TEN

2022 Words
Kinabukasan ay maaga muli akong umalis ng bahay. Saktong ika-anim ng umaga nang nakarating ako sa university. Literal na wala pang estudyante akong nakakasalubong kahit dito sa hallway. Maging iyong security guard sa labas ay inaantok pa kaya pinapasok na lang ako kanina nang hindi tinitingnan ang id ko. Mga ganitong oras pala tahimik ang school. Siguradong mapapadalas ang pasok ko ng maaga.     Tahimik akong pumasok sa loob ng Bronze section, at halos mapanganga ako nang makita kung gaano kagulo sa loob. Wala sa ayos ang mga upuan, hindi pa nabubura ang mga sulat sa whiteboard na kung anu-ano lang naman. Napapakamot din ako sa ulo sa nakikita kong mga papel na kinuyumos na nagkalat sa sahig. Mga balat ng kendi at tsokolate na siningit lang sa mga upuan. Maliit lang ang bahay ko pero kahit kailan ay hindi umabot sa ganitong kadumi. Sa mga ganito ako madalas mag-init ang ulo. Sino ba ang tatagal kapag ganito karumi ang silid?     Pabalibag kong ibinagsak ang bag ko sa upuan ko sa likod at naglakad pabalik sa may pinto. Sinarhan ko iyon at pumwesto sa pader na katabi nito. Isinandal ko ang likod at matiyagang hinintay ang pagdating ng mga kaklase ko. Mga tinamaan sila ng magaling! Makikita nila mamaya kung ano ang hinahanap nila. Hindi na kasi ako nakabalik dito kahapon matapos ang duty ko sa canteen kaya hindi ko alam na ganito pala kagulo rito. Wala kaming klase pagdating noong hapon kaya tinuloy-tuloy ko na ang pagtatrabaho.     Maya-maya lang ay naririnig ko na ang malalakas na yabag ng mga paparating. May mga nagtatakbuhan pa sa labas. Humalukipkip ako at hinintay na magbukas ang pinto.     “Maayos ka na ba talaga, Neil?” Si Waldo ang unang pumasok. Isa ring kaklase namin. Patpatin ang katawan nito na parang isang pitik lang ay titilapon siya.     “Mabuti na lang kamo at nabuhay pa ang ungas na ito!” malakas na sagot ni Bruno at binigyan ng malakas na tapik sa likod si Sakuragi. Kasunod naman nilang pumasok si Isko na siyang kambal nitong si Bruno. May hawak itong cellphone kaya hindi rin ako napansin.     “Kung kayo kaya ang makalunok ng takip ng ballpen na mga damuho kayo?” sagot naman nitong lalaking pulang-pula ang buhok.     Nagdiretso sila sa gitna. Nakita ko pang hinawi lang nila ang mga upuan kaya lalong nagulo iyon. Ang ibang mga kaklase namin ay pumasok na rin at wala kahit isa man ang nakapansin sa akin. Mabilis silang nagkumpulan sa gitna. Iniwan pang bukas ang pinto. Marahas kong sinara iyon na nagdulot ng malakas na kalabog. Halos mapapalakpak ako ng sa wakas ay makuha ko ang atensyon ng mga damuhong ito.     “B-boss, magandang umaga!” Mabilis na tumayo si Neil s***h Sakuragi at sumaludo sa akin. Ganoon din ang ginawa ng mga kasamahan niya. Anong trip sa buhay ng mga ito?     Napakunot ang noo ko. “Anong ginagawa n’yo?” singhal ko.     Napalunok naman sila at mabilis na ibinaba ang mga kamay. Naglakad papunta sa akin iyong lalaking naiiba sa lahat ang kulay ng buhok. Tiningnan ko siya at mukhang maayos naman na ang lagay niya. Aba ang swerte niya at hindi niya tuluyang nalunok ang takip ng ballpen na ‘yon.     “K-kanina ka pa r’yan, boss?” tanong niya.     “Anong boss? Tigilan mo nga ako sa pagtawag na ganiyan.” Mainit na ang ulo ko kanina, lalo lang nag-iinit dahil sa kung anu-anong tawag nila.     “Ikaw na ang boss namin ngayon e.” Napakamot siya sa ulo. “Hindi ba, mga ulikba?” Nilingon pa niya ang mga kasama na magkakasabay na tumango.     “Oo nga, boss. Ikaw lang ang sakalam!” sabat naman ni Bruno.     Sakalam? Mga p-nyeta! Ano ang mga sinasabi ng mga ito.     “Upo ka na muna, boss. Baka napagod ka sa paglalakad.” Lalapit n asana sa akin si Isko nang hinampas ko ang upuan na siyang malapit sa kinatatayuan ko.     “Pwede ba? Tigil-tigilan ninyo ako!” Sabay-sabay rin silang napapitlag dahil sa sigaw ko. Naiinis ako pero parang mas gusto kong matawa nang pare-parehong mamutla ang kanilang mga mukha. Ang mga g-go! Ang laki ng takot nila sa akin?     “B-boss naman…” Si Sakuragi lang ang may pinakamalakas ang loob na magsalita sa kanilang lahat. “Oo nga pala, pasensya na sa inasta ko kahapon.” Napakamot siyang muli sa ulo. May balakubak ba siya?     “’Wag mo na uulitin dahil sinisiguro ko sa ‘yong mawawalan ka na rin ng leeg,” sagot ko.     Sunod-sunod siyang tumango at pasimpleng lumulunok. Inilibot ko naman ang tingin sa mga kasamahan naming nakikiusyoso rin. Umatras naman sila at kaniya-kaniyang kamot sa kanilang mga ulo. Ngayon ay naniniwala na akong pare-pareho silang may mga balakubak.     “Teka nga, nasaan ba ako?” tanong ko nang maalala ko ang dapat kong gagawin kanina pa.     “Ha? Siyempre nandito ka sa classroom, boss.” Isang kaklase ko rin ang sumagot, si Norman.     “Mukha bang nasa iba tayong planeta?” Sumabat naman si Bruno. “Boss naman.”     Nagtawanan sila. Napatawa rin ako. Naiisip ko pa lang ang ipapagawa ko sa kanila ay natatawa na ako.     “Classroom pala.” Tumango-tango ako. “Sigurado kayo?”   Ang kaninang mga nagtatawanan nilang mukha ay biglang nawala nang mapansing seryoso ako. May ilang napaatras na ngunit sinamaan ko iyon ng tingin kaya bumalik siya sa pwesto kanina.     “Kung classroom pala ito ay bakit mas mukhang basurahan ang lugar na ito?” Umalingawngaw ang malakas na boses ko sa apat na sulok ng silid namin.     “Boss naman,” mahinang ani Sakuragi na parang bata.     “Anong boss naman? Mukha bang classroom ito sa mga paningin ninyo? Sagot.” Pagpapatuloy ko.     Umiling naman sila. “Hindi mukhang classroom, boss. Tama ka, mas mukha pa itong tambakan ng basura,” sagot ni Ymar. Siya iyong nerd na pinagtanungan ko kung nasaan ang canteen.     Nilingon naman siya ng mga kasamahan pero hindi ito nagpatinag.     “Hindi pala mukhang classroom. Alam n’yo naman pala! Hala, sige. Simulan n’yo na ang maglinis,” ani ko.     “Boss… may taga-linis nito,” sagot ni Sakuragi.     Sinamaan ko siya ng tingin. “Hindi ibig sabihin na may taga-linis dito ay magkakalat na kayo. Dalawampung minuto. Binibigyan ko kayo ng dalawampung minuto para linisin ang classroom na ito.” Humalukipkip ako at sumandal muli sa pader.     “Boss, bakit ang bilis naman?” reklamo ni Bruno.     “Sampung minuto. Tumatakbo ang oras kung ako sa inyo ay magsisimula na ako.” Tinaasan ko sila ng kilay.     “Sampung minuto?! Ang unfa-!” Hindi na naituloy ni Isko ang sasabihin nang bigla siyang hilahin ni Sakuragi.     “P-tangina ka! Itikom mo ‘yang bibig mo. Kapag naging limang minuto na lang ay bibig mo ang ipapanlinis ko rito!” gigil na saad nito sa kaibigan.     Napatawa ako nang kani-kaniya silang pulasan palabas ng silid. At nakakamanghang wala pa halos isang minuto nang makabalik sila rito na may dala ng mga walis. Ang iba ay hinihingal pa. Sa kabilang hallway pa kasi kinukuha ang mga gamit panglinis. Nakakabilib ang bilis nilang kumilos.     “Mga p-nyeta kayo! Bilisan ninyo r’yan!” Madalas ang sigaw ni Neil sa mga kasama na tagaktak na ang pawis kalalampaso ng sahig.     Dapat lang sa kanila ‘yan. Marunong silang magkalat, dapat ay marunong din silang maglinis. Hindi habang-buhay ay mayroong maglilinis para sa kanila. Hindi nila pwedeng iasa lang iyon sa mga dati pang gumagawa nito. Kung kaya naman ay bakit hindi tumulong. O kung hindi man tutulong sana ay ‘wag na lang magkalat.     Eksaktong isang minuto bago matapos ang oras na ibinigay ko ay natapos nila ang pinapagawa ko. Impressive. Naglakad ako pabalik sa upuan ko. Diretso na ang pagkakahanay ng mga armchair na kanina lang ay bala-balandra ang pagkakapwesto. Medyo basa pa rin ang tiles na sahig mula sa paglalampaso nila.     “Wala man lang very good diyan, boss?” ani Sakuragi na nakalapit na rin sa inuupuan ko.     Napatingin ako sa likod niya kung saan nandoon din ang mga kaklase namin. Para silang mga tuta na sunod nang sunod sa ina nila, at ‘wag nilang sasabihin na ako ang inahin dahil masasampal ko sila isa-isa.     “Anong very good doon? Dapat naman talaga ay ginagawa n’yo ‘yon?” sagot ko.     Very good naman talaga sila sa parteng iyon pero siyempre hindi ko sasabihin. Ayokong lumaki ang ulo nilang lahat.     “Ayokong makikitang magulo o madumi ang classroom natin.” Tiningnan ko sila isa-isa. Inilabas ko ang ballpen ko dahil may susulatin sana ako pero para silang alon na bigla-biglang umaatras.     “Kapag nakita kong may kalat o alikabok man lang ay sisiguraduhin kong dila ninyo ang ipanglilinis ko ro’n. Nagkakaintindihan ba tayo?” Para silang mga bata na tumatango habang pinagsasabihan ng kanilang magulang.     “Good.” Umaliwalas ang mga mukha nila nang marinig iyon. Tsk. “Sige na, bumalik na kayo sa mga upuan ninyo,” saad ko pa na sinunod naman nilang lahat.     Bumalik sila sa kani-kanilang mga pwesto. Nandito ako sa likod at tinitingnan sila isa-isa. Sakuragi, I mean Neil Aragon is their leader. Ayon nga kay Luna ay siya ang tumatayong lider sa seksyon na ito. Nakikita ko rin ang pagsunod sa kaniya ng mga kasamahan. Mukha lang siyang maloko pero ramdam mo na may pakialam siya sa mga kasama. Ang kambal naman na si Bruno at Isko, ang tumatayong kanan at kaliwang kamay ni Neil. Sila ang lagi niyang kasama kahit saan pumunta. Ang iba pang mga kaklase ko na naririto rin sa loob ay tahimik na nakaupo sa kanilang mga pwesto.     Unti-unti ay uumpisahan namin sa pag-aayos ng classroom. Sasanayin ko sila na dapat ay marunong silang magligpit ng sariling mga kalat. Kaunting disiplina lang sa sarili at masasanay rin sila roon. Sunod naman ay ang pag-iintindi nila sa kanilang mga pag-aaral. Hindi uubra sa akin na mababa sila sa mga examination. Sa pananatili ko rito ay hindi na magiging patapon ang seksyon ng Bronze.     “Gusto kong lahat ay sasali at makikiisa sa recitation na gagawin sa bawat klase natin,” turan ko na nagpalingon sa kanilang lahat. Mga nagtatanong ang kanilang ekspresyon pero wala namang sumagot.     “I would give a prize…” Namilog ang mga mata nila. “Sa sinumang makakakuha ng maraming sagot sa bawat klase natin,” saad ko pa.     Sabay-sabay silang napapalakpak. Gusto kong matawa habang nakikita ang masaya nilang mukha. May mga napatalon pa kahit na hindi pa naman nila alam kung ano talaga ang premyo na ibibigay ko.     “Totoo ba, boss?” naninigurong tanong ni Neil.     “Bakit? Ayaw n’yo ba?”     Pakiramdam ko ay ako ang nahilo nang magkakasabay silang umiling ng sunod-sunod.     “Siyempre gusto, boss! Wala nang bawian ‘yan ah?” Tuwang-tuwa si Bruno na akala mo ay siya ang makakakuha ng premyo.     Nagsang-ayunan naman ang lahat. Napailing na lang ako at napapangiti. Kahit sa maliit na bagay ay magkaroon sila ng motibasyon. Sabi ko ay wala akong pakialam sa kahit na sino kapag pumasok ako rito pero hindi ko rin alam. Hindi ko nagustuhan iyong narinig ko mula kay Luna na patapon ang section na ito. Darating ang araw at hindi na mangyayari iyon.     “May the best man win.” Narinig ko pang saad ng kung sino.     Anong the best man win? Parang sasabak lang sa panliligaw ang mga damuhong ito. Nagsasaya sila sa wala pa namang kasiguraduhang bagay. Napapailing na lang ako habang pinapanood sila. Ang babaw rin pala ng kaligayahan ng mga lalaking ito. Naudlot din ang pag-iingay nila nang dumating ang professor para sa unang subject namin sa araw na ito. Napansin ko pa ang pagkagulat niya nang makita ang ayos ng silid.     “Wow! Akala ko ay naliligaw ako. Ito ang unang beses na malinis ang classroom ninyo.” Pumalakpak siya na waring tuwang-tuwa sa nakikita.     Hindi lang ito ang magiging unang beses. Sa pagtigil ko sa university na ito ay sisiguraduhin kong matututo rin ang mga magiging kasama ko. Kailangan din nila iyon sa buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD