"BIGLA kang nawala kanina sa beach, ah," sabi ni Albert.
Narinig ni Ashea ang sinabi nito pero hindi niya pinansin. Kumakain lang siya. Pasado alas-diyes na ng gabi kaya sila na lang ang naroon sa restaurant ng resort. Hindi pa rin mawaglit sa isip niya ang ginawa sa kanya kanina ni Steve.
"Sa totoo lang, hindi ako sanay kumain nang ganito kagabi," ani Albert.
"Sana hindi mo na lang ako hinintay," aniya.
"Baka magtampo ka naman kung hindi kita hinintay."
"Mas sanay akong kumain mag-isa."
"Obvious naman. Ang laki talaga ng ipinagbago mo, Ash."
"Naging practical lang ako."
"Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na isa kang assassin. Ini-imagine ko pa lang kung paano ka pumatay ay kinikilabutan na ako."
"Hindi mo pa kasi nasubukan kaya ka natatakot. Kaming mga sundalo, kapag isang beses nakapatay, parang nalululong, naghahangad pa ng kasunod," aniya.
"Ibang klase ka. Ang angas mo."
Hindi na siya nagsalita. Hindi na rin siya kumain nang mamataan niya ang kakarating na lalaki. Si Steve. Nahagip siya ng paningin nito pero kaagad din itong umiwas at dumeretso sa bar counter at umupo. Sinundan niya ito ng tingin.
"Kilala mo ba siya?" tanong niya kay Albert.
Tiningnan din ni Albert si Steve. "Si Steve Hartnett, isang Filipino-Spanish-American. Hindi ko alam kung ilang lahi pa meron sa dugo niya. Pinay ang nanay niya at Spanish-American ang tatay, na dating US army. Kaibigan siya ni boss Adam. Naging magkaklase sila noong high school. Dati siyang US marine," sabi ni Albert.
Tama ang hula niya. "Bakit siya umalis sa serbisyo?"
"Hindi ko alam. Hindi siya nakukuwento masyado. Iilan lang ang alam ko tungkol sa kanya. Bilang lang ang taong pinapakisamahan niya sa station."
"Hindi ba kayo close?"
"Hindi. Magkaiba ang mga kasong hinahawakan namin. Isa pa, magdadalawang buwan pa lang siya sa WHO."
"Kaya pala mayabang, kadikit ang boss," komento niya.
Tiningnan siya ni Albert. "Bakit, may problema ka ba sa kanya?" usig nito.
"Hindi ko gusto ang ugali niya."
Ngumisi si Albert. "Hindi mo lang siya kilala. Subukan mong makipagkaibigan sa kanya. Malalaman mo kung bakit ganoon ang ugali niya."
"Hindi ako interesado."
"Ikaw lang ang babaeng nakilala ko na hindi nagkakainteres sa lalaki. Kaya hindi ako magtataka kung bakit single ka pa rin hanggang ngayon. Twenty-eight years old ka na 'di ba? Lalagpas ka na sa buwan ng February," tila nang-uuyam pang sabi nito.
"Sa tingin mo ba may lalaking tatanggap sa akin sakaling malaman nila na isa akong killer?" wika niya.
"Meron siguro."
"Wala."
Tumawa ng pagak si Albert. "Kung gugustuhin mong magustuhan ka ng lalaki, marami kang puwedeng gawin," sabi nito.
Hindi siya naniniwala sa true love. "Ang sabi nila, kapag tinamaan ka ng true love, kahit ano pa ang pagkatao ng taong mahal mo ay tatanggapin mo," sabi niya.
"Oo. Pero depende rin siguro."
"Hindi totoo 'yon."
Magmula noong iwan siya ng kauna-unahang lalaking minahal niya ay hindi na siya sumubok magmahal. Hindi na siya naniniwala na kaya siyang paligayahin ng pagmamahal. Three years niyang naging kasintahan si Rio, na isang American-Japaneses at isang public prosecutor. Simula noong nagkarelasyon sila ay nagsimula na rin siyang pumasok sa pagiging assassin. Inilihim niya sa binata ang tungkol sa side line niya. Hanggang sa magkita sila sa isang event na dinaluhan nito, at sa event na iyon ay may papatayin siyang target. Si Rio ang nakakita sa kanya na harap-harapang pinatay ang target gamit ang chop stick na itinusok niya sa puso nito.
Nagalit sa kanya ang binata at itinakwil siya.
"Watashi wa anata ni shitsubō shita, Ash! Watashi wa hanzai-sha o aishiteita koto o kōkai shimashita. Watashi kara hanarete kudasai!" (I was disappointed in you, Ash! I regretted that I loved the criminal! Please, stay away from me!)
Sariwa pa sa isip niya ang mga sinabi ng binata, na labis na dumurog sa kanyang puso. Pilit niyang iniwasan ang patagong trabaho ngunit ang tukso ay lumalapit. Habang inaasam niyang magbagong-buhay ay lalo naman siyang ginigipit ng tadhana. Nawala ang mga magulang niya, nagkasakit ang kanyang kapatid at naglaho lahat ng negosyo nila. Kaya lalo lamang siyang kumapit sa patalim. Itinuloy niya ang pagsusundalo upang lalong tumigas ang puso niya.
HABANG hinihintay ang takdang panahon para sa misyon ay nilubos ni Ashea ang mga araw na malaya siyang nakakagalaw sa loob ng WHO. Sa sumunod na Linggo ay dinala naman siya ni Albert sa main office ng WHO sa Tagaytay.
Namangha siya sa luwag ng lupain. Maraming pasilidad sa loob. Dumaan lang sila sa gusali kung saan umano ang main office. Dahil Linggo, walang nagtatao sa opisina pero tadtad ng CCTV footage. Sumakay sila sa motor siklo patungo sa sinasabi nitong training ground ng mga agent at gustong maging asset. Huminto sila sa tapat ng malaking gate.
"Ano'ng meron sa loob?" tanong niya.
"Nariyan sa loob ang martial arts court, fitness gym at firing range. Kapag ganitong Linggo ay maraming tao. Mga empleyado silang lahat," sabi ni Albert.
Pumasok na sila. Maluwag sa loob. May mga nakikita siyang nagsasanay ng martial arts na halos puro mga babae.
"Collection ba ni Adam ang mga babae?" usisa niya habang naglalakad sila sa hallway sa may gilid ng court.
"Karamihan sa mga 'yan ay biktima rin ng pang-aabuso. Sila ang mga asset namin."
"Ang babagal kumilos," komento niya.
Ngumisi si Albert. "Huwag mong ikumpara ang husay mo sa kanila. Gusto mo ba ng combat?"
"At sino naman ang makakalaban ko?"
"Mamili ka sa kanila."
"Nakakawalang-gana. Gusto kong humawak ng baril," sabi niya.
"Sige, doon tayo sa firing range. Naroon din ang mga iba't-ibang deadly weapons na ginagamit ng mga hina-hire naming assassin. Puwede kang mamili roon."
Excited na siyang makita ang lugar. Sa dulong bahagi ay may nakita siyang pababang daan. Nagustuhan niya ang ideya ng underground firing range. Pagdating nila sa ibaba ay maraming nagsasanay bumaril. Karamihan mga lalaki. Maraming dibisyon ang lugar. Naroon din daw ang fitness gym at martial arts room na para sa lalaki.
Namangha siya sa mga klase-klaseng baril na nakasabit sa dingding. Halatang bago lahat. Kumuha si Albert ng napili nitong baril. Kinuha niya ang kalibreng kuwarenta y singko. Sawa na siya sa long barrel gun na madalas nilang ginagamit sa detachment. Naghanap siya ng puwesto na may nakahandang mga target.
Kinargahan niya ng bala ang baril saka inasinta. Unang labas ng bala ay sapol sa mata ang target na may sampung dipa ang layo mula sa kanya. Wala siyang sinayang na bala. Lahat tinamaan sa vital points. Biglang tumahimik.
"Nice shot," wika ng boses lalaki.
Awtomatikong hinarap niya ang nagmamay-ari ng tinig. Nakita na naman niya ang kinaiinisan niyang lalaki. Nakatayo ito sa harapan niya may isang dipa ang pagitan sa kanya. May hawak din itong baril. Isang sniper ripple. Pumuwesto ito sa tabi niya saka inihanda ang baril sa pagtira. Target nito ang pinakamalayong puwesto ng target. Hindi nito ginamit ang teleskopyo pero nang pakawalan nito ang bala ay sapol sa kaliwang dibdib ang target.
"Sa pag-asenta, hindi kailangang ubusin mo ang balang meron sa baril mo para mapatay ang target. One shot, one kill. Minsan kasi kapag masyado kang maraming bala, lalo ka lang matutuksong bumaril hanggang sa kung kailan nasa tamang puwesto na ang target ay wala ka nang bala," sabi nito.
"Huwag mo akong pangaralan. Alam ko 'yan. At sino ang maniniwala sa 'yo na maagang tinalikuran ang pagsusundalo?" aniya.
"Huwag mo akong husgahan dahil hindi mo pa alam ang kuwento ko."
"Wala akong interes sa kuwento mo."
"E bakit pinipilit mong pag-usapan ang tungkol sa pagtalikod ko sa trabaho ko? It's none of your business." Hinarap siya nitong muli.
"Magyabang ka kung gamay mo na lahat ng baril. Ni hindi ka siguro nakatikim ng rango."
"Hindi kailangan ng rango o husay sa paghawak ng baril. Ang mahalaga, may napatunayan ka."
Hindi na siya kumibo. Iniwan na niya ito. Ibinalik niya ang baril saka naglibot sa ibang pasilidad. Natagpuan niya ang kuwarto para sa deadly weapons. May mga ginawa ring training area na may nakahandang target. Pero wala siyang nakitang tao roon. Iba't-ibang uri ng deadly weapon ang nakikita niya pero ang hinawakan niya ay ang star blade. Ang sandatang iyon ang una niyang natutunang gamitin. Sampung taon pa lamang siya ay tinuruan na siya ng Papa niya kung paano iyon gamitin. Inipit niya sa kanyang mga daliri ang dalawang star blade.
"Alam mo bang gamitin 'yan?"
Nang marinig niya ang pamilyar na boses na iyon ng lalaki ay naihagis niya ang star blades sa direksiyon kung saan niya nahimigan ang tinig nito. Saka niya ito hinarap.
"s**t!" bulalas ni Steve matapos maiwasan ang tira niya. Dumikit sa likod ng pinto ang dalawang star blades.
"Mabilis ka rin palang umilag," kaswal na sabi niya.
"You b***h! Ano ba ang problema mo?" galit na sabi nito saka siya sinugod.
Itinulak siya nito sa puno ng dibdib. Napaatras siya. Dumikit ang likod niya sa dingding. Ikinulong siya nito sa mga bisig nito. Nang ilapit nito ang mukha sa kanya ay iniangat niya ang kanyang kaliwang tuhod saka hinataw ang sikmura nito.
"Aghr!" daing nito nang mapaupo ito sa sahig.
Tumayo siya ng tuwid sa harapan nito. "Huwag mo sabihing hindi ka pumapatol sa babae. Paano kung patayin kita ngayon?" aniya.
"Pumili ka ng matinong biro," sabi nito. Umikot ang isang paa nito at pinatid ang mga paa niya.
Humilagpos siya sa sahig. "Agr!" daing niya.
Nakabangon ang binata. Mabilis din siyang bumangon at pumuwesto. Ihinanda niya ang mga kamay sa pagsugod. Nakatayo lang ang binata ng ninety-degree position.
Nang sugurin niya ito ng suntok ay nailagan nito ang kamay niya. Pero iniangat niya ang kaliwang paa niya at sinipa ito sa sikmura. Napaatras ito nang ilang hakbang pero nanatiling nakatayo. Naiinis siya. Puro ilag lang ang ginagawa nito. Muli niya itong sinugod ng magkasunod na suntok na pinapasundan ng sipa pero sinasangga lang nito ang mga kamay at paa niya.
"Huwag mo akong piliting labanan ka!" nairitang sabi nito.
Nakakuha siya ng tiyempo nang nagsalita ito. Sapol ng kanang paa niya ang baba nito. Tumalsik ito sa sulok ng dingding. Nang muli siya nitong tingnan ay dumaloy na ang dugo mula sa ilong nito.
"Ayaw ko ng mahinang kasama sa trabaho. Kung gusto mong magtagumpay sa misyon, patigasin mo ang puso mo! Sa Japan, hindi basta kumpiyansa sa mga babae ang mga lalaki. Dahil karamihan sa mga babae ay sila pa ang mahuhusay sa pakikipaglaban. Ginagamit ng mga leader ng sindikato ang mga babae bilang pain sa target dahil alam nila na karamihan sa mga lalaki ay humihina pagdating sa babae," aniya.
Tumayo si Steve at marahas na pinahid ng kamay ang dugo sa ilong at bibig. "Puwes, wala ka sa Japan. Nandito ka sa Pilipinas kaya mag-adjust ka. Pero kung talagang gusto mo ng sakit ng katawan, pagbibigyan kita. Hindi ako papayag na isang hamak na babae ang sisira sa mukha ko," palaban nang sabi ito.
Tumawa siya ng pagak. "Siguraduhin mong matatalo mo ako kung ayaw mong wasakin ko 'yang maganda mong mukha," hamon niya saka humanda sa muling pagsugod.
Sa wakas ay pumuwesto rin ito. Ikinuyom nito ang mga kamao. Hindi niya alam kung ano ang style nito sa pakikipaglaban pero natitiyak niya na mahinang klase iyon. Talagang gusto nito na siya ang unang sumugod.
Iniangat niya ang kaliwang paa saka itinama sa dibdib nito pero mabilis nitong nasalo ang paa niya. Itinulak siya nito saka siya sinugod ng magkasunod na sundtok pero nakailag siya. Pinatid kaagad niya ang paa nito. Nawalan ito ng balanse. Bago ito bumagsak sa sahig ay sinalo na niya ng kanang binti ang katawan nito saka susuntukin sana sa mukha pero nahuli nito ang kamay niya.
"Not this time, baby," sabi nito saka rin hinawakan ang kanang binti niya na nakabalandra sa katawan nito.
Hinila nito ang paa niya saka siya inihiga sa sahig. Hindi siya nakabangon nang idagan nito ang buong bigat sa kanya habang gapos ang mga kamay niya sa kanyang uluhan.
"Kung balak mo rin lang wasakin ang mukha ko, papakinabangan na muna kita," pilyong sabi nito at akmang hahalikan siya sa labi ngunit inihataw niya ang kanyang ulo sa ulo nito.
"Arhg!" daing nito.
Itinulak niya ito sabay sipa sa puson nito. Bumulagta ito sa sahig. Nilapitan kaagad niya ito saka tinapakan sa tiyan.
"Aw! s**t!" magkasunod na daing nito.
"Hindi ka pasado sa akin. Ang mabuti pa, huwag ka nang magpumilit na sumama sa misyon. Panggulo ka lang," sabi niya.
Nagawa pa nitong ngumiti. "M-Masyado kang mayabang," sabi nito.
Idiniin pa niya ang paa sa puson nito.
"Ughh!" sigaw nito.
"Ashea! That's enough!" awat ng matapang na tinig ng lalaki.
Napatingin siya sa kabubukas na pinto. Inalis niya ang paa sa puson ni Steve nang makita niya si Adam, suot ang martial arts combat suit nito na kulay itim. Walang imik na iniwan niya ang kanyang kalaban.
Lalabas na sana siya pero hinarang siya ni Adam sa pinto. "Please lang, huwag kang magkalat dito. Kung naiinip ka, sumali ka sa martial arts tournament, huwag 'yong ginagawa mong punching bag ang pinakaguwapo kong agent," sabi ni Adam.
Nainis lamang siya sa sinabi nito. "Sorry, sir," aniya. Sandaling sinipa niya si Steve saka tuluyang umalis.