NATATANDAAN niya kung ano ang nangyari sa kanya noong gabing iyon. Birthday ng isa sa mga kaibigan nilang si Raphael at nagyaya itong mag-bar. Noong mga panahong iyon, marami pa siyang barkada. Marami siyang kaibigan na nagsasama sa kanya sa kung saan-saang kalokohan kahit na nasa kalagitnaan na sila ng huling taon sa kolehiyo. Second year siya sa kursong tourism na hindi naman talaga niya gusto. Pero dahil iyon ang gusto ng kanyang mga magulang, iyon ang kinuha niya.
Sa bar na iyon, nalasing siya nang sobra. At sa sobrang kalasingan niya ay nalayo siya sa kanyang mga kaibigan. Doon niya nakausap ang ama ni Hans. Nagkainitan sila na nauwi sa isang one-night-stand. Natatandaan niya kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa. Ikaw ba naman ang turukan ng malaking karayom, hindi mo ba iyon maaalala? Ngunit sa lahat ng hindi niya matandaan, ay ang pangalan nito. Natatandaan niyang may sinabi itong pangalan, daks. Akala niya’y biro lang iyon.
“I’m Daxon Ferrer,” anito. “You look familiar, nagkita na ba tayo noon?”
Ilang beses na napakurap si Helena, nakaramdam siya ng panginginig ng katawan. Kinabahan siya. Dapat bang sabihin niya na nagkita na sila noon? Na dati silang nag-churva-han at nabuo nila si Hans?
“H-hindi pa po…” sagot niya. “Baka po marami lang po akong kamukha…”
Ngunit kabaligtaran ng gusto niyang sabihin, hindi niya nasabi ang totoo. Natakot siya, umurong ang dila niya. Paano kung sabihin niya nga? Baka isipin nitong nagsisinungaling siya, na gusto lang ipaako ang responsibilidad na hindi naman sa kanya.
Tumayo si Daxon mula sa kanyang swivel chair saka naglakad palapit sa kanya. Mula sa kanya’y lumipat ang atensyon nito kay Hans. Kabado siya habang tinititigan nito si Hans at inuusisa.
“Bagay sa kanya ang hinahanap ko. May hawig siya sa akin, pwede na.”
Napakagat siya sa labi at tiningnan si Daxon na marahang ginulo ang buhok ng kanyang anak. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Sa wakas ay nakilala na ni Hans ang tatay niya, pero sa ganitong sitwasyon naman!
“Magsimula na kayo sa Linggo. Tutulungan ka nitong si Eric na magbihis at ihahatid kayo sa restaurant na pupuntahan natin. You will meet my father and introduce yourself like we had a relationship before,” aniya. “Give me your number so I can send you the details as well as the script. Basahin mong maigi para hindi tayo magkamali sa sasabihin kay papa.”
“S-sige po, Sir…”
Umuwi sina Helena at Hans sa bahay ni Joyce pagkatapos no’n. Nanlulumo siyang pumasok sa loob ng bahay kahit pa dapat ay maging masaya siya na sila ang napili. Siguradong may kita na sila sa susunod na mga buwan, maaari pa siyang makapag-ipon. Kaya lang, kinakabahan siya. Alam niyang dapat niyang aminin kay Daxon ang totoo pero paano?
“Hindi kayo nakuha?” takang tanong ni Joyce.
Paano ba naman, nakabusangot siya. Kaagad na nilapag ni Helena si Hans sa crib nito bago sinagot si Joyce.
“Naaalala mo pa ba iyong araw na nag-bar tayo?” tanong ni Helena kay Joyce.
“Oo… iyon ‘yong araw na may naka-one-night-stand ka ‘di ba? Bakit mo naman natanong? Nakita mo na ba ang tatay ni Hans?” pabirong tanong ni Joyce.
“Oo…” Nag-angat siya ng tingin kay Joyce.
Ang nag-aalalang mukha niya ang nagpalaho ng ngiti sa labi ng kanyang kaibigan. Mukhang nabigla ito sa isinagot niya.
“Totoo ba?”
“‘Yung lalaking kumuha sa amin para magpanggap na mag-ina niya, siya ang totoong tatay ni Hans.”
“Ayun naman pala, nakuha naman kayo—ano? Anong sabi mo?” gulantang na tanong ni Joyce.
Nanlalaki pa ang mga mata nito na tila ba’y hindi makapaniwala.
“Hindi kapani-paniwala ‘di ba? Hindi rin ako makapaniwala nang makita ko siya kanina. Nabigla ako. Sa sobrang kaba ko, sinabi kong hindi pa kami nagkita noon kahit na tinanong niya kung nagkita na ba kami.”
“Ay gaga ka! Bakit hindi mo sinabi? Naghahanap siya ng anak kasi kailangan niya ng anak. E ayan na at si Hans na ang tunay niyang anak tapos pagpapanggapin mo pa?”
Napapikit siya nang mariin. Maging siya ay ganoon din ang nararamdaman. Pero kasi, hindi nawawala sa kanya ang pangamba na baka hindi nga siya nito paniwalaan!
“Paano kung hindi na nga niya talaga ako naaalala? Baka isipin niyang assume-era ako!”
Bumuntonghininga si Joyce saka humalukipkip. “Sa bagay tama ka, baka isipin niyang niloloko mo lang siya para perahan… e ano ngayon ang plano mo?”
Umiling si Helena saka naupo sa bangko na malapit lang sa crib ni Hans.
“Hindi ko pa alam. Sa ngayon susunod ako sa trabahong ibinigay niya sa akin at kay Hans. Pero ang siguradong gagawin ko ay ipaalam sa kanyang totoong anak niya ang anak ko.”
Sumang-ayon si Joyce sa sinabi niya. Kahit anong mangyari, kailangan niyang masabi kay Daxon ang totoo. Karapatan niya rin naman iyon dahil siya ang ama. Pero ang gusto niya sana ay maniwala ito at hindi lang basta nasabi niya lang. Matagal niyang hinintay ang pagkakataong makita niya ulit ang lalaking iyon, hindi pwedeng mauwi lang sa wala.
Linggo ng umaga ay naka-ready na kaagad si Helena. Sa ilang araw niyang pag-iisip, naisip niya ang solusyon na dapat niyang gawin. Iyon ay ang akitin si Daxon. Kung malapit na sila sa isa’t isa, hindi na siya mahihirapan pang sabihin dito ang totoo. Isa pa, wala namang mawawala. Single naman si Daxon… ang problema lang ay kung matapobre ang mga magulang nito. Malalaman niya pa mamaya.
Suot ang mini dress na kulay asul, na matagal niya ring itinago sa baul bago niya nagamit ngayon, umikot siya sa harap ng salamin at tiningnan ang kabuoang itsura niya. Hapit na sa kanya ang dress dahil matagal na ito, pero ayos lang dahil mas lalo namang nahubog ang kanyang katawan. Habang si Hans ay simple lang ang suot, pantalon at t-shirt na mukhang malinis.
“Mauuna na ako sa trabaho ko, Helena. Ingat kayo mamaya at balitaan mo ako, ha?”
Pakak na pakak ang makeup ni Joyce, suot ang corporate attire na palagi nitong suot sa tuwing may interview.
“Saan ka pupunta? Mag-a-apply ka ulit ng trabaho?”
Tumango si Joyce at saka isinukbit ang kulay pula niyang bag sa kanyang balikat.
“Oo, may nag-alok sa akin ng trabaho. Ayaw ko na sa pinagtatrabahuan ko ngayon. Kapag natanggap ako rito, mag-re-resign kaagad ako.”
Marahang tumango si Helena. “Okay, sige. Ingat ka at good luck!”
“Fighting sa ating dalawa!”
Tumango siya kay Joyce saka ito tuluyang umalis ng bahay. Naghintay pa muna sila ng alas-singko ng hapon bago sila umalis ng bahay.
Sa harap ng isang malaking mall, doon ang naging tagpuan nila ng sekretaryo ni Daxon na si Eric. May kasama itong babae na sosyal ang suot. Yumuko ito sa kanya paglabas ng kotse.
“Magandang hapon, Ma’am. Ako po ang mag-aayos sa inyo ngayong araw.” Inilahad nito ang kanyang kamay. “Tawagin n’yo na lang po akong Anya.”
Marahang tumango si Helena at saka tinanggap ang malambot na kamay ni Anya. Medyo nahiya pa siya dahil magaspang ang kanyang kamay. Nagmamadali niya itong inilayo.
“Sorry, magaspang ang kamay ko.”
Ngumiti lamang si Anya saka tumango. “Bibigyan ko na lang po kayo ng lotion na pwede n’yong magamit para hindi dry ang balat mo.”
Pumayag na lang din siya kahit na ang totoo ay medyo nakakahiya. Ano pa nga ba? Dapat lang na payag lang siya nang payag dahil trabaho ito. Kung ano ang gusto ng amo, iyon dapat ang sundin niya.
Panay ang wow ni Hans nang tuluyan na silang pumasok sa loob ng isang mall. Hindi naman sa hindi pa sila nakakapasok sa mall, pero matagal ang pagitan ng mga buwan bago sila ulit makapasok. At iba sa ordinaryong mall na pinupuntahan nila, mukhang mas pangmayaman ito. Bawat lingon nila ay puro sosyal na brand ang makikita. Na mayaman lang ang makakabili.
Pumasok sila sa isang boutique na may pangalang Prada. Pumili sila ng sapatos doon na babagay sa kanya. Kahit hindi niya gusto ang kulay emerald green na sapatos, pumayag siyang iyon ang kunin. Halos malula pa nga siya sa presyo nitong 50,000 pesos. Alam niyang barya lang iyon para kay Daxon pero kahit na. Ang 50,000 na iyon, pwede na niyang ibili ng pang-tatlo o apat na buwang grocery!
Sunod naman ay pumili sila ng dress. Ang dress na iyon ay kulay puting halter dress na hanggang sa kanyang tuhod lang. Binilhan din siya ng kwintas, hikaw at bracelet. Hanggang sa pumasok na sila sa Salon. Inayusan siya ng mga naroon. Kinulot ang buhok, nilagyan ng makeup…
Sa tagal ng panahon na huling nag-ayos siya, ngayon lang niya muling nakita ang paglitaw ng kanyang ganda… hindi siya makapaniwala na sa wakas ay mararanasan niya ulit ito.
“Okay na po kayo, Ma’am. Kami na po ang bahala kay Hans.”
Tumango siya at saka naupo matapos niyang pagmasdan ang sarili sa salamin. Si Hans naman ang binihisan nila na madali lang naman din nilang inayusan dahil bata lang ito at madaling pilian ng damit na babagay sa kanya lalo pa’t maputi ang balat saka gwapo.
“Ang gwapo naman ng anak ko.” Masayang niyakap ni Helena si Hans nang matapos itong bihisan. Sa pagkakataong ‘yon, nakaramdam siya ng kaunting konsensya para sa anak…
Kung madali lang sana niyang nalaman kung sino ang ama ni Hans, hindi siguro nito naranasan ang paghihirap. Siguro noong first birthday nito, nakatikim sana ng magarbong handa, magarbong cake at damit. Pero hindi iyon ang naranasan ni Hans. Noong unang birthday nito ay ni pansit, wala. Naubos ni Ronnie ang pera sanang paghanda sa birthday ni Hans. Isang taon niya iyong inipon na noong malapit na ang birthday ay nakita ni Ronnie. Ninakaw niya ito at umuwing galit dahil naubos ang pera sa sugal.
Sa tuwing naaalala niya ang araw na ‘yon, nasusuklam siya kay Ronnie. Naiinis din siya sa kanyang sarili dahil hinayaan niyang danasin niya at ng kanyang anak ang mga bagay na iyon.
Huminto sila sa paglalakad sa may parking area ng mall. Doon ay huminto sa kanilang harapan ang isang kulay itim na mamahaling kotse. Lumabas si Daxon sa driver’s seat at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.
Hindi alam ni Daxon kung ano ang kanyang mararamdaman nang makita ang pagbabago ni Helena. Habang tinitingnan niya ito, mas lalo siyang naguguluhan. Pakiramdam niya ay nakita niya na ang babaeng ito noon… hindi lang talaga niya maalala kung saan at kailan.
Nang bumaba ang tingin niya sa mga hita ni Helena, kaagad niyang inangat pabalik ang tingin sa maamo nitong mukha.
“Let’s go, naghihintay na si Papa,” aniya.
At saka niya binuksan ang shotgun seat para makapasok si Helena. Kakalungin sana ni Helena si Hans pero hindi pumayag si Daxon. Binuhat niya si Hans.
“May binili akong upuan para sa kanya sa likod. Delikado kung kakalungin mo lang siya na wala siyang sariling seatbelt.”
Marahang tumango si Helena at hinayaan si Daxon na bitbitin si Hans patungo sa likod ng kotse. Nilingon niya ang mga ito, pinaupo ni Daxon si Hans sa isang upuang pambata at saka nilagyan ng seatbelt.
Ewan niya ba, pero habang pinagmamasdan ang dalawa, hindi niya maiwasang mamangha… hindi niya kasi akalain na magkikita pa silang muli.
“Do you want a toy?” tanong ni Daxon saka may kinuha mula sa ilalim ng kotse.
Maging siya ay nabigla nang mayroon itong kinuhang eroplanong laruan.
“Wow!”
Amazed na amazed si Hans sa laruang iyon. First time lang ni Hans na magkaroon ng ganoong laruan.
“Play ka lang d’yan habang nasa byahe, okay?” ani Daxon.
Tumango si Hans saka pinagtuonan na ng pansin ang laruan niyang eroplano. Kaagad na isinara ni Daxon ang pinto ng kotse saka tuluyang pumasok sa driver’s seat. Nang makapasok si Daxon, tiningnan niya pa si Helena, nginitian, bago ibinaling ang tingin sa daan at binuksan ang makina ng sasakyan.
Hindi alam ni Helena kung ano ang mararamdaman niya nang ngitian siya ni Daxon. Ito ang unang pagkakataon na nakita niyang ngumiti si Daxon mula noong nagkita sila noong nakaraang araw. Pero tandang-tanda niyang sa ngiti ni Daxon siya nahulog noong gabing iyon.
“Sigurado kang hindi pa tayo nagkikita noon? Back when I was still in my playful stage, girls like you are my type.”
Nasamid si Helena sa sarili niyang laway nang dahil sa tanong na iyon ni Daxon. Kaagad siyang umubo at ibinaling ang tingin kay Daxon.
“Paano kung nagkita na nga po talaga tayo noon?” tanong niya.
Saglit na tumingin sa kanya si Daxon, umawang ang labi saka ngumiti.
“We probably didn’t get a steamy night,” he chuckled. “Sorry. I know that you’re not that kind of woman. Malabong sumama ka sa akin. You looked so innocent and you look like you’ll kick my balls if I try to hit on you.”
Pinagdikit ni Helena ang kanyang mga labi at na-realize na talagang hindi nga siya paniniwalaan ni Daxon. Mas mabuti nang sa ganito na lang muna sila magsimula. Kailangan niyang gumawa ng paraan para maakit niya si Daxon, para mas madali niyang maamin ang totoo.