa target habang naghahanap ng tiyempo na mabaril ang target. Maliwanag ang kuha ng video. Nakita niya ang target na naglakad sa gitna ng dance floor ng naturang bar. May sasalubungin itong babae na may dalang baso ng inumin. Nang malapit na ito sa babae ay may isang babaeng dumaan sa gitna ng mga ito. Napakabilis ng pangyayari. Bigla na lang bumagsak sa sahig ang target. Nagkagulo ang mga tao kaya mabilis nawala ang babaeng dumaan sa harapan ng target. Inulit-ulit niya ang video na nai-slow motion niya. In-stop niya ito nang pumagitna na ang isang babae. Saka niya nai-zoom. Magulo ang buhok ng babae at may ilang hiblang nakatakip sa mukha nito kaya hindi niya masyadong namukhaan. Pero ang sabi ni Bert, nakita nito ang mukha ng babae noong papalapit pa lang ito sa target. Hindi lamang iyon nahagip ng video dahil sa target nakatutok ang video. Hindi siya tumigil. Inulit niya ang video hanggang sa mapamilyar sa kanya ang bulto ng babae. Hindi pa siya nakontento. Kinabukasan pagdating niya sa station ay nagtawag siya ng artist at pina-report si Bert. Pinaguhit niya sa artist ang diskripsiyon ni Bert sa assassin na sinabi nito. Medyo malabo pa rin ang resulta. Hindi siya makakatrabaho nang maayos hanggat hindi niya nalalaman kung sino ang nakialam sa trabaho nila. Sa oras ding iyon ay nakatanggap siya ng imbitasyon mula sa task force agency na nagbigay ng order na patayin si Mr. Guerrero. Natanggap na rin ng mga ito ang balita tungkol sa pagkamatay ng target. Pero nagduda ang mga ito na maaring tauhan ng ROX Alliance ang pumatay sa target at hindi ang hitman nila. Ni-review kasi ng mga ito ang kuha ng CCTV footage ng naturang bar. May nakuhang ilang ebidensiya sa basurahan na maaring ginamit sa pagpatay sa target. Nahirapan din ang grupo na makilala ang babaeng nakita sa video na siyang pumatay sa target. Ayon sa autopsy report, tinusok ng matulis na bagay sa kaliwang dibdib at tinamaan ang puso nito na naging sanhi ng pagkamatay nito. Kaya alam ng task force agency na hindi hitman niya ang pumatay sa target dahil walang nakuhang bala ng baril sa katawan ng target. Obvious na hindi basta-bastang assassin ang pumaslang sa target. "Kainis!" nanggagalaiting sabi ni Steve pagbalik niya sa kanyang opisina. Dahil sa nangyari ay kalahati na lang ang ibabayad sa kanila ng agency. Binigyan pa siya ng bagong trabaho. Ang alamin kung sino ang assassin nang masiguro kung anong grupo ang kinabibilangan nito. Maari raw iyong makaapekto sa masusing pag-iimbestiga sa matinik na sindikatong ROX alliance. Ayaw niyang masira ang magandang record niya dahil sa kapalpakang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD